Biyernes, Oktubre 29, 2004

Cellular

Nanood ako ng pelikula sa Glorietta pagkatapos ng Reg at habang hinihintay ko si Dad sa kanyang seminar. Pinanood ko ang "Cellular" kasi iyon lang ang mukhang interesante. At interesante nga siya.

Nakakatuwa ang pelikulang ito. Sobrang daming mga "kamuntikan na moments" ay napapawa ako. "Kamuntikan na! Ano ba iyan? Hahaha." Ganun yung mga reaksiyon ko. Iyon ang maganda sa pelikulang ito. Kahit na napakasimpleng mga bagay ay kamuntikan na. Consistent siya. Kaya parang ang daming nangyayari o nangyari dahil doon sa mga sandaling iyon na "kamuntikan na" na magandang pinaglayo-layo.

Isa pa, aaminin ko na ito ang unang action-thriller na pelikula na ako ay napatawa. Seryoso. Hindi ko alam kung bakit. "Uy, tumalon siyasa tubig! Hahaha!" "Bumangga ang kotse! Hahaha!" Ganoon ang reaksiyon ko. Marahil siguro sa acting. Mukhang tanga kasi si Chris Evans sa kanyang pagganap kay Ryan, ang bida ng pelikula. Hindi sa tanga na hindi niya alam ang ginagawa niya. Tanga na gumagawa siya ng mga tanga at bobong ngunity kagiting-giting na mga bagay para lamang iligtas ang mga tauhan. Ok din siya. Kaya siguro ako napapatawa sa kanyang mga ginagawa.

Sa ibang mga tauhan, maganda din ang acting ni Kim Basinger bilang si Jessica ang babaeng nangangailangan ng tulong at aksidenteng natawagan si Ryan. Masyado nga lang bayolente ang mga kontrabida ng pelikula na pinamumunuan ni Detective Greer, na ginampanan ni Jason Statham. Pero ok din ang pagganap ni Jason Statham dahil talaga nga namang nakakatakot siya.

Kaya rin ako siguro natatawa ay dahil sa magaling na pagsusulat. Hindi sineseryoso ng pelikula ang sarili nito. May mga dialogo at komento ang mga tauhan para pagaanin ang umaatikabong aksiyon. Nakakatuwa.

Magaling din ang camera at cinematography ng pelikula. Kahit na iba't iba ang mga technique ay ginawa sa pelikula ay bagay pa rin naman para sa mga napiling mga sandali. Mauga at magalaw na camera para sa mga habulan at slow motion para sa mga kaantig-antig na mga sandali. Maganda.

Ewan ko ba. Hindi ko inaasahan na magugustuhan ko ang pelikulang ito. Isa "tama lang ang timpla" na pelikula. Nag-enjoy ako. Sobra.

Walang komento: