Biyernes, Oktubre 31, 2008

Dalawang Aklat at isang Pelikula

1.

Katatapos ko lang basahin ang "Ang Aso, ang Pulgas, ang Bonsai at ang Kolorum" ni Jose Rey Munsayac. Inabot ako halos ng dalawang buwan. Palaging naaantala ang pagbasa ko iba't ibang mga gawain kaya nagkaganoon. Madali lang namang basahin ang wika ni Munsayac. Mahaba-haba rin lang talaga ito.

Binubuo ng tatlong aklat ang nobela. Ang una'y tungkol sa mga rebolusyunaryo pagkatapos ng sumuko si Pangulong Aguinaldo sa mga Amerikano. At pangunahin sa mga rebolusyonaryong ito ay si Ento, ang pinuno ng isang grupo ng mga rebolusyunaryong hindi sumuko pagkasuko ni Aguinaldo. Sinusundan ng unang aklat ang buhay at pakikidigma ng mga rebolusyunaryo sa panahon ng mga Amerikano. Ang ikalawang aklat naman ay tungkol sa panahon pagkatapos sumuko ng ang mga rebolusyunaryo at ang kanilang pagtatangkang magkaroon ng normal na buhay. Ang ikatlo ay tungkol sa buhay ng mga taga-Bagong Nayon, ang nayong itinatag ng mga sumukong rebolusyunaryo, pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Sa simula'y malinaw na itinatanghal ng nobela ang labanan sa pagitan ng mga uri. Si Ento, kasama ng kanyang mga kapwa rebolusyunaryo, ang representante ng mas mababang uri. Bago ang rebolusyon, mga magsasaka sina Ento at ang kanyang mga kasamang rebolusyunaryo. Si Kabesang Pakong, ang dating heneral sa rebolusyon at propitaryo ng mga rebolusyunaryong pinamumunuan na ni Ento, ay malinaw na katunggali. Ipinipinta si Kabesang Pakong bilang tuso at mapanlinlang. At katulad ng maraming mga Filipinong may partikular na pansariling ineteres, ipinipinta siya bilang traydor dahil sa pagkampi sa mga Amerikano.

Malinaw ang hidwaan sa pagitan ng mga uri at bagay na bagay na lapatan ng Marxistang pagbasa. Ngunit magbabago ang lahat ng ito pagdating sa ikalawa at ikatlong ng aklat. Bagaman naroroon pa rin ang malinaw na paghahati ng mga uri, nagiging mas masalimuot ang ugnayan at tunggalian sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at sa mga pag-aalsa sa panahon ng Republika. Mas masalimuot dahil nariyan na, hindi lamang ang mga matataas na uring kumampi sa mga Hapon, nariyan na rin ang mga magsasakang kumampi rin sa mga Hapon. Nariyan din ang mga magsasakang naging sundalo't gerilya sa ilalim ng USAFFE at nariyan din ang mga magsasakang naging Hukbalahap. Ang dating magkakampi sana'y nagkakaaway kaya't mas masalimuot ang ugnayan at hidwaan.

Pagdating sa naratibo, nagmumukhang mas buo ang unang aklat kaysa sa mga sumunod. Marahil dahil may malinaw na tunggalian sa pagitan ng mga uri ang unang aklat kaya nagkaganoon. Malinaw na sinusundan ng nobela ang mga naggaganap kay Ento ngunit pagdating sa ikalawa't ikatlo, parang nagkalabo-labo na kung kaninong kuwento ba ito bagaman nananatiling pangunahin ang mga tauhang nanggagaling sa uri ng mga magsasaka. HIndi ko alam kung kapintasan ito. Marahil sinasalamin lamang ng naratibo ang kasalimuutan ng mga ugnayan at tunggalian. Bagaman kapansin-pansin ang pagdalas ng pagbubuod o summary sa mga huling bahagi ng nobela kumpara sa nauna, na maraming mga eksena't pagtatagpo.

2.

Ilang buwan na akong may VCD ng "Paprika" (nabili ko sa isang sale) pero ngayong sembreak ko lang ito napanood. Isa itong anime na mula sa mga lumikha ng "Tokyo Godfathers". Tungkol ito sa grupo ng mga siyentipiko na lumikha ng isang makinang kayang i-record ang mga panaginip at gayun din pwedeng paghatian ng mga tao ang mga panaginip. Halo-halo itong sci-fi, fantasy at detective story na binudburan ng psychoanalysis. Sa dulo ng pelikula naghahalo ang na mga panaginip at maging ang realidad at panaginip ay naghalo na rin. Mahirap ibuod ang kuwento nito. Nakakabangag. Pero may pakiramdam ako na mas bagay itong maging serye imbes na pelikula lamang. O baka nga may serye ito hindi ko lang alam. Basta natuwa ako't nagulat sa mga eksena't pangyayari. Hindi ko lang alam kung magugustuhan din ito ng iba.

3.

Noong isang taon ko pa ito sinimulang basahin, natigil nga lang. At ngayon ay natapos ko na ring basahin ang "Rashomon and 17 Other Short Stories" ni Ryunosuke Akutagawa. Isinalin ito ni Jay Rubin, isa sa mga tagapagsalin ni Haruki Murakami at binigyang introduksiyon ni Haruki Murakami. Kasama sa kalipunang ito ang mga kilala nang mga kuwento ni Akutagawa, ang "Rashomon", "The Nose" at "In a Bamboo Grove". Pero natuwa ako sa mga kuwentong hindi ako pamilyar tulad ng "Hell Screen" at "A Life of a Stupid Man". Itong dalawang huli ang pinakanagustuhan ko sa kalipunan.

Nahahati ang kalipunan sa apat. "A World in Decay", "Under the Sword", "Modern Tragecomedy" at "Akutagawa's Story". Nakatuon ang unang dalawang hati sa mga akdang historikal ni Akutagawa. Madilim ang karamihan ng mga kuwento dito tulad ng "Rashomon," "In a Bamboo Grove", "Hell Screen", "Dr. Ogata Ogai: Memorandum", "O-gin", "Loyalty", at "The Spiderthread". Ngunit mayroon namang mas magaan tulad ng "The Nose" at "Dragon: The Old Potter's Tale". Sa "Modern Tragicomedy" at "Akutagawa's Story" ang mas kakaibang hati ng akda kumpara sa mga nauna. Sa "Modern Tragicomedy" makikita ang mapaglaro't mapagpatawang bahagi ni Akutagawa. Isang mapaglarong metafiction ang "Green Onion" habang lubhang satirikal naman ang "Horse Legs". Mas tragic imbes na comic ang "The Story of a Head that Fell Off". Napaka-depressing naman ang mga kuwento sa "Akutagawa's Story". Karamihan ng mga kuwento dito ay isinulat noong mga panahong lumalalim na ang depression ni Akutagawa.

Mayroong partikular na lirisismo ang mga kuwento ni Akutagawa na nagustuhan. Kahit na sa mga morbid na kuwento niya, kaakit-akit pa rin. Bukod doon, magaling ang kanyang pagkakahawak sa kanyang mga tauhan.

Maganda rin ang panimula ni Haruki Murakami. Hindi sobrang intelektuwal ngunit mainam na pagbibigay paliwanag sa daloy ng karera at sining ni Akutagawa at maging ng konteksto ng Hapon sa panahon ni Akutagawa.

Lunes, Oktubre 27, 2008

Pahabol sa pahabol

1.

Mula kay Carlo:

You are invited to Malate Literary Folio's
The Lilt & the Verve
(Halloween Party & 1st Issue Book Launch)

October 30, 2008; Thursday
6:00 PM
onwards

Penguin Bar/Cafe
Remedios Cor. Bocobo Street, Remedios, Malate, Manila

Free admission! Free food!

Come in costume!
Theme: Demented Fairytales

with guest musical performances by

* Twin Lobster
* Mangina
* Orgasmic Chicken
* Musical O

Malate Literary Folio is the official arts and literary publication
of De La Salle University-Manila.

Spread the word!

2.

Mula kay Nanoy:

Magkakaroon ng mahabang Novel Reading ng Noli Me Tangere
sa Filipinas Heritage Library, 9PM ng Nov 8 hanggang 9AM ng Nov 9.
Oo, tama ang nabasa ninyo, 9PM-9AM. Lamayan.

Pahabol

1.

May aquarium na sa bahay dito sa San Pablo. Cute.

2.

Katatapos lang ng 8th Ateneo National Writers Workshop. Maraming maganda at maraming stressful na karanasan. Pero ayokong maglunoy sa stress. Kaya aalalahanin ko na lang ang magagandang alaala.

Una, dumalaw si Dong Abay sa workshop para makipagkita kay Mang Jun. As in, the Dong Abay ng Yano. Starstruck naman si Sir Egay. At ang aming claim to fame, sa silid namin natulog si Dong Abay ng isang gabi. Kinabukasan, habang nagse-session, humingi ng papel si Dong Abay at nagsulat ng kanta.

Pangalawa, nakapagpapirma ako ng kopya ko ng "Dark Hours" ni Ma'am Chingbee Cruz. At naging crush ng workshop siya.

Pangatlo, Isang gabi akong sinuwerte sa tong-its. Ilang round kaming naglaro nina Yol at Sir Egay ng tong its. At hindi ako nagbalasa nang gabing iyon. Nag-pusoy dos din kami sa sumunod na gabi at kasama na namin noon si Sir Joseph. Mas malas ako noon pero ako ang ginawang kontrabida dahil nga sa hindi ko pagkatalo noong isang gabi at dahil na rin bastos akong maglaro ng pusoy dos. I think alam na ng mga Block E 06 itong pagkabalasubas ko sa pusoy dos.

Pang-apat, nakalikha kami ng bagong kahulugan para sa salitang "chaka". Unang gabi noon at tinatarayan ni Allan Popa, o sige na nga naming lahat, ang mga akda. Ito ang nagawa namin:

C - Contructive
H - Helpful
A - And
K - Knowledge
A - Assisting

3.

Sale ngayon sa Office of Reseach & Publications (ORP) ng Ateneo. Marami silang libro na 50% discount. Dinala ko nga iba sa mga fellows doon. Sinamahan ko din doon si Mang Jun. Pero hindi lang sila sale. Naglilinis din ata sila ng kanilang storeroom. Kaya may mga libro silang ipinamimigay lang. O ipinamimigay. Katulad ng "Kristal na Uniberso" ni Rolando Tinio. Nagulat na lamang kami ni Mang Jun na ipinamimigay lamang ito. Kaya kayo diyang fans ni Rolando Tinio (katulad ni Nanoy), punta na kayo sa 2nd floor, Gonzaga Hall at humingi ng kopya ng "Kristal na Uniberso" hangga't meron pa silang kopya. At malay natin, baka mayroon pa silang mga libro gusto lang nilang ipamagiya. Punta na kayo! Now na!

4.

Isang joke na seryoso:

Tao1: May nakita nang publisher si Allan Popa para sa kanyang bagong koleksiyon ng mga tula!
Tao2: Talaga? Sino?
Tao1: Ang ORP.
Tao2: A. Ano'ng pamagat ng aklat?
Tao1: "Basta"
Tao2: Ano? Ano'ng pamagat?
Tao1: "Basta"
Tao2: Basta-basta ka diyan. Ano nga ang pamagat?
Tao1: "Basta" nga e.
Tao2: He, ewan ko sa'yo. Kinakausap nang matino.
Tao1: "Basta" nga!

(Dapat akong binabayaran para dito.)

5. links/balita

Dalawang Pinoy ang bahagi ng Man Asia Literary Prize Shortlist.

Hindi lang Tsina ang namomroblema sa lason sa pagkain. Sa Japan, dalawang kumpanya ang nag-recall ng kanilang mga instant noodles.

Babae sa Hapon, kulong dahil pinatay niya ang virtual na asawa!

Hinay-hinay lang sa pagkain. Ayon sa isang pag-aaral, may ugnayan ang mabilis na pagkain sa pagtaba. Kaya pala ako ganito.

6.

Congrats nga pala sa kapatid ni Aina na si Aira sa pagpasa nito sa Board Exam ng Accounting!

Miyerkules, Oktubre 15, 2008

Iba pang magaganda balita

Nakalimutan ko nga palang banggitin na pumasa sa dissertation defence si Ma'am Coralu Santos habang nakapag-dissertation proposal naman si Sir Vim Yapan. Kaya't may tatlong Doktor na sa Kagawaran habang malapit na ang isang maging Doktor. Kongrats sa kanila!

Rollercoaster

1.

Madami akong ginawa nitong nakalipas na mga araw kaya ngayon lang ako nakapag-post ng entry. Lalong-lalo na noong isang linggo dahil Finals Week iyon. Ibang pagkangarag pala ang ngarag na nararamdaman sa kabilang panig ng desk. Kailangang tapusin na ang pagtsetsek ng papel. Ihanda ang mga kopya ng pagsusulit para sa araw ng exam. Kahawig sa pagkangarag sa pag-aaral para sa exam o paggawa ng papel. Pinakamalaking pagkakaiba lang siguro, okey lang na magkamali ka bilang estudyante. Pero pag ikaw ang guro, kailangan mong maging tama palagi at kailangang hindi mo pinagdududahan ang sarili.

2.

Ang thesis talaga ni Kalon ang pinakapinagngaragan ko talaga noong isang linggo. Rush job ito ika nga. Noong Martes ang thesis defence habang kinailangang ipasa ito noong Sabado. Marami lang papeles ang inayos. Lalo na pagkatapos ng defence. Mahaba ang proseso at hakbangin ang kailangang pagdaanan. At nagawa iyon sa loob ng limang araw! Noong Martes, dumaan ako sa Red Ribbon at Pan de Manila para sa ipapakain sa mga reader at sa ibang tao sa Kagawaran. P5.50 ang pinakamahal at pinakamalaman na pandesal sa Pan de Manila. Malasa naman ang tinapay pero medyo mahangin. Dahil nga paspasan, nagkaroon ng kaunti gusot pagdating sa proseso. Pero nakaraos din.

3.

Huwebes ng umaga ang Huling Pagsusulit ng klase ko sa Fil11. Mataas naman ang nakuha ng karamihan ng mga estudyante ko. O naging mapagbigay lang sa kanila pagdating sa essay part? Pero pagdating sa final grades nila, wala akong nabigyan ng A. Pero maraming B. Nakapagtataka. Sa araw mismo ng pagsusulit, may isa na hindi agad nakarating. Patapos na exam nang dumating siya. Kaya kinailangan niyang pumuntang ADAA para magpa-make-up. Nakapagtataka talaga't mayroon pang nahuhuli sa isang huling pagsusulit lalo freshman.

4.

Hindi ko na naabutan ang pagpapasa ni Kalon ng kanyang thesis o mabantayan ang estudyante kong nag-make-up test dahil Biyernes e pumunta akong Boracay. Martes e nagpabook na kami ni Mama sa Seawind Resort at Asian Spirit Airlines (na nagpalit ata ng pangalan at naging ZestAir). Napanalunan ko ito sa isang raffle nang mag-book launch ang ORP para sa mga antolohiya nito nang magpa-Boracay sila at nagsama ng mga guro't manunulat. Siyempre, mabait akong bata at binili akong isang set dahil marami akong mga guro na kasama doon. At ang mga bumili ng isang set e automatik na mapapasama sa raffle. Ang nakakatawa'y nagkaroon ako ng psychic moment dahil dito. Nang matapos na ang pagbabasa mula sa antolohiya at inanunsiyo ang simula ng raffle, sinabi ko sa sarili ko, "Makukuha ko iyan." Hindi naman sa gusto kong makuha ang premyo. Basta sinabi ko lang sa sarili ko na makukuha ko ang premyo nang basta-basta lang. At nakuha ko nga. Kaya nga hindi tuwa ang lumabas sa mukha kundi pagkabigla at pagkagulat. Hanggang Oktubre 15 lang pwede ang mga gift certificate na ibinigay sa akin kaya kahit na hindi pa ako tapos sa lahat ng trabaho ko, kinailangan ko nang gamitin iyon.

5.

Wala kaming masyadong ginawa noong unang araw. Pumunta lang kaming D'Mall at D'Talipapa. At hapang nagpapamasahe si Mama, nilakad ko lang beach mula Station 1 papuntang Station 2. Nahahati ang White Beach ng Boracay sa tatlong stations. Sa Station 1 yung may magandang beach habang nasa Station 2 yung mga tindahan at kainan. Nag-island hoping kami ni Mama noong Sabado. Pumunta kaming Crystal Cove at Puka Beach. Inikot lang naman talaga namin ang buong isla ng Boracay.Noong Linggo nga lang talaga kami nag-swimming. Ako, nanguha lang ako ng mga shells at coral sa beach.

6.

At timing naman ang pagpunta namin doon dahil kamakailan e nagbigay ng hatol ang Korte Suprema na pagmamay-ari ng gobyerno ang buong Boracay. At syempre, tsismosa si Mama kaya ang dami niyang tanong tungkol doon. Nakakatuwa nga ang island hopping na iyon kasi wala naman talaga kaming masyadong napuntahang isla at beach. Ang nangyari ay parang ininterbyu ni Mama ang mga mamamangka na kasama namin tungkol sa kalagayan ng Boracay. Itinuro sa amin ang mga bagong mga resort na ginagawa at ang istorya sa likod noon. Nakita namin ang resort ni Manny Paquiao. Nakita rin namin ang pinakamalaking proyekto na ginagawa doon ngayon, ang resort ng Shangri-La. Nang daan namin iyon, madaming mga barge na malapit sa beach na may dala-dalang mga construction materials. Sa pagkakakuwento sa amin, nabili daw iyon mula sa mga Sarabia sa halagang 300 milyong piso. Ang orihinal naman na bili ng mga Sarabia sa lupa e P300. Laki ng tubo nila. Sa hatol ng Korte, may kaunting galit at panghihinayang akong napansin sa boses ng mga nakausap namin doon. Dahil hindi lamang ang mga malalaking resort ang maaapektuhan dahil maging ang mga residente doon e magagambala. Paano ang kanilang mga karapatan gayong ang iba e jalos buong buhay nang nakatira doon bago pa man naging bakasyunan ang Boracay? Ewan ko ba. Parang napakasosyalista ang hatol at sa totoo lang wala akong tiwala na magiging patas ang Gobyerno sa lahat ng ito. Sa mga sabi-sabi nga, may investment si Pangulong Arroyo sa ginagawa ng Shangri-La pero tsismis ito na narinig ko lamang. Dagdag pa ito sa isyu ng mga Aetang naninirahan doon. Hindi ko alam na may komunidad pala ng mga Aeta sa Boracay. Nalaman ko lang ito nang magsimba ako noong Sabado at bahagi ng selebrasyon ang Indigenous People's Day. Sa pagkakarinig ko, hirap ang komunidad na iyon. Dati, malaking bahagi ng Boracay e pagmamay-ari ng kanilang komunidad. Ibinenta nila iyon sa mga dayong nagpayaman sa Boracay para sa bigas. Kaya nasa bundok na sila ngayon. Parang kuwento ng iba pang mga komunidad sa ibang bahagi ng Pilipinas, no?

7.

At siyempre, ang pinakamalaking balita nitong nakalipas na mga linggo ang meltdown ng ekonomiya ng mundo. Naka-chat ko nga sina Mara at Carla tungkol dito at napag-usapan kung paano sila naapektuhan. Kanailangan ngayon ni Mara na mag-nightshift nang dalawang gabi imbes sa dating isa lang. Nag-lay-off kasi sa Amerika kaya dumami ang trabaho nila dito sa Pilipinas. Illustrator siya at nagtatrabaho siya sa isang kumpanyang tumatanggap ng trabaho mula sa ibang bansa. Nagtatrabaho naman si Carla sa isang malaking internasyunal na bangko at nagsimula na silang mag-retrench. ie, may mga natanggal na sa trabaho. Natutuwa talaga sa mga ganitong salitang masarap pakinggan pero masama ang kahulugan. Parang salitang nilikha ng demonyo. Maikukumpara ko rin ito sa paggamit ng Ateneo sa katagang "successful self harm" para pamalit sa salitang suicide. Ewan ko lang paano maaapektuhan ang Ateneo ng krisis na ito sa ekonomiya. Sana hindi rin ako ma-retrench. Sana wala nang mangyaring successful self harm sa susunod na sem. (That was a bad joke.)

8.

Sa kabilang panig ng mga balita, tumaas ang ranggo ng Ateneo sa THE-QS World Universitiy Rankings. 254 na ang Ateneo kumpara sa ranggo nitong 451 noong isang taong. 276 naman ang UP mula sa ranggo nitong 398 noong isang taon. Nasa top 100 naman pagdating sa Arts and Humanities na kategorya ang Ateneo. 79 ito habang 82 naman ang UP. Naging isyu ito noong nakaraang taon pero sigurado akong matutuwa ang Admin dito.

9.

Kahapon, pinasa ko na ang mga grades ko. Kaya ito, home free na ako. Pero marami pang kailangang tapusin. Kailangan ko nang tapusin ang papel ko para kay Sir Mike para pwede na akong makapag-Compre sa susunod na semestre. Gayundin, tatangkain kong tapusin ang mga kuwentong gsuto ko nang tapusin lalong-lalo na yung matagal ko nang inuupuan. Pero mahirap pilitin ang Musa pero pakiramdam ko matatapos ko naman ito sa sembreak.

10. Links

Si Jean-Marie Gustave le Clezio, isang Pranses, ang nagwagi ng Nobel Prize in Literature
. Hindi ako pamilyar sa kanya. (Sino ba?) Pero hihintayin ko na maging mas laganap ang mga kopya ng mga akda niya at husgahan sa aking sarili kung magaling nga ba talaga siya. Heto ang mga links sa New York Times at The Guardian tungkol sa balita.

Ang nobelang "The White Tiger" ni Aravind Adiga ang nagwagi ng Man Booker Prize para sa taong ito. Narito ang balita mula sa BBC, New York Times at The Guardian.

Pinaratangan si Milan Kundara sa pagkakakulong ng isang espiya noong panahon ng Komunismo sa Czechoslovakia (na nahahati ngayon sa Czech Republic at Slovakia).

Sabado, Oktubre 04, 2008

Arangkada

1.

(Isang alaala nang minsang pumila sa cashier ng LS Bookstore para magbayad ng isang bilihin, bago mag-bonfire.)

Isang babaeng atenista, may hawak-hawak na puting t-shirt at kausap ang kanyang kaibigan: Ayan mayroon na akong ipasa-sign sa kanila at maipampupunas na rin.

(Gawin ba namang santo ang mga player.)

2.

Nanalo ni Sir Vim Yapan sa Urian noong Oktubre 1. Nanalo ang "Rolyo" bilang pinakamahusay na short film. Narito ang artikulo mula sa ABS-CBN

3.

Noong Huwebes ay huling araw ko ng klase para sa Fil11. Pinagreport ko ang aking mga estudyante tungkol sa imahen ng ilang mga artista. Isa sa mga grupo ay nag-report tungkol kay Juday. Tiningnan nila ang bagong imahen ni Juday bilang fitness guru. Ginawa nila e pinag-cross-dress nila ang malaking atleta na klase nila at pinagpanggap na Juday sa isang "interview". PinakaLOL na moment:

Interviewer: Juday, nagpa-lyposuction ka daw.

Juday: Hindi ha. Fitrum iyan. At push-ups. (hahawiin ang upuan at magpu-push-up)

Panalo.

4.

Natapos ko rin basahin kamakailan ang "Pamilya" ni Eli Guieb. Nabasa ko na nang pautay-utay ang mga kuwento niya sa ibang mga pagkakataon. Magaling si Guieb. Paborito kong mga kuwento e yung "Ama", "Kasal" at "Horoscope". Isa kong napansin sa mga kuwento ay kung gaano kaprominente ng kamatayan sa mga kuwento. At kalimitan ay lunsaran ang kamatayan para sa mga pagtatagpo. At consistent ito sa "Ama," "Pinsan", "Bunso", at "Horoscope".

5.

Pinanood ko kahapon ang final project ng mga klase ni Sir Egay. Enjoy naman kahit na medyo napapakamot kami ng ulo sa mga dokyu at dula na pinalabas. Natuwa kami sa mga dokyu lalo na sa "TODA" at "Gentle Giants". Magaling ang research ng mga ito. Katuwa yung mga interview ng "Gentle Giants" sa mga bouncer. Very timely naman ang "TODA" pagdating sa pagbusisi nito sa isyu ng pagbabawal sa mga traysikel na dumaan sa Katipunan Ave. Mayroon ding isang magandang play na itinanghal. Yung "Trabaho Soliloquey". Aliw lang talaga.

6.

Kanina e nanood ako ng "Batang Rizal" sa PETA Theater. Natuwa ako dito. Sabi nga ni Allan Derain, kahit na gasgas na iyong topic, nagawan pa ring fresh ang tungkol kay Rizal. Nakasama naming manood ang ilang klase ng mga estudyante. Statefield ata ang pangalan ng paaralan. At well behaved naman ang mga nanonood. Mas nairita pa nga ako sa mga bantay nila na ang iingay. Nakakatuwa yung mga estudyante pagkatapos ng dula. Pinagdiskitahan ng mga babae ang mga lead na lalaki. Binati kasi ng mga gumanap ang mga manonood pagkatapos ng pagtatanghal. Dinumog ng mga estudyanteng babae ang gumanap na Rizal at Pepito para magpa-picture. Nakakatuwa.

7. links

Isang mag-asawa sa Malaysia, namatay dahil sa ritwal!

Mga Taiwanese, nag-away dahil sa gatas!

Ang opisyal na press release para sa 8th ANWW.

Isang sanaysay tungkol sa maikling kuwento.

Miyerkules, Oktubre 01, 2008

Kulimlim

1.

Ito yung mga araw na masarap humilata lamang sa kama at matulog o kaya't tumitig lamang sa kisame. Pero kailangang magbasa ng mga papel ng estudyante o kaya'y tapusin na iyon atrasado kong papel.

2.

Hindi ako pumunta sa bonfire kagabi. Umulan at ayokong maputikan ang aking mga sapatos. (Yeah right.)

3.

Tinapos na rin kagabi ang workshop manuscript para sa darating na workshop. Hindi ko lubos na natulungan ang mga taga-AILAP dahil tinatapos ko noon ang appendix ng thesis ni Kalon. Pero tinulungan ko si Yol na mag-isip ng pseudonyms para sa bawat akda. Surprise na lang kung anong kalokohan ang naroon. Inaasahang maipapadala na sa Thursday ang mga kopya ng manuscript para sa mga panelists at fellows.

4.

Binili ni Allan Derain ang pinahiram ko sa kanyang kopyang ng "Dictionary of the Khazars" kasi nagustuhan niya ito. Dalawa kasi kopya ko noon, pareho pang male version. Napadoble kasi ang bili ni Dad nang magpunta siya ng Amerika noong isang taon.