Wala lang. Ibabahagi ko lang sa iba kasi wala akong masulat sa blog ko.
Kamalayan, Katawan at ang Matrix
“What is the Matrix?” ang catch phrase ng pelikulang ito. At ano nga ba ang Matrix? Ang Matrix ay isang programa o simulation kung saan nananahan ang kamalayan ng lahat ng mga tao. Isang malaking panaginip kung saan kabilang ang lahat ng tao.
Kung malaman mong ang mundo na alam mo at kilala mo ay hindi totoo, isa lamang itong panaginip, ano ang gagawin mo? Ito ang premise ng pelikulang “The Matrix” at ang sci-fi/action na pelikulang ito ay nagbabato ng mga makasakit-ulong mga tanong.
Pinapatotoo na literal ang argumento ni Descartes kaya pinagduduhan niya ang kanyang mga pangramdam. Paano mo nga naman malalaman kung hindi isang panaginip ang mundo kung halos walang pinagkaiba ang panaginip sa tunay na mundo. Sa pelikula, direktang nakakabit ang mga utak ng mga tao sa Matrix at ang lahat ng nararamdaman nila ay inaapektuhan at minamanipula ng Matrix. Hindi napapansin ng mga tao na hindi totoo ang kanilang mundong ginagalawan dahil halos perpekto ang panggagaya ng Matrix sa mundo.
Sa isang banda, pinapakita rin ng pelikula ang ugnayan ng katawan at ng sarili. Hindi kayang mabuhay ng dalawa na hiwalay. Kahit na nasa loob ng Matrix ang sarili o ang cogito, ang sarili para kay Descartes, hindi dapat basta-basta mawala ang ugnayan ng katawan at ng cogito. Pinapatotoo ng pelikula ang pagsasakatawan ng tao. Ngunit, imbes na namamagitan ang katawan sa mundo ng Matrix, ang katawan ay nagmimistulang lalagyan ng cogito. Kaya kayang “lumabas” ng cogito sa katawan at umiral ito sa Matrix dahil hindi na namamagitan ang katawan. Ang katawan ay isang lalagyan kung saan hindi dapat tayo mahiwalay. Ngunit kailangan nating bigyang halaga na kahit na nasa loob ng Matrix ang cogito, may ugnayan pa rin mula sa katawan at cogito. Kaya noong puwersahang pinutol ni Cipher ang ugnayan ng katawan at cogitong nasa Matrix ng kanyang mga kasama ay namatay sila dahil hindi dapat mahiwalay ang dalawa.
Isa pa ay ang pananaw kung ano nga ba ang masasabi nating buhay o hindi buhay. Sa loob ng Matrix ay hindi lamang tao ang namumuhay doon kundi mga malay na programa, kagaya ni Agent Smith. Ang mga programang ito ay walang katumbas sa tunay na mundo hindi kagaya ng mga tao na mayroong katawan. Ang mga programa ay mga code at numero lamang na kasangkot sa mas malaking formula ng Matrix. Ngunit mga malay silang mga bagay. Kaya nilang magmuni-muni at gumawa ng sariling desisyon. Ang pinagkaiba lamang nila sa mga tao ay hindi nila kayang lumayo sa lohika at mga pormula kung saan pinagbabasihan ng mga programa ang kanilang mga desisyon. Kaya nating gawin ang mga hindi lohikal at hindi praktikal na bagay dahil tao tayo. Iyon ang pagpapakatao natin. Kaya nagagalit si Agent Smith sa mga tao dahil hindi tayo mga praktikal na mga nilalang kumpara sa ibang mga hayup. Imbes na kunin ang sapat lamang sa atin ay inaabuso natin ang kalikasan. Ang pagbabagay ng kalikasan para maging maginhawa sa tao.
Sa puntong iyon, bakit kaya nating ihiwalay ang sarili ating sarili mula sa kalikasan? Dahil kaya nating lampasan ang nandiyan na. Ang kalikasan ay isang facticity, isang bagay o katotohanan na naan diyan na. Ngunit kaya nating lampasan ang nadiyan na, kaya nating mag-transcend. Kaya kayang magkaroon ng “The One” sa Matrix dahil kaya nating lampasan ang mundo kung saan namulatan tayo. Dahil si Neo ay nagkaroon ng malay sa loob ng Matrix, maaaring siya nga ang “The One.” Kaya isang tao lamang ang kayang maging “Tha One” dahil ang mga programa ay limitado sa mga batas ng Matrix.
Kaya masasabing “buhay” ang mga makina at mga programa sa mundo ng Matrix ngunit hindi pa rin natin masasabing tao sila. Dahil kahit na matalino ang mga programa, hindi sila tao dahil hindi nila kayang lampasan ang kanilang sarili at ang mga facticity ng Matrix. Sa tunay na mundo naman ay hindi talaga tao mga programa o machina dahil wala silang katawan. Kung mayroon namang silang “katawang” gawa sa bakal, hindi naman sila sumasakatawan dahil kaya nilang ihiwalay ang kanilang kamalayan mula sa katawan.
Simone: Katotohanan at Kasinungalingan
Katotohanan sa pelikula at sa tunay na mundo. Kasinungalingan nagiging katotohanan. Totoo bilang pananaw at paniniwala. Peke na nagiging totoo. Pag-iral dahil sa iba. Ito ang mga bagay na pinag-usapan sa pelikulang Simone.
Ang pelikulang Simone ay tungkol sa isang direktor, si Viktor Taranski na ginampana ni Al Pacino, na nilapitan at pinamanahan ni Hank Aleno, isang programmer na ginampanan ni Elias Koteas, ng isang programa na may pangalang Simulation One o Simone. Kaya ni Simone na palitan ang tunay na aktor at kayang maging magaling na aktor dahil madali siyang gamitin at manipulahin. Gagamitin lang sana ni Viktor si Simone sa isa niyang pelikula para isalba ito at mapalabas man lamang. Ngunit hindi inaasahang tinanggap na taos-puso ng mga manonood so Simone at lumobo ng lumubo ang popularidad ni Simone na hindi na mabago ni Viktor ang sitwasyon.
Isang komedya ang pelikula ngunit malalim ang mga ideya nito at maaaring mangyari ang mga sitwasyon ng pelikula. Isa sa mga ideya ay ang pag-iral ng kasinungalingan at peke sa kamalayan ng mga tao. Isa itong nakakatakot na ideya dahil pinapatotoo nito ang takot at duda ni Descartes tungkol sa mundo. Ipinapakita ng pelikula na maaaring umiral ang kasinungalingan at maaaring tanggapin ng mga taong itong kasinungalian na ito bilang katotohanan. Si Simone ay hindi isang tunay na tao ngunit ipinakilala siya sa isang medium, ang pelikula, kung saan ginagaya o pinapakita ang katotohanan. Ang pelikula ay isang pamamaraan na ipakita ang katotohanan. Ngunit kayang ipakita sa isang pelikula ang kasinungalingan bilang katotohanan. Dahil dito ay tinanggap si Simone kasi hindi naihiwalay ng mga tao o, mas tama, ng mga tagasubaybay ang magkaibang mundo ng pelikula at tunay na mundo. Iyon ang kapangyarihan ng pelikula at ng media, sa kabuuan. Pinatotoo nito sa sinabi ni Viktor habang kinausap niya si Simone, o ang kanyang sarili, “Sa pelikula, ang totoo ay hindi mahalaga. Mas mahalaga ang pagsasabuhay ng katotohanan.”
Mula doon sa sinabing iyon ni Viktor ay binigyang kaibahan ang totoo mula sa katotohanan. Para kay Viktor, ang totoo ay mga bagay na umiiral sa mundo habang ang katotohanan ay ang mga ideya, pananaw, at paniniwala na umiiral sa mundo. Sa mundong puno ng mga pagkukunan ng kaalaman, kagaya ng TV, radyo, Internet at pelikula, madaling tanggapin na katotohanan ang mga kasinungalingan dahil nawawalan tayo ng oras para lubusang alamin kung ano nga ba ang katotohanan.
Isa pang pinag-usapan sa pelikula ay ang pag-iral ng tao. Si Simone ay isang programa na nagpapanggap na tao at dahil ang nasa likod ng kanyang pag-iral ay isa namang tunay na tao, si Viktor, kapanipaniwala ang kanyang pagpapanggap. Ngunit kung tatanggalin si Viktor sa harap ng computer, magiging isang walang kamalay-malay na bagay si Simone, hindi kagaya ng mga programa sa pelikulang “The Matrix.” Pero “buhay” ang pag-iral ni Simone sa mga kamalayan ng mga tao dahil “parang buhay” ang pagkakakilala ng mga tao sa kanya. Kung malay ang lahat na “buhay” ang hindi buhay, buhay pa ba ito? Ipinapakita ng pelikula ang mala-“An Enemy of the People” na sitwasyon kung saan bentang-benta sa pananaw ng mga tao na tunay at totoo si Simone, kahit na ito ay mali. Pinapaikot ng pelikula ang ideya ng pakikisalamuha ng mga tao. Dahil limitado ang “pakikisama” ni Simone sa mga tao, tinanggap ng mga tao si Simone bilang tunay na tao.
Ngunit hindi dapat nating hayaang umiral ang hindi totoo. Kailangang baguhin ang kamalayan ng mga tao. Hindi ako sumasasang-ayon sa pagtatapos ng pelikula kung saan hindi tinama ng pamilya ni Viktor ang sitwasyon. Dapat ay sinuportahan nila ang katotohanan. Hindi dapat nila dinadala sa kamalian ang mga tao kasi mahirap baguhin ang kanilang kamalayan tungkol kay Simone.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento