Sabado, Disyembre 25, 2004
Hukbo ng Aguinaldo
Kaya hindi maiwasan ang nang yari noong umaga ng Pasko. Dumating ang sina Mom at Dad mula sa clinic dahil mayroong pasyente ng mga 6 ng umaga. Nang dumating sila ay nadatnan nila ang ilang mga batang namamasko at nahingi ng Aguinaldo. Dahil Pasko nga, binigyan ni Dad ang mga bata ng bagong bago at crispy na bente pesos. Natuwa naman ang mga bata.
Ngunit dinagtagal ay mayroon pang dumating na ibang mga bata. Namamasko rin. Binigyan at umalis. At may dumating pa. At binigyan. Hindi nagtagal, dinagsa na ang tapat ng bahay. Isang malaking hukbo ng mga nahingi ng Aguinaldo ay nagsiksikan sa kalsada. Sa sobrang dami ng tao noon ay hindi na makadaan ang mga kotse. Pati na nga ang mga matatanda ay nakisali na rin sa paghingi ng pera mula kay Dad. Malugod namang binibigyan ni Dad ang mga bata at matatanda. Magulo. Nagsisigawan. Mabuti hindi nag-riot.
Hindi naman ang lahat ng dumayo ay hindi namin kakilala. May mga inaanak sa binyag nina Mom at Dad ang dumating sa bahay. Madami din silang inaanak sa binyag. Hukbo din. Mabuti na nga lang at yung iba ay matanda-tanda na rin kaya hindi na nagpupunta ng madalas.
Bakit binibigyan, hindi naman kakilala? Ewan. Masaya kasi. Makita mo ang mga ngiti ng halos isang daang tao, sinong tatanggi doon. Kung may ngiti ang binibigyan, may ngiti rin ang namimigay.
So... Happy Together
Pumapalibot ang pelikula sa buhay nina Osmond, na ginampanan ni Eric Quizon, at Lianne, na ginamapanan ni Kris Aquino. Si Osmond ay isang bading na copyrighter at si Kris naman ay isang self-employed na negosyante. Kabuuan ng karanasan ng mga tauhan na ipinapakita ng pelikula ay ang buhay pab-ibig ng dalawang tauhan. Ang mga lalaki sa buhay nilang dalawa at ang kanilang mga kapamilya. Maraming beses binanggit ang salitang sex. E mayroong mga bata sa mga nanonood. Ang isang batang na malapit sa amin ay tinanong sa kanyang ama kung ano ang "sex." Sagot ng ama, "Naglalaro." Salamat sa parental guidance.
Mahaba ang fabula ng pelikula. Mahaba rin, mga 40 taon kung hindi ako nagkakamali. Pero nakakatuwa naman na parang hindi ganoong kabilis ang pagdaloy ng panahon para sa akin. Maganda ang mga transisyon mula sa isang bahagi patungo sa isa. Pero naiinis ako dahil mga detalyeng hindi bagay o kaya ay kulang. Hindi ko gaanong nakilala ang mga anak ni Lianne at ang ina ni Lianne. Dahil siguro masyadong banat ang kuwento lalo na sa mga buhay nila. Isiksik mo ba naman ang ilang dekada sa loob ng dalawang oras. Ang dami-dami pa ng mga tauhan. Kaya mahirap mapalapit sa mga tauhan maliban kina Osmond at Lianne. At sa totoo lang, kay Osmond lang ako napalapit dahil siya ang tagapagsalaysay at asar ang tauhan na si Lianne. Maganda ang mga dialogo ng pelikula, kahit na medyo pilit ang ilan. Nakakatuwa naman ang mga sitwasyong at eksena.
Sa kabuuan, ok din ang pelikula. Pero mayroong mga bagay na, kung sanay ka at bukas, ay hindi mo mapapalampas lalo na kung alam mo na maaaring maging mas maganda ang pelikula kung wala ang mga problemang iyon. May mga magaganda mg asandali ang pelikula, lalo na ang mga eksena ng binging ina ni Osmond, na ginampanan ni Nova Villa. Nakakatuwa talaga iyon. Sobra. Kung mas mahigpit pa ang mga pagsasalaysay at pagkukuwento, marahil magiging mas maganda ang pelikula. Pero ngayon, naging isa na lamang siyang ok na pelikula.
Panaghoy sa Suba
Pumapalibot ang buong kuwento kay Duroy, na ginampanan ni Cesar Montano na direktor din ng pelikula. Isa siyang bangkero. Salat at hirap ang kanyang buhay. Ipinapakita ng pelikula ang kahirapan ng kanyang buhay at ang mga mahihirap na pangyayari sa kanyang buhay. Mula sa pag-iwan ng kaniyang ama, pagkamatay ng kanyang kapatid at ina, at ang Ikalawang Digmaan na dumating sa kanyang isla.
Kaya hindi ito isang war film, isang pelikulang pandigma. Bahagi lamang ng kanyang karanasan ang digmaan. Kaya sa bandang huling kalahati lang ng pelikula nangyari ang digmaan.
Puno rin ng bugso ng damdamin ang pelikula. Maraming mga tauhan na nagkikimkim ng malalakas na damdamin. Mga damdamin na binubuhos o tinatago. Dito inilalabas ng pelikula ang mga tambalan at tensiyon.
Pero pagminsan, ang hirap maintindihan ang mga tauhan. Kaunti lamang ang dahilan para sa mga ginagawa nila. Kulang sa pasasalaysay o pagpapakita. Para siyang isang maikling kuwento na ipinapakita lamang ang kailangang ipakita. Kaya mahirap madaling maintindihan ang pelikula dahil sa kaunting at maliliit na mga bagay ay nagbabago ang daloy ng kuwento.
Consistent at tulo-tuloy ang pelikula pagkarating sa presentasyon. Tuloy-tuloy ang pagpapakita ng kapayakan ng buhay ng mga mamamayan at tauhan. Kakulangan sa buhay hanggang sa kakulangan ng armas sa digmaan. Ganoon din naman sa pagsasalaysay. Pigil at malinaw. Malilito ka lang kung hindi ka handa sa pagtanggap sa mga maliliit na bagay na binabato ng pelikula. Nakakatuwang isiping isa itong direksiyon ni Cesar Montano. E mulat na mulat siya sa mga pelikulang aksiyon. Kamangha-mangha na hindi niya dinala doon ang pelikula. Nakakapagtaka nga na ang mga bahaging may bakbakan ay parang kulang.
Maganda ang pelikula. May ilang munting sandali na hindi siya nagiging lohikal pero ganoon naman tagala ang mensahe ng pelikula. Walang dahilan ang buhay kung hindi mabuhay.
Miyerkules, Disyembre 22, 2004
Super Size Me
Isang anti-fastfood at, ultimo, anti-McDo ang documentary na ito. Si Morgan, ang direktor at bida ng pelikula, ay kakain lamang ng sa McDo, umaga, tanghali, at hapunan, sa loob ng 30 araw. Susubaybayan ang kanyang katawan ng mga doktor at iba pang mga eksperto.
Ngunit hindi lamang puro pagkain ang pinapakita ng pelikula. Malalim na pinag-uusapan ng pelikula ang mundo ng fastfood. Mga statistiko at datos ay ipinakita nila sa isang makulay at simpleng paraan. Mga nakakatuwang animation at mga interesanteng kuwento. Kaya madaling makakumbinsi.
Maganda ang pagbabalanse ng pelikula sa mga nangyayari kay Morgan at sa mga datos at inpormasyon na ibinibigay nito. Mula sa mga araw-araw na pagkain ni Morgan hanggang sa mga check-up niya sa mga doktor ay magaling na pinapaggitan ng mga statistiko at magagaling na animation tungkol sa McDo.
Kagaya ng sinabi ko, napaka-biased laban sa McDo ang pelikulang ito. Pero sa epektibo ang pagkumbinsi ng pelikula sa pag-ayaw nito sa McDo. Makumbinsi man ang manonood o hindi, malinaw ang mensahe ng pelikula at naipahayag naman ito sa isang malinaw at nakakatuwang paraan. Sige, bibili pa ako ng BigMac.
Huwebes, Disyembre 16, 2004
Hubad na Larawan at ang id
Gulat ang naging reaksiyon ni G. Tirol sa issue. Tinanong niya sa isa kong kaklase na bahagi ng Matanglawin kung bakit nila hinayaan na mapasama ang larawan sa issue. Hindi alam ng kaklase ko kung bakit nga napasama ang litrato. Sa kanilang meeting daw, hindi daw iyon ang naabutan niyang ilalagay sa pahayagan. Mayroon daw isang editor na nagpasya na iyon ngang larawan ang gamitin.
Tanong naman ni Sir Tirol kung bakit ang litratong iyon at ano ang koneksiyon noon sa artikulo. Pinagtanggol naman ng kaklase ko na bahagi iyon ng kuwento. Si GMA, sa artikulo ng Tangang Lawin, ay napakahilig sa atensiyon kaya "lumabas" ang mga "nude videos." Kaya daw ang litrato.
Pero mukhang hindi kumbensido si Sir Tirol. Spoof issue man iyon, kailangan ng galing ang pagsusulat at mukhang hindi nagalingan si G. Tirol.
Sa tingin ko, hindi naging maganda ang pagkakagawa ng Tangang Lawin. Kagaya ni G. Tirol, wala akong nakita sobrang nakakatawa. Nakakapanghuli ng tingin pero hindi ako natawa. Siguro nga kinailangan na pagsabihan ng Admin ang pahayagan pero sa tingin ko ay hindi nararapat na i-suspend ang pahayagan.
Pinag-usapan din ang issue na ito noong huling klase ko sa Fil104. Ayon kay Sir Devilles, hindi issue kung ano ang laman ng pahayagan. Ang tanong, bakit nila ginawa iyon. Bakit napasama ang larawan na iyon. Para kay Sir Gary, sa lahat ng mga rason at dahilan kung bakit, mayroong isang di masabi na nag-udyok at nagdala sa mga gumawa ng Tangang Lawin sa ginawa nila. Isang di masabi na gusto nilang ilabas na ginawa nila gamit ng pagpapatawa. Pinag-uusapan namin si Freud. Isa daw iyong "hinaing." Isa daw iyong pagpapahayag, tasteless man o hindi, ay hindi dapat hadlangan o sakalin. Dapat gabayan, marahil. Pero sakalin, hindi. Para kay Sir Gary, may gustong sabihin ang mga taga-Matanglawin na mas malalim pa sa ginawa nilang kuwento at kailangan daw iyon na sagutin.
Pinagtanggol ni Sir Gary ang Matanglawin. Walang magagawa ang Admin sa nangyari dahil nangyari na. Kailangan lang nilang hanapin kung bakit. Hindi lamang isang "gusto nila" o "bahagi ng kuwento" na dahilan.Kailangan nilang hanapin kung ano yung hindi masabi.
Nakakatuwa nga daw at yung spoof issue pa ang napag-initan o binigyang pansin e ang dami-dami daw na mga issue na inilabas ang Matanglawin kung saan kinailangan ng aksiyon. Bakit yung pagpapatawa ang binigyan ng sulat at hindi yung ilang mas seryosong issue ang sinagot at ginawan ng open letter.
Panghuli mula kay Sir Gary, hindi dapat na i-suspend ang pahayagan dahil mas nakakatakot iyon. Para daw iyong pagpunta sa totalitarianism. "Matakot [ka] kung hindi [mo] na mapaglalaruan o pagtatawanan ang mga problema mo o mga damdamin mo," sabi niya. Ang kagandahan ng ating lipunan ay ang kalayaan na magbukas ng diskurso. Iyon lang naman ang kailangan nating gawin. Mag-usap.
Lunes, Disyembre 13, 2004
Isang Pag-unawa sa “The Tagalog Theater” ni Epifanio de los Santos
Panimula
Nilimbag ang sanaysay ni Epifanio de los Santos “El Teatro Tagalog” noong 1911 sa wikang Kastila bilang bahagi ng “Cultura Filipina” at nilimbag muli sa “Dictionary of Philippine Biography.” Kilala si Epifanio de los Santos bilang isang manunulat at mananaliksik ng panitikan at kasaysayan. Sa init ng himagsikan ay naging editor siya ng pahayagang “La Independecia,” isang maka-rebolusyonaryong pahayagan.
Binigyan ng panimula ni Prof. E. Arsenio Manuel ang sanaysay. Pinaalalahanan niya ang mambabasa sa ilang mga bagay tungkol sa sanaysay. 1) Halos wala sa mga mag-aaral ng panitikan ang nakakaalam sa sanaysay na ito dahil sa wika kung saan ito unang naisulat at sa kalumaan nito; 2) Hindi siya monograpik o detalyado na sanaysay; 3) Walang depinisyon ang sanaysay kung ano ang dula o teatro para kay Epifanio de los Santos. Makikita ang mas malalim na pag-uuri at pagtalakay niya sa paksang ito sa “Notas” niya sa edisyon ni W. E. Retana ng “Sucesos de las Islas Filipinas” ni Antonio de Morga.; at 4) Maraming mga nabanggit na halimbawa at teksto si de los Santos na mahirap nang makita o hindi na matatagpuan ngayon.
Pagbubuod
Nahahati sa anim na bahagi ang sanaysay ayon sa pag-uuri ni Epifanio de los Santos sa kapanahunan ng dulaang Tagalog. 1) Before the Conquest; 2) Typical Pieces of Tagalog; 3) Assimilation of Spanish Literature; 4) A New Orientation; 5) National Rebirth; at 6) That Another Much Higher Value Arises.
Kagaya ng “Ang Tatlong Panahon ng Tulang Tagalog” ni Julian Balmaseda, wala pa ring ideya ng isang wikang Pilipino sa loob ng sanaysay. Pero hindi wika ang tinatalakay ng sanaysay. Sa kabuuan, tinatalakay nito ang mga katangian ng dula at ang kasaysayan nito.
Before the Conquest
Ayon kay de los Santos, ang dulang Tagalog sa panahong ito ay binubuo ng mga sayaw na sinasamahan ng mga awit at tula. Pumapalibot naman ang banghay ng mga dula sa pag-ibig.
Sa pananakop ng mga Kastila, iniwan na ng mga katutubo ang mga tradisyon nila at tinanggap ang mga gawain ng mga mananakop. Pero nanatili ang katutubong dulaan kasabay ng dulaan na nabahiran ng mga katangiang banyaga. Sa simula ay malinaw na makikita ang pinagkaiba ng dalawa ngunit di nagtagal ay naging imposible nang makita ang pinagkaiba ng dalawang uri.
Typical Pieces of Tagalog
Hinati ni de los Santos ang mga pankaraniwang gawang Tagalog sa dalawa: 1) ang mga duplo at karagatan, at 2) ang mga corrido at awit.
Duplo. Ang duplo ay isang halong uri na farsiko o kaya ay dramatiko, depende sa okasyon ng pagtatanghal. Ang duplo ay magiging isang tunggalian ng mga akusado at tagapagtanggol upang mapagbigyang linaw ang isang paksang panlipunan gaya ng pagnanakaw. Ang mga kilalang duplero ay mga aral at kalimitang mayroong sariling aklatan.
Karagatan. Ang karagatan ay hango sa uri ng duplo pero medyo erotiko na kalimitang nagtatapos sa pagpapakasal ng mga pangunahing tauhan. Naging popular ang mga karagatan noong ika-17 at ika-18 siglo kaya noong 1741 ay pinigilan ng Arsobispo ang patatanghal ng mga karagatan ng walang pahintulot.
Awit at Corrido. Hindi malalim at lubusan ang pagtalakay ni de los Santos tungkol sa mga uring ito pero binigyan niya ito ng anyo. Ito ay, datirati, anim na baybay na naging labing dalawang baybay na hinati sa anim dahil kay Balagtas.
Assimilation of Spanish Literature
Nagsimula ang paghahalo ng panitikang Kastila sa katutubo nang simulang isalin ang mga Kastilang komedya. Ang naging resulta ng paghahalo ay ang moro-moro na, kalimitan, ay ang paksa ng tagumpay ng relihiyong Katoliko sa Islam. Puno ng makasaysayan, heograpiko, at estetikang kamalayan pati na rin mga katutubong halaman at hayop ay matatagpuan sa mga komedyang ito. Puno rin daw ito ng mayayabang na galaw pati na rin ang walang pakakialam sa gawa ng tanghalan, ang basta-bastang pagpili ng mga aktor. Para kay de los Santos, nararapat na tawaging halimaw ang mga moro-moro.
Sa kabuuan, ang mga gawang Tagalog ay kinabubuuan lamang ng mga halos isang dosenang orihinal na komedya, ilang pag-aayos ng Pasyon, at ilang mga awit at corridong binagay sa dulaan. Ang Pasyon, Ang San Alejo, at Florante’t Laura ay hindi sinulat para sa dulaan kundi awitin.
Malay ang pagtuligsa si de los Santos sa moro-moro. Pero sa likod ng mga di kaaya-ayang mga katangian ng moro-moro ay may mga biyayang kailangang makita kagaya ng magagandang gawa na tulang Tagalog at ang mga naligtas na sayaw pandigma mula pa sa mga panahong nakalipas. Mga bahagi ng panitikan at sining na Tagalog na nagpapakita ng kagandahan ng kulturang Pilipino.
A New Orientation
Ito ang panahon ng pagbabago, ayon kay de los Santos, ng patutunguhan ng dulaan. Mula sa relihiyoso at walang kaayus-ayos na pagtatanghal, nagkaroon ng bagong oryentasyon ang mga manunulat patungo sa makabago, maka-Pilipino, makabayan, at nasyonalistikong mga sulat. Halimbawa nito ay ang El Rezaga, El Amor de Una Mestiza, at Jose el Carpintero ni Juan Zulueta de los Angeles.
National Rebirth
Ito ng panahon ng pag-uusig patungo sa pagsasabansa dulot ng himagsikan at digmaan na pinaglaban ng mamamayang Pilipino. Binigyang halaga ni de los Santos ang pagbabago ng oryentasyon at ng paksa ng mga dula upang itaguyod ang bagong bansang Pilipino. Nararapat lang na isang-tabi na ng mga Pilipino ang romansa at paghahanap ng himala para sa lumago ang isang modernong bansa.
That Another Much Higher Value Arise
Dito ay nagbibigay ang sanaysay ng mga halimbawa ng mga makabagong dula. Ang mga dulang Amor Patrio ni Pascual Poblete at Con la Cruz y Espada ni Manuel Xerex Burgos sa wikang Kastila at Mga Karaniwang Ugali ni Ambrosio de Guzman, Sinukuan ni Aurelio Tolentino at Sampaguita at Debi ni Patricio Mariano. Ngunit bukod-tangi ang pagpuri ni de los Santos sa mga gawa ni Severino Reyes. Binanggit niya ang R.I.P., ang simbolikong paglibing ni Severino Reyes sa makalumang moro-moro, at Ang Kalupi, isang dula na tinitingnan ang mga nakakatwang gawing Filipino. Para kay de los Santos, sa Ang Kalupi ay nakamit ni Severino Reyes ang tinatamasang pagbibigay ng galak na hindi gumagamit labanan ng mga sandata. Pero ang Walang Sugat ang lubos na binigyang tuon. Inaamin niya na isa itong politikal na reaksiyon mula sa nakaraang himagsikan kaya ito naging popular at tinangkilik. Ngunit kapag nawala na ang mga maigting na damdamin ng mga mamamayan, ayon kay de los Santos, makikita ang kagalingan ng dulang ito. 1) Ang kapayakan ng buhay ng mga tauhan; 2) ang magaling na pagbibigay buhay sa mga tauhan na para bang makakasalamuha ng mga manonood ang mga tauhang ito sa tunay na buhay; at 3) Ang masigla at ganap na pagsasakatao ng mga tauhan bilang mga tunay na Pilipino.
Nagtatapos si Epifanio de los Santos sa “patay o himala kung hindi umirog.” Isang tahakang pagsabi sa kanyang nararamdamang paghanga sa dula at, lalo na, sa mga tauhan nito.
Pagpuna
Ang paksa ng sanaysay ay ang dulang Tagalog at ito ay isang pagtingin sa katangian ng dula ayon sa panahon. Tinitingnan nito ang mga pagbabago sa paglipas ng panahon ayon 1) sa porma at 2) sa nilalaman. At naging tuluy-tuloy naman ang panayam ni Epifanio de los Santos mula simula hanggang katapusan.
Inamin ni de los Santos, sa simula, ang paghahalo ng banyaga sa katutubo at mahirap nang tukuyin kung alin sa mga katangian ng sining ang katutubo o banyaga. Pero naandoon pa rin ang pag-asa, sa kanyang tono, na maaari pang makita ang katutubo kahit na napakaliit lamang pagkakataong ito.
Sa ikalawang bahagi, Typical Pieces of Tagalog, tinalakay ni de los Santos ang porma at paksa ng mga gawang Tagalog. Pero hindi niya ito nilalagay sa pedestal ang mga gawang Tagalog. Inulit niya ang sinabi ni Rizal, “The early songs, the early sainetes, the first drama, that I saw in my childhood years and which lasted three nights, leaving in my soul an indelible memory, in spite of their crudeness or ineptitude, were in Tagalog. It is like an intimate family feast, of a poor family.” Samakatuwid, mahalaga ang mga gawang Tagalog dahil, mismo, gawa ito ng Pilipino at bahagi ito ng nakagisnan na. Ngunit may mga katangian itong di-pormal at pangmasa. Si Epifanio de los Santos ay isang ilustrado, bahagi ng mataas na uri. Dahil dito, mayroong kaunting paglayo si de los Santos sa mga gawang Tagalog dahil sa pagiging pangmasa nito.
Kaya, sa kalagitnaan ng sanaysay, mas ispesipiko ay sa Assimilation of Spanish Literature, ay nagsisimula nang lumabas ang pagkiling ni de los Santos. Unti-unting umaapoy ang kanyang makabayan at nasyonalistang damdamin mula sa bahaging hanggang sa katapusan nito.
May bahid ng pagtuligsa ang kanyang pananaw tungkol sa mga gawa sa panahong ito, lalo na ang mga moro-moro. Para kay de los Santos, hindi maganda ang mga pagtatanghal ng mga moro-moro dahil sa 1) puno ito ng yabang; 2) walang pakialam sa magandang paggawa ng tanghalan; at 3) hindi propesyonal na pagpili ng mga aktor. Nagiging magulo ang proseso at pagtatanghal ng mga moro-moro. At mga lehitimo itong mga problema lalo na para sa isang kagaya ni Epifanio de los Santos na isang manunulat at kritiko na palaging naghahanap ng patunay sa kalidad ng ating sining. At, marahil, medyo masakit na makita ang basta-bastang pagtatanghal ng mga moro-moro.
At may pang-apat pang dahilan, kung sisipatin ang kanyang mga sinabi sa mga susunod na bahagi, kung bakit hindi lubusang tinataguyod ni de los Santos ang moro-moro. Iyon ay ang mala-pantasya at di-Pilipinong mga tauhan na may banyagang kaugalian. Upang makamit ang bagong lipunan na kailangan para sa bansang Pilipino, kailangang iisang-tabi ang mga romantikong mga paniniwala at palitan ng makabayan at makabagong pag-iisip.
Pero hindi puro pagtanggi sa moro-moro ang ginawa ni Epifanio de los Santos sa sanaysay. Inamin naman niya na may magandang naitulong ang mga moro-moro at iyon ay ang pagligtas sa mga magagandang tulang Tagalog at mga sayaw pandigma. Kilala ang mga moro-moro sa mga sayaw nito gamit ng tunay na sandata. Sinasabi din na sa tulong mga moro-moro ay nakaligtas ang pandigmang sining na arnis sa Pilipinas.
Pinagtitibay naman ng ika-apat na bahagi, A New Orientation, ang pagbabago sa lipunan ng Pilipino. Ito, ayon kay de los Santos, ang panahon ng pagbabago sa sining ng dula dahil mismo sa pagbabago ng mga paniniwala at panahunan. Nagsisimula nang maging kritikal ang mga Pilipino, lalo na ang mga repormista, sa mga kakulangan sa lipunan. Halimbawa nito ay ang El Rezaga ni Juan Zulueta (1878) na pinapakita ang kakulangan ng pamahalaan. Ginagamit na sa panahong ito ng mga may-kaya ang lahat ng pamamaraan upang ipakita ang mga problema ng lipunan, para maudyok ang mga tao patungo sa pagbabago ng lipunan. Dito rin sa panahong ito nagsimulang gumawa ng mga dulang “ayon sa saligan.” Kung ano man ang mga saligang iyon ay hindi lubusang napag-usapan sa sanaysay. Sa puntong ito, naging malabo na kung ano ang katangian ng porma ng mga dula ngunit lubasang pinag-usapan ang nilalaman (o dapat nilalaman, kung pakikinggan ng mabuti ang tono ni de los Santos) ng mga dula.
Sa ika-limang bahagi, National Rebirth, lubusan nang bumuhos ang damdamin at pagkiling ni Epifanio de los Santos. Kitang-kita dito sa bahaging ito ang kanyang pagka-repormista at, sa huli, ang kanyang nasyonalismo sa Bansang Pilipinas. Isa itong pagpapatuloy ng ikaapat na bahagi. Ngunit ngayon, dahil sa himagsikan at digmaan, ang mga ideya at pagbabago, na nasimulan sa ika-apat na bahagi ngunit hindi napansin sa panahong ding iyon, ay tuluyan nang kakapit at magbubunga sa dulaan. Gamit ng sining ay mabubuo ang isang ganap na lipunang Pilipino, edukado at may-alam, na magiging pundasyon ng Republikang Pilipinas. Ito ay isang damdamin na mainit noon at pinaglaban sa himagsikan at digmaan bago sumapit ang ika-20 siglo.
At, ultimo, ang damdaming makabayan na ito ay magpapatuloy sa huling bahagi, That Another Much Higher Value Arises. Para kay de los Santos, maganda ang kanyang kasalukuyang panahon dahil unti-unti nang nawawala ang mga bisyo ng nakaraan lalo na sa pagkagawa ng sining. Dito sa panahong itong umusbong at dumami ang mga dulang patungkol sa pag-uugali ng mga Pilipino, isa tinatamasang kritikal na pagtingin sa lipunan. At may galak na sinabi ni de los Santos, ang pagtangkiling sa mga mamamayan sa mga ganitong uri ng dula. Bukod-tanging binibigyang puri naman ang dulang Walang Sugat ni Severino Reyes. Nakakatuwang makita ang pagtatama na ginawa ni de los Santos sa kanyang damdamin. Inaamin ni de los Santos na isang reaksiyong politikal ang dula kaya ito naging popular sa kanyang panahon. Pero pinagtanggol naman niya na may mga magagandang katangian ang dula lampas sa politikal na mensahe nito. Kagaya ng nabanggit sa pagbubuod: 1) Ang kapayakan ng buhay ng mga tauhan; 2) ang magaling na pagbibigay buhay sa mga tauhan na hango sa mga tunay na katangian ng pangkaraniwang tao; at 3) Ang masigla at ganap na pagsasakatao ng mga tauhan bilang mga tunay na Pilipino.
Magtatapos si Epifanio de los Santos sa kanyang sanaysay na pinagtitibay ang kanyang mga paniniwala, repormista at makabayan. Binigay niya ang kanyang lubos na suporta at pagtangkilik sa mga dula ng kanyang kapanahunan sa paghambing niya sa kanyang sarili kay Aladin na umibig kay Flerida dahil mayroon siyang likas na ganda na isang lamang matigas ang puso o isang sira ang ulo ang hindi mapapaibig.
Pagwawakas
Sa isang mas malalim na pagbabasa, hindi lang pala isang pagtingin sa katangian ng dula, mga pagbabago nito at kasaysayan ang sanaysay na ito. Isang itong pagsasabi at pagtuturo na maganda ang dulang Pilipino. Mula sa mga gawang Tagalog, kahit na hindi pino, patungo sa mga moro-moro, na tinunuligsa ni de los Santos, hanggang sa mga makabagong dula pagkatapos ng digmaan, mahalaga ang lahat ng mga bahaging ito dahil nagpapakita sila ng katangiang Pilipino. At para doon, huwag natin sana silang baliwalaan, ano man ang pagkiling natin, gaya ng ginawa dito ni Epifanio de los Santos.
Miyerkules, Disyembre 08, 2004
Riles
Una muna, ang daming nanood. Punong-puno ang Escaler. Lahat ng upuan ay nakuha na pero nagdadatingan pa rin ang mga tao. Kaya umupo na lang ako sa sahig.
Tungkol ang pelikula sa pang-araw-araw na buhay ng mag-asawang Renomeron, sina Eddie at Pen. Sinusundan lang ng kamera sila. Natural lang ang kanilang mga kilos. Nakakatuwa nga kapag sinusundan si Mang Eddie kasi palagi siyang nagpapatawa. Mas "candide" at palatawa si Mang Eddie na kinaiinisan naman ni Aling Pen kasi ang daming pinoproblema ay nainom at di-sineseryoso ang kanilang buhay. Malaking bahagi ng pelikula ay nag-aaway sila. "Machine gun 'yang si Pen," sabi nga Mang Eddie habang nag-aaway sila.
Mapapalapit ka sa kanila at mga anak nila dahil kahit alam nila na mayroong kamera, ganoon talaga ang buhay nila. Hindi sila naiilang na sabihin ang gusto nilang sabihin at gawin ang gusto nilang gawin. Binatukan pa nga si Mang Eddie ni Aling Pen sa kanilang pag-aaway.
Pero lamang hindi ang kanilang pag-aaway ang pinakatampok ng pelikula. Ang mga panahon na nag-iisa lamang sila, kinakausap ang kamera o kanilang sarili. Mga tabing sabi ni Mang Eddie noong nainom kasama ang kapit-bahay. Ang mga lungkot at pag-aalala ni Aling Pen tungkol sa mga anak nila at sa mga inaalagaang pamangkin.
Halos buong karanasan ng pagiging mahirap ay nakuha ng pelikula sa loob ng 70 minuto nito. Ang mga pangarap ng mga bata. Ang hirap ng paglalako ng balut. Ang problema ng pagtira sa isang tagpi-tagping bahay. Ang mga tuwa at ligaya para maibsan ang kahirapan. Pati ang pagpapalipas oras sa videoke, mga awit na inaawit ng mga taga-riles, na pinapakita ang mas malalim na katotohanan at damdamin ng pelikula.
Maraming mga ginawang mga camera technique ang pelikula. Mga sandaling pagtingin sa isang pangyayari na hindi nakatutok sa pamilya. Paghuli sa mga daga. Pagtingin sa kabuuang riles. Pagtingin sa ginibang bahay. Mga maiikling sandali na kumukuha ng mga malalakas na damdamin mula sa mga manonood.
Walang sound effects ang buong pelikula. Gumagamit lang ito ng mga natural na tunog. Malalakas at malinaw ang mga boses ng buong pamilya Renomeron. Simple lang dahil hindi na kailangan dramatic effect ang pelikula. Malakas na ang biswal.
Kaya pagkatapos ng pelikula, noong dumating ang mag-asawang Renomeron para sa open forum na ginawa, ay parang napalapit talaga ako at marahil ang karamihan sa kanila. Seryoso ang pelikula pero may puso ang pagkakagawa dito. Marahil, mataba kasi ang puso ng mga Renomeron.
Lunes, Disyembre 06, 2004
Cavite
Nagkita-kita ang mga sumama sa Xavier Hall. Naghihintay na doon ang mga bus at ang mga guro. 6:30 ng umaga ay nagsisakayan na ang mga tao pero mga 7:00 na ng umaga bago pa kami umalis ng Ateneo kasi hinintay pa namin ang mga nahuli.
Sumakay ako sa bus # 2. Naging katabi ko ang isang kong kagrupo sa papel para sa Hi166. E medyo malaki din siya kaya nagsiksikan kami sa inuupuan namin. Hindi naman sa sobrang siksikan. Para bang sakto lang ang upuan namin kaya iyon medyo hindi komportable kaming dalawa.
Una naming tigil ay sa Kawit, Cavite. Sa Aguinaldo Shrine, ang bahay ni Heneral Aguinaldo na pinagdadausan ng mga seremonya tuwing Araw ng Kalayaan. Ok din ang bahay. Malaki. Ilustradong-ilustrado ang dating. Mayroon pang sariling bowling alley ang bahay. Astig. Hanggang ikalawang palapag lang kami pero mukhang mas marami pa doon ang mga palapag ng bahay. Nasa likod ng bahay naman ang mga labi ni Hen. Aguinaldo. Nakapaloob sa marmol. Ang dami ng mga larawan at litrato ng mga bumisita sa bahay. Mga presidente ng Pilipinas at ng ibang mga bansa, mga heneral, at mga prime minister. Maganda nga rin pala ang kotse ni Aguinaldo, isang 1924 Rolls-Royce sa pagkakatanda ko.
Sunod naming pinuntahan ay Cavite City. Naan doon ang Sangley Point at Fort San Felipe pero hindi kami pumunta doon dahil sarado ang mga iyon tuwing Linggo. Pero tinuro naman sa kung saan ginanap ang Battle of Manila Bay. Ok nasa pero ang dumi ng tubig doon. "Tumalon ka diyan sa tubig. Pag-ahon mo may tatlo ka nang mata," biro ng isa sa mga kasama ko sa trip.
Mayroong mga lokal na tagagabay sa amin. Dalawa sila. Isang lalaki at isang babae. Mabait naman yung lalaki at madami siyang sinabi tungkol sa mga nangyari doon. Medyo nakakaasar naman yung isang babae, na matanda, kasi medyo mayabang siya tungkol sa ginawa ng mga Caviteño. "Kung hindi dahil sa aming mga Caviteño, wala kayo ngayon dito," sabi niya. Ano? Paano yung ibang mga naghimagsik? Yung Batangas, Laguna, Pampangga, Bulacan, Maynila, Nueva Ecija, at Tarlac? Ngumiti na lang kami nina Sir Madrona at Sir Manaois sa kanyang sinabi.
Sunod naming pinuntahan ang shrine of Our Lady of... nakalimutan ko na. Pasensiya. Hindi kami masyadong nagtagal doon.
Isang oras ang panahon na nilaan para sa pagkain ng tanghalian. Sa McDo ako kumain. Yun lang.
Sunod naming pinuntahan ay ang Casa Hacienda sa Naic. Doon nagtayo ng bagong pamunuan para sa Cavite si Bonifacio pagkatapos ng Tejeros Convention. Isa na siyang paaralan ngayon at mayroon daw nakikitang mga multo ang mga mag-aaral at guro paminsan-minsan. Nakakatuwa na ang paaralan mo ay isang mahalagang bahagi ng kasaysayan.
Sunod ay pumunta kami ng Maragondon Church. Hindi ko alam kung ang kahalagahan ng simbahan. Pasensiya ulit.
Huli naming pinuntahan ay ang bahay kung saan ginanap ang paghahatol kay Bonifacio. Hindi ko gusto yung lugar na iyon. Masamang bahagi kasaysayan natin. Pasensya na. Pro-Bonifacio ako.
Pagkatapos noon ay umuwi na kami. Tulog lang ang ginawa ko doon. Inaantok talaga ako. Sobra. Pagdating na dating ko ay natulog ulit ako.
Marami ako natutunan. May maganda. May hindi maganda. Pero ok na rin. Masaya ang kasaysayan.
Linggo, Disyembre 05, 2004
Concert
Libre ng Wyett ang pagpapanood namin ng concert sa pagkakatanda ko.
Hindi ako fan ni Regine sa totoo lang. Promis. Ganyan lang talaga ang pop culture ng Pinoy. Kasama ang lahat.
Nakakatuwa naman ang concert. Ang dami ng mga nanood. Puno ang buong Araneta. May ilang mga "fanatiko" na nagwawagayway ng mga banner at ilang nagtitilian. Sumasakit pa rin ang tenga ko.
Madaming mga naging guest si Regine. Sina Andrew E., Francis M., Eric Mana, Ariel Rivera, Sarah Geronimo, Sheryn Regis, at Kyla. Nakakatuwa nga yung nagkasabay-sabay ang mga babae dahil pero biritan at pataasan ng boses.
Mula 9:00 hanggang 11:30 ng gabi ang buong concert at inantok na ako sa kalagitnaan. Tapos may field trip pa para sa Hi165 papuntang Cavite kaya talagang ginusto na talagang matapos ng maaga ang concert.
Ok naman ang concert. Medyo nagiging ingay nga lang talaga ang musika kapag nagbibiritan na ang mga kumakanta.
National Treasure
Hindi naman napakaganda ng pelikula pero hindi rin naman ganoong kapangit. Parang "Van Helsing" na puno ng aksiyon pero may tangang kuwento. Hindi ko na pag-uusapan ang kuwento dahil wala namang magandang pag-uusapan dahil napakanasyonalistang Estados Unidos ang paksa. Bakit nasa Amerika ang "kayamanan" na iyon?
Nalabuan ako sa koneksiyon ng Knights Templar at Freemasons. Katolikong Freemasons? Ang labo noon a. Baka mabatukan ni Fr. Arcilla ang mga nagsulat noong script.
At ang kanilang pagsasalita, hay naku. Buong buhay ko wala pa akong narinig na magsalita ng ganoong Ingles na pinagsasalita ni Nicholas Cage habang nilulutas niya ang mga bugtong. Mas papanoorin at pakikinggan ko pa ang Ingles ni Shakespeare imbes na makinig sa Ingles ng "National Treasure."
Maganda lang talaga sa pelikulang ito sa production values niya at kay Diane Kruger. (Hehe.) May ilang nakakatuwang sandali pero isa itong napakalabong pelikula na masayang panoorin para lang pampalipas ng oras.
Huwebes, Disyembre 02, 2004
Zatoichi
Narinig ko ang pelikulang ito mula kay Chino at naintriga ako. Mahilig din naman ako sa mga umaatikabong mga pelikula kaya noong nakita ko ito sa National na nakalagay na sa VCD, kinuha ko agad ang "Zatoichi."
Hindi lubusang umiikot ang pelikula tungkol kay Zatoichi, na ginampanan ni Takeshi Kitano. Umiikot din ang buong fabula ng pelikula sa magkapatid na geisha, na ginampanan nina Daigoro Tachibana at Yuuko Daike, na naghahanap ng katarungan at sa isang ronin, na ginampanan ni Tadanobu Asano, na naghahanap ng maginhawang buhay para sa kanyang asawa.
Nananatiling mysteryoso si Zatoichi bilang isang tauhan. Isa siyang bulag na samurai, matalas ang pandama, at may kagustuhang iangat ang katarungan para sa mga inaapi. Pero hanggang doon lang. Wala ka nang masyado pang malalaman pa tungkol kay Zatoichi. Hindi ko malaman kung ano ang direktang relasyon ni zatoichi at ng mga barumbado. Suhestiyon na mayroong mas malayong fabula ang buong kuwento ng pelikula. Isa nga naman itong pelikula hango sa isang mahaba at popular na serye sa TV. Kaya siguro parang hindi na kinailangan ng pagpapakilala si Zatoichi.
Visual ang pelikula sa kanyang pagbibigay ng kuwento. Kaya kahit na subtitled lamang ito at nasa Hapon ang wika ay madali pa ring sundan ang kuwento. At kahit na madaming patayan at may mga seryosong mga sandali, mayroon pa ring mga nakakapanggaan na sandali. Nagbibigay ito ng magandang pacing para sa pelikula.
Maganda ang cinematography ng pelikula lalo na sa mga maaksiyong bahagi na mayroong pinapatay. Palaging nakatutok ang kamera kay Zatoichi na nagbibigay ng unang tauhang epekto. Parang nakalagay ka sa kinalalagyan ni Zatoichi o ng mga ikakatay niya na kontrabida.
Ok din ang effects. Kinailangan lamang ng mga special effects para sa mga pagsirit ng dugo, pag-ulan, at pagputol ng mga bahagi ng katawan.
Masayang panoorin ang "Zatoichi." Magaling na pagkukuwento gamit ng pagpapakita. Kahit na may mga kaunting pagkukulang kagaya ng pagpapakilala kay Zatoichi, walang sandali na mapapahikab ka o aantukin.
Interbyu at Dalawang Oras sa Aklatan
Pagkatapos ng klase sa COM140 ay dumeretso ako sa Rizal Library. Kinahu ko ang mga kailangang mga ipa-photocopy at nagbasa ng mga pahayagan. Nagbanggaan pa kami ni Jay sa loob ng lib. Pareho kaming naghahanap ng mga libro.
Ang daming gagawin sa pagtatapos ng taon para sa Christmas Break. Ang dami kong kailangang isulat at puntahan. Marami pang nagkakapatung-patong na gawain. Medyo naaasar ako. Pero ok lang.
Biyernes, Nobyembre 26, 2004
Pista sa Del Remedios
Nasa San Pablo nga pala ako ngayon. Mahaba ang break e. Umalis ako ng mga tanghali mula QC at dumating dito sa SPC ng mga 230, medyo trapik e.
Nangungulit si Tetel. Pogi daw si Dustin. No comment ako. Hahaha.
Pagbabasbas ng Dela Costa
Hindi ako napilitan, napag-isipan ko na wala na talagang makukuha kaya tinanggap ko na ang responsibilidad. (Tunog napilitan pa rin e.) Kaya iyon, pumunta ako sa Pagbabasbas, gumawa ng sarili kong dedikasyon at intensiyon.
Kinakabahan pa naman ako tapos napapalibutan pa ako ng napakadaming mga guro. Nakakahiya. Tapos, hindi rin pala ako kinailangan. Hindi kasi nakasama sa program ang Fine Arts Program pagkarating sa bahaging iyon. (Hay salamat...) Ang ginawa ko na lang ay tumulong sa pagbubuhat ng regalo o offering, isang music video, isang stage/set model, isang literary folio, isang mural, at ang FA logo. Ayon.
Ano ang masasabi ko sa buong pagbabasbas? Medyo boring si Fr. Nebres at doon lang ako nakakita ng napakadaming guro sa iisang lugar. Nakita ko sina Fr. Dacanay, Sir Miroy, Sir Vince, Sir Alvin, Sir Coroza (na pinuna ang aking pag-absent noong Sabado. Sorry sir!), Ma'am Ada, Sir Rofel, Sir April, Sir Jerry, at iba pa. (Ang dami talaga.)
Gusto ko sanang makikain pero nahiya ako.
Martes, Nobyembre 23, 2004
Spider-Man 2
Bakit nga ba napakaganda ng Spider-Man? Dahil hindi siya perpektong superhero. Ordinaryo lang siyang tao na naging superhero. Isa taong kahit na superhero ay nahihirapang mag-aaral, magtrabaho, at umibig. Maganda ang pagkakagamit ng pelikula sa mga katangiang ito para gumawa ng isang magandang pelikula na puno ng tensiyon at tambalan.
Magaling ang special effects ng pelikula. Madaming mga CG at dahil mabilis ang paggalaw ng mga eksena, at fight scene, mukhang totoong-totoo ang CG. Pa-swing-swing mula isang gusali papunta sa susunod si Spider-Man. Paglalakas ni Doc Ock gamit ng mga bakal na galamay. Magaling. Nakakatuwa.
May kaunting problema lang sa banghay ng pelikula. Kulang na kulang ang pagiging kontrabida ni Doc Ock, na ginampanan ni Alfred Molina. Oo nga, nagawa siya ng isang makina na maaaring wasakin ang New York. Pero mahina ang pokus sa kanya. Masyadong natuon kay Spider-Man, na ginampanan ni Tobey Maguire. May tensiyon pero kulang sa aktuwal na tambalan at labanan sa mga kagustuhan nina Doc Ock at Spider-Man. Sa may huli lamang talaga sila nag-away dahil kay Mary Jane, na ginampanan ni Kristin Dunst, at paghihiganti ni Harry Osborn, na ginampanan ni James Franco. Masyadong naging introverted at mapagmuni-muni si Peter Parker kaya naging mabagal ang daloy ng kuwento.
Mataas ang production values ng pelikula. May mga punto ng mabagal ang pagdaloy ng kuwento pero isa itong magandang hakbang para sa mga pelikulang superhero dahil ipinapakita ng Spider-Man 2 na hindi kailangan ng puro awayan at patayan para maging isang tunay na pelikulang superhero. Pwedeng mas pagandahin ang pacing na sana ay maaayos sa inaasahang Spider-Man 3. Hindi perpekto ang Spider-Man 2 pero meron dito na wala ang ibang pelikulang superhero at iyon ay puso.
Also Starring Pancho Villa As Himself
Bilang isang larawan ng isang kakaibang Heneral, marahil hindi ito isang pantay na pagtingin sa buhay ni Pancho Villa. Sa paggawa ng pelikula sa loob ng pelikula, mismong buhay ni Pancho Villa ay binago ng studio. Hindi ko malaman kung isang nga bang dakila o sira ulo si Pancho Villa. Iyon nga siguro ang punto ng pelikula tungkol kay Pancho Villa, hindi siya sira ulo o dakila, isa rin lamang isang tao na naipit sa kanyang kalakihan.
Sa kabilang dako ng ay ang producer na si Francis Thayer, na ginampanan ni Eion Bailey. Naatasan para gawin ang pelikula ni Pancho Villa, hindi lamang niya nabago ang mundo ng pelikula, binago rin niya ang opinyon at polisiya ng Estados Unidos tungo sa Mexico.
Hindi ko alam kung ano nga ba ang tunay na pagkatao ni Francis Thayer. Isa ba siyang patas na tauhan para husgahan si Pancho Villa o isang producer na gustong baguhin ang mundo ng pelikula na namulatan sa katotohanan ng rebolusyon?
Maganda ang special effects at make-up ng pelikula. Ang dumi talaga ni Antonio Banderas. Ang mahal siguro ng pelikulang ito kahit na pang-TV lang siya.
Maganda siyang pelikula. Magulo at madugo, kagaya ng panahon noon. Kulang lang ng kaunti sa character development pero hindi mo masisisi ang pelikula dahil halos wala nang nakakatanda kay Pancho Villa. Mahirap ding maging patas kung sa simula pa lang ay hindi na patas ang kasaysayan.
Sabado, Nobyembre 20, 2004
Miyerkules, Nobyembre 17, 2004
Walang Partikular na Gustong Sabihin
Mukhang mahihirapan talaga kao sa klase ni G. Tirol sa Newswriting. Dami kasing ginagawa at gagawin. Hindi dapat tatamad-tamad!
Sa isang "Ha?" moment, nakita kong nagte-tennis si Fr. Arcilla kanina sa may Cov Courts. Nakasuot ng puting t-shirt at naka-shorts. Hindi kaaya-ayang tingnan pero tutal nag-eehersisyo si pader.
Sige, basa pa ako ng napakadaming readings mula Fil 104, Fil 105, at Philo 102.
Martes, Nobyembre 16, 2004
The Incredibles
Tungkol sa isang pamilya ng "superheroes" na nagtatago. Dahil hindi sila tinatanggap ng lipunan, nahihirapan sila na maging ganap. Hinahanap-hanap ni "Mr. Incredible" ang mga lumipas na panahon noong tanggap at hinahangaan siya at ang mga anak naman niya ay nahihirapang makibahagi at makisama sa mga normal na tao. Isa itong nakakatuwang pag-ikot sa pangkaraniwang tingin sa mga superheroes. Malalakas nga sila pero tao din na sinasampahan ng kaso. Mga tao din silang naghahanap ng pagsang-ayon at kaganapan. Nakakatuwa kung paano nagsimula ang problema ng mga superhero.
Maganda ang pagkakagawa ng pelikula. Yung bang tinatawag na pagkaka-stylize ng mga taga-Pixar sa mga tauhan. Simple lang ang pagkaka-animate sa mga tauhan kagaya sa pagkaka-animate sa "Shrek 2." Medyo kakaiba lang silang maglakad at tumakbo. Pero may mga kaunting mga dagdag para bigyan ng pagkatao ang mga tauhan. Yung sabit sa labi ni "Mrs. Incredible" na ginaya nila mula sa tunay na pagsasalita ni Holly Hunter, ang nagboses kay "Mrs. Incredible."
Nakakatuwa ang kuwento ng "The Incredibles." May mga kakaibang mga "twists" at nakakatuwang mga dialogo. Kumpara sa "Shrek," isang pampamilyang pelikula ito at madaling panoorin ng lahat. Doon sa "Shrek 2," na sobrang nakakatawa, hindi ko narinig ang mga bata na tumawa. Pero maganda marinig na tumatawa ang mga bata sa "The Incredibles."
Maganda ang "The Incredibles." Hindi kasing nakakatawa ng "Shrek 2" pero mayroon pa rin namang laman ang pelikula na magugustuhan ng lahat.
Miyerkules, Nobyembre 10, 2004
Aking Pagbisita sa Presinto
Pumunta ako sa Camp General Thomas Karingal, himpilan ng Central Police District. Nasa Sikatuna Village siya, hindi kalayuan sa Katipunan. Pero dahil promdi ako, hindi ko alam iyon. Sumakay ako ng taxi papunta doon.
Syempre, unang beses kong pumunta doon, hindi ko alam kung saan makikita ang kanilang Police Blather. Kaunting tanong sa officer na nakabantay sa tarangkahan, pumunta ako sa CIU, Crime Investigation Unit. (Parang CSI)
Masyado rin siguro ang panonood ko ng CSI at ng iba pang crime/police show galing Amerika kaya medyo nakakalungkot na hindi aircon ang gusali. Ok lang. May TV naman sila.
Nilapitan ko ang officer na nasa reception desk at tinanong kung saan ko makikita ang kanilang blather. Kaunting "interogation," ay pinaupo muna ako sa isang tabi dahil nagsusulat pa siya ng pangyayari doon blather. Kaya naupo muna ako sa isang tabi at nanood muna ng kanilang TV doon.
Nasa Studio23 unang TV. Ang palabas ay isang pelikula. "Alex Bongcayao Brigade." (Tama ba ang spelling?) Medyo ironic iyon. Isang pelikula tungkol sa isang rebeldeng grupo na pumapatay ng pulis ay pinapalabas sa isang presinto, sa loob pa ng isa pang HQ pa nila. Sa isa sa mga eksena ay may pinatay na pulis noong sumakay siya sa kanyang kotse. Sa isang eksena naman ay nasa tapat pa ng simbahan pinagbabaril ang isang pulis. Napangiti lang ako.
Hinitay kong matapos ang officer sa kanyang pagsusulat sa blather. Mukhang dumating ako sa isang kakaibang sandali. Mayroon kasing naghihintay doon kasama ko. Ano kayang kriminalidad ang nangyari?
Pagkatapos ng kaunting paghihintay ay ipinahiram na sa akin ang blather. Namangha ako sa mga nangyayari. Ang dami pa lang mga taong nakikitang patay o pinapatay sa Quezon.
Kailangan ko lang kumuha ng dalawang pangyayari pero sinigurado ko na. Kumuha ako ng tatlong kakaibang mga pangyayari. Isang nakawan sa isang pawnshop, isang patayan sa isang subdivision, at sa isang shot out sa pagitan ng pulis at mga suspek ang aking mga pinili. Ok din ano.
Pagkatapos noon, kaunting pasasalamat sa mga tumulong doon sa akin at ako ay umalis na.
Sabado, Nobyembre 06, 2004
Unang Apat na Araw (Isang Paunang Pagtingin sa Bagong Semestre)
Mukhang interesante at nakakatuwa ang HI 166. Kinuha ko ang payo ni Jace at kinuha ko si Ginoong Madrona bilang guro at mukhang maganda ang payo niya. Nakakatuwa at kakaiba ang pagtuturo ni G. Madrona. Nakakatuwa din ang kanyang punto tuwing siya ay nagsasalita. Naaasar lang ako at medyo maaga ang klase na nakuha ko sa kanya.
Newswriting, COM 141. Wala akong masabi. Inamin ni G. Tirol na mataas ang kanyang inaasahan mula sa amin. Hindi ako dapat maging kampante sa kanyang klase. Kailangan kong ibigay ang aking lahat dito. May takdang aralin nga pala ako dito. Kailangan kong pumunta sa isang presinto para kumuha ng kaunting balita. Saan ang pinakamalapit na presinto sa Katipunan? Hindi ko alam e.
PH 102. Gusto ang klaseng ito kasi mabait ang guro namin. Kahit na sinabi niyang magiging mas mahigpit si G. Capili sa aming mga klase, inaasahan ko naman sa kanya ang kalinawan ng kanyang pagtuturo. Madali si G. Capili na pakinggan at intindihin ayon lamang sa kanyang mga pagtuturo sa klase. Kailangan ko na lang galingan sa aking mga papel at pasalitang mga pagsusulat.
Kakaklase ko lamang kanina sa Fil Dept para sa klase ko sa FIL 104, Kritisismong Pampanitikan ng Pilipinas. Kinakabahan ako dito sa klaseng ito kasi baka may masabi ako mali o bobo dahil puro pag-aanalisa at pagsusuri ng mga kritisismo ng ibang mga tao ang pag-uusapan namin dito. Pero mukha namang mabait si G. Coroza. Medyo madaldal siya kaya natapos kami ng 5:00 ng hapon kanina imbes na 4:00. Ok lang. Marami na agad akong natutunan mula sa kanya kung paano ko haharapin ang klaseng ito at kung ano ang mga kailangan naming gawin.
Wala pa akong klase sa FIL 105 pero mukhang maging pareho lang ng FIL104.
Masasabi kong madami akong gagawin ngayong semestre. Madaming susulatin at madaming babasahin. Huwag sana akong kapusin ng oras o kaya ay tamarin o kaya ay magkasakit. Pero umaasa ako na magiging masaya ang darating na mga buwan.
Martes, Nobyembre 02, 2004
Lunes, Nobyembre 01, 2004
Undas
Araw ng mga Patay. Pero sa araw na ito, ako ay naging bantay ng bahay. Ok lang. Nakakabagot para sa akin ang manatili lang sa libingan. Pumunta naman ako siyempre. Noong hapon sa puntod nina Lolo at Lola pagkatapos ng misa sa Cathedral. (Sumalangit ang kanilang mga kaluluwa.)
Araw dapat ito ng pag-alala sa mga namatay. Madami akong mga alaala tungkol kay Lola pero mukhang parang parepareho lang. Halos wala naman tungkol kay Lolo. Kaya sa puntod, nagtatanong lang kami ng mga kapatid kay Mom tungkol kina Lolo at Lola. Makakalimutan kaya ako sa aking pagkamatay o palagi akong maaalala?
Linggo, Oktubre 31, 2004
The Bourne Supremacy
Nagustuhan ko ang naunang pelikula tungkol kay Jason Bourne, na ginampanan ni Matt Damon. Dito sa pangalawang pelikulang ito ay puno pa rin ng umaatikabong aksiyon ang “The Bourne Supremacy” kagaya ng naunang pelikula ng serye.
Nagpapatuloy ang “Bourne Supremacy” dalawang taon pagkatapos ng mga pangyayari sa unang pelikula. Sa simula pa lang ay mayroon nang nangyayari. Kagandahan, para sa akin, ng pelikulang ito ay ang kakayahan niyang tutukan ang mga pangyayari kahit na walang sinasabi o hindi nagsasalita ang mga tauhan. Ginagamit ng pelikula ang mga galaw at gawain ng mga tauhan para ikuwento ang kuwento. Ibang iba talaga sa mga pelikulang Pinoy.
Pagdating sa kuwento, madaming mga kaalamang nadagdag tungkol kung sino at kung ano ang simulain ni Jason Bourne. Maganda ang pagbabalik-tanaw dahil akma ang mga ito sa naratibo ng kuwento. May koneksiyon ang mga pangyayari sa mga nangyari.
Magaling ang cinematography ng pelikula. Kagaya ng una, palaging gumagalaw ang camera. Bagay na bagay para sa mga maaksiyong mga eksena.
Totoong-totoo naman ang special effects. Madaming mga habulan sa kotse na kapanipaniwala. Gumamit talaga sila ng mga tunay na kotse na pinasabog at pinagbabangga. Simple ang mga ginamit na technique pero maganda ang bunga nito.
Maganda ang “The Bourne Supremacy” bilang isang pelikulang aksiyon. Baka lang hindi madaling maintindihan ang pelikula dahil kailangang buo ang atensiyon ng manunuod. Napaka-visual ng pelikula na nararapat lang pero hindi ako sanay bilang Pinoy.
Sabado, Oktubre 30, 2004
Kaarawan, Anibersaryo, at Mga Tindahan sa Lawa
Ngayong araw na ito ay ang anibersaryo ng kasal nina Mom at Dad. Kinasal sila noong Oktubre 30, 1985. Sa parehong petsa noong taong 1992 ay pinanganak naman ang kapatid kong si Marol. (Happy Birthday Bunso!) Sabay ang kaarawan ni Marol at anibersaryo ng mga magulang ko. Nakakatuwa.
Iba pa sa mga pagdiriwang ngayong araw na ito, nagkita-kita kami nina Paolo, Gino, Carla, Mara, at Tonet sa Greenwich ng palengke, este, San Pablo Shopping Mall. Masayang makita ko ulit sila. Inakalipas na bakasyon ko silang huling nakita. Kumain kami ng tanghalian bago kami dumiretso papunta sa “Market sa Lawa,” gimik ng gobyerno para palaguin ang turismo at negosyo ng bayan. Mula sa palengke, este, San Pablo Shopping Mall ay naglakad kami papuntang Lawa ng Sampalok kung saan ginanap ang “Market sa Lawa.”
Nakakatuwa at ang dami nga naman ng mga nagtitinda doon sa may Lawa ng Sampalok. Pinalibutan ang Rizal Park ng San Pablo at isang mahabang tabi ng lawa. May mga nagtitinda ng mga handcrafts, pagkain, komiks, halaman at kung anu-ano pa.
Tumambay lang kami pagkatapos makipagkita kay Conrad doon sa tabi ng lawa. Hindi ko masasabing sobrang maganda ang tanawin o sariwa ang simoy ng hangin sa tabi ng lawa. Pero masasabi kong hindi iyon kasing lala noong napakadami ng fishpen at naging tambakan ng basura ang Sampalok. Astig pa ring makita ang matayog na Bundok Banahaw sa tanawin.
Pagkatapos ng aming paggagala sa “Market sa Lawa” at sumama sa akin sina Paolo at Gino papunta sa bahay ko para makapaglaro ng kaunting Gamecube. Masayang maglaro ng Super Smash Bros. Melee.
Biyernes, Oktubre 29, 2004
Cellular
Nakakatuwa ang pelikulang ito. Sobrang daming mga "kamuntikan na moments" ay napapawa ako. "Kamuntikan na! Ano ba iyan? Hahaha." Ganun yung mga reaksiyon ko. Iyon ang maganda sa pelikulang ito. Kahit na napakasimpleng mga bagay ay kamuntikan na. Consistent siya. Kaya parang ang daming nangyayari o nangyari dahil doon sa mga sandaling iyon na "kamuntikan na" na magandang pinaglayo-layo.
Isa pa, aaminin ko na ito ang unang action-thriller na pelikula na ako ay napatawa. Seryoso. Hindi ko alam kung bakit. "Uy, tumalon siyasa tubig! Hahaha!" "Bumangga ang kotse! Hahaha!" Ganoon ang reaksiyon ko. Marahil siguro sa acting. Mukhang tanga kasi si Chris Evans sa kanyang pagganap kay Ryan, ang bida ng pelikula. Hindi sa tanga na hindi niya alam ang ginagawa niya. Tanga na gumagawa siya ng mga tanga at bobong ngunity kagiting-giting na mga bagay para lamang iligtas ang mga tauhan. Ok din siya. Kaya siguro ako napapatawa sa kanyang mga ginagawa.
Sa ibang mga tauhan, maganda din ang acting ni Kim Basinger bilang si Jessica ang babaeng nangangailangan ng tulong at aksidenteng natawagan si Ryan. Masyado nga lang bayolente ang mga kontrabida ng pelikula na pinamumunuan ni Detective Greer, na ginampanan ni Jason Statham. Pero ok din ang pagganap ni Jason Statham dahil talaga nga namang nakakatakot siya.
Kaya rin ako siguro natatawa ay dahil sa magaling na pagsusulat. Hindi sineseryoso ng pelikula ang sarili nito. May mga dialogo at komento ang mga tauhan para pagaanin ang umaatikabong aksiyon. Nakakatuwa.
Magaling din ang camera at cinematography ng pelikula. Kahit na iba't iba ang mga technique ay ginawa sa pelikula ay bagay pa rin naman para sa mga napiling mga sandali. Mauga at magalaw na camera para sa mga habulan at slow motion para sa mga kaantig-antig na mga sandali. Maganda.
Ewan ko ba. Hindi ko inaasahan na magugustuhan ko ang pelikulang ito. Isa "tama lang ang timpla" na pelikula. Nag-enjoy ako. Sobra.
Araw ng Registration
Sa daan ay madaming mga nagkalat na kotse naaksidente. Mga trak na sa sobrang sira ay mukhang patay ang nagmamaneho. Mga kotseng naka tirik sa tabi. Nakakatakot. Magulo. Parang Reg!
Dumating ako ng mga alas otso sa Ateneo pagkatapos naming binaba si Dad sa may Makati. May seminar ding pinuntahan si Dad e. Nagsisimula nang pumasok ang mga tao sa loob ng Com lab sa CTC. Nagkaproblema ako dahil sinarado na ang Fiction Workshop. Nakakalungkot. Kaya naglista na ako agad ng mga maaari kong kunin para sa mga Free at FA Elective.
Naandoon ako sa loob ng silid-hintayan, nag-iisip, "Anong gagawin ko? Anong gagawin ko?" Ok naman. Nakausap ko din naman si Xander sa loob. Sa loob ay inayos ni Xander ang advisement ko. Pagkatapos ng kaunting juggling ay ito ang naging mga klase ko:
FIL 104. A KRITISISMONG PAMPANITIKAN NG PILIPINAS 1300-1600 SAT
FIL 105. A TEORYANG PAMPANITIKAN 1730-2030 T
COM 141. A NEWS WRITING 1330-1630 W
PH 102. AAA PHILOSOPHY OF THE HUMAN PERSON II 1500-1630 T-TH
HI 166 N PHILIPPINE HISTORY 0730-0830 M-W-F
Masyadong maaga ang HI 166! Masyadong maaga! Magpapa-load rev ako? Pwede kayang kausapin ang prof ko para mapalipat sa mas huling oras na klase niya? Suhestiyon din ni Hanniel sa akin na mag-load rev para makuha namin ang Fiction Workshop. Hmm. Pwede. Bahala na.
Nagbayad, Nagkumperma ng ACP, nag-validate ng ID at doon ay natapos ang aking REG-REG-REG-REG-REG... hehehe.
Miyerkules, Oktubre 27, 2004
Aklatan at Ulan
Ginawa ni Mang Danny ang aking aklatan noong nakalipas na linggo kasabay ng lalagyang TV na kanya ring ginagawa. Gawa sa plywood ang aklatan at ikakabit sa dingding ng kuwarto ko. Nahirapan nga si Mang Danny na ikabit ang aklatan dahil ang tigas ng dingding. Nahirapa siyang ipako ang mga suporta sa dingding. Pero nakabit naman. Hinihintay ko na lamang matuyo ng maigi ang pintura bako ilipat ang aking mga libro.
Kanina nga rin ay umalan. Unang beses sa nakalipas na linggo. Hindi ko nga inaasahan dahil napakaganda ng panahon noong nakalipas na araw. Kakaunti ang ulap at napakaliwanag ng araw at buwan. Ganyan lang talaga siguro.
One Hundred Years of Solitude
Sa simulang pa lang ay puno na ng kahiwagaan ang nobela, parang isa lamang panaginip ang lahat ng mga pangyayari sa kuwento. Ang paglipas ng oras at panahon sa nobela ay hindi mahalaga. Ang importante ay ang walang humpay na pagkukuwento.
Ang iba't ibang pangyayari ay hindi ko maintindihan. Parang ikinuwento lamang iyon para manatiling interesante ang kuwento. Pero sa likod ng mga pambihira at kamangha-manghang mga pangyayari ay ang katangian at personalidad na ibinibigay hindi lamang sa mga tauhan kundi pati na rin sa pambihirang lugar ng Macondo, ang tagpuan ng nobela.
Nakakapagod ang pagsulat ni Garcia Marquez. Mahahaba ang mga pangungusap. Nakakalito ang banghay. Sa isang parte ng nobela ay nawala ako ng kaunti dahil madaming pagbabalik-tanaw at pagtanaw sa hinaharap. Ngunit sa likod ng nakakalito at mahirap na pagbasa sa nobela ay isang linya at liwanag na nasusundan ko para magpatuloy na magbasa at maintindi kung ano na nga ba ang nangyayari.
Kamangha-mangha ang nobelang ito. Kahit na sakop ang isang daang taon ay parang hindi lumipas ang panahon sa kuwento. Ang tema ng pag-iisa ay hindi lamang inilarawan kundi binigyang liwanag kung bakit nagiging kuntento ang tao na ikulong ang sarili at maging mag-isa.
Lunes, Oktubre 25, 2004
Grado
Nakakabagot mag biyahe. Ang trapik pa kanina. Asar. Mga alas nueve y medya na nang makarating kami sa Ateneo. Mukhang marami nang nakakuha ng kanikanilang mga grado. Dalian akong pumunta sa Cov Courts, tinuro ko muna kay Kuya Adong, yung nagmaneho para sa amin, kung saan ang paradahan ng mga kotse. E nasa ISO pa naman iyon. Ang layo mula sa Cov Courts.
Madali lang ang pagkuha ng regform at grado. Wala pang sampung minuto. Pero hindi pa kumpleto ang mga marka ko, wala pa yung sa Malikhaing Pagsulat, kaya punta akong De La Costa para hanapin si Sir Alvin.
Pagkatapos kong kunin ang aking marka mula kay Sir Alvin, hinikayat niya akong magpatuloy sa pagsusulat na nakakapang lakas ng ego, ay dumeretso na ako papuntang paradahan para makapunta na sa San Beda. May kalayuan din iyon.
Malas lang at trapik pa. Inabot kami ni Mae ng tanghalian sa San Beda. Pero nakuha naman ni Mae ang kanyang mga grado. Pasado siya sa lahat! Pagdating kasi kay Mae, hindi namin alam kung pasado nga ba o hindi. Pero natutuwa naman ako.
Pagkatapos ng tanghalian ay dinaanan namin ang condo ni Mae, kinuha ni Mae yung stylus ng kanyang cellphone. At dumiretso na rin kami sa nauumuwi balik ng San Pablo.
Pag-uusapan ko pa ang mga grado ko? Ipagyayabang ko ba ang nakuha kong A sa Malikhaing Pagsulat, B+ sa Pilosopiya, at B sa History? Pag-uusapan ko pa ba ang damdamin ko sa nakuha kong C+ sa Drama Seminar? Ibubunyag ko pa ba ang halong tuwa at puot sa nakuha kong D sa Teolohiya? Hmm. Huwag na lang. Basta nakakuha ako ng 2.8 na QPI, pinakamatas kong semestral QPI sunod sa QPI ko noong unang semestre ng aking ikalawang taon.
Sana ay maging maganda rin ang darating na semestre para sa akin at para sa lahat.
Sabado, Oktubre 23, 2004
Kaarawan
Ang daming tao dito sa bahay noong mga nakalipas na araw. Mga bisita ni Dad at ng mga kapatid ko. Wala akong mga bisita. Ang lungkot ko. Hindi naman. Nakakahiya at nakakatamad na magtawag ng mga kaibigan. Ganyan lang talaga ako.
Ano kaya ang mga grade ko? Hindi na ako makapaghintay para sa Lunes.
Biyernes, Oktubre 22, 2004
Thousand Cranes
Hindi naman sa wala akong nakuha mula sa nobela. Tungkol ang nobela sa malaki at malawak na epekto ng mga desisyon, pagpapasya at paggawa sa konsensiya at takbo ng buhay. Napakaiba ng reaksiyon ng mga Hapon sa mga sitwasyon kagaya ng pre-marital sex, kasal at kamatayan.
Maganda ang paggamit ni Yasunari Kawabata ng mga dialogo para ilabas ang pagkatao ng mga tauhan. Kahit na madami ang dialogo, makikita ang personalidad at katangian ng mga tauhan. Magaling din ang mga sasalaysay ng tagapagsalaysay. Gumamit ng isang ikatluhang limitadong punto de bista at hindi man lamang iyon nawala o nagbago. Consistent. Magaling. Sa ngayon ay doon ako nagkakaprblema sa aking pagsusulat, sa punto de bista.
Magaling ang pagkukuwento ng nobela pero nakakapangkamot ng ulo kung bakit ginawa ng mga tauhan ang mga ginawa nila. Masyadong tago ang intensiyon at damdamin ng tauhan na nakakapangbagot ngunit nakakapangmangha na rin.
Huwebes, Oktubre 21, 2004
OMG!!! Nanalo ang Red Sox sa ALCS!!!
Ngayon, kagaya ng mga nakalipas na mga taon, inaasahan ko na na makakarating ang NY Yankees sa World Series, na naman. Paligi na lang. Kahit na noong nakaraang dalawang taon ay natalo sila sa kampiyon ng NL, parang inaasahan ko na na magiging "as usual" ang World Series. Ayan na naman ang Yankees, palagi na lang. Magaling ang Yankees talaga. 200 milyong dolyar ba naman ang gastusin mo sa para sa mga manlalaro lamang. Puno ba naman ng mga manlalarong parang mga robot kung mga palo ng bola. Talagang aasahan mong makakarating sila palagi sa Kampiyonato.
Pero, walang hiya, Boston Red Sox, tinalo ang NY Yankees. Boston Red Sox! Ilang taon na bang hindi nakakarating ng World Series ang Red Sox, mula pa noong 1918? Isa pa itong inaasahan. Inaasahang hindi makakalampas sa Yankees at hindi makakarating World Series. Isa koponan na palaging nasasapawan ng Yankees. Isang koponan na palaging "kamuntikan na."
Pero hindi na ngayon. Mula sa isang paglamang sa kanila ng Yankees, 3-0 ay nakabalik ang Red Sox upang mapanalo ang ALCS, 4-3. Astig na labanan ito. Halos bugbog-sarado ang Boston noong unang tatlong laban at noong Game 4 ay mukhang matatalo na sila, milagro. Nanalo pa. Mula doon ay sunod-sunod na. 1-3. 2-3. 3-3. At ngayon, 4-3, astig talaga.
Nakakatuwa ang Game 7. Bago nagsimula ang laro ay pinaalala ng Yankees ang malas ng mga Red Sox sa kasaysayan nila laban sa isa't isa. Inilabas nila sina mga dakilang manlalaro na nagpatalo sa Red Sox, sina Yogi Berra at yung isa pang hindi ko tanda ang pangalan. (Sabi ngang hindi ako fan e.) Sa kabuuan, magaling ang Red Sox kahit pa man noon pa. Palagi lang talaga silang minamalas laban sa Yankees. Kagaya noong isang taon.
Pero ngayon, parang nagbago ang ikot ng mundo. Hindi na sila minamalas. Oo, nauna ang NY 3-0, pero parang walang pakialam ang Red Sox doon. Gusto lang nilang manalo. At ngayong Game 7 ay parang nawala ang kagustuhan ng NY Yankees na manalo. Pagkatapos ng Grand Slam at 2 Run Homerun ni Jhonny Damon at 2 Run Homerun ni Ortiz ng Boston, parang naging pilit at deperado ang NY. Hindi sila makapaghintay. Gustong maka-homerun agad. Kaya palagi silang naa-out. Hindi naman sila makapalo sa pitcher ng Boston, si Derek Lowe.
Hindi ako baseball fan. Hindi ko sinusubaybayan ang season ng MLB. Ayoko sa Yankees. Pero naniniwala ako sa mga mahihiwaga at kakaibang mga pangyayari sa mundong ito. Kamangha-mangha talaga ang panalo ng Red Sox kanina.
Miyerkules, Oktubre 20, 2004
The Satanic Verses
Napapalibot ang kuwento ng nobela kina Saladin Chamcha, isang propesiyonal na voice actor, at Gibreel Farishta, isang kilalang aktor sa Bollywood, at ang kanilang milagrosong pagkaligtas at pagbabago pagkatapos ng kanilang paghulog sa lupa mula sa isang sumabog na eroplano. Sa pagitan ng paglalakbay nina Saladin at Gibreel, kinukuwento rin ang kuwento ng propetang Mohammad at ng isang paglalakbay ng isang bayan papuntang Mecca. Medyo relihiyoso ang tema ng libro lalo nang patukoy sa relihiyong Islam.
Maliban sa relihiyon ay pinag-uusapan din ng nobela ang talaban ng kultura, paniniwala, at, ultimo ng mga mundo. Talaban ng relihiyon at modernismo, ng relihiyon at sekularismo, ng milagro at realidad, at ng mahiwaga at katauhan. At lahat ng mga temang ito ay pumapalibot sa pagbabago at muling pagsilang.
Komplekado siyang nobela. Maraming mga hindi kapanipaniwalang mga bagay, naaayon sa magical realism. Hindi ko pa alam kung ano ang ibig sabihin ng mga milagro at ng iba pang mga pantastikong pangyayari pero sa susunod na pagbabasa na lang iyon.
Lahat-lahat, ang nobela ay isang paglalakbay sa hindi kapanipaniwala at mahiwaga, sa pagbabago at muling pagsilang. Sa sobrang kakaiba ng mga pangyayari ay susuko ka na lang na intindihin ang mga nangyayari at makinig na lamang.
note:
Dahil sa paglalaro sa Qu'ran ni Salman Rushdie sa nobelang ito, pinatawan siya ng isang fatwah ng isang Ayatollah, kapantay ng isang Arsobispo ng Katolisismo sa Islam. Kung sino man ang makakapatay kay Salman Rushdie ay agad-agad makakarating sa "Langit." (Astig.)
Martes, Oktubre 19, 2004
CNN.com - Flat-screen�TV emits international distress signal - Oct 18, 2004
Sobrang kwela ng balitang ito! TV, nagbrobroadcast ng SOS signal? Sana kaya ring gawin iyon ng TV ko! Communication nga talaga! Hahaha.
Linggo, Oktubre 17, 2004
Duty Free, Sundo at iPod
Pagkatapos ay sinundo namin si Mae mula sa condo. Galing si Mae sa Angeles, Pampanga kasama ang mga kaklase niya sa Nursing. Si Mae ang pinakahihintay nina Tetel at Marol. Sila-sila ang palaging nagsasama e.
May iPod na rin kami! Yehey! Pero hati-hati lang kami sa ngayon sa iPod sa aming magkakapatid. Ako nag-ayos ng mga files para sa iPod kasi mga takot ang mga kapatid ko sa pagbubutingting ng kung ano mang mga elektroniko. Ang saya.
Sabado, Oktubre 16, 2004
Sembreak
Naaalala kita 'pag giniginaw (Sembreak)
Naaalala kita 'pag kakain na (Sembreak)
- Sembreak by the Eraserheads
Yahoo! Tapos na ang mga gawain ko! Tapos na ang unang semestre ko! Ayos!
Kahapon ay pinasa ko na ang aking dula para sa FA 109. Ang panget ng dula. Yung lang ang masasabi ko doon. Pero dahil napasa ko na ang lahat ng requirements ko doon ay natapos ko na rin ang aking semestre. Technically, hindi pa sembreak. Pagkatapos pa dapat ng araw na ito ang opisyal na pagtatapos ng sem. Kaya iyon.
Naandito ako ngayon sa San Pablo, o kay saya. Ang sariwang hangin. Ang lamig ng tubig. Ang makulimlim na langit? Hay naku, parang kahit saan ka dito sa Pilipinas ay parang uulan. Ganyan lang talaga kapag malapit na ang Pasko.
Wala ngayon dito ang mga kapatid ko dito sa bahay. Si Mae, yung sumunod sa akin, ay nasa Maynila pa. Ewan ko kung bakit. Dapat ay tapos na rin siya sa mga proyekto at pagsusulit. Si Tetel, yung sumunod kay Mae, ay nag-eensayo para sa cheerdance ng Intrams ng Canossa. Si Tetel daw yung choreographer sabi ni Mama. Si Marol naman, yung bunso, ay nasa Laguna College at nakuha ng entrance test para sa Philippine Science High School. Pero mas gusto daw niyang pumasok sa UP Rural High School.
Kaya ito, mag-isa sa bahay at aking-akin ang DSL! Hahahaha!
Miyerkules, Oktubre 13, 2004
Pasalitang Examen
Naging matagal ang naunang kumuha ng pagsusulit. 10:40 na bago tinawag ni Sir Capili sa kuwarto. Siyam lang ang mga thesis statements na pagpipilian at kinailangan kong bumunot. Nakuha ko ay bilang sampu kaya kumuha ulit ako. Medyo malas na nakuha ko ang thesis bilang dalawa kasi hindi ako masyadong hiyang sa mga ideya ng thesis na iyon.
Maganda naman ang naging daloy ng pasalitang pagsusulit. Nasagot ko naman ng mabuti ang mga tanong ni Sir Capili at mukha namang sigurado ako sa aking mga sinasabi. Ang daming mga tinanong ni Sir. Pero na kakatuwa at parang ang bilis ng paglipas ng oras.
Hindi ako sigurado kung ano ang nakuha kong marka pero mukha namang hindi bagsak. Huling gawain para sa semestre, ang dula para sa FA 109.
Lunes, Oktubre 11, 2004
Huling Pagsusulit sa Teolohiya
Basta. Tapos na. Sunod, Pilosopiya.
Sabado, Oktubre 09, 2004
Mabusising Araw ng Wala, Lindol, at Uwi
10:37 ng kagabi ay lumindol. Nakakatuwa. Naglilipat ng ako ng channel sa TV at napadpad ako sa Discovery Channel. Tungkol sa lindol ang palabas. Pinapaliwanag ng tagapagsalaysay kung paano at bakit gumuho ang mga gusali sa Turkey noong lumindol doon nang biglang maramdaman ko na gumagalaw ang paligid. Una, kaunti lang na paggalaw tapos ay lumakas. Kumalampag ang mga gamit panluto. Gumalaw ang tubig sa loob ng water dispenser. Umuga ang pinto. Astig. Nanonood sina Mama, Daddy, at Ninang Lily sa konserto nina Rico J. Puno at Basil Valdez sa Araneta. Nakanta si Rico noong lumindol. Tinanong niya ang mga manonood kung bakit sila nakatingin sa itaas. Sabi ng mga tao, "Lumindol." "A. Akala koo ay nasa motel ako," sabi naman ni Rico.
Pagkatapos manood ng konserto ay sinundo nila ako sa condo at umuwi ako sa San Pablo. Kararating lang ni Dad mula sa Amerika. Tinulungang maglipat ng bahay sina Kuya Romy at Ate Rowena. May pasalubong ako! Yehey!
Nakakain din ako ng isang tunay na agahan. Tapsilog ang kinain ko. Matagal-tagal na ding hindi nakakakain ng agahan. Nasa honor roll ang mga kapatid kong naiwan dito sa San Pablo. Nakakatuwa. Hindi ako honor noong nasa mababa at mataas na paaralan ako. Kaya ko pero tinatamad. Pinapakita lang na mas masipag ang mga kapatid ko kaysa sa akin. Isa lang ang hindi nagbabago dito sa bahay na ito. Ang gulo pa rin ng tulugan ng mga kapatid ko.
May nanliligaw kay Tetel. Madami daw sabi ni Mama. Isa daw ay yung kapatid ni Bianca, dati kong kaklase sa mataas na paaralan, si Dustin. Totoo nga ang sinabi ni Arthur kay Carla na sinabi sa akin ni Carla. Nakakainggit. Bakit walang nanliligaw sa akin. (Ang bading ng dating na noon ah. hahaha.) Joke lang. Ewan ko kung on sila. Ok lang sa akin. Basta hindi nag-iisip at gagawa ng kung anong masama ang dalawa. Aral muna.
Dumaan nga daw yung klase nina Tetel sa Ateneo. Nagpapabili naman sa akin ng jacket mula sa tindahan. Aba, mukhang nagustuhan ang Ateneo at mas maka-Ateneo pa sila kaysa sa akin. Wala lang.
Sige. Pahinga lang ako bago mag-aral para sa susunod na Patapusang Linggo.
Huwebes, Oktubre 07, 2004
Huling Pasada
Nakakapagod ang klase kanina. Palakad-lakad kami. Nagsimula kami sa Dance Studio para sa monologo ni Jomike. Tungkol sa isang amang namatayan ng anak. Ok din. Medyo mahina nga lang ang pagsasalita ni Jomike kaya hindi ko masyadong narinig.
Sumunod ay nasa loob kami ng CR ng mga babae para sa monologo ni Monet. Nagdalawang isip ang ilan na pumasok, lalo na ang mga lalaki. Sinabi lang ni Sir Miroy na pareho rin lang naman iyon sa lalaki. Kaya pumasok na rin kami. Tungkol ang monologo ni Monet sa isang dalagang kakatapos lang mag-pregnancy test sa loob ng CR. Nakakatuwa ang mga komento ng tauhan tungkol sa pagiging anak ng OB-GYNE. Wala lang.
Sunod na pinuntahan namin ay ang Caf. Doon ay nagmonologo si Abi tungkol sa isang mapag-isang estudyante. Medyo maingay sa Caf kaya mahirap pakinggan.
Sunod naman ay yung kay Jollo sa Chapel. Tungkol sa isang problemadong mag-aaral. Nakakapang-ilang lang kasi sagradong lugar.
Sunod naman ay sa Edsa Walk para sa monologo ni Jihan. Tungkol sa isang mag-aaral na nahuhuli sa klase, wala pang ID kaya nagtatago sa sikyo. Bigla na lang napunta sa pag-ibig at buhay ang pinag-uusapan ng tauhan. Wala lang. Medyo nabigla ako sa pagbabago ng topic.
Malapit lang tinatawag na conyo bench kaya sinunod namin ang monologo ni Denise. Isang nakakatuwang monologo tungkol sa isang conyo.
Sunod ay ang monologo ni Cerz. Nakakatuwa nga kasi hindi niya binasa ang kanya kumpara sa amin, may virus kasi ang diskette niya. Tungkol iyong kanya sa isang katulong na nagpapanggap o nagpapaka-feeling na isang studyante ng Ateneo. Nakakatuwa.
Pumunta naman kami sa Xavier para sa monologo ni Jillian. Tungkol sa isang mag-aaral na natingin sa isang listahan sa Xavier. Hindi ko tanda kung tungkol saan yung listahan. Pasensiya.
Tawid ng kalsada ay pumunta kami sa hintayan sa kanto ng University Road. Tungkol naman sa isang nagmamadaling mag-aaral ang monologo ni Jace. Mas maganda nga sana kung naglakad si Jace. Wala lang.
Dumeretso naman kami sa Bellarmine para sa monologo ni Liana. Tungkol naman sa isang mag-aaral na kita ang kanyang iniibig. Madaming pag-iilusyon. Nakakatuwa.
Pumunta naman kami sa Quad III, yung nasa pagitan ng gusali ng Soc Sci at gusali ng De La Costa. Hindi ko tanda kung tungkol saan ang monologo. Tungkol ba sa isang lesbian na guro? Hindi ko tanda. Masyado akong naging abala kasi ako na iyong susunod. Sa Meron Pond yung akin e.
Sumunod sa akin ay si Saul, sa may mapunong lugar, malapit sa Baseball Feild. Tungkol sa isang tulisan na hinababol ng mga awtoridad. Medyo social at political ang tema.
Huli ay yung kay Hanniel. Nakatuwa. Bigay na bigay sa kanyang pagtatanghal. Para talagang isang paranoid na mag-aaral si Hanniel. Ok din. At doon ay nagtapos ang aming Drama Seminar. Sa isang malakas na sigaw.
Miyerkules, Oktubre 06, 2004
Walang Klase
Naabutan ko si Mark na naka-online kanina sa YM. Si Mark ay dati kong kaklase sa mataas na paaralan. Kalog pa rin hanggang ngayon.
mvm17_breakdown: HI MITCH! muztah?Miss ko na ang San Pablo. Siyam na araw na lang bago mag-sembreak.
fatguyisme_2000: hello
fatguyisme_2000: ok lang.
fatguyisme_2000: may mga ilang mga kailangang tapusin
mvm17_breakdown: la ka na klas?
fatguyisme_2000: meron pa
fatguyisme_2000: next week ang Finals namin
mvm17_breakdown: kami rin... pamatay nga week na 2!
fatguyisme_2000: ilang units ba ang kinukuha mo?
mvm17_breakdown: 18 lang pero grabe sunod-sunod!!! ikaw ba ilan?
fatguyisme_2000: 15 pero hindi sunod-sunod at magaan ang mga trabaho sa iba :D
mvm17_breakdown: ok! so nainggit naman ako... hehehe
mvm17_breakdown: si pao at ang iba pang katauhan jan muztah?
fatguyisme_2000: alam mo naman si pao, palaging may ginagawa
fatguyisme_2000: mukhang mahirap ang mga kinukuha niyang mga courses ngayon
mvm17_breakdown: bad for him...
mvm17_breakdown: buti ka pa... pa-easy-easy lang... iba na talaga ang henyo!!! :D
fatguyisme_2000: hindi naman. kapag gusto mo ang ginagawa mo, mas madali
fatguyisme_2000: sulat lang ako ng sulat
mvm17_breakdown: ok... hehe
mvm17_breakdown: pasabi namn ky pao na kung my blak syang pmnta canossa sa friday wag n! nagkaayawan na eh.
fatguyisme_2000: bakit may away?
mvm17_breakdown: blak kc khanin cannossiana..
mvm17_breakdown: nagkayawan hindi nagkaawayan... hehehe
fatguyisme_2000: ah sory
fatguyisme_2000: hehehe
mvm17_breakdown: marami kasing gagawin yung iba so maraming hindi makakapunta
mvm17_breakdown: eh nakakalungkot naman kung kokonti kayo pagpunta don...
fatguyisme_2000: syempre
mvm17_breakdown: anyways, gawa na lang iba sked...
mvm17_breakdown: nakuha mo na ba canossiana mo thru ur sis...
fatguyisme_2000: oo naman
fatguyisme_2000: ang panget nga ng canossiana
fatguyisme_2000: eh
mvm17_breakdown: hahahaha!!!! ang salarin ay si miss lucido
mvm17_breakdown: talagang may galit yata yun sa tin eh.
fatguyisme_2000: o masama lang lang talaga ang taste niya
fatguyisme_2000: =))
mvm17_breakdown: grabe nga ang pang-ookray dun ni arch...
mvm17_breakdown: at take note... biruin mo si aina natutong mang-okray!!! kaya naniniwala akong pangit ang canossiana natin.!!! grr...
fatguyisme_2000: ang dami pang typo X-(
mvm17_breakdown: di ba nakakaasar!!! nagturo pa sya ng tech wrtng...
fatguyisme_2000: Hihintayin ko na lang ang Aegis ng Ateneo ngayong college :D
mvm17_breakdown: ok... hehe...
mvm17_breakdown: wat tym klas mo?
fatguyisme_2000: wala akong class ngayon, bukas meron
mvm17_breakdown: ako mamyang 1pm pa pero alis ako d2 sa bahay ng 11:00... alam mo na bundok...
fatguyisme_2000: malayo ba?
mvm17_breakdown: d2 ako bhay namin sa san pablo... kya malayo... hehehe
fatguyisme_2000: kaya pala
mvm17_breakdown: cge bhis n me... nkatowel lang me ngaun eh... malapit n mag11... nagsneak adult sites!!! hehehe
fatguyisme_2000: sige
fatguyisme_2000: ingat
fatguyisme_2000: ingat ka sa mga sites na iyan
fatguyisme_2000: may virus iyan
mvm17_breakdown: hoy... joke lang yun... wholesome pa rin ako!!! hehehe...
fatguyisme_2000: alam ko
fatguyisme_2000: bihis ka na. Gawa pa ako ng ilang project ko dito
mvm17_breakdown: cge... yngat ka rin jan.. bka makbuntis ka ng wala sa oras... hehehe say hello na lang kay pao and everybody... tyry to chat with him pag online sya
fatguyisme_2000: sige. sign out na ako. ingat
Debate
Bakit naman kasi walang debate noong nakalipas na eleksiyon. Bakit ba naman kasi hindi nakipag debate si FPJ? Natakot ba siya na magmukhang isang bobo na hindi alam kung ano ang sasabihin? Hay, ewan. Basta hindi siya nanalo. Pero paano kaya kung nanalo si FPJ? Ano ang gagawin niya? Kinikilabutan ako.
Ang lapit na ng Finals. Pero hindi ko ramdam ang kaba o excitement na dapat kong maramdaman. Tama na. Gawa na ako ng mga proyekto.
Linggo, Oktubre 03, 2004
The Shawshank Redemption
Sabado, Oktubre 02, 2004
Pagod? at Huling mga Klase
Huling klase kahapon para sa Theology. Naririnig ko na si Jihan, "Awwww." Haha. Pareho ang pakiramdam ko. Tunay na magaling na guro si Fr. Dacanay. Oo, strikto, madaling magalit at mababang magbigay ng grade si Fr. Pero magaling siyang magturo. Kahit na inaantok ako bago pumasok sa kanya, nagigising ako sa kanyang pagtuturo. Hindi ako nakatulog sa kanyang klase, maliban na lang sa isang beses na nagpuyat talaga ako ng maigi. Astig si Fr. Dacanay.
Huli na ring klase sa Fil 119.2 kanina. Workshop dapat pero hindi ko feel kasi nagmamadali si Sir Yapan. Sa Fil Dep kami nagklase kasi pinanood kami ni Sir ng mga anime na magandang halimbawa ng magic realism. Pero bago kami nanood ay nagworkshop nga kami. Inuna yung akin at maganda naman daw. Kulang na lang daw ng rhythm na mas babagay para sa kuwento. (Ok. Alam ko na kung ano ang gagawin.) Kailangan ko na lang na i-edit ang aking mga kuwento at ipasa ito sa Oktubre 8.
Nag-reserve na ako para sa ACP kanina. Yung tungkol sa exchange rate. Ayokong pumunta sa mga nakakapagod e. Naubos nga pala yung trip para sa San Pablo. Astig. Maraming interesado sa aking lungsod. Mabuhay ang San Pablo!
Martes, Setyembre 28, 2004
The Terminal
Si Viktor Navorski, na ginampanan ni Tom Hanks, ay dumating sa Amerika ngunit hindi siya hinayaang makalabas ng paliparan dahil sumiklab ang isang rebolusyon sa kanyang bansang "Krakozhia" at nagkaroon ng problemang diplomatiko. Nakakatuwa kung paano siya namuhay, paano siya nakipagkaibigan sa mga empleyado ng paliparan at kung paano siya nanatiling tapat sa kanyang pangako na hindi lumalabag sa batas.
Maganda ang pag-arte ng mga aktor at aktres sa pelikula. Nakakatuwa ang paggiging mala-Russian ni Tom Hanks sa paliparan. At maraming mga tauhan sa pelikula ay galing sa iba't ibang nasyonalidad. Sa totoo lang, maliban kay Tom Hanks, karamihan ng mga tauhan sa pelikula ay ginapanan ng mga aktor na may ganoong nasyonalidad. Maganda ang pagpapakita ng multicultural na Amerika sa "The Terminal" hindi lamang dahil paliparan iyon. Imbes, dahil Amerika ang ultimong destinasyon ng karamihan.
Astig naman ang set. Hindi ko inakala na hindi pala isang tunay na paliparan ang ginagalawan ng mga tauhan. Magaling ang pagkakagawa nila.
Sa tingin ko, ang problem lang ng pelikula ay halos minimal ang tunggalian ng mga tauhan. Kahit na ang namamahala ng paliparan ay hindi isang tunay na hadlang para sa ibang mga tauhan. Ang dahilan siguro ng tema ng pelikula tungkol sa paghihintay at pasensiya ng tao. Mayroon ding mga di-kapanipaniwalang pangyayari na hindi nabigyang dahilan.
Maganda siya. Masyadong stereotype ang boss. Pero maganda ang pagkakagawa ni Steven Speilberg sa isang pelikulang may magandang mensahe at nagbibigay ng magandang pakiramdam.
Linggo, Setyembre 26, 2004
Muntik Manakawan
Kakaiba ang asta niya. Pinipilit niya akong matakot. Palagi niyang sinasabi, "Ayaw ko ng skandalo. Huwag kang pupunta 'doon.'" Sinasabayan pa niya ng pag-akbay sa akin para hindi ako makalayo sa kanya. Takot ang kanyang ginamit para ibigay ko sa kanya ang pera ko.
Pero hindi ako nagpaloko. Natakot ako, oo. Pero hindi natakot na, "Naku, anong gagawin ko? Anong gagawin ko?" Isang takot iyon na "Ninanakawan ako! Tatakbo ako!" Kaya iyon ginawa ko. Pinakawalan ko ang sarili ko mula sa kanyang akbay nagsimulang tumakbo papuntang MRT station. Napag-isip-isip ko na ginawa ko ang isang bagay na mismong ayaw niyang mangyari, ang tumakbo ako. Nang magsimula akong tumakbo ay hindi na niya ako hinabol o sinundan.
Pagkarating ko sa MRT station ay sinabi ko agad sa security kung ano ang nangyari. Puno pa rin ng adrenaline ang katawan ko at pinilit na maging maliwanag ang aking pagpapaliwanag. Naalala ko na nakita ko siyang lampasan ako sa isang banda ng Katipunan. Inunahan niya ako, tumigil sa isang tindahan, tiningnan ako, hinayaang lumampas sa kanya, at, sa aking hula, sinundan muli ako. Mukha siyang bangag, hindi pantay ang kanyang pagsasalita at halatang nagsisinungaling. Sinabi ko sa security kung ano ang hitsura ng lalaki at nagpatuloy sa aking paroroonan.
Medyo napraning ako kaya kaba akong nakasakay sa MRT. Tinitingnan ko ang mga tao na kaduda-duda at nalayo sa kanila. Hagang makarating na nga ako sa Glorietta pero hanggang ngayon ay bangag pa rin ako sa adrenaline. Wow. Alam ko na kung ano ang pakiramdam kung pagpiliin ka ng iyong buhay o pera. Pinili kong tumakbo. Ang duwag!
At alam ko na din kung bakit "hold up" ang tawag doon kasi talagang pinatitigil ka, hinohold ka para manakawan ka. Sana ay binugbog ko na lang siya gamit ng aking payong. Hindi ko napakita ang aking "radical arnis skills." Pinakitang gilas ko lang na kaya ko pang tumakbo ng matulin. Hindi ako isang lampang duwag!
Sabado, Setyembre 25, 2004
Consultation
E hindi naman ako magaling magsalita o mangumbinsi dahil iyon na mismo ang problema ko kaya ako nagsusulat. Hindi ako magaling magsalita. Kaya ako naakit sa pagsusulat, madami akong gustong sabihin pero hindi ko masabi, nakakahiyang tumayo sa harapan ng isa o maraming tao tapos para akong nagsesermon. Kaya ako nagsusulat, hindi harap-harapan ang manunulat sa mambabasa. Hindi ako masisingitan sa mga sinasabi ko habang ako ay nagsusulat.
Iba ako pagdating sa mga salitang sinasabi at sa mga salitang sinusulat. Kaya siguro nahihirapan ako sa pagsulat ng dula dahil may aspektong pagsabi ang mga ito. At may aspektong pagkamakata, ayon kay Sir Miroy. At hindi ako makata. Hindi ko nakikita ang mundo sa isang pangyayari lamang, one moment. Hindi ko nakikita ang mundo bilang talaban at aksiyon. Nakikita ko lamang ang mga kuwento ng mundo. Tsismis sa kanto. Mga haka-haka. Mga kuwentong halos walang tauhan ngunit may sinasabi. Mga kuwentong walang talaban, walang awayan. Mga kuwento lang na kayang basahin. Hindi na kailangang ipalabas. Hindi kailangan ng pitch. Hindi kailangan ng production crew. Hindi kailangan ng tanghalan. Kuwento lang ang kaya kong ibigay. Kuwento lang.
Biyernes, Setyembre 24, 2004
Hindi Tuloy, Hindi Tuluy-tuloy, at Sana Tuloy
Medyo lumuluwag na ang pagsisiksikan ng mga gawain sa pagtatapos ng semestre. Ang ibang mga kailangang ipasa na mga sulatin at proyekto ay malayulayo pa ang petsa ng pasahan. Pero hindi ako dapat maging kampante kaya tatapusin ko na ngayon ang mga kailangang tapusin.
Oo nga pala. Nag-YM ulit kami ni Carla. Hindi ko isasama kung ano ang pinag-usapan namin verbatim. Humingi siya sa akin ng tulong tungkol sa article niya kasi kailangan niyang kausapin ang isang eksperto tungkol sa schizophrenia. Kaya ibinigay ko sa kanya ang email address ni Ma'am Lia, guro ko sa Psychology 101. Sana nakuha na niya yung email address ni Ma'am Lia pinadala kong email.
Huwebes, Setyembre 23, 2004
Kuwento at Isa pang Talk
Nagkaroon din ng bagong talk para sa drama. Sino nga ulit? Marlene Fernandez? Basta. Nagsusulat siya para sa pambatang TV shows kagaya ng Sineskwela, Math-Tinik, Hirayamanawari at iba pa. Nakakatuwa kasi parang yung mga episodes na pinag-usapan niya ay napanood ko. Pinag-usapan din niya yung mga proseso at sensibilidad ng pagsusulat para sa TV o para sa mga bata. Mula sa narinig ko, parang mahirap magsulat para sa TV. Ewan. Iyon ang pakiramdam ko. Pero mahirap naman talagang magsulat, di ba?
Kakatikim ko nga lang pala kanina noong Cello's na donut. Masarap. Malambot. Masyado lang matamis ng kaunti pero ok na rin. Malinamnam.
Kalalabas lang ng Rome: Total War!
Martes, Setyembre 21, 2004
Tulog
Pero ngayon, kaya ko nang matulog ng kahit na anong oras na gusto ko. Pwede na akog matulog ng apat o tatlong oras lamang sa isang gabi. Ayos nga lang na hindi matulog ng buong gabi. Kagaya noong mga ginagawa ko sa nakalipas na araw kung saan halos hindi ako natulog. Nagawa ko nga rin na hindi matulog para lang matapos ang isang proyekto.
Ngunit sa mga panahong itong may nakuha akong kalayaan, imbis na itakwil ang mga alituntunin na nakasanayan ko, mas lalo kong inaasam at gustong balikan ang mga panahon kung saan naaabutan pa ng aking paggising ang bukangliwayway. Ayaw kong maabutan ang bukangliwayway, gusto kong gumising sa bukangliwayway. Gusto kong matulog ng alas siete ng gabi at magising ng alas sinco ng umaga at hindi matulog ng alas sinco ng umaga.
Ultimo, natutunan ko na ang kahalagahan ng pagtulog. Hindi lamang pagtulog ng maaga ngunit pagtulog mismo. Madami akong magagawa kung gising ako ng magdamag ngunit hindi maganda ang aking mga produkto dahil mas lasaing pa ako sa isang tambay sa kanto na nakainom ng sampung bote ng beer. Masarap lang talaga at kaginha-ginhawa ang pagtulog. Walang kaduda-duda. Lalo na kung nananaginip ako ng isang nakakatuwang panaginip na mas sabog pa sa isang telenovela na siniksik sa loob ng isang oras. Nakakatuwa iyon.
Kaya ngayon ay hinihintay ko at inaasam ang pagtapos ng semestreng ito dahil makakatulog na ako ng mahimbing. Pwede na akong magising sa bukangliwayway.
Huling Kasaysayan at Proposal
Kakatapos ko na din kanina ang proposal ko para sa aking 30-minute o one-act play. Ewan ko kung tama ang ginawa ko pero sana sapat na.
Lunes, Setyembre 20, 2004
Mga Bonus na Papel kung saan hindi ko alam kung ano ang pinagsasabi ko
Kamalayan, Katawan at ang Matrix
“What is the Matrix?” ang catch phrase ng pelikulang ito. At ano nga ba ang Matrix? Ang Matrix ay isang programa o simulation kung saan nananahan ang kamalayan ng lahat ng mga tao. Isang malaking panaginip kung saan kabilang ang lahat ng tao.
Kung malaman mong ang mundo na alam mo at kilala mo ay hindi totoo, isa lamang itong panaginip, ano ang gagawin mo? Ito ang premise ng pelikulang “The Matrix” at ang sci-fi/action na pelikulang ito ay nagbabato ng mga makasakit-ulong mga tanong.
Pinapatotoo na literal ang argumento ni Descartes kaya pinagduduhan niya ang kanyang mga pangramdam. Paano mo nga naman malalaman kung hindi isang panaginip ang mundo kung halos walang pinagkaiba ang panaginip sa tunay na mundo. Sa pelikula, direktang nakakabit ang mga utak ng mga tao sa Matrix at ang lahat ng nararamdaman nila ay inaapektuhan at minamanipula ng Matrix. Hindi napapansin ng mga tao na hindi totoo ang kanilang mundong ginagalawan dahil halos perpekto ang panggagaya ng Matrix sa mundo.
Sa isang banda, pinapakita rin ng pelikula ang ugnayan ng katawan at ng sarili. Hindi kayang mabuhay ng dalawa na hiwalay. Kahit na nasa loob ng Matrix ang sarili o ang cogito, ang sarili para kay Descartes, hindi dapat basta-basta mawala ang ugnayan ng katawan at ng cogito. Pinapatotoo ng pelikula ang pagsasakatawan ng tao. Ngunit, imbes na namamagitan ang katawan sa mundo ng Matrix, ang katawan ay nagmimistulang lalagyan ng cogito. Kaya kayang “lumabas” ng cogito sa katawan at umiral ito sa Matrix dahil hindi na namamagitan ang katawan. Ang katawan ay isang lalagyan kung saan hindi dapat tayo mahiwalay. Ngunit kailangan nating bigyang halaga na kahit na nasa loob ng Matrix ang cogito, may ugnayan pa rin mula sa katawan at cogito. Kaya noong puwersahang pinutol ni Cipher ang ugnayan ng katawan at cogitong nasa Matrix ng kanyang mga kasama ay namatay sila dahil hindi dapat mahiwalay ang dalawa.
Isa pa ay ang pananaw kung ano nga ba ang masasabi nating buhay o hindi buhay. Sa loob ng Matrix ay hindi lamang tao ang namumuhay doon kundi mga malay na programa, kagaya ni Agent Smith. Ang mga programang ito ay walang katumbas sa tunay na mundo hindi kagaya ng mga tao na mayroong katawan. Ang mga programa ay mga code at numero lamang na kasangkot sa mas malaking formula ng Matrix. Ngunit mga malay silang mga bagay. Kaya nilang magmuni-muni at gumawa ng sariling desisyon. Ang pinagkaiba lamang nila sa mga tao ay hindi nila kayang lumayo sa lohika at mga pormula kung saan pinagbabasihan ng mga programa ang kanilang mga desisyon. Kaya nating gawin ang mga hindi lohikal at hindi praktikal na bagay dahil tao tayo. Iyon ang pagpapakatao natin. Kaya nagagalit si Agent Smith sa mga tao dahil hindi tayo mga praktikal na mga nilalang kumpara sa ibang mga hayup. Imbes na kunin ang sapat lamang sa atin ay inaabuso natin ang kalikasan. Ang pagbabagay ng kalikasan para maging maginhawa sa tao.
Sa puntong iyon, bakit kaya nating ihiwalay ang sarili ating sarili mula sa kalikasan? Dahil kaya nating lampasan ang nandiyan na. Ang kalikasan ay isang facticity, isang bagay o katotohanan na naan diyan na. Ngunit kaya nating lampasan ang nadiyan na, kaya nating mag-transcend. Kaya kayang magkaroon ng “The One” sa Matrix dahil kaya nating lampasan ang mundo kung saan namulatan tayo. Dahil si Neo ay nagkaroon ng malay sa loob ng Matrix, maaaring siya nga ang “The One.” Kaya isang tao lamang ang kayang maging “Tha One” dahil ang mga programa ay limitado sa mga batas ng Matrix.
Kaya masasabing “buhay” ang mga makina at mga programa sa mundo ng Matrix ngunit hindi pa rin natin masasabing tao sila. Dahil kahit na matalino ang mga programa, hindi sila tao dahil hindi nila kayang lampasan ang kanilang sarili at ang mga facticity ng Matrix. Sa tunay na mundo naman ay hindi talaga tao mga programa o machina dahil wala silang katawan. Kung mayroon namang silang “katawang” gawa sa bakal, hindi naman sila sumasakatawan dahil kaya nilang ihiwalay ang kanilang kamalayan mula sa katawan.
Simone: Katotohanan at Kasinungalingan
Katotohanan sa pelikula at sa tunay na mundo. Kasinungalingan nagiging katotohanan. Totoo bilang pananaw at paniniwala. Peke na nagiging totoo. Pag-iral dahil sa iba. Ito ang mga bagay na pinag-usapan sa pelikulang Simone.
Ang pelikulang Simone ay tungkol sa isang direktor, si Viktor Taranski na ginampana ni Al Pacino, na nilapitan at pinamanahan ni Hank Aleno, isang programmer na ginampanan ni Elias Koteas, ng isang programa na may pangalang Simulation One o Simone. Kaya ni Simone na palitan ang tunay na aktor at kayang maging magaling na aktor dahil madali siyang gamitin at manipulahin. Gagamitin lang sana ni Viktor si Simone sa isa niyang pelikula para isalba ito at mapalabas man lamang. Ngunit hindi inaasahang tinanggap na taos-puso ng mga manonood so Simone at lumobo ng lumubo ang popularidad ni Simone na hindi na mabago ni Viktor ang sitwasyon.
Isang komedya ang pelikula ngunit malalim ang mga ideya nito at maaaring mangyari ang mga sitwasyon ng pelikula. Isa sa mga ideya ay ang pag-iral ng kasinungalingan at peke sa kamalayan ng mga tao. Isa itong nakakatakot na ideya dahil pinapatotoo nito ang takot at duda ni Descartes tungkol sa mundo. Ipinapakita ng pelikula na maaaring umiral ang kasinungalingan at maaaring tanggapin ng mga taong itong kasinungalian na ito bilang katotohanan. Si Simone ay hindi isang tunay na tao ngunit ipinakilala siya sa isang medium, ang pelikula, kung saan ginagaya o pinapakita ang katotohanan. Ang pelikula ay isang pamamaraan na ipakita ang katotohanan. Ngunit kayang ipakita sa isang pelikula ang kasinungalingan bilang katotohanan. Dahil dito ay tinanggap si Simone kasi hindi naihiwalay ng mga tao o, mas tama, ng mga tagasubaybay ang magkaibang mundo ng pelikula at tunay na mundo. Iyon ang kapangyarihan ng pelikula at ng media, sa kabuuan. Pinatotoo nito sa sinabi ni Viktor habang kinausap niya si Simone, o ang kanyang sarili, “Sa pelikula, ang totoo ay hindi mahalaga. Mas mahalaga ang pagsasabuhay ng katotohanan.”
Mula doon sa sinabing iyon ni Viktor ay binigyang kaibahan ang totoo mula sa katotohanan. Para kay Viktor, ang totoo ay mga bagay na umiiral sa mundo habang ang katotohanan ay ang mga ideya, pananaw, at paniniwala na umiiral sa mundo. Sa mundong puno ng mga pagkukunan ng kaalaman, kagaya ng TV, radyo, Internet at pelikula, madaling tanggapin na katotohanan ang mga kasinungalingan dahil nawawalan tayo ng oras para lubusang alamin kung ano nga ba ang katotohanan.
Isa pang pinag-usapan sa pelikula ay ang pag-iral ng tao. Si Simone ay isang programa na nagpapanggap na tao at dahil ang nasa likod ng kanyang pag-iral ay isa namang tunay na tao, si Viktor, kapanipaniwala ang kanyang pagpapanggap. Ngunit kung tatanggalin si Viktor sa harap ng computer, magiging isang walang kamalay-malay na bagay si Simone, hindi kagaya ng mga programa sa pelikulang “The Matrix.” Pero “buhay” ang pag-iral ni Simone sa mga kamalayan ng mga tao dahil “parang buhay” ang pagkakakilala ng mga tao sa kanya. Kung malay ang lahat na “buhay” ang hindi buhay, buhay pa ba ito? Ipinapakita ng pelikula ang mala-“An Enemy of the People” na sitwasyon kung saan bentang-benta sa pananaw ng mga tao na tunay at totoo si Simone, kahit na ito ay mali. Pinapaikot ng pelikula ang ideya ng pakikisalamuha ng mga tao. Dahil limitado ang “pakikisama” ni Simone sa mga tao, tinanggap ng mga tao si Simone bilang tunay na tao.
Ngunit hindi dapat nating hayaang umiral ang hindi totoo. Kailangang baguhin ang kamalayan ng mga tao. Hindi ako sumasasang-ayon sa pagtatapos ng pelikula kung saan hindi tinama ng pamilya ni Viktor ang sitwasyon. Dapat ay sinuportahan nila ang katotohanan. Hindi dapat nila dinadala sa kamalian ang mga tao kasi mahirap baguhin ang kanilang kamalayan tungkol kay Simone.