Kakatapos lamang ng unang apat na araw ng semestre at mukhang magkakaroon ako ng isang interesanteng semestre. Iba't iba ang mga nakuha kong mga guro sa iba't ibang mga kurso. Huwag sana akong mahirapan sa darating na semestre.
Mukhang interesante at nakakatuwa ang HI 166. Kinuha ko ang payo ni Jace at kinuha ko si Ginoong Madrona bilang guro at mukhang maganda ang payo niya. Nakakatuwa at kakaiba ang pagtuturo ni G. Madrona. Nakakatuwa din ang kanyang punto tuwing siya ay nagsasalita. Naaasar lang ako at medyo maaga ang klase na nakuha ko sa kanya.
Newswriting, COM 141. Wala akong masabi. Inamin ni G. Tirol na mataas ang kanyang inaasahan mula sa amin. Hindi ako dapat maging kampante sa kanyang klase. Kailangan kong ibigay ang aking lahat dito. May takdang aralin nga pala ako dito. Kailangan kong pumunta sa isang presinto para kumuha ng kaunting balita. Saan ang pinakamalapit na presinto sa Katipunan? Hindi ko alam e.
PH 102. Gusto ang klaseng ito kasi mabait ang guro namin. Kahit na sinabi niyang magiging mas mahigpit si G. Capili sa aming mga klase, inaasahan ko naman sa kanya ang kalinawan ng kanyang pagtuturo. Madali si G. Capili na pakinggan at intindihin ayon lamang sa kanyang mga pagtuturo sa klase. Kailangan ko na lang galingan sa aking mga papel at pasalitang mga pagsusulat.
Kakaklase ko lamang kanina sa Fil Dept para sa klase ko sa FIL 104, Kritisismong Pampanitikan ng Pilipinas. Kinakabahan ako dito sa klaseng ito kasi baka may masabi ako mali o bobo dahil puro pag-aanalisa at pagsusuri ng mga kritisismo ng ibang mga tao ang pag-uusapan namin dito. Pero mukha namang mabait si G. Coroza. Medyo madaldal siya kaya natapos kami ng 5:00 ng hapon kanina imbes na 4:00. Ok lang. Marami na agad akong natutunan mula sa kanya kung paano ko haharapin ang klaseng ito at kung ano ang mga kailangan naming gawin.
Wala pa akong klase sa FIL 105 pero mukhang maging pareho lang ng FIL104.
Masasabi kong madami akong gagawin ngayong semestre. Madaming susulatin at madaming babasahin. Huwag sana akong kapusin ng oras o kaya ay tamarin o kaya ay magkasakit. Pero umaasa ako na magiging masaya ang darating na mga buwan.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento