Lunes, Agosto 29, 2005

Snow Country

Katatapos ko lang basahin ang nobelang "Snow Country" ni Yasunari Kawabata. At eto lang masasabi ko, “Yasunari Kawabata owns me! He owns all of you fictionist-wannabes out there!” Pero kailangan ko siguro itong suportahan.

Umiikot ang kuwento ng nobela sa relasyon nina Shimamura, isang art critic-kuno, at Komako, isang geisha sa isang bayang may hot spring na matatagpuan sa “snow country,” ang pinakamayelong bahagi ng bansa ng Hapon. Sinusundan ng kuwento ang kanilang pag-iibigan at ang katapusan nito.

Taon ang sinusundang banghay ng kuwento ngunit mabilis lang ang pagbabasa ko ng nobela dahil na siguro sa estilo ni Kawabata. Puno man ng mga magagandang detalye’t eksena, napakapayak ng pagkakasalaysay sa mga ito. At ang mga transisyon mula sa isang eksena patungo sa isa ay napakabilis. Nakakalito sa simula. Parang tumatalon ngunit hindi dahil sinasabi naman ng tagapagsalaysay ang mga maliliit na detalyeng magsasabing nag-iba na nga ang pinag-uusapang eksena. Kailangan lang na maging sensitibo.

Kagaya ng sinabi ko napakapayak ng pagkakasalaysay ng nobela. Ngunit napaka-deceptive nito. Mukhang payak lamang siya. Ngunit sa ilalim ng mga bawat pangungusap at palitan ng diyalogo sa pagitan ng mga tauhan, matatagpuan ang isang matinding damdaming tinitimpi. Maaaninagan mo lamang ang mga damdaming ito sa mga detalyeng ibinibigay ng tagapagsalaysay. Sa Kabuuan ng nobela, palagi akong napapatigil dahil sa mga detalyeng ibinabato sa akin. Hindi ko agad makita kung anong ibig-sabihin ng mga detalyeng ito para sa kabuuan ng kuwento. Yun pala, nasa mga detalyeng iyon ang susi upang lubusang maintindihan ang mga damdamin ng mga tauhan o kaya naman ang damdaming kailangang gustong ipakita ng tagapagsalaysay.

Isang magandang halimbawa ang nobelang ito sa birtud ng showing o pagpapakita. Dito ako luhod at hangang-hanga. Ngunit hindi lamang pagpapakita ang pakay ng tagapagsalaysay, karamihan ng mga ipinakita’y representasyon ng mga, kagaya ng sinabi ko, damadamin. Napaka-subtle niya, malumanay at banayad.

Kailangan ko sigurong ihayag na kailangang basahin ng lahat ang nobelang ito. Kung hindi ninyo maintindihan ang mga detalye sa nobela o bakit ganoon magsalita ang mga tauhan sa nobelang ito, ok lang. Ganoon katago ang mga mensahe’t damdamin sa loob ng nobela. Ngunit naroon na rin mismo ang saya sa pagbabasa ng nobelang ito. Kapag nakuha mo na ang ibig-sabihin isang detalye, mapapasigaw ka, “Yes! Gets ko iyon!” At doon sa mga sandaling iyon, mamamalayan mong aring-ari ka ni Yasunari Kawabata.

Sabado, Agosto 27, 2005

Matahimik na Pagbabalik

Umuwi muna ako ng San Pablo kahapon para magpalipas ng Sabado't Linggo rito. Ngayon ko lang talaga nabigyang halaga ang katahimikan ng lugar na ito. Wala talaga akong marinig na ingay maliban na lang sa iilang napapadaan trike dito. Hindi kagaya sa Metro Manila, ang ingay-ingay. Rinig na Rinig ko ang mga ginagawang pagpapa-ayos sa mga kalye. Rinig na rinig ang mga naghaharutang mga kotse sa kalye, lalong-lalo na yung mga minodify para sa karerahan. Rinig na rinig ko ang mga busina sa labas ng condominium. E nasa ika-17 palapag na ako nun. Kaya siguro ako inaantok, tahi-tahimik kasi.

Huwebes, Agosto 25, 2005

Busy, Busy, Daming Ginagawa...

Kung napansin ninyo, dalawang post ang aking nilagay dito kahapon. Yung sa Immersion na post dapat inilagay ko noong Linggo habang yung review ng Fahrenheit 451 ay dapat noong nakaraang linggo. Ano ibig sabihin noon? Walang oras magsulat para sa blog ko! Babad ako sa pagbabasa, pagsusulat, pag-aaral, at mas marami pang pagsusulat. Kaya pinananabikan ko na ang sembreak kahit na medyo malayo-layo pa. At least doon, wala nang sagabal na pag-aaral.

Noong Miyerkules noong nakaraang linggo, dumalo ako sa Book Launch ng unang isyu ng Heights ngayong school year. Una kong book launch ng Heights na dinaluhan. Apat na taon na ako sa Ateneo, noon lang ang una kong pagdalo sa kanilang launch. Nakakahiya. Nagtatago ako sa aking lungga, anong magagawa ko? Nagbasa ng kani-kanilang mga gawa ang ilan sa mga ka-fellow. Ang saya! Mayroon pang pagkain.

Noong Lunes ay dumalo naman ako sa Formalist Talk ng Filipino Staff ng Heights para sa Maikling Kuwento. Si Sir Vim ang kanilang speaker. Medyo nakakahiya rin yun, nagmukha akong assistant ni Sir. Tinuro na kasi niya sa klaseng pinasukan ko noong isang taon ang tinuro niya sa mga Staffer. Pero ok lang. May libreng juice.

At kapon naman, pumunta ako sa Creative Talk ng English Staff patungkol sa sanaysay. Ang speaker nila ay ang teacher ko ngayon sa FA 112.2, si Ma'am Karla Delgado. Ok rin, nakakatuwa. Nagbigay ng mga magagandang sanaysay si Ma'am Karla, isa sa mga sanaysay ay gagawan ko at ng mga kaklase ko sa FA 112.2 sa susunod na linggo. Tapos, nag-firts thoughts exercise kami. Ayoko talaga ng first thoughts. Nawawalan ako ng masasabi. Pero ok lang.

Miyerkules, Agosto 24, 2005

Sino ba naman ang hindi mapapasulat pagkatapos ng isang Immersion?

Noong nakalipas na tatlong araw, naging bahagi ako ng pagbababad (immersion) para sa Theo141. Dapat, kung binabasa ninyo ang blog na ito, noong Hulyo 29 hanggang 31 ang una kong pagbababad sa San Mateo, Rizal. Ngunit pinili kong sumama sa Ateneo_Heights Writers’ Workshop na ginanap sa parehong panahon. Kaya nag-sign up ako sa ibang lugar at panahon at napili ko ay ang pagbababad sa Virlanie na ginanap noong Agosto 19 hanggang kaninang tanghali, Agosto 21.

Isang non-government organization ang Virlanie Foundation. Tinayo ito ni Dominique Lemay, isang French national, katulong ng ilang Filipinong social workers. Tinutulungan nila ang mga bata, na ang karamiha’y galing sa lansangan, na magkaroon ng isang pamumuhay na malayo sa kapahamakan. Karamihan nga kasi ng mga bata na inaalagaan ng Virlanie ay inabuso, pinabayaan, at may nagawang krimen.

Apat sa labindalawang bahay ng Virlanie ang tinirahan ng mga nagbabad na kasama ko. Ako’y napunta sa CARESS Home, bahay na tinutiluyan ng mga batang lalaki. Kasama ko bahay si Adrian, magkaklase kami sa Theo 141 na klase ni Dr. Tejido. Ang ibang bahay na tinuluyan ng iba pang nagbabad ay ang Elizabeth, bahay para sa mga babae, Gawad Buhay, bahay para sa mga musmos, at JADE, bahay ng mga batang may espesyal na pangangailangan at sakit.

Bahay ang tinatawag ko at ng mga nakakakilala sa Virlanie dahil para talagang isang bahay ang pagpapatakbo sa bawat lugar. Mayroong Tatay at Nanay sa bawat bahay, mag-asawa kalimitan ang mga tatay at nanay sa mga bahay, maliban na lang sa CARESS na hindi mag-asawa ang nangangalagang mga magulang. Mayroon ding mga Tito’t Tita sa bahay at ilang mga social worker. Ang trabaho nila ay maging gabay at tagapangalaga sa mga bata. At magtuturingan ang mga humigit-kumulang 20 batang nagsasama sa mga bahay bilang mga magkakapatid.

Inaamin kong wala akong masyadong ginawa sa loob ng bahay. Nakakahiyang gumawa ng mga bagay-bagay kagaya ng paglilinis at pagluluto dahil mayroon silang schedule at assignment ng mga gawain at alam ninyo naman ang mga lalaki, may kaunting pride, gagawin nila ang kanilang gawain kahit na may nag-aalok ng tulong.

Hindi ko na masyadong pag-uusapan ang detalye ng aking pagtigil sa CARESS. Ngunit kaantig-antig sa akin ang dalawang mga batang lalaking nakilala doon, sina Ryan at Kenneth.

Una kong nakilala si Ryan nang umuwi siya ng bahay mga alas dose y medya ng hapon. Biglang naghimutok si Ate Pi, ang social worker na nakikitira sa bahay, nang makita niya si Ryan. Ang aga niya kasing dumating. Nanggaling kasi siya dapat sa paaralan. Ngunit, kuwento ni Ate Pi, nalaman niyang palagi raw siyang absent at wala sa paaralan mula guro si Ryan. Kaya pinapa-sign ni Ate Pi ang guro sa notebook ni Ryan bilang tanda ng kanyang pagpasok. Ngunit noong unang araw ko roon noong Biyernes, walang maipakitang lagda si Ryan.

Kaya habang nakain ng tanghalian, sinesermonan at pinagsasabihan nina Ate Pi at Nanay Ana sa kanyang ginawang pagliban sa klase. Ngumingisi lamang siya habang nakain. Hindi ko maintindihan ang pagngising iyon.

Napansin ko sa mga sumunod na mga araw na hindi niya palaging kasama ang iba pang mga bata’t binata ng CARESS. Naroon sa labas, naglalarong mag-isa. O kaya’y nasa isang sulok lang, hindi nakikisama sa mga usapan ng mga kasama.

Kinausap ko siya noong huling araw ko sa bahay. Naglalaro siya ng kotse-kotsehan. Tinanong ko kung ilang taon na siya. Labing-apat ang sibi niya sa akin. Noong unang araw ay nabanggit ni Nanay Ana na nasa grade 2 pa lamang si Ryan. Tinanong ko kung matagal na siya sa bahay at inamin niyang hindi, hindi pa siya matagal na nakatira sa bahay.

At naging malinaw sa akin ang lahat, na nag-a-adjust pa lamang si Ryan sa CARESS. Hindi pa siya lubusang bahagi ng dinamikong pang-araw-araw bahay.

Pangalawang lalaking nakilala ko sa CARESS nang maigi ay si Kenneth. Isa siyang special child. Ngunit hindi naman matindi ang kanyang pinagkaiba sa ibang mga bata. Maaari lang na sabihing iba sa kanyang ay ang kanyang pakikitungo. Tahimik lamang siya at kung magsasalita ay nahihirapang bumuo ng mga pangungusap.

Ngunit ang nakakatuwa siya dahil mayroon siyang nililigawan sa kabilang tahanan na inaalagaan din ng Virlanie. Sa ikalawang araw, tumigil sa bahay ang social worker ng Eliaya (mali ata ang pagbabaybay) at kinukutya si Kenneth. Bakit daw hindi na siya tinatawag na Ate? Pinopormahan nga ba talaga niya si Princess? Ngumingiti-ngiti lamang si Kenneth, pinipilit na itinatago ang kanyang mukha. “Hindi,” ang kanyang pinagsisigaw bilang sagot. Nililigawan nga niya si Princess.

Kinukutya rin siya na maligo. Hindi kasi siya mahilig maligo, ayaw niya. Ngunit iyon daw ang gusto ni Princess, malinis at mabango. Kaya agad namang naligo si Kenneth at nagtawahan sina Ate at Nanay. Talagang malakas ang tama.

Nakakatuwa ang mga kuwento. Masayang gawang ng mga fictional na mga tauhang batay sa kanila na lilinangin ko. Hindi ko lang alam kung ano ang magiging punto ng mga kuwentong iyon. Isusulat ko nga ba ang mga kuwentong iyon. Ngunit alam ko, kahit na hindi ko na sila makikita pa nang basta-basta, narito sila aking loob, nagpepresensiya. Kagaya ng mga tauhang naisulat ko na at isususlat pa lamang, nabubuhay sila sa isipan at puso ko.

Fahrenheit 451

Una kong narinig ang aklat na “Fahrenheit 451” ni Ray Bradbury mula sa isang dating kaklase. Maganda raw, classic. Kaya nang makita ko ang isang kopya sa Fully Booked sa Gateway, agad ko siyang binili. Hindi ko dapat siya babasahin agad ngunit natukso ako. At isang linggo lang pagkatapos kong mabili siya ay tapos ko rin siyang basahin.

Sinusundan ng kuwento ang tauhang si Guy Montag, isang fireman. At literal sa kanyang trabaho, nanununog siya at hindi tagapagpatay ng sunog. Dahil sa mundo ni Guy Montag, nangangailangan ng mga tagasunog ng mga aklat. Sa mundo ni Montag, “nakakasama” raw ang mga aklat dahil ginugulo lang nito ang isip ng mga tao na nagdudulot ng mga away at pagtatalo. Kung walang mga aklat, walang magtatalo, masaya ang lahat. Ngunit nagsimulang magdududa si Guy Montag sa kanyang trabaho. Sa kanyang pagsusunog, naakit siya sa mistiko ng mga aklat na iyon. Ano bang laman ng mga iyon kaya ang iba’y napapakamat para sa kanila? At dito magsisila ang kanyang pagtuklas sa tunay na kalayaan.

Kakaiba ang pokus ng sci-fi na nobelang ito kumpara sa ibang mga nobelang kagaya nito. Hindi sa teknolohiya o alien invasion ang kanyang pinag-iikutan, mismong ang kakulangan ng lipunan ang kanyang pinag-uusapan. May bahali naman ang teknolohiya ngunit talagang kaantig-antig ang mundong ginawa ni Bradbury dahil kahit na sinulat higit 50 taon na ang nakalilipas, kuhang-kuha nito ang mga problema sa kultura’t lipunan ngayon. Ang ideya ng pagkatutok sa TV, kawalan ng interes sa mga aklat, at kawalan ng sariling isip at opinyon. Lahat ng ito’y makikita natin sa ating modernong lipunan, lalong-lalo na sa Amerika.

Mabilis lang siyang basahin, kagaya ng iba pang mga sci-fi na nobela. Gawa siguro ito sa kanyang gumagalaw na pagbabanghay. Dirediretso lang siya, tuloy-tuloy. Umaatikabo, ika nga. Mahigpit lamang ang kanyang sjuzet, malawak ang kanyang fabula ngunit hindi naman nilulunod ng nobela ang kanyang sarili sa pagpapaliwanag ng kanyang mundo. Itong banghay siguro ang isa sa pinakamalakas na bahagi ng nobela.

Susunod kong bibigyang pansin ay ang tagapagsalaysay. Sa tagapagsalaysaya makikita ang estilo ni Bradbury. Gumagamit siya ng mga metapora upang ilarawan ang mga sitwasyon, galaw, at imahen. Consistent naman siya sa paggamit ng mga metaporang ito. Ngunit kinaiinis ko lang na hindi lahat ng mga metapora ay magaganda. At gawa na rin siguro, hindi ako madalas gumamit ng metapora sa aking mga gawa o kaya naman ay hindi madalas na gumamit ng mga metapora ang mga nababasa kong mga kuwento’t nobela. Nagbago na kasi ang mga kumbensiyon ng mga formalistang manunulat sa nakalipas na isang daang taon. Inaamin kasi ni Bradbury na sinusundan niya ang panunulat nina Herman Melville, Nathaniel Hawthorne at Edgar Allan Poe.

Magaling naman ang pagkakalago ng pagkatao ni Guy Montag. Damdam na damdam ko ang kanyang mga agam-agam at kalituhan. Ang maganda ang pagkakatambal sa kanya at sa kanyang asawang si Millie, na kahit na talagang puno pa rin ng pagwawalang bahala at tutok na tutok nsa mga nangyayari at sinasabi sa TV. Naiinis lang ako sa tauhang si Faber dahil hindi maganda ang pagkakapasok sa kanya sa kuwento. Pero maaaring patawarin.

Isang kaantig-antig na nobela tungkol sa kalayaan, hindi lamang tungkol sa gawa kundi pati na rin ng isipan. Hahayaan ba nating makulong ang ating mga isipan sa mga walang kuwentang bagay o palalaguin ba natin ang ating mga sarili? Kasiyahan nga lang ba ang ating mithiin sa buhay? Mga nakakatwang mga tanong, lalao na’t nanggagaling ito sa sci-fi na nobela.

Linggo, Agosto 14, 2005

Patungkol sa Aking Pagbabasa

Nahihirapan akong magbasa. Hindi dahil hindi ako marunong. Ano ba yan, nakatapos na ako ng elementarya. Hindi rin naman nalabo ang mga mata ko. Pero mahirap sabihing crystal clear. Hindi naman sa nahihirapan ako sa wika, Ingles man o Filipino. Pero aaminin kong may ibang mga akdang talagang babanatin ang bokabularyo mo. Nahihirapan akong magbasa dahil hindi ko binabasa ang isang akda bilang isang mambabasa kung hindi bilang isang manunulat.

Anong problema doon? Malaki. Hindi ko na lubusang ma-enjoy ang aking binabasa. Hindi ko na mabasa ang isang aklat ng walang bahid ng pangungutya, pagpuna, at pagpansin sa mga mali, kahit na ang maganda. Hindi magawang tumalon sa loob ng mundo ng akda. Hindi ko lubusang magawang makisama sa mga tauhang hindi mapansin ang kanilang inconsistency. Hindi ko lubusang mapatawad ang mga pagkakamaling nadaraanan ko.

Gusto kong basahin ang isang akdang wala akong alam. Gusto kong basahin ang isang aklat na walang inaasahan. Gusto kong basahin ang isang akda bilang isang pagtakas, hindi isang paghuhusga. Gusto kong basahin ang isang akda na walang pinapatawan na pag-intindi o kaya’y pag-unawa sa pagkamasining nito. Gusto kong magbasa para lang magbasa.

Binabasa ko ngayon ang “Fahrenheit 451” ni Ray Bradbury. Maganda siya. Buo ang pagkakagawa sa mundo’t tagpuan nito. Ang lipunang ginagalawan ng mga tauhan ay buhay na buhay. Magaling ang pagkakabanghay. May problema nga ako sa mga detalye. Hindi ako sanay sa mga metapora na ginagamit ni Bradbury, ngunit ganoon lang talaga ang kanyang istilo. Mapapatawad at maiintindihan.

Kita n’yo na. Hindi ko na masabing, “Maganda! Kaantig-antig! Astigin!” Hindi. Hindi na.

Pero ganyan lang talaga. Nagbabago ang tao. Isang siguro itong paglago. Ganoon na nga. Ganoon na nga.

Sabado, Agosto 13, 2005

Hinahanap-hanap ang Araw

Sa nakalipas na linggo, hindi ko pa nakikitang muli ang sikat ng araw. At talagang nakakabagabag ng loob.

Miyerkules, Agosto 10, 2005

Photo Shoot, Unang Workshop Session para sa FA 111.3, at Heights GA

Maaga akong gumising kaninang umaga, mga alas syete. Maaga na yun. May Photo Shoot ako para sa Aegis Yearbook. Kasabay ko sa timeslot ang ka-mahalay na si Vins at ka-fafang si Jihan. Akala ko matatagalan ako roon pero hindi pala. Mabilis lang ang mga pagkuha ng larawan, ang babait pa ng mga empleyado.

Ngayong araw rin ang simula ng workshop para sa mga kuwento namin sa FA 111.3. Matagal pa yung akin. Isang kuwento lang ang napag-usapan namin, dapat ay dalawa. Napasarap sa discussion.

Pagkatapos ng klase, diretso kami ni Hanniel sa Heights GA. Masaya. Nakakain ng kaunti, libreng cupcake at juice. Nagkaroon kami ng trivia contest, nakakatuwa ang mga tanong. Nakisabit ako sa meeting ng Fil Staff. Wala lang. Sabit lang talaga. Discuss sila ng mga plano nila para sa buong taon. Kahalagahan ng paggawa ng mga responsibilidad ng pagiging Heightser at kaunting kuwentuhan. Pagkatapos noon, pinahiram sa akin ni Em ang Workshop Issue ng Heights. Babasahin ko mamaya. Yun lang. Kain pa ako.

Huwebes, Agosto 04, 2005

Consultation, Take Home LT, at mga Nagmumultong mga Kuwento

Una kong ginawa ngayong araw ay magpa-consult kay Sir Vim para sa aking Practicum. Marami akong nakuhang payo mula sa kanya. Medyo abstract pa at hindi konkreto ang ideya ko para sa kanya. Naiintindihan naman ni Sir kung ano ang gusto kong gawin, kailangan pa nga lang pag-igihan. Dadaan ako bukas para kunin ang pinayo niyang pelikula na panoorin ko.

Nakakatuwang-nakakabagabag ang Practicum. Ewan ko kung bakit. Nakakatuwa kasi gawa siguro ni Ma'am Missy. Nakakabagabag kasi parang anghirap-hirap talaga.

Kailangan ko pa nga palang gumawa ng concept proposal para sa Heights Writers' Program. Ibibigay ko siguro ang mga ideya ko tungkol sa mga nagmumultong mga kuwento sa ulo ko ngayon. Nakakatuwa't mukhang puro mga Futuristic/Sci-Fi ang naiisip ko.

Hindi ko pa nagagawa ang aking mahabang pagsusulit para sa Ph103. Eto na sisimulan ko na...












... Teka. Isang sandali pa.

Lunes, Agosto 01, 2005

Buod ng mga Pangyayari sa Ika-11 Ateneo-Heights Writers' Workshop

Hindi ko alam kung anong aasahan ko sa Ika-11 Ateneo-Heights Writers’ Workshop. Kahit na nakakuha na ako ng mga workshop classes sa nakalipas na tatlong taon. Sabi ni Em, Associate Editor ng Heights at Workshop Director ng workshop, na iba raw. At ngayong tapos na, masasabi kong tama siya.

Sa unang araw, noong Huwebes, ang lakas ng nerbiyos ko. Nauna na mga ka-fellow kong sina Kae Batiquin, Ino Habana, Migoy Lizada, Margie de Leon, Stef Jacinto, at Twinkle De Los Reyes sa Sacred Heart Novitiate sa Novaliches. Nakasabay ko sa kotse sina Javie, ang nagmaneho ng kotse noon, si Em, at si Kim, head ng Business. Kasama ko rin ang mga ka-fellows kong sina Anna Vecin, blockmate at Maddy Ong. Huling dumating si Vins Miranda kasama ang ibang mga facilitator ng workshop. Kasabay dapat ng huling trip si Sir Egay Samar, moderator ng Heights, pero nagpaiwan siya sa SM Fairview. Bumili kasi siya ng libro.

Hindi ako makakain ng tama doon. Lakas talaga ng nerbiyos. Wala kaming ginawang direktang nakakabit sa workshop. Kaunting pagpapakilala sa bawat mga fellows at patuloy na pagbabasa ng mga gawang ipinasa. Nagkaroon rin ng charades kinagabihan, pampatanggal ng stress. Medyo natanggal-tanggal rin naman. Nakasira nga pala ako ng isang upuan. Nakakahiya. Nagpapaumanhin ako. Hindi nga lang ako masyadong makatulog kinagabihan, naninibago pa ako siguro sa lugar.

Noong Biyernes nagsimula ang tunay na simula ng mga talakayan ng aming mga gawa. Ang mga panelist namin ay sina Sir Egay Samar, Sir Charlson Ong, Sir Tim Montes, Sir Vim Yapan, Ma’am Luna Sicat-Cleto, Ma’am Beni Santos, at Ma’am Marjorie Evasco. Kasa rin sa panelist si Sir Joel Toledo ngunit hindi siya nakapunta noong Biyernes. Sabado na siya nakahabol.

Pito sa dalawampung mga tula’t kuwento ang aming tinalakay. Hindi ko na pag-uusapan ang mga tinalakay sa mga session. Ang dami noon. Masasabi ko lang na hinimay-himay ang aming mga gawa. Ngunit malaking tulong ang mga panelist at binigyang gabay kami sa aming maaaring gawing mga revision at rewriting. Ang galing magbasa ni Ma’am Beni.

Medyo nakaka-stress ang mga talakayan kaya bilang pampanatag ng loob, nagpalitan kami ng mga joke. Noong tanghalian, hapunan, mga break time, palitan ng jokes at tawanan. Payburit namin ang mga joke tungkol kay Mahal.

Kinagabihan rin ng Biyernes ay nagkaroon kami ng scavenger hunt. Nakakatuwa. Hinati kami sa dalawang koponan at naging partner ko si Margie. Wala lang talaga ang buong scavenger hunt. May premyo pero hindi ko siya sineryoso. Pagkatapos noon ay nagkaroon kami ng isang writing exercise. Namuno sa aming mga fictionist si Douglas Candano, ang Workshop Director noong nakaraang taon. Nagsulat kami ng dalawang maiikling kuwentong ehersisyo, isa ay character driven at ang isa naman ay plot-driven. Wala lang rin talaga ang buong ehersisyo. Pagod na kasi ako’t hindi makapag-isip ng pantay. Kaya nang matulog ako’y napakahimbing.

Noong Sabado ay nagpatuloy ang talakayan. Nakasama na namin sa talakayan si Sir Joel. Mahaba ang araw dahil ang daming mga gawang tinalakay. Sampu. Hindi ko na rin pag-uusapan ang mga nangyari, mas madi pa kaysa noong Biyernes. Basta, kamuntikan na akong mahimatay. Pagkatapos rin ng mga talakayan noong Sabado, tinawag akong “kabayaw” ni Sir Joel. Nakalimutan kong tanungin sa kanya kung ano ang ibig sabihin noon.

Sabado ng gabi ang Poetry Reading. Una ko iyong pagbabasa sa harap ng isang manonood. Binasa ko ang unang bahagi ng isa sa dalawang kuwentong pinasa ko para sa workshop. Hindi ko masasabing ninerbiyos ako noon, nawala na nang malaki ang una akong nerbiyos. Nakakatuwa at nakakaantig ang ibang mga nagbasa. Ang basa ang lahat ng fellows. Ilan sa mga dating fellows na nagbasa ay sina Naya Valdelleon, Peachy Paderna, atbp. Pasensiya na’t hindi ko natatandaan ang pangalan ng ibang nagbasa. Sa mga panelist namin, nagbasa si Sir Joel ng kanyang mga tula. Nanalo nga pala siya ng unang gantimpala sa Palanca ngayong taon. Si Sir Egay ay nagbasa ng ilan niyang mga tula. Si Sir Vim naman ay nagbasa ng ilang bahagi ng kanyang bagong nobela. Ganoon rin si Sir Charlson. Bentang-benta talaga ang pagbabasa ni Sir Tim ng isang kabanata ng kanyang nobelang “Running Amok.” Kwela at bentang-benta ang kanyang pagbabasa. Nakakatawa ang kuwento’t sinabayan pa ng nakakatwang pagbabasa. Huling nagbasa si Ma’am Beni ng kanyang mga bagong tulang ginawa sa Boracay. Nasa sabbatical siya ngayon sa pagtuturo. Hindi nakapagbasa si sina Ma’am Marjorie at Ma’am Luna noong gabing iyon dahil mayroon silang pinuntahan.

Pagkatapos ng Poetry Reading, nagkaroong “Faci’s Night.” Kaunting bonting time sa pagitan ng mga facilitators, ang mga miyembro ng mga committeeng nag-ayos at nagplano ng Workshop. Tradisyonal na hindi kasama ang mga fellows at panelist sa kanilang “happy time.” Ngunit naging pasimuno si Sir Joel sa charades at kasama sina Sir Charlson, Sir Egay at Sir Vim sa mga charades. Ang iba namang mga tao ay nagkakantahan. Ang iba naman ay nagkukuwentuhan noong gabing iyon. Hindi ko lang sila nakasama nang matagal. Sobrang nakakapagod talaga ang araw at mahimbing ulit akong nakatulog.

Kinabukasan ay medyo nahuli ang simula ng aming talakayan. Gawa kasi ng nangyari kagabi. Kalahating araw lamang ang aming talakayan, isang kuwento’t dalawang tula lamang ang aming pinag-usapan. Masasabi ko lang na may-umiyak sa saya’t galak.

Sa aming graduation, binigyan kaming mga fellows ng isang libro bawat isa. Magkakaiba ang libro namin. Nakuha ko ang nobela ni Ma’am Lunang “Makinilyang Altar.” Siyempre, kumuha ako ng isang signature mula sa kanya. Nakuha ko rin ang titolong “Sphinx” para sa workshop.

Sa pag-uwi’y nalaman namin ang isang namulaklak na kuwento ng pag-ibig. Nakakatuwa.

Sa lahat-lahat, naging naging masaya ang buong karanasan. Sa totoo lang, parang naging maikli ang buong workshop. Balik sa sinabi ni Em na iba ang workshop classes sa Ateneo-Heights Writers’ Workshop, tama siya. Dahil hindi ko makukuha ang ganoong uri ng pagsasama sa aking mga ka-fellow kung dadaanin sa isang ordinaryong klase. Hindi rin matitingnan ang aming mga gawa sa mula sa iba’t ibang punto de bista ng mga panelists. Hindi rin namin makakasalamuha ang mga batikan at kilala nang mga manunulat kung hindi namin sila nakasama sa mga charades, sa kainan, at sa talakayan. Nagpapasalamat ako’t nakasama ako sa isang karanasang kagaya nito. Nakita ko ang aking sarili at ang aking sining na hindi ko makikita sa isang payak na klase. Simula lamang ito at inaasahan kong makakasama ko ulit ang aking mga ka-fellow, panelists, dating mga fellow, at iba pang miyembro ng Heights sa hinaharap. Ako'y nagpapasalamat.