Isa na namang CG na pelikula. "Na naman" kasi medyo nami-miss ko na ang makalumang paggawa ng cartoon o animation. Sa totoo lang, maganda ang "The Incredibles." Hindi siya puno ng mga tipo ng patawa na makikita sa "Shrek" at "Shrek 2" pero nakakatuwa pa ring panoorin ang pelikulang ito kahit na mayroong kaunting problema pagkarating sa kuwento.
Tungkol sa isang pamilya ng "superheroes" na nagtatago. Dahil hindi sila tinatanggap ng lipunan, nahihirapan sila na maging ganap. Hinahanap-hanap ni "Mr. Incredible" ang mga lumipas na panahon noong tanggap at hinahangaan siya at ang mga anak naman niya ay nahihirapang makibahagi at makisama sa mga normal na tao. Isa itong nakakatuwang pag-ikot sa pangkaraniwang tingin sa mga superheroes. Malalakas nga sila pero tao din na sinasampahan ng kaso. Mga tao din silang naghahanap ng pagsang-ayon at kaganapan. Nakakatuwa kung paano nagsimula ang problema ng mga superhero.
Maganda ang pagkakagawa ng pelikula. Yung bang tinatawag na pagkaka-stylize ng mga taga-Pixar sa mga tauhan. Simple lang ang pagkaka-animate sa mga tauhan kagaya sa pagkaka-animate sa "Shrek 2." Medyo kakaiba lang silang maglakad at tumakbo. Pero may mga kaunting mga dagdag para bigyan ng pagkatao ang mga tauhan. Yung sabit sa labi ni "Mrs. Incredible" na ginaya nila mula sa tunay na pagsasalita ni Holly Hunter, ang nagboses kay "Mrs. Incredible."
Nakakatuwa ang kuwento ng "The Incredibles." May mga kakaibang mga "twists" at nakakatuwang mga dialogo. Kumpara sa "Shrek," isang pampamilyang pelikula ito at madaling panoorin ng lahat. Doon sa "Shrek 2," na sobrang nakakatawa, hindi ko narinig ang mga bata na tumawa. Pero maganda marinig na tumatawa ang mga bata sa "The Incredibles."
Maganda ang "The Incredibles." Hindi kasing nakakatawa ng "Shrek 2" pero mayroon pa rin namang laman ang pelikula na magugustuhan ng lahat.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento