Nakakatuwang isipin na noong bata ako ay ayaw kong matulog na maaga. Natatandaan ko pa kung gaano ako naiinis tuwing pinapatulog ako ng maaga ng mga magulang ko. Dapat ay natutulog na ako at ng mga kapatid ko ng alas nueve-alas nueve y medya ng gabi. Kung may kailangang namang tapusin na proyekto ay ayos lang pero hindi naman ako hinihintay o binabantayan. Kaya magmamadali ako sa paggawa kasi ... ehem... takot ako sa dilim.
Pero ngayon, kaya ko nang matulog ng kahit na anong oras na gusto ko. Pwede na akog matulog ng apat o tatlong oras lamang sa isang gabi. Ayos nga lang na hindi matulog ng buong gabi. Kagaya noong mga ginagawa ko sa nakalipas na araw kung saan halos hindi ako natulog. Nagawa ko nga rin na hindi matulog para lang matapos ang isang proyekto.
Ngunit sa mga panahong itong may nakuha akong kalayaan, imbis na itakwil ang mga alituntunin na nakasanayan ko, mas lalo kong inaasam at gustong balikan ang mga panahon kung saan naaabutan pa ng aking paggising ang bukangliwayway. Ayaw kong maabutan ang bukangliwayway, gusto kong gumising sa bukangliwayway. Gusto kong matulog ng alas siete ng gabi at magising ng alas sinco ng umaga at hindi matulog ng alas sinco ng umaga.
Ultimo, natutunan ko na ang kahalagahan ng pagtulog. Hindi lamang pagtulog ng maaga ngunit pagtulog mismo. Madami akong magagawa kung gising ako ng magdamag ngunit hindi maganda ang aking mga produkto dahil mas lasaing pa ako sa isang tambay sa kanto na nakainom ng sampung bote ng beer. Masarap lang talaga at kaginha-ginhawa ang pagtulog. Walang kaduda-duda. Lalo na kung nananaginip ako ng isang nakakatuwang panaginip na mas sabog pa sa isang telenovela na siniksik sa loob ng isang oras. Nakakatuwa iyon.
Kaya ngayon ay hinihintay ko at inaasam ang pagtapos ng semestreng ito dahil makakatulog na ako ng mahimbing. Pwede na akong magising sa bukangliwayway.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento