Una, hindi ako baseball fan. Hindi ko sinusubaybayan ang buong season ng MLB. Wala akong kinikilingang koponan (pero ayoko sa NY Yankees. Haha.) Nagsimula akong manood ng baseball postseason noong 1998, panalo noon ang Yankees sa World Series at nakuha pa ata nila ang pinakamagandang win-loss record sa isang season noon. Noong mga huling taon din ay napapanood ko ang MLB postseason gawa ng sembreak.
Ngayon, kagaya ng mga nakalipas na mga taon, inaasahan ko na na makakarating ang NY Yankees sa World Series, na naman. Paligi na lang. Kahit na noong nakaraang dalawang taon ay natalo sila sa kampiyon ng NL, parang inaasahan ko na na magiging "as usual" ang World Series. Ayan na naman ang Yankees, palagi na lang. Magaling ang Yankees talaga. 200 milyong dolyar ba naman ang gastusin mo sa para sa mga manlalaro lamang. Puno ba naman ng mga manlalarong parang mga robot kung mga palo ng bola. Talagang aasahan mong makakarating sila palagi sa Kampiyonato.
Pero, walang hiya, Boston Red Sox, tinalo ang NY Yankees. Boston Red Sox! Ilang taon na bang hindi nakakarating ng World Series ang Red Sox, mula pa noong 1918? Isa pa itong inaasahan. Inaasahang hindi makakalampas sa Yankees at hindi makakarating World Series. Isa koponan na palaging nasasapawan ng Yankees. Isang koponan na palaging "kamuntikan na."
Pero hindi na ngayon. Mula sa isang paglamang sa kanila ng Yankees, 3-0 ay nakabalik ang Red Sox upang mapanalo ang ALCS, 4-3. Astig na labanan ito. Halos bugbog-sarado ang Boston noong unang tatlong laban at noong Game 4 ay mukhang matatalo na sila, milagro. Nanalo pa. Mula doon ay sunod-sunod na. 1-3. 2-3. 3-3. At ngayon, 4-3, astig talaga.
Nakakatuwa ang Game 7. Bago nagsimula ang laro ay pinaalala ng Yankees ang malas ng mga Red Sox sa kasaysayan nila laban sa isa't isa. Inilabas nila sina mga dakilang manlalaro na nagpatalo sa Red Sox, sina Yogi Berra at yung isa pang hindi ko tanda ang pangalan. (Sabi ngang hindi ako fan e.) Sa kabuuan, magaling ang Red Sox kahit pa man noon pa. Palagi lang talaga silang minamalas laban sa Yankees. Kagaya noong isang taon.
Pero ngayon, parang nagbago ang ikot ng mundo. Hindi na sila minamalas. Oo, nauna ang NY 3-0, pero parang walang pakialam ang Red Sox doon. Gusto lang nilang manalo. At ngayong Game 7 ay parang nawala ang kagustuhan ng NY Yankees na manalo. Pagkatapos ng Grand Slam at 2 Run Homerun ni Jhonny Damon at 2 Run Homerun ni Ortiz ng Boston, parang naging pilit at deperado ang NY. Hindi sila makapaghintay. Gustong maka-homerun agad. Kaya palagi silang naa-out. Hindi naman sila makapalo sa pitcher ng Boston, si Derek Lowe.
Hindi ako baseball fan. Hindi ko sinusubaybayan ang season ng MLB. Ayoko sa Yankees. Pero naniniwala ako sa mga mahihiwaga at kakaibang mga pangyayari sa mundong ito. Kamangha-mangha talaga ang panalo ng Red Sox kanina.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento