"The best superhero movie that I've ever seen!" sabi ng isang reviewer na ginamit sa lalagyan ng VCD. Opinyon ko? Maganda ang Spider-Man 2 dahil sa mga katangian labas ng pelikula.
Bakit nga ba napakaganda ng Spider-Man? Dahil hindi siya perpektong superhero. Ordinaryo lang siyang tao na naging superhero. Isa taong kahit na superhero ay nahihirapang mag-aaral, magtrabaho, at umibig. Maganda ang pagkakagamit ng pelikula sa mga katangiang ito para gumawa ng isang magandang pelikula na puno ng tensiyon at tambalan.
Magaling ang special effects ng pelikula. Madaming mga CG at dahil mabilis ang paggalaw ng mga eksena, at fight scene, mukhang totoong-totoo ang CG. Pa-swing-swing mula isang gusali papunta sa susunod si Spider-Man. Paglalakas ni Doc Ock gamit ng mga bakal na galamay. Magaling. Nakakatuwa.
May kaunting problema lang sa banghay ng pelikula. Kulang na kulang ang pagiging kontrabida ni Doc Ock, na ginampanan ni Alfred Molina. Oo nga, nagawa siya ng isang makina na maaaring wasakin ang New York. Pero mahina ang pokus sa kanya. Masyadong natuon kay Spider-Man, na ginampanan ni Tobey Maguire. May tensiyon pero kulang sa aktuwal na tambalan at labanan sa mga kagustuhan nina Doc Ock at Spider-Man. Sa may huli lamang talaga sila nag-away dahil kay Mary Jane, na ginampanan ni Kristin Dunst, at paghihiganti ni Harry Osborn, na ginampanan ni James Franco. Masyadong naging introverted at mapagmuni-muni si Peter Parker kaya naging mabagal ang daloy ng kuwento.
Mataas ang production values ng pelikula. May mga punto ng mabagal ang pagdaloy ng kuwento pero isa itong magandang hakbang para sa mga pelikulang superhero dahil ipinapakita ng Spider-Man 2 na hindi kailangan ng puro awayan at patayan para maging isang tunay na pelikulang superhero. Pwedeng mas pagandahin ang pacing na sana ay maaayos sa inaasahang Spider-Man 3. Hindi perpekto ang Spider-Man 2 pero meron dito na wala ang ibang pelikulang superhero at iyon ay puso.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento