Miyerkules, Disyembre 08, 2004

Riles

Pinanood ko kahapon ang dokumentaryong "Riles," gawa ni Ditzi Carolino, sa Eschaler Hall. Required para sa Ph102. Maganda ang buong pelikula kaya hindi siya nakakabagot.

Una muna, ang daming nanood. Punong-puno ang Escaler. Lahat ng upuan ay nakuha na pero nagdadatingan pa rin ang mga tao. Kaya umupo na lang ako sa sahig.

Tungkol ang pelikula sa pang-araw-araw na buhay ng mag-asawang Renomeron, sina Eddie at Pen. Sinusundan lang ng kamera sila. Natural lang ang kanilang mga kilos. Nakakatuwa nga kapag sinusundan si Mang Eddie kasi palagi siyang nagpapatawa. Mas "candide" at palatawa si Mang Eddie na kinaiinisan naman ni Aling Pen kasi ang daming pinoproblema ay nainom at di-sineseryoso ang kanilang buhay. Malaking bahagi ng pelikula ay nag-aaway sila. "Machine gun 'yang si Pen," sabi nga Mang Eddie habang nag-aaway sila.

Mapapalapit ka sa kanila at mga anak nila dahil kahit alam nila na mayroong kamera, ganoon talaga ang buhay nila. Hindi sila naiilang na sabihin ang gusto nilang sabihin at gawin ang gusto nilang gawin. Binatukan pa nga si Mang Eddie ni Aling Pen sa kanilang pag-aaway.

Pero lamang hindi ang kanilang pag-aaway ang pinakatampok ng pelikula. Ang mga panahon na nag-iisa lamang sila, kinakausap ang kamera o kanilang sarili. Mga tabing sabi ni Mang Eddie noong nainom kasama ang kapit-bahay. Ang mga lungkot at pag-aalala ni Aling Pen tungkol sa mga anak nila at sa mga inaalagaang pamangkin.

Halos buong karanasan ng pagiging mahirap ay nakuha ng pelikula sa loob ng 70 minuto nito. Ang mga pangarap ng mga bata. Ang hirap ng paglalako ng balut. Ang problema ng pagtira sa isang tagpi-tagping bahay. Ang mga tuwa at ligaya para maibsan ang kahirapan. Pati ang pagpapalipas oras sa videoke, mga awit na inaawit ng mga taga-riles, na pinapakita ang mas malalim na katotohanan at damdamin ng pelikula.

Maraming mga ginawang mga camera technique ang pelikula. Mga sandaling pagtingin sa isang pangyayari na hindi nakatutok sa pamilya. Paghuli sa mga daga. Pagtingin sa kabuuang riles. Pagtingin sa ginibang bahay. Mga maiikling sandali na kumukuha ng mga malalakas na damdamin mula sa mga manonood.

Walang sound effects ang buong pelikula. Gumagamit lang ito ng mga natural na tunog. Malalakas at malinaw ang mga boses ng buong pamilya Renomeron. Simple lang dahil hindi na kailangan dramatic effect ang pelikula. Malakas na ang biswal.

Kaya pagkatapos ng pelikula, noong dumating ang mag-asawang Renomeron para sa open forum na ginawa, ay parang napalapit talaga ako at marahil ang karamihan sa kanila. Seryoso ang pelikula pero may puso ang pagkakagawa dito. Marahil, mataba kasi ang puso ng mga Renomeron.

1 komento:

Hindi-nagpakilala ayon kay ...
Naalis ng isang administrator ng blog ang komentong ito.