Ipinapakita ang mga post na may etiketa na plays. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na plays. Ipakita ang lahat ng mga post

Sabado, Oktubre 04, 2008

Arangkada

1.

(Isang alaala nang minsang pumila sa cashier ng LS Bookstore para magbayad ng isang bilihin, bago mag-bonfire.)

Isang babaeng atenista, may hawak-hawak na puting t-shirt at kausap ang kanyang kaibigan: Ayan mayroon na akong ipasa-sign sa kanila at maipampupunas na rin.

(Gawin ba namang santo ang mga player.)

2.

Nanalo ni Sir Vim Yapan sa Urian noong Oktubre 1. Nanalo ang "Rolyo" bilang pinakamahusay na short film. Narito ang artikulo mula sa ABS-CBN

3.

Noong Huwebes ay huling araw ko ng klase para sa Fil11. Pinagreport ko ang aking mga estudyante tungkol sa imahen ng ilang mga artista. Isa sa mga grupo ay nag-report tungkol kay Juday. Tiningnan nila ang bagong imahen ni Juday bilang fitness guru. Ginawa nila e pinag-cross-dress nila ang malaking atleta na klase nila at pinagpanggap na Juday sa isang "interview". PinakaLOL na moment:

Interviewer: Juday, nagpa-lyposuction ka daw.

Juday: Hindi ha. Fitrum iyan. At push-ups. (hahawiin ang upuan at magpu-push-up)

Panalo.

4.

Natapos ko rin basahin kamakailan ang "Pamilya" ni Eli Guieb. Nabasa ko na nang pautay-utay ang mga kuwento niya sa ibang mga pagkakataon. Magaling si Guieb. Paborito kong mga kuwento e yung "Ama", "Kasal" at "Horoscope". Isa kong napansin sa mga kuwento ay kung gaano kaprominente ng kamatayan sa mga kuwento. At kalimitan ay lunsaran ang kamatayan para sa mga pagtatagpo. At consistent ito sa "Ama," "Pinsan", "Bunso", at "Horoscope".

5.

Pinanood ko kahapon ang final project ng mga klase ni Sir Egay. Enjoy naman kahit na medyo napapakamot kami ng ulo sa mga dokyu at dula na pinalabas. Natuwa kami sa mga dokyu lalo na sa "TODA" at "Gentle Giants". Magaling ang research ng mga ito. Katuwa yung mga interview ng "Gentle Giants" sa mga bouncer. Very timely naman ang "TODA" pagdating sa pagbusisi nito sa isyu ng pagbabawal sa mga traysikel na dumaan sa Katipunan Ave. Mayroon ding isang magandang play na itinanghal. Yung "Trabaho Soliloquey". Aliw lang talaga.

6.

Kanina e nanood ako ng "Batang Rizal" sa PETA Theater. Natuwa ako dito. Sabi nga ni Allan Derain, kahit na gasgas na iyong topic, nagawan pa ring fresh ang tungkol kay Rizal. Nakasama naming manood ang ilang klase ng mga estudyante. Statefield ata ang pangalan ng paaralan. At well behaved naman ang mga nanonood. Mas nairita pa nga ako sa mga bantay nila na ang iingay. Nakakatuwa yung mga estudyante pagkatapos ng dula. Pinagdiskitahan ng mga babae ang mga lead na lalaki. Binati kasi ng mga gumanap ang mga manonood pagkatapos ng pagtatanghal. Dinumog ng mga estudyanteng babae ang gumanap na Rizal at Pepito para magpa-picture. Nakakatuwa.

7. links

Isang mag-asawa sa Malaysia, namatay dahil sa ritwal!

Mga Taiwanese, nag-away dahil sa gatas!

Ang opisyal na press release para sa 8th ANWW.

Isang sanaysay tungkol sa maikling kuwento.

Martes, Hulyo 15, 2008

Untitled

1.

Pinanood ko ulit noong Biyernes ang "Tarong" ng Entablado. Nanood kasi noon ang ilan sa mga estudyante ko. Doon ako umupo sa tabi kahit na may nakareserbang upuan sa gitna. Gusto ko kasing makita ang reaksiyon ng mga estudyante sa mga dula lalo na sa "Mga Pobreng Alindanaw" at "Baclofen." Sa tingin ko, naging di-komportable ang mga nanood sa "Baclofen" pero hindi naman sobrang naeskandalo. Tumili rin yung mga lalaki pero, all in all, nabalanse naman ng "Mga Pobreng Alindanaw" ang "Baclofen." Manonood ulit ako bukas. Dito naman manonood ang iba ko pang mga estudyante.

2.

Pinanood ko ang "The Warlords" noong Sabado. Matagal ko nang hinihintay ito. Noong Diyembre pa noong pumunta ako sa Hong Kong kasama ang pamilya. Noong nakita ko ang mga poster nito sa doon, ginusto ko talagang panoorin ito. Kaya pagkatapos ng 7 buwan, napanood ko na rin sa wakas. Dinub ito sa Ingles kaya siguro natagalan dumating sa Pinas. Mas gusto ko sana na subtitles na lang pero okey na rin. Maganda dating sa akin ng pelikula. Hindi glamoroso ang digmaan at labanan dito. Madumi at madugo ang mga battle scenes. At komplikado rin ang mga tauhang sundalo't heneral, mga taong kailangang pumili sa pagitan ng personal at panlipunan na kabutihan. May mga bida at kontrabida ang pelikula pero hindi sila lahat malilinis at madudumi lamang. May mga sandaling madrama pero okey lang iyon. Hindi ako na-disappoint.

3.

Nagkaroon ng Block E dinner noong Sabado. Masayang makita ulit ang mga tao. May mga larawan sa Multply nina Yumi at Billy.

4.

May blog nga pala ang Kagawaran ng Filipino. Nakalaay na doon ang mga announcement para sa Sagala ng mga Sikat at mga Patimpalak para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika.

5.

Isang interview kay Salman Rushdie.

Ang nawawalang Western ni Gabriel Garcia Marquez.

Isang artikulo tungkol sa ambag ni Fernando Pessoa sa panitikang Portuges.

Lunes, Hulyo 07, 2008

Lumindol kagabi, di ba?

1.

Natapos ko nang basahin ang "The curious incident of the dog in the night-time" ni Mark Haddon. Tungkol ang nobela kay Christopher Boone, isang autistic na binata nagsimulang magsulat ng isang libro dahil sa pagkamatay ng aso ng kanyang kapitbahay. Si Christopher ang tagapagsalaysay ng nobela. At dahil autistic siya, may kakaiba siyang pagdanas sa mundo at ito ang pangunahing pang-akit ng nobela. Nagtatangka ang nobela o si Christopher na maging isang nobelang detektib. Ngunit may misteryo ang nobela dahil nga kakaiba ang pag-unawa ni Christopher sa mundo. Lubhang napaka-straightforward ang kanyang pagtingin sa mga bagay-bagay at hirap siyang maunawaan ang relasyong personal ng mga tao. Sa totoo lang, medyo napagod ako pagdating sa dulo ng nobela (o dahil pagod lang talaga ako noong araw na iyon?). Sa kabuuan, isa itong magandang kung hindi cute na nobela.

2.

Parent's orientation noong Sabado. Pumunta ako para makita naman kung paano ipinapakilala ng Ateneo ang sarili nito sa mga magulang. Ang pinakainteresante na nangyari doon ay ang Q&A sa dulo ng orientation. Iba't iba ang tinanong mula sa dress code, sa nangyari sa Dela Costa, sa traffic/pollution problem ng Ateneo atbp.

3.

Pagkatapos ng Parent's Orientation, sumama ako kina Sir Je at Aris para magmiting para sa paghahanda sa Sagala ng mga Sikat sa Buwan ng Wika. Dahil bago pa lang ako at wala pang komite, inilagay nila ako sa komite para sa Sagala ng mga Sikat. Ito marahil ang magbibigay sa akin ng stress sa kabuuan ng Agosto.

4.

Pagkatapos ng miting, pumunta kami sa RMT para manood ng bagong produksiyon ng Entablado. Critic's night ito at opisyal na magbubukas ang "Tarong" sa Hulyo 9. Required na manood ang halos lahat ng mga klase sa Filipino. Kaya nga nanood ako nang maaga. Tatlong dulang tig-iisang tagpo ang itinanghal at okey naman ang produksiyon. Kagaya nga ng sinabi ni Sir Egay, mahihirapan kami sa pagpapaliwanag at pagtuturo sa dulang "Baclofen." Sa totoo lang, hindi ako namomroblema sa gay kissing scene (spoiler pero kailangan din namang ipaalam sa mga estudyante na merong ganito so okey lang). Namomroblema ako sa dark tone ng dula at, kagaya nga ng sinabi ng mga nagkomento, sa kawalang-pag-asa sa katapusan ng dula. Pero sigurado, mag-e-enjoy ang mga estudyante sa "Mga Pobre Alindanaw." LOL ito at halos mahimatay ako sa katatawa noong Sabado.

5.

Pinanood ko nga pala ang UFC Rampage Vs. Griffin. Maganda yung Light Heavyweight championship match nina "Rampage" at Forest Griffin. Kaawa-awang paa. Naramdaman ko iyon habang nanonood. Bakit nga pala ako nanonood ng UFC? A oo, yung dugo at yung submissions.

6.

Pinanood ko ang "Hancock" kahapon. Kakaiba itong superhero movie. Mahirap sabihing maganda. Maganda ang on-screen chemistry ni Charlize Theron at Will Smith. Maraming nakakatawang mga eksena. Ang laki lang talaga ng problema ng naratibo nito. Akala ko'y kuwento ito ni Hancock. Yun pala hindi lang kanya. Wala lang talagang momentum ang pelikula pagdating sa naratibo.

7.

Uy, nanalo ang UP kahapon. O. M. G. Kaya siguro lumindol kagabi dahil sa pangyayaring ito. Nanalo nga rin pala ang Ateneo.

Linggo, Setyembre 16, 2007

"Art-art kayo dyan. Ulol!" - mula sa "Fluid" ni Floy Quintos

1.

Umalis noong madaling araw ang kapatid kong si Tetel papuntang China. Kasama siya sa mga mananayaw ng kanyang dance group na magsasayaw doon. Hinahanapan ngayon nina Dad at Mama na i-activate ang roaming capability ng kanyang cellphone. Mag-ingat sana siya doon. Ibang kultura nila doon.

2.

Pinanood ko noong Biyernes, bago pumunta sa painom nina Kael at Allan Pastrana, ang "Fluid" sa Ateneo. Nakasama kong manood sina Geopet at Yumi. Punong-puno ang Gonzaga Theater. Nakakatuwa ito dahil found raiser ito ng mga TA Seniors. Timba-timba sana ang kanilang kita ngayon.

At hindi rin naman kataka-taka kung bakit full house sila ngayon dahil maganda ang dula. Nakakatawa ang dula mula simula hanggang katapusan.

Tungkol ang dula sa karir ni Amir, isang pintor, mula sa kanyang simulain hanggang sa pagtatanghal ng kanyang one-man show. Sa pagitan ng kanyang pakikipagtunggali sa kanyang patron ay ikunuwento naman ang relasyon at ang paglayo ng dalawang baklang aktor at ang pagtutunggalian ng isang event coordinator at isang orchestra coordinator turned art critic.

Ang pangunahing tema, kung titingnan pa lang ang mga tauhan, ay tungkol sa sining at ang relasyon nito sa komersyalismo. Napilitan si Amir na magkompromiso sa kanyang sining upang patatagin ang kanyang pangalan. Naging isang up and coming popstar ang isang sa dalawang baklang aktor ngunit kinailangan niyang itago ang kanyang pagkabakla. Maigting na sinusuri ng dula ang tanong kung magiging tunay at totoo pa ba ang isang likhang sining sa ganitong uri ng kompromiso. Kung nagiging totoo pa ba ang manlilikha sa kanyang sarili.

3.

Pagkatapos ng dula, pumunta akong Papus Grill para sa painom. Maraming pumunta. Hinakot na ata halos lahat ng buong barangay ng mundo ng mga manunulat. Mahirap maglista, magiging directory itong post na ito. Bagaman mahalagang sabihing nakatikim na ako ng rice wine. May nagdala kasi at natikman namin. Masarap. May lasang tsokolate/vanilla/liquorice na may kaunting pait. Ayos.

4.

Puta, talo ang Ateneo sa NU. Hahahaha

Huwebes, Enero 18, 2007

FA Fest 2007

Nanood ako kasama sina Jihan, Yumi, Jace, Jay, at Geopet ng ilang mga dula kahapon ng Fine Arts Festival ngayong taon. Mga ilang komento lang kasi magagaling ang dula.

St. Philip's Medical Ward

Isang dulang sinulat at dinirek ng isang sophomore, BJ Crisostomo ata ang pangalan. Tungkol sa isang phychiatric ward sa panahon ng Amerikano. Maganda ang diskursong tinatahak ng dula tungkol sa nasyonalismo at kolonyalismo. Bagaman may problema ako sa pagtatapat sa dalawa at paglalagay ng dalawang ito sa kalagayang "sira-ulo" at "normal." Sira-ulo ba tayo dahil sa nasyonalismo natin o sinara ang ulo natin ng kolonyalismo. Hindi malinaw. Pero magaling ang performance ng mga aktor. Kagaya nga ng sinabi ni Yumi, medyo mabigat ang kabuuang tono ng dula. May epek. Isa problema rin sa ilang anakronismo. Sa mga detalye lang naman.

Virgin Ka Pa Ba?

Dula ni Miyo. Tumulong siya sa amin noong FA Fest namin. Maganda rin dula. Tungkol sa sex. (Obvious ba?) Mas mabuting tingnan ang buong palabas na binubuo ng tatlong magkakaibang dulang tumatalak sa sexual politics. Maganda yung unang bahagi. Lalaking-lalaki kasi. May bagong sinasabi. Kaya medyo na-off ako sa pangalawa kasi medyo "the usual" na kuwento tungkol sa relasyong batang babae-matandang lalaki. Pero magaling yung aktres dun. Napaka-creepy naman yung huli. Magaling ang istilong ginamit ni Miyo sa bahaging ito.

Fairy Tale Fusion

Dula ni PH. Tinulungan din niya kami noon. Ito ang da best talaga na dula na napanood ko kahapon. Simple lang yung set. Magaling pa yung mga aktor at aktres. At yung kuwento, astig. May dating. (Di ba, Geopet?) Maganda yung diskurso nito. Existential. Galing. Ang dami pang mga alusyon, di lang sa fairy tales pati na rin sa pop culture.

isang hirit kay geopet:
gusto mo ba ng apple? :D

Miyerkules, Pebrero 23, 2005

Patungkol sa mga Dula

Pinanood ko kanina ang ilan sa mga dulang ginawa ng mga kumukuha ng Drama Workshop. Nakakalungkot at hindi napanood ang lahat ng mga dula. May klase kasi ako! Asar. Napanood ko ang mga ginawang dula nina Danielle at Jace.

Sa dula ni Danielle,"Train of Thought," ay umiikot ang kuwento sa isang babaeng nakasakay sa LRT at sa kanyang "kuwentuhan" sa isang kasakay na pasahero ng LRT. Hindi lantaran na sinabi na maaari o kunwari lamang ang pag-uusap ng dalawang tauhan. "Suggested" lang na kinakausap lamang ng babae ang kanyang sarili at ginagamit niyang imahen ang kasamang lalaki sa kanayang internal na monologo. Nakakatuwa ang sitwasyon na ito dahil ang kabuuan ng usapan ay umiikot sa paglalahad ng saloobin. Ironic ito dahil kinakausap lamang naman talaga ng tauhang babae ang kanyang sarili. Nasaan ang paglalahad doon? Ngunit hindi naman talaga ang usapan tungkol sa paglalahad ang pangunahing pantulak ng dula. Ang tunay naman talagang pinag-iikutan ng dula ay ang pangangailangan ng ugnayan sa kaiba. Kahit isang sandali lamang. Dahil kulang talaga ang pagmomonologo.

Sunod kong pinanood ang dula ni Jace, "The Remedy." Umiikot, kagaya sa dula ni Danielle, sa isang tauhang mayroong internal na problema. Kinakausap ng pangunahing tauhan ang kanyang sarili, gamit din ang mga labas na persona upang maging representante ng mga agam-agam ng pangunahing tauhan. Nakakatuwa ang kuwento at puno ng magaling na diyalogo. Problema ko lamang siguro sa dula ay naagaw ng mga pangalawang tauhan ang atensiyon at pokus ng dula. Marahil intensiyonal iyon. Ngunit hindi buong na-representa ng mga persona ang buong damdamin ng pangunahing tauhan. Akin lang pananaw ang mga ito. 'Wag kang magagalit sa akin Jace. :D

Hindi ko na napanood ang mga iba pang dula nina Jihan, Cerz, Yumi, at Ina. May klase pa kasi ako sa Newswriting. At pagkatapos naman ng klase kong iyon ay sa sobrang sakit ng ulo ko, umuwi na agad ako. Pasensiya na at hindi ko napanood ang inyong mga dula.

Biyernes, Pebrero 11, 2005

Marxist Study Group at Tapon! Tapon!

Maligayang kaarawan kay Elmer!

***

Nakakatuwa at inimbitahan kami nina Jethro at Armand sa isang Marxist study group. Ewan ko. Hindi ko nakikita ang sarili ko bilang isang Marxista o Komunista. Pinag-usapan namin ang Communist Manifesto. Sumasang-ayon ako na maraming mga sinasabi ito na totoo hanggang ngayon habang ang ilan namang sinasabi ay hindi nagkatotoo o hindi na totoo. Marami nang nagbago sa lipunan. At sa laban ng produksiyon, katangi-tangi ang lamang ng kapitalismo.

Pagkatapos ng study group, dumiretso ako sa Gonzaga para panoorin ang palabas ng Entablado na pinamagatang "Tapon! Tapon!" Itinanghal nila ang mga dulang "Tatalon" ni Rogelio Sicat at "Ang Sistema ni Propesor Tuko" ni Al Santos.

Unang tinanghal ang "Tatalon." Isa itong mahabang monologo. Ikinukuwento ng isang tsuper ng dyip ang kuwento ng nagpakamatay na lalaki sa Tatalon. Isa siyang seryosong pagtingin sa mga problema ng isang tao, kahit sinong tao kung mahaharap sa mga problema. Pinag-uusapan din niya ang tanong ng pagpapakamatay. Hindi nito sinasabi na tama iyon o mali, tinatanong lang ng dula kung bakit nagpapakamatay ang mga tao at bakit hindi.

Ang ikalawang itinanghal ay ang "Ang Sistema ni Propesor Tuko." Isa itong satirikong pagtingin sa lipunan sa pamamagitan isang tagpuan sa paaralan. Madami siyang katatawanan, katatawanang tinitira ang mga mali at problematiko sa ating lipunan. Marami siyang mga exageration lalo na sa tauhan. Ngunit maganda ang mga tauhan dahil mayroon silang mga kalidad na nagustuhan ko. Medyo mahina nga lang ang pagtatapos at litaw ang nasyonalismo nito.

Biyernes, Pebrero 04, 2005

Fine Arts Festival 2005: Rotonda

Nanood ako kahapon ng "Rotonda," ang pagpapalabas ng mga maiikling dula ng mga magtatapos na mag-aaral ng Fine Arts. Mayroon silang pitong dulang ipinalabas sa loob ng dalawang gabi. Hinati ang pagpapalabas ng mga dula, tatlo noong Miyerkules at apat kahapon ng Huwebes. Hindi ko napanood ang unang tatlong dula pero pinanood ko ang huling apat.

Pare-pareho lang halos ang set design ng mga dula. Maiintindihan iyon dahil iisa lang naman ang tanghalan. Maliban sa nagbabago-bagong mga props para sa tig-isang dula, pare-pareho lang ang background, puti.

Dahil sa lugar, Colayco Pavillion, nahirapan marahil ang mga mag-aaral na makagawa ng isang tunay na magandang sistema ng ilaw. Nagiging madilim ang tanghalan kapag gumagamit sila ng kulay kumpara kung simpelng puti lamang ang gamitin. At dahil bukas at hindi isang saradong silid ang tanghalan, hindi nagiging lubusang madilim ang tanghalan. Mapapatawad ang mga problemang ito dahil nga sa mga limitasyon ng tanghalan, lampas na sa kayang gawin ng mga nagsipagtanghal.

Ang unang dula ay pinamagatang "Something Borrowed." Isang kuwento ng magkaiba ngunit malapit na magkaibigan nagiging magkaribal sa pag-ibig. Problema ko lang sa dula ay hindi nailahad agad kung tungkol saan nga ba tagala ang dula. May tensiyon ang dalawang pangunahing mga tauhan ngunit hindi ko agad nalaman kung saan nanggagaling iyon. Pero nahuhuli naman nito ang atensiyon ng mga manonood. Sa huli na lang maiintindihan ang dula.

Ang ikalawang dula ay "Dinuguan." Umiikot ang kuwento sa mag-asawang mayroong magkasalungat na mga kagustahan ngunit pinagbubuklod ng pagmamahal. Seryoso ang dula at nakakalungkot ang kuwento na mayroong mga maiinit na eksena. Nakakapagtaka lang at may mga nakakatuwang mga sinabi at diyalogo ang mga tauhan na taliwas sa seryosong tono. Marahil kailangan lang iyon dahil maging sobrang seryoso naman ang dula at consistent naman siya.

Ang sumunod na dula ay ang "Noche Buena." Mahirap ang banghay nito dahil madaming paggamit ng mga pagbabalik tanaw. Pumapalibot sa tatlong magkakapatid na babae na nagnanais makawala sa patriyarkal na pangingibabaw ng kanilang ama. Kakaiba ang dula dahil walang direktang labanan sa pagitan ng mga tauhan maliban sa pamamaraan nila ng pagrerebelde. Pawang ang ama nila, na sa dula ay naging paralitiko, ang pawang nagbibigay direksiyon ng kanilang mga gawa. Maganda siyang dula ngunit nakakalito dahil sa di tuwirang banghay. Dito nga pala acting debut ni Yumi. (Support!)

Ang huling dula noong gabing iyon ay "The Golden Fish." Isang itong pantastiko at mala-fabulang dula ng dalawang gintong isda o goldfish. Nakakatawa at payak, mayroon siyang mga pilosopikal na mensahe. Isang maganda at simbolikong pagtingin sa buhay at pakikisama.

Sa kabuuan, maganda ang pagtatanghal ng mga dula. Sana magawa namin ng mas maganda ang susunod na FA Festival.

Linggo, Setyembre 12, 2004

10-minute play

Kakatapos ko lang ng aking 10-minute play. Pakiamdam ko ay... wala. Kabado. Ang hirap. Ang hirap gawing dula ang isang maikling kuwento. Hindi pa nga ako sigurado kung maganda ito. Hindi ako sanay magsulat ng dula. Pinaghirapan ko ito pero pakiramdam ko ay kailangan pa ng kaunting paghihirap. Medyo mahaba nga siya. 15 na pahina sa MS Word. Hindi na nga siya 10-minute play. Huwag sanang maligalig ang labi ni Macario Pineda sa ginawa kong pagbabago at paglalaro sa kanyang kuwento. Ang mga komento at payo ay malugod kong tinatanggap. Ito na yung dula.

---------

SUYUAN SA TUBIGAN
hango mula sa maikling kuwento ni Macario Pineda

Setting: Sa araruhing tubigan nina Ka Teryo at Ka Albina.

Mga Tauhan:

PILANG: Dalagang pamangkin ni KA ALBINA. Pinsan ni NATI. Mahiyain at maganda.
PASTOR: Binata. Isa sa mga magsusuyod sa tubigan ni Ka Teryo. May gusto kay PILANG.
ORE: Binata. Anak ni Ka Inso. Isa sa mga magsusuyod. May gusto kay Pilang.
KA ALBINA: Tiya ni PILANG at ina ni NATI.
MILYO: Binata. Malapit na kaibigan ni ORE. Matulungin.
PAKITO: Binata. Malapit na kaibigan ni PASTOR. Matuwain.
FILO: Binata. Kaibigan ni PASTOR.
TONING: Binata. Kaibigan ni ORE.
ASYONG: Binata. Kaibigan ni ORE.
TINONG: Binata. Kaibigan ni PASTOR.
KA IPYONG: kamag-anak ni Ka Teryo at KA ALBINA.
FERMIN: anak ni KA ALBINA at Ka Teryo. Kapatid ni NATI. Pinsan ni PILANG. May-asawa
KA PUNSO: Isa sa mga pinakamatanda. Ginagalang ng mga kasama. May-asawa.


(dadating sina Milyo, Ore, Pastor, Pakito, Ka Albina, Nati at Pilang, dala-dala ng mga babae ang mga kubyetas, inumin, at pagkain at daladala ng mga lalaki ang mga araro at ang kanilang mga kalabaw. Nauna na sina Ipyong at Fermin sa pag-aararo sa tubigan.)

KA ALBINA

Ipyong at Fermin talaga. Hindi pa hinintay ang ibang tutulong sa pag-araro.

ORE

(ibinaba ang dalang araro)
Hayaan ho ninyo. Mukhang hindi pa naman ganoon katagal silang nakalusong.

MILYO

Teka. Nasaan ho si Ka Teryo?


KA ALBINA

(inihanda ang mga dalang gamit)
Ang asawa ko’y hindi makakalusong. Natatakot na ata siya sa tubig. Sinusumpong na naman kasi ng rayuma. Mabuti na lang at nandiyan sina Ipyong at Fermin. Gusto pa ngang iurong ni Teryo ang pasuyo kasi ayaw niyang wala siya dito.

PASTOR

Mabuti ho naman at natuloy.
(daliang binababa ang dala at lalapit sa mga babae)
Aling Nati, tulungan ko ho kayo sa matong ninyo. Mukhang ang bibigat ng mga dala ninyong pagkain at kubyertas.

NATI

Salamat na lang ho. Pero kaya ko na ho ito.
(binaba ang dala kasabay ng ibang mga babae)
Isa pa, tinawag kayo rito upang mag-araro, hindi upang magserbidor.

PAKITO

Bakit hindi mo alukin ng tulong si Pilang?
(binaba ang dala)
Si Nati ba talaga ang gusto mo?

PASTOR

Sige na nga. Pilang, tulungan kita sa dala mo.

KA ALBINA

Hay naku. Iyang dala mo ang atupagin mo.

MILYO

(ibinaba ang dala)
(sa manunood)
Pastor talaga. Ayaw magpaalata. Alam naman naming si Pilang talaga ang gusto niya. Sa bagay, may iba diyang may gusto din kay Pilang.
(lalapit kay Ore)
Hindi mo tutulungan si Pilang?

ORE

Nahihiya pa ako.

MILYO

Mauunahan ka niyan ni Pastor e. Kailangan nating mag-araro bago umani. Hirap at tiyaga, kaibigan. Hirap at tiyaga. Hayaan mo, tutulungan kita.

ORE

Tulungan ako? Ikaw nga diyan ay hindi makapangligaw-ligaw kapag hindi mo kami kasama ni Toning.

MILYO

Kaya nga kita tutulungan e. Kasi kasama kita noong binato ako ng walis ni Ka Ferda noong hinarana ko si Yola. O itong tulong ko.
(pasigaw)
Pilang. May gustong sabihin sa ‘yo si Ore.

ORE

Ano ba iyan? Anong sasabihin ko?

PILANG

Ano iyon, Ore?

ORE

A. E. Na- Nagugutom ako. Ano bang ihahain ninyo para sa amin?

PILANG

Tiya, ano bang ihahain natin? Nagugutom na daw po si Ore.

KA ALBINA

Piniritong kamote at kape para pampainit ng tiyan. Pero hindi pa kami tapos sa paghahain dito kaya maghintay-hintay ka pa.

ORE

A. Ganoon po ba? Salamat po.
(kay Milyo)
Ano ka ba? Walang paghahanda e sinasabak mo agad ako.

MILYO

Ayaw mo naman kasing sabihin agad na “Pilang, iniirog kita.” Ang hina naman ng loob mo.

ORE

Ang dami-daming tao e. Nandiyan pa si Ka Albina. Ang taray-taray pa naman noon.

KA ALBINA

Ano iyon? Narinig ko ang pangalan ko diyan.

ORE

Wala ho. Wala. A. Kasi gusto ko lang hong malaman kung ilan ang natawag ninyo?
(bibilangin ang mga lalaki)
Aanim pa lang kaming nandito.

KA ALBINA

A ganoon ba? Sabi ni Ipyong, baka raw umabot sa sampu kayong lahat.

PAKITO

Kaya pala mukhang mabigat ang mga matong na iyan. Kay-rami marail ng pagkain.

KA ALBINA

Kayong mga lalaki talaga. Puro pagkain ang iniisip. Baka hindi ninyo matapos ang pagsusuyod ninyo.

(dadating sina Ka Punso, Toning, Filo, Asyong, Tinong)

MILYO

Bakit ngayon lang ho kayo?

KA PUNSO

Paumanhin. Ang tagal kasing tumae ni Filo.

FILO

Pasensiya. Tinitibi ata ako e.

PASTOR

Kain kasi ng kain ng saging.

ASYONG

O Milyo, Ore. Nandito na pala kayo.
(ibinaba ang dala)

TONING

Magandang umaga mga kaibigan.
(ibinaba ang dala)

ASYONG

Aba nandito rin pala si Pilang.
(kinakalabit si Ore)
Ore. Ore.

ORE

Alam ko. Alam ko.

MILYO

Huwag mo nang kulitin si Ore. Nilapitan na niya si Pilang kanina.

TONING

Talaga? Anong nangyari?

MILYO

Nanlamig ang kaibigan natin. Nanlamig.

ASYONG

Ayos lang. Mahaba pa ang araw. Magkakaroon ka din ng pagkakataon. Hayaan mo, tutulungan ka namin.

ORE

Huwag na. Tama na ang tulong. Baka lalo pa akong mapasama niyan sa mga tulong ninyo.

PASTOR

(lalapit sa mga babae)
Tulungan na kita Pilang. Baka magalusan pa ang mga magaganda mong kamay.

PILANG

Huwag na, Pastor. Piniritong kamote at kape lang naman ang ihaain. Kaya na namin ito ni Nati.

PASTOR

Bakit mo naman tinatanggihan ang aking pagtulong?

PILANG

(magpapatuloy sa ginagawa)

KA ALBINA

Kasi, hindi ka pa naliligo.

PASTOR

Ka Albina naman. Ang bango-bango ko ngayon. Matagal akong naligo kanina. Ang lamig nga ng tubig e.

ASYONG

Aba. May gusto rin pala si Pastor kay Pilang.

MILYO

Kanina pa nga iyang si Pastor e. Kulang na lang na magbigay si Pastor ng bulaklak.

ASYONG

Kung hindi ka gagalaw, Ore, matatalo ka niyan.

(pause)

FILO

Tila pusang nanunubok kung humila ang kalabaw ni Fermin a.
(tuturo sa tubigan)
Mukhang pagod na pagod.

PASTOR

Mangyari’y isang buong tag-araw na hindi nilubayan ‘yan sa kariton.

TONING

Siyanga. Talaga namang ibang-iba ang mga hita ng kalabaw na iyan.

PAKITO

(sisingit)
Mangyari’y nagpagawa naman ng bahay si Fermin. Hayan nga naman, mayroon na silang baay. May paglalagyan na rin ang pag-ibig nilang dalawa ni Gundang.

FERMIN

Hoy! Narinig ko ang pangalan ko! Huwag ninyo akong pag-usapan ng masama diyan. Kung hindi, makakaisa kayo sa akin.

FILO

Hindi ka namin pinag-uusapan, ‘yong kalabaw mo.

TONING

(lalapitan ang kalabaw ni Asyong)
Walang-wala iyang kalabaw ni Fermin sa bagong kalabaw ni Asyong. Magdadalawang taon pa lang di ba, Asyong? Mainam ang mga baraso. Tuyong-tuyo ang mukha. Ito ay isang tunay kalabaw.

PASTOR

Pero. Pagkarating sa kaliksihan sa tubigan ay walang tatalo sa aking kalabaw. Si Osman ang pinakamagaling na kalabaw dito pagkarating sa pag-aararo.

MILYO

Hoy. Hindi iyan totoo. Ang alaga ni Ore ang pinakamakisig at pinakamagaling.

ASYONG

Siyanga! Siyanga?

MILYO

Oo naman. Di ba, Ore, binibida mo sa akin kung paano mo sinuyod ang buong tubigan ni Ka Auring sa loob ng kalaating oras.

ORE

Ano? Wala akong…

MILYO

(sisingit at kakausapin si Ore)
Nanonood si Pilang. Ito na ang pagkakataon mo para sumikat at numingning. Sumabay ka na lang sa akin.

ORE

E, hindi naman totoo iyang sinasabi mo. Inabot ako ng kalaating araw doon. Pagurin na din ang alaga ko.

PASTOR

Totoo ba iyang sinasabi ni Milyo, Ore? Kalaating oras? Parang mahirap paniwalaan.
MILYO

Totoo ang sinasabi ko. Di ba, Ore? Di ba?

ORE

A. E.

KA PUNSO

Tama na muna iyang pagyayabang ninyo. Tara na at tulungan na nating magsuyod sina Ipyong at Fermin sa tubigan.
(kukunin ng mga lalaki ang kanilang mga araro at kalabaw at sila ay susulong sa tubigan)

NATI

Hoy, Pilang. Kanina pang nagpapaalata sina Pastor at Ore a. Kung wala kang gagawin ay baka hindi ka titigilan ng mga iyan.

PILANG

Ano ba ang gagawin ko? Nakakahiya naman kung pipili ako ng isa tapos ipagtatabuyan yung isa. Baka mag-away yung dalawa.

KA ALBINA

E di hayaan mong magbasag-ulo. Tapos piliin mo yung nanalo para tapos ang usapan.

NATI

Ang pangit naman ng payo ninyo, Inay. Ginawa nyo namang sabong ang panliligaw ng dalawa.

KA ALBINA

A, ito. Mas magandang ideya. Pagkabalik na pagkabalik nila, pareho mong hindian. Siguradong titigilan ka na ng mga iyan.

PILANG

Ang lamig naman noon.

NATI

Bakit? May gusto sa isa sa dalawa ano? Ee. Ano ang ang sasabihin namin sa mga magulang mo?

PILANG

Wala namang magtatanan a. Nanliligaw sila.

NATI

Ligaw. Tanan. Anong pinagkaiba noon?

KA ALBINA

Tama na nga iyan. Tatawagin ko na ang mga lalaki.
(pasigaw sa mga nag-aararo)
Halina kayo. Nakahanda na ang kape. Magpainit muna kayo ng tiyan.

(babalik sa kainan at pahingahan ang mga lalaki maliban kina Ore at Pastor)

KA IPYONG

Mabuti naman at kape na. Pampagising ng kaunti.

MILYO

Nasaan sina Ore at Pastor?
(pasigaw)
Hoy. Ore. Pastor. Magkape muna tayo.

PASTOR

(nakasakay sa kalabaw mula sa tubigan)
Hayaan ninyo. Mauna na muna kayo. Gusto kong malaman kung talaga nga bang mas magaling ang alaga ni Ore kaysa sa akin. Ano Ore, girian tayo?

ORE

(nakasakay sa kalabaw)
Kailangan ba natin? Pwede sa susunod na lang?

ASYONG

Sige, Ore. Kaya mo iyan! Patunayan mo ang sarili mo.

MILYO

Tama si Asyong. Hindi ito ang oras para maduwag.

ORE

Oo na! Maggigirian kami ni Pastor.

PAKITO

Ayan! Mukhang magiging maganda ito a.

ASYONG

Kaya mo iyan, Ore!
(bubulong kay Milyo)
Matatalo si Ore?

MILYO

Galingan mo, Ore!
(bubulong kay Asyong)
Matatalo si Ore.

TONING

Ore! Matatalo ka daw!

ORE

Tumahimik ka!

KA ALBINA

(Binigyan ng kape sina Fermin at Ipyong)
Ano ba ang ginagawa ninyo? Magkape na kayo.

FILO

Mamaya na muna, Ka Albina. Manonood muna kami.
(pasigaw)
Sisiw lang iyan sa ‘yo, Pastor.

NATI

Hay naku. Nagpapakalalaki na naman ang mga iyan.

KA PUNSO

Natatandaan ko tuloy noong araw na si Juana ay nililigawan ko, nagkatagpo kami niyong taga-Dalig sa pasuyo ni Tandang Lucio sa Nabao. Hinamon ako girian. Alam niyang nililigawan rin si Juana.

TONING

Maganda ba ang kalabaw niya, Ka Punso?

KA PUNSO

Maganda ang kalabaw niya. Ang gilas ng tindig. Kung masisindak ka’y masasabi mong mairap labanan sa girian.

PAKITO

Anong nangyari, Ka Punso? Nagkairitan ba kayo ng mabuti?

KA PUNSO

Nahuhuli ako. Sampung likaw na yata ay hindi ko pa nahahalataan ang kalabaw niya. Ang kalabaw ko naman ay ibig nang tumigil. Bumubula na ang bunganga. Abot na ang hingal. Noong dalawampung likaw na kami ay pinilantik ng taga-Dalig. Akala niya ay maiiwan na niya ako. Pero noong pinaltik niya ang kanyang kalabaw, bigla ba namang humiga ang alaga niya. Kay-lalim ng labak na ginawa. Swerte’t nanalo ako.

MILYO

Ang kalabaw mo, Ka Punso. Hindi ba nahirapan?

KA PUNSO

Anong hindi nahirapan? Ayaw na ngang tumayo kinabukasan noong ipangsuyod ni Ama. Kaunti na akong hambalusin ng urang ni Ama. Mag-isa akong pinaghanap ng panggatong ng dalawang buwan para parusa sa akin.

TINONG

Ayan magsisimula na. Bilisan mo, Pastor! Pakainin mo ng putik!

PASTOR

(mula sa tubigan)
Handa ka na ba, Ore? Gusto mo mauna ka. Partida.

ORE

Huwag na. Handa na ako.
(sabay na sumutsot ang dalawa sa kanilang kalabaw)

TONING

Ang liksi naman ng kalabaw ni Pastor. Nauna kaagad.

FERMIN

Ayan. Humaabol na si Ore.
(pipilantik si Ore sa kanyang kalabaw)
Ang lakas ng pilantik.
(sa unang paglikaw/pag-ikot ay nauna si Pastor ngunit hindi malayo si Ore)

MILYO

Sugod, Ore! Huwag kang magpapatalo!

FILO

(sa pangalawang paglikaw/pag-ikot ay nauuna pa rin si Pastor at lumaki ang lamang niya kay Ore)
Mukhang nahihirapan ang kaibigan ninyo sa paghabol lang.

KA IPYONG

(pumilantik si Ore sabay ng isang sutsot)
O, humahabol na ulit si Ore. Pantay na sila. Mukha ngang maganda ang girian na ito a.
(sa ikatlong paglikaw/pag-ikot ay pantay na sina Pastor at Ore)

PASTOR

(naka-ngiti)
Iyan lang ba ang kaya mo, Ore. Baka matalo ka niyan.

ORE

Maghintay ka lang, Pastor. Mauunahan din kita.

KA PUNSO
Mukhang ang kampanteng-kampante si Pastor. Ang laki ng ngiti.
(pumilantik si Pastor)
Ayan, pumilantik na rin si Pastor. Naku, lumalayu na ulit ang paggitan.

MILYO

Dali, Ore! Habol!

ASYONG

(sa ika-apat na paglikaw/pag-ikot ay nauna na muli ang si Pastor)
Sige pa, Ore! Huwag kang magpahuli!

FERMIN

(bumubula ang bunganga ng kalabaw ni Ore)
Talagang gumagalaw ang kalabaw ni Ore. Pero bumubula na ang bunganga.

FILO

Humahabol na siya. Mag-ingat ka, Pastor!

MILYO

(sa ika-limang paglikaw/pag-ikot ay nagpatuloy si Pastor habang tumigil na ang kalabaw ni Ore)
A! Tumigil ang kalabaw ni Ore! Tumigil na!
(hiyawan)
Hay. Talagang makisig ang kalabaw ni Pastor.

KA PUNSO

Pastor! Ore! Magkalag muna kayo.

(dadating sina Pastor at Ore. Babatiin ng mga kalalakihan si Pastor. Mag-isang pupunta sa isang tabi si Ore.)

PAKITO

Ang galing mo talaga, Pastor.

FILO

Wala kang kapantay.

TINONG

Walang sinabi sa ‘yo si Ore.

PASTOR

Salamat. Salamat.

MILYO

(lalapit kay Ore)
Pasensiya na Ore. Akalain ko ba na hahamunin ka ni Pastor?

ORE

Ayos lang. Mas nakakahiya naman kung hindi ko tatanggapin yung hamon niya.

ASYONG

Ako na ang maglilinis sa alaga mo. Mag-kape ka na muna.

TONING

Oo nga. Tutulungan ko si Asyong. Magpahinga ka na muna rito.
(lalapitan nina Asyong at Toning ang kalabaw ni Ore at huhugasan ito)

MILYO

(kukuha ng kape mula kay Nati)
(sa manunood)
Panalo si Pastor sa girian. Walang duda. Pero siya nga ba ang nanalo?
(titingin kay Ore. naka-ngiting lalapit ni Pilang si Ore at aabutan si Ore ng kape)
Mukhang magiging maganda ang ating araw ngayon.

Katapusan

Sabado, Agosto 28, 2004

Paglitaw, Klase, Ang Romansa ni Magno Rubio

Pagkatapos ng ilang araw, lumitaw din ang araw at buwan sa bayan. Salamat naman. Hindi ko lang alam kung anong mangyayari sa mga darating na linggo pero sana naman ay manatiling maganda ang panahon.

Kakaiba sa workshop kanina para sa Fil 119.2. Ako at si Gizmo, kaklase ko sa nabanggit na klase, ang palaging nagbibigay ng mga kumento sa mga kuwento ng iba. Parang walang hilig ang iba. Parang ako lang ang nagsasaya sa klase. (Ang sama ko talaga.)

Pinanood ko kanina ang dulang Ang Romansa ni Magno Rubio sa CCP. Mahaba ang biyahe, kaya umalis ako pagkatapos na pagkatapos ng klase para sa Fil 119.2. Pero nakarating ako ng maaga sa CCP kaya inikot ko muna ang labas ng CCP para makita ko kung ano nga ba ang hitsura nito. Maraming mga kurba ang gusali at tunay naman na kaakit-akit ito, kahit na medyo luma na nga siya.

Umiikot ang dulang Ang Romansa ni Magno Rubio sa buhay ng limang manggagawa sa isang plantasyon sa California noong 1920's - 1930's. Isa sa kanila ay si Magno Rubio, isang tapat na tao, na umiibig sa isang Clarabelle, kanyang pen pal, na mula sa Arkansas. Lahat ay ginagawa ni Magno para lamang mapaakit sa kanya si Clarabelle. Itong si Clarabelle naman ay akalang isang taga-Timog Amerika si Magno. Nag-iipon si Magno ng pera para makapagbigay ng mga magagarang regalo sa kanyang nililigawan. Ang mga kasama naman niya ay tumutulong o kaya ay humahadlang sa mga ginagawa ni Magno.

Maganda ang dula. Ipinapakita ang paghihirap ng mga naunang Pilipino sa Amerika upang makakuha ng magandang buhay. Ganoon din ang natural na katangian ng mga Pilipino na maging puno ng pag-asa at kaligayahan, isang katangian na makikita kay Magno at sa iba pa. Mayroon ding komentaryong kolonyal laban sa Amerika at kung paano naabuso ang mga manggagawa. Mga palaging madungis ang mga manggagawa at pagod mula sa trabaho.

Mahusay ang set design. Parang mga nakakulong ang mga aktor sa likod ng mga wires na nangunguna sa kanila. Hindi pantay ang background para maipakita ang squatter na pamumuhay ng mga tauhan.

Magaling ang pag-arte ng mga aktor. Ramdam mo ang mga tauhan mula sa kanila. Problema lang ay ang mabilis na pagsasalita ng mga aktor. Kung naayos kaagad iyon, sana mas naging katuwa-tuwa ang dula.

Maraming mga nakakatwang mga eksena sa dula. Mga green jokes at matalinong mga pasalita. Nakakatwa ang mga sagot ni Clarabelle kay Magno. At ang mga pagpapanggap ng mga tauhan na maging Amerikano parang katulad ng ibang mga Pilipino diyan na kalabaw ang Ingles. Pinagsasama ng dula ang mga nakakatwang katangian ng mga Pilipino at Amerika. Problema lang ay may mga panahon ng pagbagal dula o kaya ay kawalan ng paghahanda para sa susunod na eksena. Marahil, galing kasi ang dula mula sa maikling kuwento kaya hindi nito makuhang magkaroon ng banayad na pacing.

Epektibo naman ang ilaw at tunog. Ang mga kanta naman ng dula ay acapella at ang ilaw nagbibigay ng mga magagandang mga anino.

Nakakaengganyo ang dula. May puso. May diwa. May pag-asa. Iyon ang Romansa ni Magno Rubio.