Martes, Agosto 31, 2004

Pagmamasid, Usapan, at Ulan ng Pilipino

Nakakatuwa ang ang bago naming pagsasanay sa FA 109 kanina. Kinailangan naming lumabas at magmasid ng mga tao at kumuha ng mga type mula sa mga pinagmasdan namin. Ayos din. Medyo nasobrahan nga lang sa pagmamasid. Haha

Kanina, sa pilosopiya, ay nagkaroon ng diskurso tungkol sa PDA at pre-marital sex. Kakaiba kung pag-iisipan kasi hindi ito yung mga bagay na pag-uusapan sa pilosopiya. Pero may praktikal na aspekto ang usapan. Gustong malaman ni Ginoong Capili kung katanggap-tanggap nga ba ang dalawang ito sa amin. Karamihan ng mga sagot ng mga kaklase ko ay puro "Oo" o "Ok lang, basta hindi nakakasama o nakakasakit o nakakaapekto sa iba." Hindi ako sumasang-ayon dito kasi mahirap gumawa ng mga aksyon na hindi na kakaapekto sa iba. Masyadong makasarili na isipin natin na, "Eh hindi naman nakakaapekto sa iba ang ginagawa ko." Pero iyon na nga ang mali doon. Mahirap gumawa ng mga bagay na hindi nakakaapekto sa iba. Kahit na anong gawin natin ay may-epekto ito sa iba. Kahit nga wala tayong gawin ay nakakaapekto sa iba. Masyadong makasarili ang tayo ngayon. Huwag sana nating isipin na hindi mahalaga ang gagawin natin, gaano man ito kaliit, para sa iba. Sa ating mga karanasan, mahirap hindi makabangga o makihalubilo sa iba na hindi makakaabala o makakabuti sa iba o sa atin.

Sa punto ng pre-marital sex, ang opinyon ng iba ay "basta alam nila ang ginawa nila, ang mga consequence nito sa kanila. ayos lang ito." Ang paniniwala ko dito, oo nga, alam nila kung ano ang ginagawa nila pero handa ba sila sa mga maaaring mangyaring hindi sila handa sa kanilang gagawin. Madaling sabihin na, "Alam ko ang ginagawa ko" kaysa "Handa ako sa mangyayari." O masyado lang ba akong konserbatibo? Ewan.

Maganda ang pag-uusap na iyon kanina dahil, ayon sa gusto ipakita ni G. Capili, ang mga opinyon na iyon ay hindi lamang nanggagaling sa amin kung hindi ito ay namana at mayroong pinanggalingan sa ating kasaysayan. Na mayroong mga kaalaman at paniniwala na mananatili sa lipunan o mga bagay at tao na nagdala at binago ang daloy na kasaysayan at nasa amin, o ilan sa amin, ang maaaring makapagbago ng kasaysayan.

Mapagbiro ang ulan ng Pilipinas, kagaya ng sinasabi ko noon pa. Binibiro ka, tinutukso ka. Aambon ng kaunti. Tapos hindi. Tapos aambon. Tapos, ayan na, umuulan na. Parang hindi mapakali. Pabago-bago. Kaya siguro, pagminsan, ay sana na ang Pilipino sa pagbabago kung ano man ito. Mga nakakaaliw na banda o sayaw ay tinatanggap agad natin. At kung namalayan nating hindi pala ito ganoon kaayaaya ay isinasaisang natin. Parang ulan. Katanggap-tanggap lang na mabasa dahil "ganyan lang talaga."

Lunes, Agosto 30, 2004

Kaarawan, Simba at Pangalawang Mahabang Pagsusulit

Kaarawan ko ngayon! Tayo ay magdiwang! Ililibre ko ang lahat! Haha.

Dahil nga kaarawan ko ngayon, nagsimba ako sa chapel ng Ateneo kaninang tanghali. Unang beses kong sumimba sa chapel, si Fr. McNamara pa ang pari kanina. Nakakainis lang na madaming nagbababang mga kotse na dumadaan malapit sa chapel. Pero ok na rin.

Ang swerte ko rin naman dahil mayroon akong mahabang pagsusulit para sa teolohiya kaninang alas kwatro hanggang alas sais sa Eschaler Hall. Ang saya ng kaarawan ko talaga. Kinakailangan kong makakuha ng 2 o C sa pagsusulit! Sige na Fr. Dacanay, kaarawan ko naman. Ibigay nyo po sana akin ang aking kahilingan sa kaarawang ito.

Pero ayos na rin ang kaarawan na ito. Nararapat na pagpasalamatan.

Linggo, Agosto 29, 2004

Alien Vs. Predator

Pinanood ko kanina ang pelikulang Alien Vs. Predator sa Glorietta 4 Cinema. Ok lang siya. Magaling ang cinematography at ang special effects. Pero madaming mga problema pagkarating sa ibang mga bagay.

Ok lang ang kuwento. Maganda ang pagsasama ng dalawang magkaibang serye at interesante ang mytolohiyang binuo nila. May mga problema lang sa consistency. Kapanipaniwala naman siya bilang isang science fiction na pelikula. May mga contradictions nga rin lang kung alam mo na ang kuwento ng mga nakalipas na pelikula sa serya.

Pero ayos din ang mga labanan ng dalawang nakakatakot na Aliens. Astig. Nakakalongkot lang at kaunti lang ang mga ganitong mga eksena. More alien blood! More alien gore! Astig pa rin naman. Sa totoo lang ang mga alien naman talaga ang bida ng pelikula eh.

Hindi ito rekomendado sa para sa mga hindi sumusunod sa mga nakalipas na pelikula o kaya ay sa mga hindi pa nakakalaro sa mga video game kung saan unang lumabas ang pagkakapareha sa pelikulang ito.

Sabado, Agosto 28, 2004

Paglitaw, Klase, Ang Romansa ni Magno Rubio

Pagkatapos ng ilang araw, lumitaw din ang araw at buwan sa bayan. Salamat naman. Hindi ko lang alam kung anong mangyayari sa mga darating na linggo pero sana naman ay manatiling maganda ang panahon.

Kakaiba sa workshop kanina para sa Fil 119.2. Ako at si Gizmo, kaklase ko sa nabanggit na klase, ang palaging nagbibigay ng mga kumento sa mga kuwento ng iba. Parang walang hilig ang iba. Parang ako lang ang nagsasaya sa klase. (Ang sama ko talaga.)

Pinanood ko kanina ang dulang Ang Romansa ni Magno Rubio sa CCP. Mahaba ang biyahe, kaya umalis ako pagkatapos na pagkatapos ng klase para sa Fil 119.2. Pero nakarating ako ng maaga sa CCP kaya inikot ko muna ang labas ng CCP para makita ko kung ano nga ba ang hitsura nito. Maraming mga kurba ang gusali at tunay naman na kaakit-akit ito, kahit na medyo luma na nga siya.

Umiikot ang dulang Ang Romansa ni Magno Rubio sa buhay ng limang manggagawa sa isang plantasyon sa California noong 1920's - 1930's. Isa sa kanila ay si Magno Rubio, isang tapat na tao, na umiibig sa isang Clarabelle, kanyang pen pal, na mula sa Arkansas. Lahat ay ginagawa ni Magno para lamang mapaakit sa kanya si Clarabelle. Itong si Clarabelle naman ay akalang isang taga-Timog Amerika si Magno. Nag-iipon si Magno ng pera para makapagbigay ng mga magagarang regalo sa kanyang nililigawan. Ang mga kasama naman niya ay tumutulong o kaya ay humahadlang sa mga ginagawa ni Magno.

Maganda ang dula. Ipinapakita ang paghihirap ng mga naunang Pilipino sa Amerika upang makakuha ng magandang buhay. Ganoon din ang natural na katangian ng mga Pilipino na maging puno ng pag-asa at kaligayahan, isang katangian na makikita kay Magno at sa iba pa. Mayroon ding komentaryong kolonyal laban sa Amerika at kung paano naabuso ang mga manggagawa. Mga palaging madungis ang mga manggagawa at pagod mula sa trabaho.

Mahusay ang set design. Parang mga nakakulong ang mga aktor sa likod ng mga wires na nangunguna sa kanila. Hindi pantay ang background para maipakita ang squatter na pamumuhay ng mga tauhan.

Magaling ang pag-arte ng mga aktor. Ramdam mo ang mga tauhan mula sa kanila. Problema lang ay ang mabilis na pagsasalita ng mga aktor. Kung naayos kaagad iyon, sana mas naging katuwa-tuwa ang dula.

Maraming mga nakakatwang mga eksena sa dula. Mga green jokes at matalinong mga pasalita. Nakakatwa ang mga sagot ni Clarabelle kay Magno. At ang mga pagpapanggap ng mga tauhan na maging Amerikano parang katulad ng ibang mga Pilipino diyan na kalabaw ang Ingles. Pinagsasama ng dula ang mga nakakatwang katangian ng mga Pilipino at Amerika. Problema lang ay may mga panahon ng pagbagal dula o kaya ay kawalan ng paghahanda para sa susunod na eksena. Marahil, galing kasi ang dula mula sa maikling kuwento kaya hindi nito makuhang magkaroon ng banayad na pacing.

Epektibo naman ang ilaw at tunog. Ang mga kanta naman ng dula ay acapella at ang ilaw nagbibigay ng mga magagandang mga anino.

Nakakaengganyo ang dula. May puso. May diwa. May pag-asa. Iyon ang Romansa ni Magno Rubio.

Huwebes, Agosto 26, 2004

Ulit

Na naman, pumunta pa ulit ako ng Ateneo para lamang malaman na walang pasok, ulit. Ang bait ko talaga. Kuno.

Ngayon ko lang natandaan na inaasahan na ni Fr Arcilla ang panahong ganito. Galing talaga ni pader.

Miyerkules, Agosto 25, 2004

Suspended

Hay, walang klase pero hindi ko alam. Hindi ko nakuha mula sa balita sa TV. Masyado akong naenganyo sa pagtulog. Nalaman ko na lang na walang pasok nang nasa Ateneo na ako at napansin kong halos walang tao. Kaya umalis na rin ako. Hindi ako mabuting bata ha. Medyo hindi lang talaga ako natakot sa malakas na hangin at malakas na ulan. At noong bumaba ako ay hindi na naman talaga ganoong kapangit ng panahon. Malas nga kasi iisa lang ang klase ko ngayon. Kung bukas o kahapon sana nawalan ng klase eh mas masisiyahan sana ako.

Lunes, Agosto 23, 2004

YM Conversation 3 at Tambay

Isa pa ulit na YM chat sa pagitan namin ni Carla. Wala lang. Nakakatuwa kung saan umikot ang usapan na ito eh. ...

sleepingleb: yo!
fatguyisme_2000: hello
sleepingleb: watya doin?
fatguyisme_2000: check lang lang ng email at nakikipag-chat dito kay raj
sleepingleb: sorry somthin went wrong
sleepingleb: what was it again?
fatguyisme_2000: check lang lang ng email at nakikipag-chat dito kay raj
fatguyisme_2000: napansin ko nga
sleepingleb: ah...
sleepingleb: ano id ni raj?
fatguyisme_2000: silver_feather2002
sleepingleb: thanks
fatguyisme_2000: you're welcome :)
sleepingleb: wag mo sabihin k raj kung sino ko ha?
fatguyisme_2000: ok
fatguyisme_2000: ;)
sleepingleb: what ya doin na?
fatguyisme_2000: basa lang mga balita sa cnn
fatguyisme_2000: ikaw?
sleepingleb: la lang~
sleepingleb: ~o)
fatguyisme_2000: ok :D
fatguyisme_2000: nakita mo na ang canossiana?
sleepingleb: ang pangit!
fatguyisme_2000: mali pa ang birthday ko... 8-
sleepingleb: ows? ano nakalagay? uy, malapit na~
fatguyisme_2000: imbis na 1986, 1985 hehe :)
fatguyisme_2000: malas naman may test ako sa aug 30
sleepingleb: musta na cna dustin?
fatguyisme_2000: bakit? hindi ko alam...
sleepingleb: ah oo nga...
sleepingleb: ngek~
sleepingleb: wawa ka naman may labor ka pa
fatguyisme_2000: kailangan ko pang mataas sa test na iyon kasi bumasak na
ako sa unang long test eh... :((
sleepingleb: di ba nanliligaw si dustin?
fatguyisme_2000: what?
fatguyisme_2000: akala ko iba?
fatguyisme_2000: :-/
sleepingleb: ow? sabi ni arthur eh
fatguyisme_2000: alam ko may ibang nanliligaw kay tetel...
fatguyisme_2000: aba
fatguyisme_2000: madami pala :-O
sleepingleb: sino?
fatguyisme_2000: hindi ko tanda ang pangalan
sleepingleb: eh~ tuwa naman~
fatguyisme_2000: bakit ako matutuwa? :-S
sleepingleb: ikaw hinde~ kasi talagang masakit sa ulo yan pero nakakatuwa naman dalaga na si tetel... :P
sleepingleb: ciao na~ next time na lang got clas
sleepingleb: ciao!
fatguyisme_2000: bye fatguyisme_2000: see ya


... Napapailing na lamang ako sa mga ganyan. Lalabas ang pagka-kuya ko niyan eh. Hay, nagbabago na ang panahon at sitwasyon.

Kanina ay tumambay ako sa may Gonzaga kasama ang mga nakuha ng Poetry at Directing. Usap-usap lang. Nakakatuwa. Matagal na ding hindi nakakasama ang iba. Naikot ang mga usapan sa proyekto, dula, aralin, weblog, at pati na rin mga karanasan sa mga bading. (panalong-panalo ang kay Hanniel!) Hay, nakakatuwa.

Oo nga pala, ang sarap ng Turkey SPAM. Tikman ninyo. Ang sarap.

Linggo, Agosto 22, 2004


Nakita ko itong pakalat-kalat sa bahay. Hindi ko tanda kung ano ang iniisip ko dito. Marahil ay nagpapa-cute lang ako.
Posted by Hello

Linggo, Pagkain, at Talo

Maganda ang araw ng Linggong ito. Nakakain din ng maayos na almusal (sopas!) at maayos na tanghalian (tinolang baboy!). Ang sarap ng buhay. Nakapaglaro din ng kaunting PS2. Hindi ko dinala sa condo ang PS2 kasi nawawala ang konsentrasyon.

Isa pang bagay, nakakuha ako ng maraming pagkain mula sa malaking kaban ng bahay. Nagdala ako ng bigas at delatang sardinas, SPAM, at corned beef. Importante sa akin ito kasi, una, para makatipid at, pangalawa, nagsasawa na ako sa fastfood.

Natalo ang Ateneo kanina. Oh well.

Sabado, Agosto 21, 2004

Long Test at Uwi

Matindi ang mahabang pagsusulit kahapon. Talagang mahaba. Naka-anim akong pahina para sa isa lamang tanong. Naman kasi ang tanong eh kaya madaming pwedeng masabi. "Paano nilalampasan nina Heidegger, Marcel at Gallagher ang mga suliraning pinamana sa atin ni Descartes?" Iyon yung tanong na sinagot ko. Mukhang mas madaling sagutin eh. Problema lang ay kung tama nga ba ang aking pagkakasagot. Kahit na open notes ay nasa sarili pa rin ang pagsasagot at maaari pa ring magkamali.

Pagkatapos ng pagsusulit ay umuwi ako papuntang San Pablo. Wala kasing pasok ngayong Sabado dahil Araw ni Ninoy Aquino. Pagkarating na pagkarating ko sa condo ay dumating si Dad kasama si Mae. Nagpalit ako ng damit at sumama na sa kanila. Matagal-tagal na ring hindi nakakauwi. Sa sobrang tagal, yung isang ginagawang gas station ng Shell sa northbound ng SLEX ay napansin kong tapos na pala. Noon huli kong pagbiyahe ay hindi pa ito tapos. Ang isa pa ay iyong short cut na ginawa sa may Alaminos para mas madaling makapuntang ng San Pablo.

Magpapahinga muna ako dito. Titindi ang darating na pagtatapos ng semestre. Kailangang magpahinga. Kulang ako sa tulog. Masarap matulog.

Biyernes, Agosto 20, 2004

CNN.com - Church says girl's communion not valid - Aug 19, 2004

CNN.com - Church says girl's communion not valid - Aug 19, 2004

Bakit naman ganoon? Ang isang sakramento ay hindi lamang isang ritual na ginagawa. Isa itong pananampalataya. Kung hindi ka naniniwala, walang kwenta rin naman ang sakramento. Pagkakaintindi ko sa TH131 na ang isang sakramnto ay hindi lamang isang ritual kundi isang pakikisama ng isang Kristiyano sa Panginoon at isang tanda ng kanyang lubos na paniniwala sa Diyos. Pero napakahalaga ba kung ano ang gagamiting sangkap ng sakramento? Parang masyado namang binibigyang halaga ang ritual kumpara sa buong pusong pananampalataya. Tama ba iyon?

Huwebes, Agosto 19, 2004

Seminar at Paghahanda

Astig ng seminar kanina. Kahit na kinuha ang libreng araw na ito, sulit naman dahil madami akong natutunan mula sa mga mag-asawang dumalo at nagpahayag kanina. Astig talaga. Mga bagay na hindi mo makukuha kay Fr. Dacanay o kaya sa mga magulang mo.

Ang unang bahagi ng seminar ay napapalibot sa mag-asawa. Kung ano ang naging problema nila at kung paano nila ito inayos. Ang mag-asawang Esquivel ang dinaluhan ko. (May apat na mag-asawa na dumalo at naghati-hati ang klase para pumunta sa tig-isang pares.) Nakakatuwa silang mag-asawa, lalo na iyong si Ginoong Esquivel kasi palabiro. Natutunan ko sa kanila ay ang patitiwala sa isa't-isa, pag-uusap at pakikinig sa asawa, at pagkilala sa sarili at sa asawa mo.

Nagkaroon kami ng kaunting pahinga tapos ay naghati-hati ulit ang mga tao. Naghiwalay ang mga tao sa mga babae at sa mga lalaki, syempre nasa lalaki akong grupo. Masaya ang bahaging ito kasi puros tawanan ang nangyari. Pero madami pa rin namang napulot mula sa usapan. Kagaya ng halaga ng pagkilala sa sarili upang lumayo sa kasalanan, ang kahalagahan ng mga anak at... ehem... sex sa relasyon lalo na sa bahagi ng lalaki. Pero halos isang katlo ng usapan ay napalibot sa sex. Hehe. Wala lang.

Ikatlo ay nag-open forum ang lahat ng dumalo. Mas malalim lamang na pagtingin mula sa una at pangalawa ang nangyari.

Nagtanghalian kami pagkatapos pero kailangan naming bumalik sa paaralan para sa panapos na gawain. Dumating nga pala si David, dating blockmate. Wala lang. Sit in. Nag-usap-usap ang mga maliliit na grupo tungkol sa mga nalaman namin. Panguna para sa huling reflection paper na gagawin namin.

At ngayon ay kailangan ko nang maghanda para sa mahabang pagsusulit para sa Pilosopiya bukas. (Kagaya ng sinabi ko kahapon) Paalam, sa ngayon.

Miyerkules, Agosto 18, 2004

Consultation at Amadeus

Nakaktuwang magbigay ng konsultasyon si Sir Jovi. Wala lang. Pinagtatawanan ako. Hehe. Ok lang.

Pinanood ko ang pelikulang Amadeus at isa itong tunay na klasiko. Tungkol ang kuwentong ito sa buhay ni Wolfgang Amadeus Mozart, na ginanmpanan ni Tom Hulce, sa punto de bista ni Antonio Salieri, ma ginagampanan ni F. Murray Abraham. Umiikot ang kuwento tungkol sa pagkamuhi ni Salieri kay Mozart dahil naiinggit siya sa pambihirang kagalingan ni Mozart.

Maganda ang set at ang acting ay magaling lalo na sa ginawa ni Hulce at Abraham. Dama ko ang tambalan ng mga damdamin na nasa loob ni Salieri.

Magaling din ang musika. Siyempre, Mozart. Pero ang mga mang-aawit na sumasabay sa mga musika ni Mozart ay napakagaling. Nararapat na sumabay sila sa klasikong musika ni Mozart.

Kakaiba ang pelikula. Namangha ako sa galing ni Mozart. At sumang-ayon ako kay Salieri, ang milagroso nga talaga ang musika ni Mozart at isang tunay na alagad ng Diyos.

Martes, Agosto 17, 2004

Monologue, Hesuita, Paghahanda at Ulan

Nakakatuwa ang ginawa naming monologue para sa Drama Seminar kanina. Binasa sa harapan ng klase ang ginawa naming monologo at bibigyan ng komentaryo ni Sir Jovi. Ok lang naman daw ang ginawa kong monologo. Kulang lang daw sa build up at konteksto para sa tauhan na ginawa ko. Nakakapagtataka nga na sinabi ni Sir na "Well written" daw ang monologo. Maniwala ako.

Sa History, hindi na makikakaila na ipinagmamalaki talaga ni Fr Arcilla ang kanyang pagiging Hesuita. Ilang beses niyang binanggit na ang mga Hesuita ay mga "good teachers, including the present" sa klase. Nakakatuwa talaga.

Malapit na ang pangalawang mahabang pagsusulit para sa Pilosopiya. Paspasan na ito.

Kakaiba ang ulan ngayon. Hindi ko alam kung aambon, bubuhos o babaha. Titingin ka sa itaas at parang ginagago ka ng mga ulap. Magbabanta ng pagbuhos tapos ay hindi tutuloy. At kung hindi mo inaasahan, walang badya, biglang bubuhos ang tubig sa langit papuntang lupa. Nakakaasar. Hindi lamang dahil wala akong magagawa para mapigil ang ulan, kundi nadudumihan rin ang bagong sapatos. Ganyan lang talaga.

Lunes, Agosto 16, 2004

The Village

Napanood ko kahapon ang pelikulang The Village ni M. Night Shyamalan. Maganda siya. Hindi ganoong nakakatakot. Nakakagulat lamang. Ayoko ka nang pag-usapan ang pelikula kasi ang hirap ikuwento at ang daming tauhan. Masasabi ko lang na hindi maganda sa pelikula ay medyo sabog ang banghay at hindi malinaw kung saan umiikot ang kuwento. Ang maganda ay ang cinematography at set design. Medyo weird din ang acting pero ok lang.

Biyernes, Agosto 13, 2004

Platoon at Consultation

Pinanood ko kahapon sa VCD ang pelikulang Platoon ni Oliver Stone. Tungkol ang pelikula sa karanasan ni Chris Taylor, na ginampanan ni Charlie Sheen, sa digmaan sa Vietnam.

Sa totoo lang, ang pelikula ay hindi lamang pumapalibot kay Chris kundi pati na rin sa mga sarhento niyang sina Sgt. Elias, na ginampanan ni William Dafoe, at Sgt. Barnes, na ginampanan ni Tom Berenger. Maganda ang pagpapakita ng alitan o tambalan sa pagitan ng dalawang sarhento. Dahil sa kanilang kaibahan ay nahahati ang kumpanya na kinabibilangan ni Chris sa pagitan ng dalawa. Kaya imbes na awayin ang kalabang sundalo ng Hilagang Vietnam ay nag-aaway din ang mga taga-sunod ng dalawang sarhento.

Realistiko ang pelikula. Hindi lamang puro labanan at patayan ang pelikula. Ipinapakita din ang mga karanasan nila sa mga kampo kung wala sila sa gubat. Ipinapakita kung paano naglilibang ang mga sundalo sa kanilang libreng oras, uminom man ng alak o kaya ay humithit ng marijuana.

Maganda ang pag-arte nina Dafoe at Berenger. Mukha talagang palaging bangag si Dafoe at mukhang siga si Berenger. Maganda rin ang mga sumusuportang tauhan at aktor ng pelikula. Hindi agad napansin pero kasama pala si Jhonny Depp sa pelikulang ito. Pakiramdam ko naman ay parang hindi bagay si Charlie Sheen bilang sundalo, pero ganoon lang talaga ata ang kailangan para maipakita din na hindi bagay ang tauhang si Chris doon sa digmaan.

Magandang pelikula. Nararapat na makakamit ng Acadamy Award.

Kanina naman ay nagkunsulta ako kay Fr. Dacanay para sa aking mahabang pagsusulit, hindi kasi maganda ang naging resulta. Pinaalalahanan lang naman niya ako na hindi ko na mababago ang resulta at kailangan kong galingan sa susunod. Ok lang naman. Walang problema sa akin iyon.

Huwebes, Agosto 12, 2004

Guinea Pig at Weird Talk

Nakakatuwa ang drama seminar. Ginawa akong guinea pig para sa aralin. Hinamon ang mga kaklase ko kung mailalarawan nila ang aking mga katangian ayon lamang sa aking hitsura, suot, at kung ano pang mahalata nila mula sa akin. Ang isang ipinakita ni Sir Jovi na makikita din mula sa paglalakad ang ilang katangian ng mga tao. Kung makikita kung saan ang sentro o nauunang bahagi ng katawan, iyon ang clue kung ano ang katangian niya. Halimbawa sa akin, tuwing naglalakad ako, nauuna ang aking ulo. Sabi ni sir, heady daw ako. Kung ano man ang ibig sabihin noon. Matalino? Palaisip? Ewan.

Noong papauwi na ako, may dalawang batang babae, mukhang kagagaling lamang mula sa paaralan nila, na naghintay sa lobby para sa elevator. Ang kakaiba sa dalawa ay nagsasalita sa isang kakaibang wika. Kung ano ang sinasabi nila ay hindi ko alam pero ang ingay nila. Napakakakaiba ng ginagawa nila o sinasabi nila. Isa pa ay hindi lamang sa isa't-isa sila nagsasalita ng kanila kakaibang wika, pati rin sa iba na alam ko ay hindi rin sila naiintindihan. Iwan ko kung bakit pero mukhang kulang ata ang dalawang iyon ng kaunti pansin. Kaunti lang naman.

Miyerkules, Agosto 11, 2004

Panaginip, Isa pang YM Conversation, at Condolences

Nanaginip ako. Ako ay nasa isang tanghalan. Hindi ko alam kung ano ang ginagawa ko doon, basta naandoon lang ako, nag-iisa. May ginagawa ako pero hindi ko na tanda. Malaki ang tanghalan, kasing laki ng gym ng dating mataas na paaralan. Teka, gym nga ng Canossa! Nag-iisa ako ngunit biglang may nagsipag datingang mga tao. Mga kakilala ko ngunit isang tao lamang ang nangibabaw, Si Carla. Nilapitan niya ako at ...

Nagising na ako. Alas nuebe y medya na. Tumayo ako at ginising ko pa ang ajing sarili para mawala ang antok. Tumayo ako at binuksan ang computer. Nag-internet. Lo and behold, nag-YM si Carla sa akin, ulit. Mayroon ba akong psychic ability? Ewan.

sleepingleb: yo!
fatguyisme_2000: hello
sleepingleb: :-P
fatguyisme_2000: :-P ka din
sleepingleb: aa, :)
fatguyisme_2000: :D
fatguyisme_2000: anong gawa mo?
sleepingleb: paper, news article for two devcom subjects, reaction and position paper for eng2, and magcacatalogue pa mamaya
fatguyisme_2000: ok :D ang dami
sleepingleb: tama
fatguyisme_2000: ako ay gagawa lang monologue at hanap ng topic para sa theology... :D
sleepingleb: at lesat di mo kelangan magresearch ng sangkaterba
fatguyisme_2000: kaya nga. masaya ako. :)
sleepingleb: daya!
sleepingleb: have you heard of ems' dad?
fatguyisme_2000: yeah
sleepingleb: uwi kaya xa dis saturday sa kanila?
sleepingleb: gusto ko sana puntahan sila dun
fatguyisme_2000: hindi ko lang alam.
sleepingleb: uwi ka ba sa sat?
fatguyisme_2000: hindi. may class ako ng sat eh
sleepingleb: ah, kasi pag-uuwi si ems ay pupunta kami ni mara sa kanila
sleepingleb: neiwayz thanks for the chat
sleepingleb: gtg
fatguyisme_2000: bye
sleepingleb: bye~


Hmm, medyo masama ang loob ko na hindi nga ako makakapunta kina Emely dahil sa mga klase ko. Condolences, Emely.

Libing ng Buhay

May binabasa akong libro tungkol sa mga sinaunang problema ng aksidenteng paglibing sa isang tao ng buhay dahil akala ng mga tao ay patay na sila. Buried Alive ang pamagat ng libro at sinulat ni Jan Bondeson.

Ang daming nakakatuwang mga kuwento sa libro tungkol sa mga kaso ng mga nalibing na buhay. May mga kasong naligtas ang mga inakalang patay dahil sa mga magnanakaw o hindi naligtas at namatay na nang tuluyan dahil sa lungkot at kawalan ng pag-asa. Nakakatakot pero dahil maganda ang pagkakasulat niya, magmamangha ka sa mga kaganapan.

Hindi ko pa siya tapos pero masasabi kong magandang basa ito dahil, kahit na isang librong pangkasaysayan/agham, ay interesante ang pinag-uusapan.

Sabado, Agosto 07, 2004

Street Rap

Ano ang gagawin mo kung may isang batang kalye, may hawak-hawak na sampaguita, ay biglang mag-rap sa harapan mo habang ikaw ay naglalakad sa sidewalk?

Mapapangiti ako, siyempre. At kung wala akong paki, siguro ay tatawa na rin ako. Sobrang kakaiba ng nangyari kanina ay parang matatalapid ako. Hindi ko alam kung bangag ang batang lalaking iyon o talagang wala siya magawa. Hindi naman ako nainsulto dahil sobrang nakakatuwa at bano ng nangyari.

Katay

Kinatay ang kuwento ko! Ang kuwentong pinaghirapan ko! ...

... Pero ok lang. Inaasahan ko naman iyon kasi hindi ganoong kaganda ang pinaghandaan ang kuwento ko. Mga problema sa detalye, pacing, consistency, at neccesity. Mabuti naman kasi baka ang mga problemang ito ay hindi mapansin.

Basta, gagalingan ko sa susunod!

Martes, Agosto 03, 2004

The Drawing of the Three

Kakatapos ko lang ng librong The Drawing of the Three ni Stepen King, ang pangalawang libro sa The Dark Tower Series niya. Ipinagpapatuloy ng libro ang paglalakbay ni Roland papuntang Dark Tower. Ngunit ngayon kinakailangan na niyang gawin ang itinadhana sa kanya ng the man in black. Kinakailangang kunin niya mula sa nakaraan sina Eddie Dean at Odetta Holmes sa pamamagitan ng mga mahihiwagang pintuan.

Maganda ang serye dahil napakaganda ng mga tauhan ng libro. Ganoon pa rin ang misteryong bumabalot kay Roland at mga totoo, kapanipaniwala, at kaakit-akit na mga bagong tauhang sina Eddie, isang adik, at Odette/Detta/Susannah, isang babaeng may schizophrenia o DID. Maganda ang kanilang pagkatao. Dama mo sila, ang kanilang mga damdamin, kahinaan at kalakasan. Umiikot ang buong libro sa pagkuha ni Roland sa dalawa. Hindi ko masasabing maganda ang banghay pero napanatili ang atensiyon ko sa mga pangyayari dahil unpredictable ang mga pangyayari.

Naiintriga tuloy akong basahin ang susunod na mga libro ng serye.

Lunes, Agosto 02, 2004

Isang Lunes na Wala Lang

Lunes at wala lang. Hahaha.

Nakakapagtaka dahil sa nakalipas na mga araw (o linggo?) wala akong pinaggagawa kundi magbasa at magsulat ngunit inaantok ako. Bakit kaya? Wala lang.

Noong nalipas na weekend ay nagrereklamo si Dad sa kanyang natubong wisdom tooth. Kung hindi ninyo alam masakit iyon. "Parang tinuturok ang gilagid, panga, at utak mo ng sabay-sabay," ayon sa kanya. Ngayong Lunes na ito ay dapat pinapabunot niya iyon. Ok na kaya siya? Wala lang.

Oo nga pala. Naka-4 ako sa quiz para sa teolohiya. Wala lang. Hahaha.