Ngayong araw na ito ay ang anibersaryo ng kasal nina Mom at Dad. Kinasal sila noong Oktubre 30, 1985. Sa parehong petsa noong taong 1992 ay pinanganak naman ang kapatid kong si Marol. (Happy Birthday Bunso!) Sabay ang kaarawan ni Marol at anibersaryo ng mga magulang ko. Nakakatuwa.
Iba pa sa mga pagdiriwang ngayong araw na ito, nagkita-kita kami nina Paolo, Gino, Carla, Mara, at Tonet sa Greenwich ng palengke, este, San Pablo Shopping Mall. Masayang makita ko ulit sila. Inakalipas na bakasyon ko silang huling nakita. Kumain kami ng tanghalian bago kami dumiretso papunta sa “Market sa Lawa,” gimik ng gobyerno para palaguin ang turismo at negosyo ng bayan. Mula sa palengke, este, San Pablo Shopping Mall ay naglakad kami papuntang Lawa ng Sampalok kung saan ginanap ang “Market sa Lawa.”
Nakakatuwa at ang dami nga naman ng mga nagtitinda doon sa may Lawa ng Sampalok. Pinalibutan ang Rizal Park ng San Pablo at isang mahabang tabi ng lawa. May mga nagtitinda ng mga handcrafts, pagkain, komiks, halaman at kung anu-ano pa.
Tumambay lang kami pagkatapos makipagkita kay Conrad doon sa tabi ng lawa. Hindi ko masasabing sobrang maganda ang tanawin o sariwa ang simoy ng hangin sa tabi ng lawa. Pero masasabi kong hindi iyon kasing lala noong napakadami ng fishpen at naging tambakan ng basura ang Sampalok. Astig pa ring makita ang matayog na Bundok Banahaw sa tanawin.
Pagkatapos ng aming paggagala sa “Market sa Lawa” at sumama sa akin sina Paolo at Gino papunta sa bahay ko para makapaglaro ng kaunting Gamecube. Masayang maglaro ng Super Smash Bros. Melee.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento