Kagaya ng sinabi ko dati, wala akong klase para sa Fil 119.2 kaya consultation lamang para sa proposal sa 30-minute play ang ginawa ko kanina. At kailangan kong gumawa ng bago. Hay. Akala ko pa naman ay matatanggap na. Siguro, hindi lang talaga ako marunong magsulat ng dula at, ultimo, hindi lang talaga ako isang playwright. Inaasahan kasi ni Sir Miroy na ako ay mag-pitch ng aking proposal.
E hindi naman ako magaling magsalita o mangumbinsi dahil iyon na mismo ang problema ko kaya ako nagsusulat. Hindi ako magaling magsalita. Kaya ako naakit sa pagsusulat, madami akong gustong sabihin pero hindi ko masabi, nakakahiyang tumayo sa harapan ng isa o maraming tao tapos para akong nagsesermon. Kaya ako nagsusulat, hindi harap-harapan ang manunulat sa mambabasa. Hindi ako masisingitan sa mga sinasabi ko habang ako ay nagsusulat.
Iba ako pagdating sa mga salitang sinasabi at sa mga salitang sinusulat. Kaya siguro nahihirapan ako sa pagsulat ng dula dahil may aspektong pagsabi ang mga ito. At may aspektong pagkamakata, ayon kay Sir Miroy. At hindi ako makata. Hindi ko nakikita ang mundo sa isang pangyayari lamang, one moment. Hindi ko nakikita ang mundo bilang talaban at aksiyon. Nakikita ko lamang ang mga kuwento ng mundo. Tsismis sa kanto. Mga haka-haka. Mga kuwentong halos walang tauhan ngunit may sinasabi. Mga kuwentong walang talaban, walang awayan. Mga kuwento lang na kayang basahin. Hindi na kailangang ipalabas. Hindi kailangan ng pitch. Hindi kailangan ng production crew. Hindi kailangan ng tanghalan. Kuwento lang ang kaya kong ibigay. Kuwento lang.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento