Kanina ko lang natapos ang "One Hundred Years of Solitude" ni Gabriel Garcia Marquez. Sa totoo lang, noon pa nasa koleksiyon ko ang nobelang ito. Nagkaroon na nga ng kulay ang papel sa tagal na nakalagay lamang sa isang kanto. Nagdadalawang isip kasi ako noon dahil mukhang napakakapal ng libro at baka hindi ko matapos ang libro. Pero mukhang nagkamali ako sa takot ko dahil nagsimula na akong magbasa ay hindi ko lamang natapos ang libro, hindi ko siya maibaba dahil sa kamangmanghang kuwento at pangyayari.
Sa simulang pa lang ay puno na ng kahiwagaan ang nobela, parang isa lamang panaginip ang lahat ng mga pangyayari sa kuwento. Ang paglipas ng oras at panahon sa nobela ay hindi mahalaga. Ang importante ay ang walang humpay na pagkukuwento.
Ang iba't ibang pangyayari ay hindi ko maintindihan. Parang ikinuwento lamang iyon para manatiling interesante ang kuwento. Pero sa likod ng mga pambihira at kamangha-manghang mga pangyayari ay ang katangian at personalidad na ibinibigay hindi lamang sa mga tauhan kundi pati na rin sa pambihirang lugar ng Macondo, ang tagpuan ng nobela.
Nakakapagod ang pagsulat ni Garcia Marquez. Mahahaba ang mga pangungusap. Nakakalito ang banghay. Sa isang parte ng nobela ay nawala ako ng kaunti dahil madaming pagbabalik-tanaw at pagtanaw sa hinaharap. Ngunit sa likod ng nakakalito at mahirap na pagbasa sa nobela ay isang linya at liwanag na nasusundan ko para magpatuloy na magbasa at maintindi kung ano na nga ba ang nangyayari.
Kamangha-mangha ang nobelang ito. Kahit na sakop ang isang daang taon ay parang hindi lumipas ang panahon sa kuwento. Ang tema ng pag-iisa ay hindi lamang inilarawan kundi binigyang liwanag kung bakit nagiging kuntento ang tao na ikulong ang sarili at maging mag-isa.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento