Biyernes, Nobyembre 26, 2004

Pista sa Del Remedios

Pista sa del Remedios at nakikain kami kina Titser Rina, tutor nina Marol at Tetel. Ang dami kong nakain lalo na yung menudo. Ang sarap.

Nasa San Pablo nga pala ako ngayon. Mahaba ang break e. Umalis ako ng mga tanghali mula QC at dumating dito sa SPC ng mga 230, medyo trapik e.

Nangungulit si Tetel. Pogi daw si Dustin. No comment ako. Hahaha.

Pagbabasbas ng Dela Costa

Medyo biglaan. Tinext ako noong Miyerkules, gusto daw akong makita ni Xander. "Bakit kaya?" tanong ko sa sarili ko. Yun pala, kailangan ng isang representante ang Fine Arts para sa intercession sa Pagbabasbas ng Dela Costa. Ha? Bakit ako? Kasi walang pwede. Puro may klase ang mga Fine Arts, lalo na si Yumi na coure rep. Bakit may klase kayo?!

Hindi ako napilitan, napag-isipan ko na wala na talagang makukuha kaya tinanggap ko na ang responsibilidad. (Tunog napilitan pa rin e.) Kaya iyon, pumunta ako sa Pagbabasbas, gumawa ng sarili kong dedikasyon at intensiyon.

Kinakabahan pa naman ako tapos napapalibutan pa ako ng napakadaming mga guro. Nakakahiya. Tapos, hindi rin pala ako kinailangan. Hindi kasi nakasama sa program ang Fine Arts Program pagkarating sa bahaging iyon. (Hay salamat...) Ang ginawa ko na lang ay tumulong sa pagbubuhat ng regalo o offering, isang music video, isang stage/set model, isang literary folio, isang mural, at ang FA logo. Ayon.

Ano ang masasabi ko sa buong pagbabasbas? Medyo boring si Fr. Nebres at doon lang ako nakakita ng napakadaming guro sa iisang lugar. Nakita ko sina Fr. Dacanay, Sir Miroy, Sir Vince, Sir Alvin, Sir Coroza (na pinuna ang aking pag-absent noong Sabado. Sorry sir!), Ma'am Ada, Sir Rofel, Sir April, Sir Jerry, at iba pa. (Ang dami talaga.)

Gusto ko sanang makikain pero nahiya ako.

Martes, Nobyembre 23, 2004

Spider-Man 2

"The best superhero movie that I've ever seen!" sabi ng isang reviewer na ginamit sa lalagyan ng VCD. Opinyon ko? Maganda ang Spider-Man 2 dahil sa mga katangian labas ng pelikula.

Bakit nga ba napakaganda ng Spider-Man? Dahil hindi siya perpektong superhero. Ordinaryo lang siyang tao na naging superhero. Isa taong kahit na superhero ay nahihirapang mag-aaral, magtrabaho, at umibig. Maganda ang pagkakagamit ng pelikula sa mga katangiang ito para gumawa ng isang magandang pelikula na puno ng tensiyon at tambalan.

Magaling ang special effects ng pelikula. Madaming mga CG at dahil mabilis ang paggalaw ng mga eksena, at fight scene, mukhang totoong-totoo ang CG. Pa-swing-swing mula isang gusali papunta sa susunod si Spider-Man. Paglalakas ni Doc Ock gamit ng mga bakal na galamay. Magaling. Nakakatuwa.

May kaunting problema lang sa banghay ng pelikula. Kulang na kulang ang pagiging kontrabida ni Doc Ock, na ginampanan ni Alfred Molina. Oo nga, nagawa siya ng isang makina na maaaring wasakin ang New York. Pero mahina ang pokus sa kanya. Masyadong natuon kay Spider-Man, na ginampanan ni Tobey Maguire. May tensiyon pero kulang sa aktuwal na tambalan at labanan sa mga kagustuhan nina Doc Ock at Spider-Man. Sa may huli lamang talaga sila nag-away dahil kay Mary Jane, na ginampanan ni Kristin Dunst, at paghihiganti ni Harry Osborn, na ginampanan ni James Franco. Masyadong naging introverted at mapagmuni-muni si Peter Parker kaya naging mabagal ang daloy ng kuwento.

Mataas ang production values ng pelikula. May mga punto ng mabagal ang pagdaloy ng kuwento pero isa itong magandang hakbang para sa mga pelikulang superhero dahil ipinapakita ng Spider-Man 2 na hindi kailangan ng puro awayan at patayan para maging isang tunay na pelikulang superhero. Pwedeng mas pagandahin ang pacing na sana ay maaayos sa inaasahang Spider-Man 3. Hindi perpekto ang Spider-Man 2 pero meron dito na wala ang ibang pelikulang superhero at iyon ay puso.

Also Starring Pancho Villa As Himself

Isang pelikula tungkol sa isang Heneral na gustong gumawa ng pelikula. Doon umiikot ang pelikulang "Also Starring Pancho Villa As Himself." Pero hindi lamang ito isang pagtingin sa Heneral Pancho Villa, na ginampanan ni Antonio Banderas, isa din itong pagtingin sa isang Estados Unidos at Mexico na nagtatambalan para maimpluwensiyahan ang isa't isa.

Bilang isang larawan ng isang kakaibang Heneral, marahil hindi ito isang pantay na pagtingin sa buhay ni Pancho Villa. Sa paggawa ng pelikula sa loob ng pelikula, mismong buhay ni Pancho Villa ay binago ng studio. Hindi ko malaman kung isang nga bang dakila o sira ulo si Pancho Villa. Iyon nga siguro ang punto ng pelikula tungkol kay Pancho Villa, hindi siya sira ulo o dakila, isa rin lamang isang tao na naipit sa kanyang kalakihan.

Sa kabilang dako ng ay ang producer na si Francis Thayer, na ginampanan ni Eion Bailey. Naatasan para gawin ang pelikula ni Pancho Villa, hindi lamang niya nabago ang mundo ng pelikula, binago rin niya ang opinyon at polisiya ng Estados Unidos tungo sa Mexico.

Hindi ko alam kung ano nga ba ang tunay na pagkatao ni Francis Thayer. Isa ba siyang patas na tauhan para husgahan si Pancho Villa o isang producer na gustong baguhin ang mundo ng pelikula na namulatan sa katotohanan ng rebolusyon?

Maganda ang special effects at make-up ng pelikula. Ang dumi talaga ni Antonio Banderas. Ang mahal siguro ng pelikulang ito kahit na pang-TV lang siya.

Maganda siyang pelikula. Magulo at madugo, kagaya ng panahon noon. Kulang lang ng kaunti sa character development pero hindi mo masisisi ang pelikula dahil halos wala nang nakakatanda kay Pancho Villa. Mahirap ding maging patas kung sa simula pa lang ay hindi na patas ang kasaysayan.

Sabado, Nobyembre 20, 2004

Miyerkules, Nobyembre 17, 2004

Walang Partikular na Gustong Sabihin

Unang klase ko kahapon sa Fil 105 sa ilalim ni G. Gary Devilles. Mukhang interesante ang klaseng iyon. Tatlo nga lamang kami sa klaseng iyon e. Kaya mahirap bumaksak doon, nakakahiya.

Mukhang mahihirapan talaga kao sa klase ni G. Tirol sa Newswriting. Dami kasing ginagawa at gagawin. Hindi dapat tatamad-tamad!

Sa isang "Ha?" moment, nakita kong nagte-tennis si Fr. Arcilla kanina sa may Cov Courts. Nakasuot ng puting t-shirt at naka-shorts. Hindi kaaya-ayang tingnan pero tutal nag-eehersisyo si pader.

Sige, basa pa ako ng napakadaming readings mula Fil 104, Fil 105, at Philo 102.

Martes, Nobyembre 16, 2004

The Incredibles

Isa na namang CG na pelikula. "Na naman" kasi medyo nami-miss ko na ang makalumang paggawa ng cartoon o animation. Sa totoo lang, maganda ang "The Incredibles." Hindi siya puno ng mga tipo ng patawa na makikita sa "Shrek" at "Shrek 2" pero nakakatuwa pa ring panoorin ang pelikulang ito kahit na mayroong kaunting problema pagkarating sa kuwento.

Tungkol sa isang pamilya ng "superheroes" na nagtatago. Dahil hindi sila tinatanggap ng lipunan, nahihirapan sila na maging ganap. Hinahanap-hanap ni "Mr. Incredible" ang mga lumipas na panahon noong tanggap at hinahangaan siya at ang mga anak naman niya ay nahihirapang makibahagi at makisama sa mga normal na tao. Isa itong nakakatuwang pag-ikot sa pangkaraniwang tingin sa mga superheroes. Malalakas nga sila pero tao din na sinasampahan ng kaso. Mga tao din silang naghahanap ng pagsang-ayon at kaganapan. Nakakatuwa kung paano nagsimula ang problema ng mga superhero.

Maganda ang pagkakagawa ng pelikula. Yung bang tinatawag na pagkaka-stylize ng mga taga-Pixar sa mga tauhan. Simple lang ang pagkaka-animate sa mga tauhan kagaya sa pagkaka-animate sa "Shrek 2." Medyo kakaiba lang silang maglakad at tumakbo. Pero may mga kaunting mga dagdag para bigyan ng pagkatao ang mga tauhan. Yung sabit sa labi ni "Mrs. Incredible" na ginaya nila mula sa tunay na pagsasalita ni Holly Hunter, ang nagboses kay "Mrs. Incredible."

Nakakatuwa ang kuwento ng "The Incredibles." May mga kakaibang mga "twists" at nakakatuwang mga dialogo. Kumpara sa "Shrek," isang pampamilyang pelikula ito at madaling panoorin ng lahat. Doon sa "Shrek 2," na sobrang nakakatawa, hindi ko narinig ang mga bata na tumawa. Pero maganda marinig na tumatawa ang mga bata sa "The Incredibles."

Maganda ang "The Incredibles." Hindi kasing nakakatawa ng "Shrek 2" pero mayroon pa rin namang laman ang pelikula na magugustuhan ng lahat.

Miyerkules, Nobyembre 10, 2004

Aking Pagbisita sa Presinto

Hindi. Hindi ako naaresto. Hindi rin ako nasangkot sa isang malawakang drug bust. Kinailangan kong pumunta sa isang presinto para sa aking takdang-aralin sa Newswriting.

Pumunta ako sa Camp General Thomas Karingal, himpilan ng Central Police District. Nasa Sikatuna Village siya, hindi kalayuan sa Katipunan. Pero dahil promdi ako, hindi ko alam iyon. Sumakay ako ng taxi papunta doon.

Syempre, unang beses kong pumunta doon, hindi ko alam kung saan makikita ang kanilang Police Blather. Kaunting tanong sa officer na nakabantay sa tarangkahan, pumunta ako sa CIU, Crime Investigation Unit. (Parang CSI)

Masyado rin siguro ang panonood ko ng CSI at ng iba pang crime/police show galing Amerika kaya medyo nakakalungkot na hindi aircon ang gusali. Ok lang. May TV naman sila.

Nilapitan ko ang officer na nasa reception desk at tinanong kung saan ko makikita ang kanilang blather. Kaunting "interogation," ay pinaupo muna ako sa isang tabi dahil nagsusulat pa siya ng pangyayari doon blather. Kaya naupo muna ako sa isang tabi at nanood muna ng kanilang TV doon.

Nasa Studio23 unang TV. Ang palabas ay isang pelikula. "Alex Bongcayao Brigade." (Tama ba ang spelling?) Medyo ironic iyon. Isang pelikula tungkol sa isang rebeldeng grupo na pumapatay ng pulis ay pinapalabas sa isang presinto, sa loob pa ng isa pang HQ pa nila. Sa isa sa mga eksena ay may pinatay na pulis noong sumakay siya sa kanyang kotse. Sa isang eksena naman ay nasa tapat pa ng simbahan pinagbabaril ang isang pulis. Napangiti lang ako.

Hinitay kong matapos ang officer sa kanyang pagsusulat sa blather. Mukhang dumating ako sa isang kakaibang sandali. Mayroon kasing naghihintay doon kasama ko. Ano kayang kriminalidad ang nangyari?

Pagkatapos ng kaunting paghihintay ay ipinahiram na sa akin ang blather. Namangha ako sa mga nangyayari. Ang dami pa lang mga taong nakikitang patay o pinapatay sa Quezon.

Kailangan ko lang kumuha ng dalawang pangyayari pero sinigurado ko na. Kumuha ako ng tatlong kakaibang mga pangyayari. Isang nakawan sa isang pawnshop, isang patayan sa isang subdivision, at sa isang shot out sa pagitan ng pulis at mga suspek ang aking mga pinili. Ok din ano.

Pagkatapos noon, kaunting pasasalamat sa mga tumulong doon sa akin at ako ay umalis na.

Sabado, Nobyembre 06, 2004

Unang Apat na Araw (Isang Paunang Pagtingin sa Bagong Semestre)

Kakatapos lamang ng unang apat na araw ng semestre at mukhang magkakaroon ako ng isang interesanteng semestre. Iba't iba ang mga nakuha kong mga guro sa iba't ibang mga kurso. Huwag sana akong mahirapan sa darating na semestre.

Mukhang interesante at nakakatuwa ang HI 166. Kinuha ko ang payo ni Jace at kinuha ko si Ginoong Madrona bilang guro at mukhang maganda ang payo niya. Nakakatuwa at kakaiba ang pagtuturo ni G. Madrona. Nakakatuwa din ang kanyang punto tuwing siya ay nagsasalita. Naaasar lang ako at medyo maaga ang klase na nakuha ko sa kanya.

Newswriting, COM 141. Wala akong masabi. Inamin ni G. Tirol na mataas ang kanyang inaasahan mula sa amin. Hindi ako dapat maging kampante sa kanyang klase. Kailangan kong ibigay ang aking lahat dito. May takdang aralin nga pala ako dito. Kailangan kong pumunta sa isang presinto para kumuha ng kaunting balita. Saan ang pinakamalapit na presinto sa Katipunan? Hindi ko alam e.

PH 102. Gusto ang klaseng ito kasi mabait ang guro namin. Kahit na sinabi niyang magiging mas mahigpit si G. Capili sa aming mga klase, inaasahan ko naman sa kanya ang kalinawan ng kanyang pagtuturo. Madali si G. Capili na pakinggan at intindihin ayon lamang sa kanyang mga pagtuturo sa klase. Kailangan ko na lang galingan sa aking mga papel at pasalitang mga pagsusulat.

Kakaklase ko lamang kanina sa Fil Dept para sa klase ko sa FIL 104, Kritisismong Pampanitikan ng Pilipinas. Kinakabahan ako dito sa klaseng ito kasi baka may masabi ako mali o bobo dahil puro pag-aanalisa at pagsusuri ng mga kritisismo ng ibang mga tao ang pag-uusapan namin dito. Pero mukha namang mabait si G. Coroza. Medyo madaldal siya kaya natapos kami ng 5:00 ng hapon kanina imbes na 4:00. Ok lang. Marami na agad akong natutunan mula sa kanya kung paano ko haharapin ang klaseng ito at kung ano ang mga kailangan naming gawin.

Wala pa akong klase sa FIL 105 pero mukhang maging pareho lang ng FIL104.

Masasabi kong madami akong gagawin ngayong semestre. Madaming susulatin at madaming babasahin. Huwag sana akong kapusin ng oras o kaya ay tamarin o kaya ay magkasakit. Pero umaasa ako na magiging masaya ang darating na mga buwan.

Lunes, Nobyembre 01, 2004

Undas

Araw ng mga Patay. Pero sa araw na ito, ako ay naging bantay ng bahay. Ok lang. Nakakabagot para sa akin ang manatili lang sa libingan. Pumunta naman ako siyempre. Noong hapon sa puntod nina Lolo at Lola pagkatapos ng misa sa Cathedral. (Sumalangit ang kanilang mga kaluluwa.)


Araw dapat ito ng pag-alala sa mga namatay. Madami akong mga alaala tungkol kay Lola pero mukhang parang parepareho lang. Halos wala naman tungkol kay Lolo. Kaya sa puntod, nagtatanong lang kami ng mga kapatid kay Mom tungkol kina Lolo at Lola. Makakalimutan kaya ako sa aking pagkamatay o palagi akong maaalala?