Sabado, Marso 19, 2005

Dito sa Bahay

Kauuwi ko lang kahapon dito sa San Pablo. Pagkatapos ng napakahirap na sem, ang sarap ng patambay-tambay lang sa kama at magbasa, manood ng TV, atbp. Asar lang at inaayos ang kuwarto ko. Nasira kasi yung mga tiles ng sahig at kinailangang palitan yung buong sahig. Aabutin pa ng humigit kumulang na isang linggo bago matapos ang pagpapaayos. Hay. Saan ako makakapag-Playstation at Gamecube niyan? Kaya matutulog muna ako sa kuwarto ng mga magulang ko. Ayokong matulog sa dati kong kuwarto, ang pangit ng higaan.

Martes, Marso 15, 2005

Isa na lang, Baby! Isa na lang!

Kakatapos lang ng aking pasalitang eksamen sa Ph102. Mukhang B/B+ lang ako pero ok na rin, mukhang dalawang titik ang sinulat ni Sir Capili sa paggrado sa akin. Naiintindihan ko iyon dahil medyo sabog ang aking patapos. Nakamutan ko ba naman kung anong katangian dapat mayroon ang isang argumento! Diyos ko!

Sa ngayon, isa na lang ang requirement na kailangan kong ipasa, ang final paper para sa Fil104. Mayroon din para sa Fil105, pero sabi ni Sir Gary ipasa ko na lang yun na ring para sa Fil104 sa kanya.

Bueno, magsusulat pa ako. Gusto ko na sanang ipasa bukas ang patapos na mga papel para... tapos na.

Sabado, Marso 12, 2005

Isang Pagbibigay Liwanag sa “Mutyang Dilim” ni Virgilio S. Almario

Maligayang Kaarawan Chika!

***

Panimula

Nakakapanibago ang aking pagbasa sa “Mutyang Dilim” ni Virgilio S. Almario. Kakaibang tono ng “Mutyang Dilim” kumpara sa “Ang Makata sa Panahon ng Makina,” mas mapang-akit para sa mambabasa na makisama sa diskurso ng panitikang Filipino. Hinihingi niyang maging kabahagi ang mga manunuri sa paghahanap ng pambansang kaakuhan. Nagiging matimpi, hindi lamang ang pagsusulat, pati na rin ang pagbabasa at panunuri ni Almario. Hindi na mainipin at palaban, mas mapang-unawa ang Pambansang Alagad ng Sining.

Marahil ay dulot ito ng higit 20-taon na pagsasaliksik at pag-unawa sa Balagtasista’t Modernistang pamamaraan. At ang bunga ng pag-iipon ng kaalamang ito ay ang “Bagong Pormalismong Filipino,” isang panukalang paglapit ni Almario. Sa librong “Mutyang Dilim” isinakonkreto ni Almario ang kanyang bagong paglapit. Isang paglapit na kailangan pa ng kaunting pagpapaliwanag.

Ang Bagong Pormalismong Filipino

Sa “Ilang Paunawa,” binigyang paliwanag ni Almario ang kaniyang paglapit na “Bagong Pormalismong Filipino.” Sa isang etimolohiyang pagpapaliwanag, “Bago” ito sapagkat may nauna nang pormalismong sinimulan ng mga misyonero at pinagpatuloy ni Rizal at ng mga naunang Balagtasista hinggil sa tugma’t sukat ng panulaang Tagalog. “Pormalismo” ito dahil nagsisimula ang pagsisiyasat sa pagtingin sa anyo ng teksto habang inilalagay ang mga paglikha ng teksto sa daloy ng kasaysayan. “Filipino” ito dahil hindi na lamang ito Tagalog, ito ay isang pagtuklas sa “henyong Filipino,” sa pagtatanggol ng katutubo at pagsanib ng mga pamanang naturalisado sa pananakop ng Kanluran. Hindi raw ito postmodern, postcolonial, o postformalism.

Dalawa ang pakay ng “Bagong Pormalismong Filipino,” una, palawakin at pahabain ang pambansang gunita at, ikalawa, payabungin ang sariling wika ng panunuring pampanitikan. Para kay Almario, mahalaga ang dalawang pakay para “makaahon mula sa kumunoy ng komersiyalismo at paimbabaw” na “nasyonalismo ngayon” ang panitikan at kulturang Filipino.

Ngunit hindi ikinakaila ang impluwensiya ng Kanluran sa kanyang panunuri at ng iba pang panunuring pampanitikan sa Filipinas, mula sa mga salita hanggang sa mga konsepto. Ngunit iginigiit ni Almario na, sa paggamit ng mga “hiram” na kaalaman mula sa Kanluran, nababago ang hiram at nagiging bahagi ng poetikang Filipino. Halimbawa na lamang nito ang magkahiwalay na anyo sa nilalaman sa Kanluran ngunit ang hiwalay paradigmang ito ay hindi naganap sa Filipinas.

Pagbubuod ng “Mutyang Dilim”

Nahahati ang “Mutyang Dilim” sa 11 kabanata o artikulo, hindi kasama ang panimula. Ang lahat ng mga artikulo ay isang paglapit at pagbabasa sa mga tula kasama na rin ang ilang mga pananaw at saliksik ni Almario tungkol sa panitikan at nasyonalismo.

Ang unang gawa na binasa ni Almario ay ang “Caguilaguilalas na Buhay ni Juan Soldado,” isang awiting pasalaysay na sinulat ni Pascual H. Poblete. Binigyang pansin ng pagbasa ang katangiang kababalaghan at kagila-gilalas ng tula. Kababalaghan ito dahil sa paggamit ng mga kakaibang “katotohanan,” ang pagbaba ni Jesus at San Pedro sa lupa at ang engkwentro ni Juan kay Kamatayan. Kagila-gilalas dahil sa mahiwagang supot, maikukumpara sa mga kagila-gilalas na mga anting-anting at agimat ng mga pamahiin at epiko.

Kung ihahanay ang tulang ito sa depinisyon ng panitikang kagila-gilalas ni Tzvetan Todorov, may paglihis ang “Caguilaguilalas na Buhay ni Juan Soldado” dahil walang pagkamangha’t pagkagulat sa tono ng tagapagsalaysay. Dalawa ang haka ni Almario kung bakit. Una, kung may taimtim na paniniwalang Kristiyano ang tagapagsalaysay, walang dapat ipagtaka sa mga naganap na kababalaghan. Pangalawa, isang parikala ang tula ni Poblete sa lumalaganap at patuloy na tinatangkilik na uri ng panitikang kagila-gilalas.

Pinag-usapan naman ni Almario ang erotika desexada sa sumunod na artikulo. Binasa niya ang “Habang Nasa Antipolo Ka” ni Lope K. Santos. Pinag-usapan ni Almario ang simulain at tradisyon ng erotika desexada sa panulaang Filipino at pakay ni Santos sa tula. Nagsimula ang erotika desexada sa umiral na estetika at moralidad noong panahon ng Kastila. Kailangang umiwas sa “tawag ng laman” kaya kinakailangang maglikaw ng mga mabulaklak na salita at matatamis na hambingan sa kalikasan. Sa pakay ni Santos, ang tula ay isang panggagagad sa mga tulang sumusunod sa erotika desexada, ginagawa ni Santos ang panunulang erotika desexada para ipakita na “arte” na lamang ang panunula sa kanyang mga kapanahunan. Ngunit hindi lumabas at magtangkang baguhin ang panuntunan sa erotisismo si Santos. Tinataguyod pa rin ni Santos ang “wasto, matipid, marangal, at masiglang” katangian ng erotika desexada.

Sunod ay ang artikulong Ang Bait ng Panggagagad sa “Ang Matanda” ni Benigno Ramos. Ginagaya ng tula ang lumang kuwento ng naghahanap na matutuluyang Maria at Jose ng bibliya at ginamit ito sa isang kasalukuyang sitwasyon. Ang tula ay kontra-establisiyamento, laban sa Simbahan na namana ng mga Balagtasistang kagaya ni Ramos mula sa mga Propagandista at Himagsikan. Ngunit ginagimit ni Ramos ang ilang mga katangiang Modernista upang palabasin ang kanyang pananaw. Isang halimbawa ang tula ng magkaibang pananaw at pagsusulat sa pagitan ng mga Balagtasista at Modernista.

Ang Antaeus syndrome at ang paulit-ulit na pagbabalik ang tinalakay sa pagbabasa ng tulang “Ang Pagbabalik” ni Jose Corazon de Jesus. Ang Antaeus syndrome ng tula ay makikita sa tema ng pag-alis at pagbalik. Isang pagtingin sa masakit at masaklap na karanasan ng pag-alis sa pamilya’t tahanan para makipagsapalaran sa ibang lugar.
Binigyang pansin ng pagbasa ang katangian sa anyo ng tula. Puno ng paulit-ulit sa salita at diwa ang tula habang mapaglaro rin ito sa imahen. Mayroon ding mga ginawang pagtiwalag si de Jesus, pagkarating sa taludturan. Sa mga katangiang ito, mukhang masinsinan ang pagsulat sa tula ni de Jesus. Taliwas ang mga katangian ng tula mula sa kilalang pagiging “transparent” sa mga popular na tula ni de Jesus.

Marxismo at Pormalismo ang ginamit ni Almario sa kanyang muling pagbabasa ng “Three O’Clock in the Morning” ni Cirio H. Panganiban. Sa Pormalismong pagbabasa, inuulit lamang ni Almario ang ilang mga sinabi niya mula sa una niyang pagbabasa ng parehong tula sa “Ang Makata sa Panahon ng Makina,” ang madulang takbo ng dula. Dagdag na napansin ni Almario ang parikala sa mga imahen ng tula. Sa pagsusuring Marxista, binigyang pansin ang dekadenteng buhay na dulot ng modernisasyon at Amerikanisasyon. May pagkamoralista ang tula laban sa dekadenteng pamumuhay ngunit iniwasan ni Panganiban ang ordinaryong didaktikong balangkas na karaniwan sa panahon niya. At kung tatanungin kung para kaninio ang akda, naniniwala si Almario na ito ay natutok sa mga burges.

Binigyang pansin naman ang “kaakuhan” at panunula ni Alejandro G. Abadilla sa Ang Kaakuhan ng Makata at “Masusupling Ako sa Iyong Kawalan” ni Alejandro G. Abadilla. Sa pagsasaliksik ni Almario, makikita na ang tulang “Masusupling Ako sa Iyong Kawalan” ay isang sagot sa kritisismo ni del Mundo sa “Ako ang Daigdig.” Isa rin halos paglalahad ng mga paniniwala at komentaryo ang iba pang mga tula ni Abadilla, ang kaakuhang paghihimagsik laban sa mapaniil na ikaw. At dahil sa kanyang ipinakilalang pagbabago, ang “Ako ang Daigdig” ni Abadilla ang naging sagisag ng Modernismo.

Ngunit binigyang pansin din ni Almario ang iniambag na pagbabago ni Abadilla sa taludturan, hindi lamang sa pagpapakilala sa malayang taludturan ngunit pati na rin sa pagpapalawak ng sukat ng mga taludtod mula sa kakaunting panukalang sukat ng mga Balagtasista. Binibigyang galang ni Almario ang mga nagawa ni Abadilla sa panulaang Filipino.

Eksperimental na paghihiram ng mga banyaga ang tema at pokus ng pagbabasa ng “Valediction sa Hillcrest” ni Rolando S. Tinio. Ginunita ni Almario ang kolonyal na karanasan natin. Inaamin naman ni Almario na ang pagtatagpo ng katutubo at banyaga ay hindi kalimitang mapait o kaya ay masaklap. Ang pagtatagpo ay nagdudulot ng pagbabago na maaaring maging kapaki-pakinabang, patas man o di-makatwiran ang sitwasyon ng pagtatagpo.

Binibigyang pansin ni Almario pagdadalawang-loob sa kasaysayan ng Filipinas, ang hatak ng benepisyo ng wika ng mananakop laban ng sa katutubong wika. Binibigyang dramatisasyon ng tulang “Valediction sa Hillcrest” ang pagdadalawang-loob sa kasaysayan ng Filipinas. Ngunit iginigiit ni Almario na nasa sinakop ang kakayahan na tanggapin kung ano man ang ibinibigay ng banyaga.

Pinag-usapan naman ang tradisyonal sa “Doon Po sa Amin” ni Teo T. Antonio. Hinalungkat ni Almario ang tradisyon na pinagmumulan ni Antonio. Ang tradisyonal na pagkamulat ni Antonio at ang tradisyon ng mga tulang “doon-po-sa-amin” ang binigyang pansin ni Almario. Tinalakay muli ang magkaibang operasyon ng tradisyunal at makabago sa paggagad.

Eksistensiyalistang paglapit ang ginamit ni Almario sa kanyang pagsusuri sa “Paghabol ng Dyip” ni Elynia S. Mabanglo. Ginawa rin itong halimbawa ng mithiing paloob ng mga Modernista sa kanilang pagtula, nagpapaliwanag at kalimitang naglalarawan. May eksistensiyal na katangian ang tula dahil sa deshumanisasyon at pagkakaroon ng Kawalan para sa persona ng tula. Pinapansin rin ni Almario ang feministang pagkiling sa tula ni Mabanglo ngunit hindi na niya ito lubusang pinag-usapan.

Ipinagtanggol ni Almario ang tulang “Katipan” ni Mike L. Bigornia mula sa “sexist” na paghahatol ni Mabanglo. Iginigiit ni Almario na hindi isang basta-bastang “sexist” na pagbabalangkas ang ginagawa ni Bigornia sa tula. Ipinakita niya na isa itong pagtutunggalian, isang sagutan ng senswal at moral, ng temporal at eternal, at ng materyal at espiritwal. Pinapaigting ng mga tunggaliang ito ang moral na suliranin at kasawian ng pag-ibig ng persona. Sumasang-ayon naman si Almario na pagtatalik nga inilalarawan sa tula, ngunit masyado namang mapangahas ang paghuhusga ni Mabanglo.

Erudisyon sa katutubong kaalaman ang paksa sa huling artikolo. Ang mga tulang “Apokripa kay Maykapal” ni Vim Nadera at “Marcos” ni Roberto T. AƱonuevo ang sinuri ni Almario. Sa mga tula, ginagamit ng mga makata ang kanilang kaalaman sa mga mitolohiya, alamat, at epiko upang makabuo ng bagong gamit sa luma sa kasalukuyang karanasan at panahunan.

Hinahamon ng mga tula ang kaalaman ng mga Filipino, iskolar man o pangkaraniwang mambabasa, tungkol sa mga luma’t katutubong mitolohiya’t epiko. Pinatitingkad ng mga tulang ito ang “mis-education” ani Renato Constantino ng mga Filipino dahil sa kolonyal na proyekto ng mga mananakop. Nagiging kulang rin ang kaalaman ng mga Filipino dahil sa impluwensiya ng kolonyalismong Espanyol at ang liberal at demokratikong kaisipan mula sa Propaganda’t Himagsikan kaya naisasantabi ng mga Filipino ang katutubong nakaraan.

Puna

Sa panimula ay may kaunting pagkukulang si Virgilio Almario. Hindi gaanong malinaw kung bakit hindi postmodern, postcolonial, o postformalist ang kanyang panukala. Problematiko ito dahil, sa isang banda, may kaunting katangian ang Bagong Pormalismong Filipino mula sa tatlong teoryang nabanggit. Katangi-tangi nga lang ang makabayang hangarin ng Bagong Pormalismong Filipino.

Mas patas na ang pagbabasa ni Vigilio Almario sa “Mutyang Dilim” kumpara sa “Ang Makata sa Panahon ng Makina.” Hindi na lamang pagtingin sa porma’t anyo ng tula, isinasakonteksto ang gawa, at ang kahalagahan ng gawa, sa proyekto ng pambansang kaakuhan.

Sa unang artikulo, ang kagila-gilalas na katangian ng panitikang Filipino ang naging pokus. Tanging kahinaan lamang ng unang artikulo ay hindi pa gaanong aral ang panitikang kagila-gilalas pati na rin ang kasaysayan at talambuhay ni Pascual Poblete.

Sa ikalawa, malinaw ang mga pamamaraan ng erotisismo ng mga Balagtasista’t Moderno ngunit medyo malabo ang sa sinauna’t katutubo. Kagaya ng sa una, kakulangan pa rin sa kaalaman tungo sa panitikan ng katutubo’t sinauna.

Sa ikatlo, isa itong pagpapaliwanag sa mga katangian ng Balatasismo’t Modernismo. Ang ang kontra-establisiyamentong katangian ng Balagtasismo’t ang mahinahon na pagnunula ng Modernismo. Isang magaling na pagbabasa, wala akong masabi.

Sa ikaapat, inaamin ko na nalito ako sa mga ginamit na salita ni Almario sa kanyang pagbabasa ng “Ang Pagbabalik.” Nawalan ako ng oras para hanapin ang mga ibig sabihin ng mga Griyegong salita at nagpapaumanhin ako. Ngunit naintindihan ko naman kung bakit mahalaga ang kadang ito ni Jose Corazon de Jesus, ang mala-“timelessness” na tema at ang matimping pagsusulat ng tula.

Sa ikalima na artikulo, masasabi kong medyo iba ang pagbabasa ni Almario sa gawa. Hindi ko alam pero parang may puntong gustong sabihin sa Almario rito. Para bang nabababawan siya ng kaunti sa kanyang pagbabasa. Para siya naiipit at sinasakal ng “palasak” na pagbasa.

Sa ikaanim, isa itong pagbawi sa kanyang sinabi sa “Ang Makata sa Panahon ng Makina” tungkol sa Alejandro G. Abadilla. Mas masinsinan ang pagbabasa, hindi na lamang ang diwang “rebelde” ang nakita ni Almario sa bantayog ng Modernismo’t kabaguhan. Binigyang halaga na ni Almario ang pilosopiya ni Abadilla pati na rin ang iniambag ni Abadilla sa larangan ng tugma’t sukat. Kulang na lamang na lantaran niyang sabihin ang kanyang paumanhin dahil walang kaalaman at kontribusyon ni Abadilla ang hindi binigyang pansin ni Almario.

Sa ikapito, ang panghihiram at ang pagpapalago ng wika ang kanyang pinunterya. Binibigyang halaga ni Almario ang malay na panghihiram at pag-angkin. Nagiging mapagbabala si Almario sa ating pag-angkin ng ibang wika. Madali itong sabihin para sa mga makata’t iskolar ngunit mahirap na mapatotoo para sa mga ordinaryong Filipino.

Ang ikawalo na gawa ay isa ulit na paghalungkat sa kasaysayan at kumbensiyon ng panitikang Filipino. Inihahanay ang tula ni Teo Antonio sa tradisyon upang malaman ang konteksto’t kaibahan nito. Puna ko lamang ay parang nauna ang pagsasakonteksto hindi ang pormalismong pagbabasa.

Sa ikasiyam, maihahambing ang pagbabasa sa tula ni Elynia Mabanglo sa pagbabasa kay Abadilla, pilosopikal. Ngunit ang akda ay may kaunting bahid ng feminismo kaya parang hindi "swak na swak" ang pagbabasa ni Almario.

Sa ikasampu, madaling paratangan ng pagkiling si Almario sa pagbabasa. Ngunit para bang gusto ring itama ni Almario ang mga pagpuna ni Mabanglo para mas mahinahon na feministang pagbabasa. Para bang ayaw ni Almario na gawin ni Mabanglo ang parehong mga pagkakamali.

Sa huling artikulo, madaling paratangan na “nativist” ang pagbabasa ni Almario. Ngunit ang tanging hinahangad niya ay ang paghahanap ng ikatlong konstelasyon. Hindi naman niya sinasabi na baliwalain ang una at ikalawang konstelasyon ng ating kamalayang pagka-Pilipino. Ngunit medyo bumalik ang palaban na tono ni Almario sa artikulong ito. Kaunting silip sa Almario ng nakalipas.

Dahil mga artikulong sinulat sa iba’t ibang taon, mula 1990 – 2001, may ilang mga nabanggit si Almario na nasa magkaibang dulo ng spektrum. Kaya nagtutunog na salungat ang kanyang ilang sinabi ngunit hindi naman.

Ang pinakamalaking problema nga siguro ng aklat ay ang kawalang ng kaisahan sa boses. Watak-watak ang ilang mga ideya tungkol sa wika at diwa, kailangan ng kaunting pagtatagpi ang mambabasa para mabuo ang watak-watak na ideya.

Hindi rin malinaw ang paggamit ng Kanluraning teorya’t lapit. Nagbabala si Almario sa mga mambabasa tungkol sa kolonyal na proyekto ng Kanluran. Nagmumukha kasi itong kontra-Kanluran na kailangang talikuran ang Kanluran. Problematiko ito dahil gumagamit si Almario ng mga Kanluraning paglapit na hindi maiaalis sa kanyang pagbabasa. Hindi man magkasalungat, nakakalito.

Martes, Marso 08, 2005

Mga Huling Klase

Kanina ang huling mga klase ko para sa PH102 at FIL105. Ibig sabihin, (1) malapit nang matapos ang semestre at (2) mas marami na ang aking libreng oras para ilaan sa mga papel/sulatin at pag-aaral para sa napipintong huling mga pagsusulit, mas maraming papel kaysa pagsusulit. Kaya hindi ako dapat pabanjing-banjing, kung hindi, mai-incomplete ako.

Pero nakakatuwa ang mga pagtatapos kanina. Para sa Pilosopiya, nagkaroon ng kaunting kainan ng palabok. (Hindi ako nakakain ng marami dahil may klase pa ako sa Filipino.) Ang sarap pa naman ng palabok. Sa Filipino naman, pumunta kami ng Starbucks at uminom ng frap habang nagbabasa ng mga babasahin. (Nakakaasar lang ang maingay na mga tricycle at yung isang kotseng biglang tumunog ang alarm.)

Wala akong pakiramdam ng kawalan. Ewan ko. Hindi lang talaga ako madamdamin o masyadong napapalapit nang ganoong kadali. Pero ang saya ng dalawang klaseng iyon. Sobra. Ang daming tawanan sa Pilopiya at marami akong natutuhan sa Filipino. (Oo, "maraming natutuhan" ay masaya para sa akin. Marami rin akong natutuhan sa Pilosopiya.)

Sige, basa pa ako ng mga babasahin.

Lunes, Marso 07, 2005

Ang Dahilan ng mga Gawa’t Pangyayari

Panimula

Mahilig gumawa ang tao. Noong simula, gumawa at umimbento ng mga kagamitan ang mga ninuno ng sangkatauhan. Nakakatakot at mapanganib ang mga hayup kaya gumawa sila ng mga sandata. Mas masarap ang pagkain kapag linuluto kaya gumawa tayo ng mga putahe. Umiimbento tayo ng mga bagay-bagay para maging mas madali ang buhay.

Ngunit hindi lamang mga bagay ang ginawa at inimbento ng tao. Hindi nagtagal nagsimula tayong gumawa ng mga institusyon, kagaya ng mga lungsod, mga kaharian, mga relihiyon, at mga paaralan. Mula sa mga maliliit na mga komunidad, gumawa tayo ng mga mas komplikado at mas malaking mga sistema para maging mas madali ang buhay.

Di nagtagal, naging di mahirap ang mga institusyon, naging di makatao. Kung hindi man tuluyang bumagsak, binalikwas ang mga institusyon na mga ito. Pinalitan, binago, iniwanan. Patuloy pa rin hanggang ngayon ang pagbabago ng mga institusyon. Dahil siguro nagbabago din ang tao. At nagbabago ang tao dahil sa kanyang patuloy na paghahanap ng kaganapan, o di kaya, ng sarili.

Isang tuluyang pag-imbento at muling pag-imbento ang mundo ng tao. Isa ring tuluyung paggawa ang tao. Ang mga imbensiyon natin ay kalimitang walang tigil. Ang mga institusyon ay kalaimitang walang tulog. Ngunit hindi natigil gumawa ang tao.

Nagsisimula sa Isang Tanong

“Bakit?” Isang tanong na napakahirap sagutin. Tinanong ko sa sarili ko ang tanong na iyon noong naglalakad ako papunta sa istasyon ng MRT. Pero dahil napakahirap nga ang tanong na ito, tumigil na ako sa pagmumuni-muni at binago ko ang tanong, “Bakit napakahirap sagutin ang tanong na ‘bakit’?”

Bakit nga ba napakahirap sagutin ang tanong na “bakit?” Marahil, kailangang tanungin kung saan patukoy ang tanong. Sa isang gawa ba? (Bakit ko ito ginawa (kilos)?) O sa isang pangyayari? (Bakit ito nangyari?) Makikita na ang dalawang tanong ay malapit. Ngunit ang pinagkaiba, pinapatukoy ng unang tanong ang dahilan ng mga gawa na nagmula sa sarili habang ang pangalawa ay patungkol sa mga gawa na di nagmula sa sarili.

Ngunit paano ang dahilan sa buhay? Sa totoo lang, walang dahilan ang buhay. Hindi naman talaga natin alam kung bakit tayo nabubuhay. Ngunit naniniwala ako sa sinabi ni Fr. Dacanay sa isa sa mga pangaral niya sa Theology 131, “Nabubuhay tayo sa ating mga gawa.” Walang iisang dahilan para mabuhay ngunit sa paggawa ay napapamalas natin na tayo ay buhay.

Ano ang Gawa?

Ang gawa ay likas na maganda, sabi ni Karl Marx. Para kay Marx, iyon lang ang kailangan nating malaman para sa tayo gumawa. Hindi natin kailangan ng kapalit. Ngunit iba ang aking ideya ng gawa’t kilos kumpara kay Marx. Ang gawang iniisip ko ay ang mga gawa hindi lamang patungo sa mga obheto, mga produkto’t bagay, kundi pati na rin sa mga subheto, mga batas at institusyon. Kalimitan ang gawa ay kombinasyon ng obheto at subheto, batay sa mga paniniwala nina Platon at Aristoteles.

Isa pa, ang gawa na iniisip ko ay mga gawa mula sa sarili patungo sa kaiba. Malawak ang saklaw ng gawa na iniisip ko ngunit ang buong pokus ng aking papel ay hindi ang gawa’t kilos ngunit ang dahilan ng mga gawa, ano mang uri ito.

Ngunit maaari kong hatiin sa dalawa ang ideya ko ng gawa’t kilos, malikhain at mapanira. Malikhain kagaya ng pag-imbento at pagsusulat. Basta’t mapagbuo para sa kaganapan ng sarili’t kaiba. Mapanira kagaya ng digmaan at karahasan. Basta’t mapanira laban sa paglago ng sarili’t kaiba.

Mababaw lang at di komplikado ang aking depinisyon ng gawa dahil ang tunay ko naman talagang pakay ay hanapin ang panloob na dahilan o rason ng mga gawa. Gusto ko lang biglang liwanag kung ano nga bang gawa ang tinutukoy ko.

Dahilan ng Gawa/Kilos

Ang Makasariling Dahilan

Kalimitan ay makasarili ang mga dahilan ng ating mga gawa. “Ano ba ang mga biyayang makukuha ko kapag ginawa ko ito?” tatanungin natin paminsan-minsan Kaya nakakatuwa ang gawa. Nagmumula ito sa sarili ngunit nakatuon sa kaiba o sa labas ng sarili. Dahil nga nagmumula ito sa sarili, iniisip natin kung ano ang makukuha natin mula sa mga gawa natin. “Sayang ang effort,” sabi-sabi sa tabi-tabi. Ito ang unang dahilan ng gawa, ang makasariling dahilan. Ang makasariling dahilan ay masasabing awtomatiko at karaniwang dahilan natin sa ating mga gawa.

Problematikong dahilan ang makasariling dahilan dahil ang gawa ay panlabas. Kapag gumawa ang sarili, kalimitan may epekto rin ito sa iba at hindi lamang sa sarili. Ayon nga sa pag-iral-kasama-ang-iba, kabahagi tayo ng mundo at kailangang isaalang-alang ang katotohanang ito. Kaya kapag idadahilan natin ang isang makasariling dahilan sa iba kung “bakit,” magiging masama ang pagtingin sa atin.

Ang Makalipunang Dahilan

Mayroon din namang mga gawa kung saan hindi makasarili ngunit pangkalahatang ginhawa ang sanhi’t dahilan. “Gagawin ko ito para sa ikabubuti ng lahat,” kung ilalagay sa isang proklamasyon. Naroon pa rin ang pagtuon sa sarili ngunit hindi na lamang ang sarili binibigyang halaga para sa gawa. Ito ang pangalawang dahilan ng gawa, ang makalipunang dahilan.

Mayroon pagkilala ang makalipunang dahilan sa katotohanang umiiral-kasama-ang-iba ang sarili. Ngunit dahil naroon pa rin ang sarili sa pomulasyon ng dahilan, baka hindi ibigay ng sarili ang kanyang buong lakas sa mga gawang para sa iba dahil naiipit ang sarili.

Ang Mapagmahal na Dahilan

Ngunit mayroon din namang dahilan ang isang gawa na hindi makasarili. Sa totoo lang, walang pakialam ang isang tao sa sarili kapag ito ang dahilan ng gawa. “Para ito sa iyo,” kung ilalagay natin itong dahilan na ito sa isang proklamasyon. Ito ang pangatlong dahilan ng gawa, ang mapagmahal na dahilan.

Ang mapagmahal na dahilan ay salungat sa makasariling dahilan. Nagmumula ang mapagmahal na dahilan mula sa ating pakikitungo sa iba. Mahalaga ang isang malapitan at masinsinang pagkikisama sa kaiba. Kaya napapamahal tayo sa kaiba. Umiibig tayo dahil namumulatan tayo sa kahalagahan ng kaiba. Winawasak ng pag-ibig ang ating makasariling pagtuon. Ang mga mapagmahal na gawa ay hindi hinihingi ng kaiba ngunit ginagawa pa rin ng sarili dahil kakaiba ang pakiramdam ng gawang mula sa mapagmahal na dahilan kaysa sa makasariling dahilan.

Mapapansin na malapit sa pagsagot ng dahilan ng mga gawa ay sinasagot rin ang pakay ng mga gawa. Nanggagaling sa sarili, sa lipunan, at sa kaiba ang ating mga dahilan dahil ang sarili, lipunan, at kaiba’y naaapektuhan ng mga gawa. Ang sarili, lipunan, at kaiba ang patutunguhan ng gawa at ang sarili, lipunan, at kaiba ang pinanggagalingan ng dahilan. Nakakalito dahil sa mala-cycle na paggalaw. Tanungin na lang, kung hindi para sa sarili, para sa lipunan o di kaya’y para sa kaiba ang papupuntahan ng gawa, para saan pa? Bakit pa ako gagawa kung hindi lamang para sa sarili, para sa lipunan, at para sa kaiba?

Dahilan ng Pangyayari

May mga pangyayari na nadarama ang sarili. Ang mga pangyayari, sa isang deconstruction, ay mga gawa ng kaiba. Kagaya ng pag-apekto ng gawa ng sarili sa kaiba, naaapektuhan din ng mga gawa ng kaiba ang sarili.

Kaya ang mga dahilan sa gawa ay dahilan rin ng mga pangyayari. Imbes na manggaling sa sarili nanggagaling sa iba ang mga pangyayari. Kaya iba ang pakiramdam ng pangyayari dahil hindi na ito nagmumula sa sarili. Nakakagulat kung sasampalin ako ng isang babae hindi ko alam kung ano ang dahilan. Isa pang sitwasyong nakakagulat kung hahalikan ako ng isang bakla. Hindi ko alam kung ano ang iniisip nila. Kalimitan tatanungin natin ang ating sarili pagkatapos ang sitwasyong sinabi ko kanina, “Anong ginawa ko? Ano sa akin kaya nila ginawa iyon?” Hinahanap natin mula sa ating sarili ang dahilan ng mga pangyayari ngunit wala sa sarili ang dahilan, nasa kaiba.

Ngunit nasa kaiba ang dahilan ng kanilang gawa at wala sa sarili. Kailangan nating makipag-usap at makipagdiyalogo upang malaman ang kanilang dahilan. Sa isang banda, kailangan malaman ng sarili kung ano ang dahilan ng kaiba dahil naaapektuhan ng gawa ng kaiba sa sarili. May karapatan akong malaman kung bakit ako sinampal ng babae at minolestiya ng bakla. Hindi na lamang isang pagmumuni ang kailangan para malaman ang dahilan ng kaiba sa kayang mga gawa, kailangan nito ng diyalogo.

Paano ang Di-Paggawa?

Paano ang di-paggawa? Ang di-paggawa ay isa sa maraming desisyon at posibilidad na kayang gawin ng tao. Ang mga dahilan ay saklaw, hindi lamang ang mga gawa, kundi pati na rin ang di-paggawa dahil isa itong posibilidad mula sa pagpapasya ng sarili. Maaari akong di-gumawa dahil, sa isang makasariling dahilan, makakasama sa akin kung may gagawin ako. Hindi ako gagawa dahil hindi makakabuti para sa lahat ang aking gagawin. Sa isa namang mapagmahal na dahilan, wala akong gagawin dahil makakasagabal lamang ang aking mga gawain sa aking minamahal.

Ang Mahirap sa Paghahanap ng Dahilan

Mahirap malaman ang mga dahilan ng ating mga gawa dahil kalimitan hindi naman talaga natin iniisip kung bakit. Hindi tayo nagtatanong. Kalimitan ay na-react lamang tayo o di kaya’y ginagawa ang nakasanayan na. Kaya mas madaling paniwalaan ang mga teorya at pagsasaliksik ng mga doktor ng sikolohiya. Hindi na natin kailangan isipin kung ano ang dahilan ng ating mga gawa dahil, ayon sa X na teorya, ganoon ang kalikasan ng tao.

Ngunit mas naniniwala ako sa sinabi ni Gabriel Marcel na napapamuni lamang tayo dahil nagugulat tayo. Mahalaga, para malaman ang sagot, na magtanong muna tayo. Tumigil at pansinin ang ating sarili. Kung hindi, magmimistulan na lamang tayong mga robot o makina, nagawa’t umiiral hindi naman alam kung bakit. Kung walang dahilan, bakit pa tayo umiiral?

Isa pang rason kung bakit mahirap sagutin ang dahilan ay ang pinagkaiba natin sa isa’t isa. Kaya napakahirap sagutin ang tanong na “bakit” sa mga gawa at pangyayari dahil iba ang ating sarili sa iba at ang bawat tao sa atin. Iba ang katabi ko sa MRT sa mga guwardiya sa pasukan at bukana ng istasyon kagaya ng pinagkaiba ko sa lahat ng taong nagbabayad sa bataran ng ticket. Iba-iba kasi ang pakikitungo natin sa iba at kasama na rito, iba-iba rin ang pakikitungo ng iba sa ating sarili. Kaya ang lahat ng ating gawa ay hindi natin mailalagay sa iisang uri ng dahilan, relatibo at subhektibo ang ating mga dahilan.

Kaya ang tanong na “bakit” ay hindi lamang isang tanong patungkol sa ating pakikitungo at pakikisama sa kaiba kundi ang pakikitungo ng kaiba sa atin. Ang paghahanap ng dahilan ay hindi lamang patungkol sa sarili, patungkol din ito sa kaiba. Madaling malaman kung ano ang pagtingin ng ating sarili sa kaiba. Kaunting pagmumuni-muni, nalalaman na natin ang ating mga personal na mga isipin at damdamin. Ngunit mahirap malaman kung ano ang pagtingin ng kaiba sa ating sarili. Kaya mahalaga ang pakikipag-usap, ang diyalogo sa kaiba. Sa diyalogo, malalaman natin ang dahilan ng kaiba.

Pagtatapos

Komplikado ang paghahanap ng dahilan, ang paghahanap ng sagot sa “bakit,” dahil komplikado ang tao. Kagulat-gulat ang tao. At kalimitan ay gumagawa’t kumikilos tayong hindi nag-iisip. Kaya kinakailangan na magmuni ang tao pagkatapos gumawa’t kumilos hindi lamang para sa dahilan, hindi lamang para sa sarili, para na rin sa kaiba. Kailangan nating pag-isipan ng mabuti ang ating mga gawa dahil kayang gawin ng isang gawa na baguhin ang daloy ng buhay ng sarili at ng kaiba.

Biyernes, Marso 04, 2005

Martes, Marso 01, 2005

EDSA at ang Bagong Rebolusyon ng Mundo

Rose Revolution ng Georgia, Orange Revolution ng Ukraine, at ang mga protesta sa Lebanon. Ilan lang ito sa mga "mapayapang" mga rebolusyon na nangyari at nangyayari sa nakalipas na mga taon.

Nakakatuwang isipin na ang lahat ng mga ito ay nagsimula doon sa EDSA noong taong 1986. Noon pa man ay mayroong nang ideya ang mga tao sa tungkol sa mapayapang protesta salamat kay Gandhi. Ngunit sa EDSA naipakita ang lakas ng buong mamamayan na ginalit ng pandaraya at pang-aapi.

Nang mangyari ang mga rebolusyon na nabanggit kanina, di binanggit ang EDSA. Iba nga naman kasi ang bansa, iba ang panahon. Pero iisa lang ang diwa, ang diwa ng kalayaan at demokrasya. Noon hanggang ngayon.

Hindi naman sa dapat lagayan ng patent ang nangyari sa EDSA. Sa totoo lang, isang dakilang penomina na makita na lumalaban ang libo-libong mga tao para sa kanilang kalayaan, kanilang karapatan. Pagkalipas ng mga panahon, ang mga mapayapang protesta ay naging kasing kahulugan ng demokrasya.

Kaakibat ng mga digmaan ng nangyayari sa buong mundo, sa Iraq, sa Afghanistan. Sa mga madugong teroristang pambobombang nangyari, walang katapusan ang pagdanak ng dugo. Ngunit ang pagbabago ay hindi naman talaga makukuha hawak ang baril at C4. Ang pagbabago ay makukuha lamang kapag bukas ang lahat sa ideya ng pagbabago.