Lunes, Disyembre 06, 2004

Cavite

Apat na oras lang tulog ko pero pinilit kong bumangon dahil sa "educational trip" sa Cavite para sa Hi166. Kaya buong araw ay para akong zombie na nakasunod lang sa pila sa kabang bumaba kami ng bus at natutulog lamang kapag nakasakay sa bus. At kaya parang ang bilis ng daloy ng oras sa buong trip.

Nagkita-kita ang mga sumama sa Xavier Hall. Naghihintay na doon ang mga bus at ang mga guro. 6:30 ng umaga ay nagsisakayan na ang mga tao pero mga 7:00 na ng umaga bago pa kami umalis ng Ateneo kasi hinintay pa namin ang mga nahuli.

Sumakay ako sa bus # 2. Naging katabi ko ang isang kong kagrupo sa papel para sa Hi166. E medyo malaki din siya kaya nagsiksikan kami sa inuupuan namin. Hindi naman sa sobrang siksikan. Para bang sakto lang ang upuan namin kaya iyon medyo hindi komportable kaming dalawa.

Una naming tigil ay sa Kawit, Cavite. Sa Aguinaldo Shrine, ang bahay ni Heneral Aguinaldo na pinagdadausan ng mga seremonya tuwing Araw ng Kalayaan. Ok din ang bahay. Malaki. Ilustradong-ilustrado ang dating. Mayroon pang sariling bowling alley ang bahay. Astig. Hanggang ikalawang palapag lang kami pero mukhang mas marami pa doon ang mga palapag ng bahay. Nasa likod ng bahay naman ang mga labi ni Hen. Aguinaldo. Nakapaloob sa marmol. Ang dami ng mga larawan at litrato ng mga bumisita sa bahay. Mga presidente ng Pilipinas at ng ibang mga bansa, mga heneral, at mga prime minister. Maganda nga rin pala ang kotse ni Aguinaldo, isang 1924 Rolls-Royce sa pagkakatanda ko.

Sunod naming pinuntahan ay Cavite City. Naan doon ang Sangley Point at Fort San Felipe pero hindi kami pumunta doon dahil sarado ang mga iyon tuwing Linggo. Pero tinuro naman sa kung saan ginanap ang Battle of Manila Bay. Ok nasa pero ang dumi ng tubig doon. "Tumalon ka diyan sa tubig. Pag-ahon mo may tatlo ka nang mata," biro ng isa sa mga kasama ko sa trip.

Mayroong mga lokal na tagagabay sa amin. Dalawa sila. Isang lalaki at isang babae. Mabait naman yung lalaki at madami siyang sinabi tungkol sa mga nangyari doon. Medyo nakakaasar naman yung isang babae, na matanda, kasi medyo mayabang siya tungkol sa ginawa ng mga Caviteño. "Kung hindi dahil sa aming mga Caviteño, wala kayo ngayon dito," sabi niya. Ano? Paano yung ibang mga naghimagsik? Yung Batangas, Laguna, Pampangga, Bulacan, Maynila, Nueva Ecija, at Tarlac? Ngumiti na lang kami nina Sir Madrona at Sir Manaois sa kanyang sinabi.

Sunod naming pinuntahan ang shrine of Our Lady of... nakalimutan ko na. Pasensiya. Hindi kami masyadong nagtagal doon.

Isang oras ang panahon na nilaan para sa pagkain ng tanghalian. Sa McDo ako kumain. Yun lang.

Sunod naming pinuntahan ay ang Casa Hacienda sa Naic. Doon nagtayo ng bagong pamunuan para sa Cavite si Bonifacio pagkatapos ng Tejeros Convention. Isa na siyang paaralan ngayon at mayroon daw nakikitang mga multo ang mga mag-aaral at guro paminsan-minsan. Nakakatuwa na ang paaralan mo ay isang mahalagang bahagi ng kasaysayan.

Sunod ay pumunta kami ng Maragondon Church. Hindi ko alam kung ang kahalagahan ng simbahan. Pasensiya ulit.

Huli naming pinuntahan ay ang bahay kung saan ginanap ang paghahatol kay Bonifacio. Hindi ko gusto yung lugar na iyon. Masamang bahagi kasaysayan natin. Pasensya na. Pro-Bonifacio ako.

Pagkatapos noon ay umuwi na kami. Tulog lang ang ginawa ko doon. Inaantok talaga ako. Sobra. Pagdating na dating ko ay natulog ulit ako.

Marami ako natutunan. May maganda. May hindi maganda. Pero ok na rin. Masaya ang kasaysayan.

3 komento:

Hindi-nagpakilala ayon kay ...
Naalis ng isang administrator ng blog ang komentong ito.
Hindi-nagpakilala ayon kay ...
Naalis ng isang administrator ng blog ang komentong ito.
Hindi-nagpakilala ayon kay ...
Naalis ng isang administrator ng blog ang komentong ito.