Ito ang una kong pinanood na pelikula sa Metro Manila Film Festival. Naintriga ako. Bisaya ang buong pelikula. Mukhang interesante.
Pumapalibot ang buong kuwento kay Duroy, na ginampanan ni Cesar Montano na direktor din ng pelikula. Isa siyang bangkero. Salat at hirap ang kanyang buhay. Ipinapakita ng pelikula ang kahirapan ng kanyang buhay at ang mga mahihirap na pangyayari sa kanyang buhay. Mula sa pag-iwan ng kaniyang ama, pagkamatay ng kanyang kapatid at ina, at ang Ikalawang Digmaan na dumating sa kanyang isla.
Kaya hindi ito isang war film, isang pelikulang pandigma. Bahagi lamang ng kanyang karanasan ang digmaan. Kaya sa bandang huling kalahati lang ng pelikula nangyari ang digmaan.
Puno rin ng bugso ng damdamin ang pelikula. Maraming mga tauhan na nagkikimkim ng malalakas na damdamin. Mga damdamin na binubuhos o tinatago. Dito inilalabas ng pelikula ang mga tambalan at tensiyon.
Pero pagminsan, ang hirap maintindihan ang mga tauhan. Kaunti lamang ang dahilan para sa mga ginagawa nila. Kulang sa pasasalaysay o pagpapakita. Para siyang isang maikling kuwento na ipinapakita lamang ang kailangang ipakita. Kaya mahirap madaling maintindihan ang pelikula dahil sa kaunting at maliliit na mga bagay ay nagbabago ang daloy ng kuwento.
Consistent at tulo-tuloy ang pelikula pagkarating sa presentasyon. Tuloy-tuloy ang pagpapakita ng kapayakan ng buhay ng mga mamamayan at tauhan. Kakulangan sa buhay hanggang sa kakulangan ng armas sa digmaan. Ganoon din naman sa pagsasalaysay. Pigil at malinaw. Malilito ka lang kung hindi ka handa sa pagtanggap sa mga maliliit na bagay na binabato ng pelikula. Nakakatuwang isiping isa itong direksiyon ni Cesar Montano. E mulat na mulat siya sa mga pelikulang aksiyon. Kamangha-mangha na hindi niya dinala doon ang pelikula. Nakakapagtaka nga na ang mga bahaging may bakbakan ay parang kulang.
Maganda ang pelikula. May ilang munting sandali na hindi siya nagiging lohikal pero ganoon naman tagala ang mensahe ng pelikula. Walang dahilan ang buhay kung hindi mabuhay.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento