Biyernes, Agosto 28, 2009

Ilang tala tungo sa isang thesis proposal

Noong high school, naaalala kong nakatambay lang kaming magkaklase. Hindi ko tanda kung bakasyon noon o tanghalian lamang ng isang school day o kung ano. Basta ang naaalala ko’y nakatambay lang kami. Dahil mga nerd kami, pinag-usapan namin ang mga paborito naming mga klase. Siguro mga 4th year na kami noon at nagpapaka-nostalgia dahil malapit na kaming magtapos. Pinag-usapan namin kung gaano namin kagusto ang Algebra at gaano kahirap ang Physics. Naaalala kong sinabi kong ayoko sa Philippine History dahil palaging talo ang mga Filipino. Walang pag-aalsa ang lubusang nagtagumpay. Ano’ng nanyari kay Diego Silang? Pinatay. Ano’ng nangyari kay Rizal? Binaril. Ano’ng nangyari kay Bonifacio? Pinatay ng mga kapwa niya rebolusyunaryo. At hindi lang kay Bonifacio nangyari iyon, kay Antonio Luna din. Si Aguinaldo? Hayun, nahuli’t kinailangang maging tuta ng mga Kano. Si Macario Sakay? Binitay. Kaawa-awa ang kasaysayan ng Pilipinas. Puros pagkasawi at pagkatalo. Kaya hindi kataka-taka na naghahanap tayo ng mga bayani kahit sa man lang larangan ng boksing.

Kung paghahambingin ang kasaysayan ng Pilipinas sa Kasaysayan ng Mundo, parang napakaikli ng sa atin. Dulot na rin siguro ito ng kolonyal nating karanasan. Palaging nagsisimula sa pagdating ni Magellan. May mga teorya, halimbawa, tungkol sa pagdating ng mga unang tao sa Pilipinas, kung aling Imperyong Asyano ang nagkaroon ng impluwensiya dito sa Pilipinas. Ngunit walang kuwento o naratibo ang malilikha hanggang sa dumating si Magellan.

At marahil doon magsisimula ang kuwento ng pagkasawi ng Pilipinas. Dahil nagsimula ang kuwento hindi sa simulang gusto natin kundi sa simulang gusto ng iba. Kaya’t kahit namatay si Magellan sa Mactan, natalo ang Pilipinas dahil sa kanyang pagkamatay sinisimulan ang lahat.

***

Unang-una, ano nga ba ang Kasaysayan? Sa pinakabuod nito at pinakatradisyunal nitong anyo, isa itong naratibo. Paglalatag ito ng mga mahahalagang pangyayari na kinasangkutan ng mahahalagang tao sa mga mahahalagang sandali’t lugar. At dahil naratibo, malaki ang impluwensiya nito sa kamalayan. Tulad ng paghubog na ginagawa ng mga kuwentong nasa puso’t isipan ng isang tao sa kanyang kamalayan, hinuhubog din ng Kasaysayan ang kamalayan ng tao. Dinidikta ng Kasaysayan na alam mo ang iyong pananaw sa mundo.

Kaya’t napakahalaga ng Kasaysayan. Ito ang isa sa mga maraming bagay na humuhubog sa isang tao. Ngunit isang aspekto lamang ng Kasaysayan ang nailalarawan ko. Hindi lamang natin nakakaharap ang Kasaysayan bilang naratibo. Nararanasan din natin ang Kasaysayan sa pang-araw-araw na buhay. Araw-araw tayong nakikibahagi sa Kasaysayan. Ang araw-araw ay palaging lumilipas at nagiging bahagi ng Kasaysayan. Palaging may personal na aspekto ang Kasaysayan.

Kaya mapapatanong ako, iniisip ba ng ordinaryong tao ang kasaysayan sa pang-araw-araw niyang buhay? Marahil hindi. Hindi niya iniisip kung ano ang hitsura ng kanyang pinagtatrabahuhan dati 50 o 60 taon na ang nakararaan maliban na lang kung ganoon katanda ang gusaling pinagtatrabahuhan niya. Kalimita’y nakatuon ang ordinaryong mamamayan sa kanyang ngayon, sa kanyang kailangang gawin ngayon. Hindi sa nakaraan. Sa mga holiday lamang tumatatak sa utak ng ordinaryong tao ang kasaysayan at hindi pa nga tungkol sa halaga ng araw na iyon sa ating Kasaysayan kundi dahil may bakasyon. Kung gayon, may bigat nga ba ang Kasaysayan para sa atin?

Kaya’t medyo nakalulungkot ito dahil, para sa akin, napakahalaga ng Kasaysayan. Popular na kasabihan na ang nakaraan ang nagtatakda ng ating kasalukuyan at ng hinaharap. Kaya’t para sa mga kuwentong ito, gusto kong pansinin hindi lamang ang mga mahahalagang pangyayari sa nakaraan kundi kung paano natin dinadanas ang Kasaysayan. Hindi ang pagtatanghal sa “Nakaraan” o “Kasaysayan” ang gagawin ko.

***

Maraming mga historyador ang malay sa isang pagtatangkang “bawiin” ang kasaysayan ng Pilipinas mula sa isang “banyagang” pananaw. Maraming pagtatangka na gumawa ng “people’s history” o kaya’y “history from below”. Kasaysayan natin para sa atin na gawa natin. Interesante itong pananaw dahil matindi ang umiiral na politika sa loob ng Kasaysayan at malay ang mga historyador tungkol dito. Kaya ang tingin sa Kasaysayan ay hindi obhektibong pagtatala ng mga pangyayari. Ang Kasaysayan, partikular na ang Kasaysayan natin, ay mayroon nang pagkiling na kailangang itama.

Pero paano mo itatama ang Kasaysayang alam mo nang tagilid o kaya’y puno ng mali? Hindi ba’t may panganib na maging tagilid din ang Kasaysayang isusulat? Paano kung walang Kasaysayang lubos na tama o tunay? Nagiging malinaw na ang Kasaysayan ay isang likha na representatibo ng isang politikal na tunguhin. Gayundin, parang kaduda-duda palagi ang Kasaysayan. Na para bang palaging may hidden agenda ang mga historyador. Kaya’t parang isang napakalaking black hole ang Kasaysayan. Kahit na anong gawin mong pagpupuno, hindi ito napupuno. Walang nakakawala sa Kasaysayan ngunit parang ang hirap sukatin ng halaga ng Kasaysayan para sa atin.

Kaya’t sa proyekto kong ito, isa nga bang “pagbawi” ang gagawin ko? Paano kung tuluyan nang naglaho ang gustong bawiin? May mga bagay mula sa nakaraan ang nananatili pero nabahiran na ito. Hindi na ito puro kung magpapaka-nativist tayo. Kailangang maging malay na lumilikha ako, lumilikha tayo, ng Kasaysayan.

Hindi na mababawi ang nakaraan. Nakaraan na ito. Ang maaari lamang mabawi ay ang kakayahang isalaysay ang sariling Kasaysayan. Babalikan ko ang talinghaga ng blackhole. Mukhang negatibo ito ngunit positibo din ito. Makapangyarihan ito at kung wala ito, wala rin ang isang galaxy. Kung walang Kasaysayan, wala tayong sentrong mapag-iikutan.

***

Ayokong masyadong seryosohin ang Kasaysayan. “Kasaysayan.” Parang napakaseryoso nang paksa, seseryosohin ko pa nang sobra-sobra sa loob ng mga kuwento ko. Gayundin, hindi naman talaga isang kasaysayan ang isinusulat ko kundi mga kuwento. Kaya gusto kong paglaruan ang Kasaysayan. Maglaro sa forma. Maglaro sa nilalaman. Mag-pastiche. Hubugin ito ayon sa kagustuhan ko o sa pangangailangan ng proyekto ng partikular na kuwento.

Kailangang linawin, di ibig sabihing gusto kong maglaro ay gusto ko nang bastusin ang Kasaysayan. Bagaman nakakaaliw, may seryosong tunguhin ang mga laro. Sa tradisyonal na panulaan, tinatangka ng laro ng bugtong na hasain ang isip ng tagapakinig ng bugtong at palawigin ang kanyang imahenasyon. Isang pakikipagtunggalian ang laro sa pagitan ng mga kalahok tungo sa pangkalahatang ikabubuti nila. Ngunit napakamakapangyarihan ng Kasaysayan. Mahirap makipaglaro sa isang katunggaling napakalakas. Kung babalikan ang talinghaga ng blackhole, maaari akong mahigop tungo sa kawalan. Ngunit kapana-panabik ang mga larong alam mong dehado ka. Bagaman malaki ang tsansang matalo ka, kapag nanalo ka naman, parang napakasarap ng pakiramdam.

Gayundin, kapag sinabing pastiche, parang napakanegatibo din nito. Isang panggagaya. Nililinaw ni Fredric Jameson ang pagkakaiba ng parody at pastiche. Halos pareho lang ang ginagawa ng dalawa, isang panggagaya. Ngunit may bahid ng katatawanan ang parody dahil pinagtatawanan nito ang orihinal. Sa pastiche, walang ganitong tawa. Pero hindi dahil walang tawa, seryoso na agad. Hindi dahil walang tawa, wala nang laro.

Hindi lamang mga forma, mga dokumento’t mga talang ikinakabit natin at nagiging mahalaga sa pag-unawa at pagdanas natin sa Kasaysayan, ang gusto kong i-pastiche. Gusto ko ring i-pastiche at mahuli ang kapangyarihan ng Kasaysayan. Gusto kong bigyan ng enerhiya’t kapangyarihan ang mga akda ko ng tulad sa pagbasa natin sa mga pangunahing tekstong pangkasaysayan. Ulit, malaki ang galang ko sa Kasaysayan. Isa itong malaking blackhole at kailangang pag-ingatin ang pakikitungo dito. Ngunit sa aking paglalaro at pakikipaglaro sa Kasaysayan, gusto kong busisiin ang kaibuturan ng kapangyarihan ng Kasaysayan. Paano nga ba gumagana ang Kasaysayan? Ano ba ang pinagkaiba nito sa ibang kuwento, ibang naratibo?

Kaya ayokong magsulat lamang ng “historical fiction”. Ayon kay Virgilio Almario, maraming mga kathang historikal ang napapasailalim sa mistipikasyon ng kasaysayan. Nakukulong ang mga akda sa di-mabaling “tadhana” na inilalatag ng Kasaysayan. Gusto kong lagpasan ang tadhana ng Kasaysayan. At sa tingin ko, sa paglalaro ko lamang ito magagawa.

***

Interesante para sa akin ang isang episode ng Crossroads sa ANC kung kailan pinag-usapan nila ang konsepto ng “kabayanihan” at kaugnay nito ang Kasaysayan. Pangunahing panauhin sina Jonathan Balsamo, tagapagsalita ng Philippine Historical Association at si Rep. Liwayway Vinzons-Chato. Tinatangka ni Rep. Vinzons-Chato na isabatas ang pagiging bayani ni Presidente Cory Aquino at kasabay noon ay formal na ilatag ang isang malinaw na proseso ng pagpaparangal sa mga bayani. Marami ang mga isyu na ang naungkat tungkol sa tamang sandali ng pagtatanghal ng isang bayani. Dapat lang bang parangalan ang isang tao bilang bayani habang buhay siya? Dapat bang parangalan siya pagkatapos na pagkatapos niyang mamatay? Kailangan bang maghintay lumipas ang isa o dalawang henerasyon bago natin sila parangalan?

Kakatwa ang diskusyon dahil lumalabas ang isyu ng panahon. Pabor si Rep. Vinzons-Chato sa agarang pagpaparangal sa isang tao dahil baka malimutan ang kanyang kabayanihan. Hindi naman lumalayo si Jonathan Balsamo sa nakagawiang paghihintay dahil sa paghihintay doon nahahasa’t nasusuri kung tunay nga bang mahalaga sa kamalayan ng sambayanan ang kabayanihan ng isang bayani. Lumalabas sa diskusyon ang isyu ng kamalayan at, sa isang banda, ng imahenasyon ng sambayanan. Kailangang magmalay ang mga mamamayan sa partikular na kuwento ng isang bayani upang tanggapin siya bilang bayani. Ngunit saan ba nagsisimula ang pagkukuwento ng kuwento ng isang bayani? Mula ba sa mga historyador na luklukan ng opisyal na kasaysayan o sa imahenasyon at karanasan ng sambayanan na dapat sana'y nakararanas ng kontribusyon ng mga bayani?

***

Ano nga ba ang relasyon ng Kasaysayan at Panitikan? Ayon kay Caroline Hau, kakaiba ang relasyong ito para sa Pilipinas. Nang tanghalin ang mga akda ni Jose Rizal bilang pangunahing teksto sa pagsasabansa, malalim na ang ugnayan ng Panitikan at Kasaysayan sa Pilipinas. Tinitingnan ang Panitikan bilang sisidlan ng kamalayang makabayan. Sa madaling salita, nagiging kasangkapan ang Panitikan ng Kasaysayan, ng pagsasabansa ng Pilipinas. Bakit nagkaganito? Dahil pala-palaging tinitingnan ang mga akdang pampanitikan, partikular ang mga kuwento’t nobela, bilang mga testamento ng partikular na sandali ng Kasaysayan. Samakatuwid, ang mga akdang pampanitikan ay lumilipas, tulad ng Kasaysayan. Pero paano kung baligtarin ko at gawin kong kasangkapan ng Panitikan ang Kasaysayan? Maaari bang mapako ang isang akdang historikal katulad ng pagpapakong ginagawa sa isang akdang pampanitikan bilang salamin ng isang partikular na sandali ng panahon? Noli at Fili sa panahon ng pagtatapos ng Kolonyalismong Espanyol. Banaag at Sikat at Pinaglahuan para sa mga unang taon ng Kolonyalismong Amerikano. Sa mga Kuko ng Liwanag para sa dekada 60. Kaya ba ng kathang historikal na lumutang mula sa isang partikular na sandaling pangkasaysayan habang sabay na nakikipaglaro sa Kasaysayan?

***

Isang komento ni Dave Lozada, naging guro sa Western History noong undergrad, tungkol sa henerasyon naming namulat pagkatapos ng People Power: na sa batang edad namin, malalim at marami nang mga politikal na pangyayari ang aming pinagdaanan. Ilang presidente, eleksiyon, kudeta, kontrobersiya at iba pa ang napagdaanan namin at marami sa amin ay hindi pa pwedeng bumuto noong sinabi niya iyon. Pero kung titingnan ko ang sarili ko at ng mga kahenerasyon ko, parang hindi naman talaga ganoon kahalaga ang mga karanasang ito. Nasaan na nga ba ang Kasaysayan sa aming buhay?

Huwebes, Agosto 27, 2009

Excerpt 3

Sipi mula sa isang kuwento para sa thesis. (May talababa ang kuwentong ito)

Relacion de las Islas de San Gabriel[1]

Isang taos-pusong pagbati sa inyo, Felipe III, Dakilang Hari ng Castilla at Leon, Aragon, Sicilia at Granada at Matapat na Alagad ng Simbahang Katoliko. Sumusulat ako sa inyo upang ilarawan nang higit na malalim ang mga lupaing napapasailalim na sa inyong pamamahala ayon sa dakilang gawain na iniatas ninyo sa amin na sakupin ang mga lupaing ito sa ngalan ng inyong Korona at sa Ngalan at Kadakilaan ng ating Panginoong Jesucristo, sa Nag-iisa at Walang-hanggang Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo na Lumikha sa Lahat at sa Simbahan Niyang itinatag dito sa Lupa at sa Kaluwalhatian ng Birheng Maria. Nais ko pong ipakita't ilarawan ang lupaing ito, kasama na rin ng mga munting kasaysayan kung paano ito nasakop, upang sa gayo'y inyong higit na mapangasiwaan ang malayong lupaing ito nang may karampatang kaalaman sa pinagdaanan at pangangailangan nito.[2] Maging gabay po sana ang sulat na ito tungo sa ikauunlad ng bagong Kolonyang inyong pinaghaharian, sa tulong ng Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo. Bukod pa po rito, nais ko ring ibahagi ang mahahalagang pangyayari sa lupaing itong aking inilalarawan nang sa gayo’y magkaroon kayo ng isang matapat at tunay na salaysay tungkol sa nangyari dito at hindi sumalalay sa mga kasinungalingang maaaring naging malaganap diyan, lalo na tungkol kay Kapitan Sevilla, ang yumao’t dakilang conquistador ng lupaing ito at matapat na alagad ng Korona’t Krus.[3] Naniniwala po akong, bagaman Diyos lamang ang Punong Tagapaghatol, hindi mababang gawain ang pagtatanghal sa Katotohanan na pala-palaging pinapanigan ng Diyos.

***

Bagong Bayan ng Catalina

Mula sa mga abo ng Maitacai, pinasimulan ni Kapitan Sevilla, na tinatapos ko ngayon, at sa tulong ni Datu Tanaw,[4] ang pagtatayo ng Bagong Bayan ng Catalina. Sa pagsang-ayon ni Datu Tanaw, pinalitan namin ang pangalan ng Maitacai upang ipahiwatig ang malaking pagbabagong kakaharapin ng bayan, na sa muli naming pagtatayo’t pagpapaunlad ng bayan, hindi lamang ang dating kadakilaan nito ang aming aabutin ngunit higit-higit pa doon.

Naging mabagal sa simula ang pagkukumpuni at pagtatayo ng bagong mga gusali dahil nagbabadya pa rin ang paglusob ni Datu Salam[5] sa amin. Kailangang hatiin sa iba’t ibang trabaho ang aming mga sundalo’t mandirigma. May mga inatasang magkumpuni ng iba’t ibang mga kailangang kumpunihin. May mga inatasang panatilihin ang kaayusan sa loob ng bayan. May inatasan namang magbantay sa mga kalabang nagbabanta mula sa mga kakahuyan. Minabuti na lamang namin ang pagbabalanse ng mga tauhan at sundalo upang hindi lubos na mapagod ang lahat.[6]

Pinakauna naming inayos ang nawasak na pader na pumapalibot sa bayan. Nagkaroon ng mga siwang sa pader na kinailangan naming punuan. Nang maayos na namin ito’y unti-unti naming itinayo ang mga bahay at gusaling nawasak. Ngunit imbes na panatilihin ang pabilog na kaayusan ng bayan, ipinataw ni Kapitan Sevilla ang isang kuwadradong paglalatag ng mga kalye at bahay. At sa gitna ng bayan namin itinayo ang bagong plasa at Simbahan ni San Juan Bautista. Mahalaga na maglaan ng ilang mga pangungusap tungkol sa simbahang ito dahil ito ang pinakamalaki at pangunahin sa mga simbahang itinayo namin dito. Unang-una, si Datu Tanaw, ang dating pinuno ng Bayan ng Maitacai at ngayo’y isa nang cabeza sa ating pamahalaan, ang nagmistulang patron ng pagpapatayo ng Simbahan ni San Juan Bautista. Gamit ang kanyang pera’t impluwensiya, mabilis ang pagpapatayo ng simbahan. At bagaman gawa lamang sa kahoy, mahirap mailarawan ang kakaibang ganda ng simbahang ito. Ngunit hindi doon nagtatapos ang kagila-gilalas na pananampalatayang ipinamamalas ni Datu Tanaw. Binanggit niya sa akin kamakailan ang mga plano niya upang muling itayo at gawin mula sa bato ang Simbahan ni San Juan Bautista. At buong puso kong hinikayat ang kanyang mga plano bagaman ipinaliwanag ko sa kanya na, sa ngayon, malayo sa mga plano ng ating pamahalaan ang mga planong ganoon.[7] Huli naming muling itayo ang daungan. Lalo naming pinalaki ang daungan upang tumanggap ng higit na maraming mga bangka at makadaong ang ating galleon.

Kaya’t hindi po naging mabilis ang pagtatayo ng Bagong Bayan ng Catalina ngunit naging biglaan para sa amin ang pagkasira ng Lumang Bayan ng Maitacai. Dahil tila po napakabilis ng mga pangyayaring kinasangkutan namin. Isang linggo pagkatapos magpabinyag ni Datu Tanaw, bigla siyang nagpakita sa amin sa Fuerza de San Miguel Arcangel nang madaling araw kasama ang dalawandaang mandirigma, nakasakay silang lahat sa mga bangka. Inakala naming pumunta siya upang atakihin ang aming kuta ngunit, pagkatapos makipagpulong kay Kapitan Sevilla, nalaman kong humihingi siya ng tulong mula sa amin. Pinatalsik siya, kasama ang pamilya ng mga madirigmang tapat na sumusunod sa kanya, mula sa Maitacai. Lumala ang tensiyong namagitan sa kanila ni Datu Salam at sa iba pang mga datu ng Maitacai. Higit na marami ang kumampi kay Datu Salam sa hanay ng mga datu at napatalsik si Datu Tanaw bilang pangunahing datu ng Maitacai. Agad na inihanda ni Kapitan Sevilla ang aming mga sundalo para sa isang labanan. Isinama din niya ang aming galleong Hilario upang magamit namin ang aming mga kanyon na pandagdag na lakas laban kay Datu Salam.

Sakay ng Hilario at kasama ang sandaan at limampung sundalo namin at ng dalawandaang mandirigma ni Datu Tanaw, agad kaming nagtungo sa Maitacai. Sa kabilang pampang kami nagtayo ng kampo at naghanda para sa laban. Nagpadala ng mga tagapagsalita sina Kapitan Sevilla at Datu Salam sa Maitacai at hiniling nilang sumuko si Datu Salam at ibalik ang Maitacai sa pamamahala ni Datu Tanaw. Naging matagal ang usapan at negosasyon ngunit naging matigas si Datu Salam, na hiniling ang pag-alis namin at hindi na magbalik sa San Gabriel. Ngunit naging malinaw ang huling salita ni Kapitan Sevilla, kapag hindi pa rin sila sumuko pagdating ng tanghaling-tapat, sisimulan na namin ang pagpapaputok at paglusob sa Maitacai. At dumating nga’t lumipas ang tanghaling-tapat ngunit hindi pa rin sumuko si Datu Salam kaya’t walang nagawa si Kapitan Sevilla kundi utusan ang Hilario na paputukan ang Maitacai. At kung gaano katagal ang pakikipag-usap at negosasyon noong umaga’y naging mabilis pagkatalo ni Datu Salam. Walang nagawa ang mga pader na kahoy ng Maitacai sa sunod-sunod na pagputok ng kanyon. Kaya’t naging madali ang pagbawi namin sa Maitacai. Wala sa mga sundalo namin ang namatay habang iilan lamang ang namatay o nasugatan sa hanay ng mga mandirigma ni Datu Tanaw. Sa hanay naman ng mga mandirigma ni Datu Salam, limampu mula sa kabuuang tatlondaan ang namatay sa mga kanyon o kaya’y sa kamay ng mga sundalo’t mandirigma sa aming panig. Hindi nagtagal ng kalahating minuto ang labanan. Ngunit sa kasamaang palad, nakatakas si Datu Salam at marami pa sa kanyang mga mandirigma. Nagtungo sila sa kasukalan ng gubat na hindi malayo sa bayan.

Marami ang bumabatikos kay Kapitan Sevilla sa kanyang mga pamamaraan at desisyon upang mabawi ang Maitacai. Na marami ang nasawi bukod pa sa mga mandirigma ni Datu Salam nang paputikan namin ang Maitacai gamit ng mga kanyon.[8] Na halos nawasak ang buong bayan dahil sa mga kanyon. Na sa gitna ng kaguluhan, kasiraan at kasawian, hindi man lamang namin napatay o nahuli si Datu Salam. Ngunit hindi nauunawaan ng mga bumabatikos na iniisip rin lamang ni Kapitan Sevilla ang higit na mahabang plano’t gawain namin sa lupaing ito. Hindi uhaw sa dugo si Kapitan Sevilla at kung maaari’t iiwasan niya ang isang laban. Iang tahimik at maunawaing tao ang pagkakakilala ko kay Kapitan Sevilla. Ngunit kung hindi namin agad nabawi ang Maitacai, hindi magiging maganda ang pagtingin ni Datu Tanaw sa amin at mawawalan siya ng pagtitiwala, hindi lamang kay Kapitan Sevilla kundi pati na rin sa Kapangyarihan ninyo. Kung hindi namin ginamit ang mga kanyon at pinalibutan lamang ang bayan at hintaying magutom at mauhaw si Datu Salam at ang kanyang mga mandirigma, baka mainip si Datu Tanaw. Kung hindi namin ginamit ang mga kanyon at agad na lusubin ang bayan gamit ang aming mga sundalo at mandirigma ni Datu Tanaw, baka marami sa aming hanay ang mamatay. Hindi iyon magandang makita ni Datu Tanaw at hindi rin iyon maganda kung sakaling hindi lamang si Datu Salam ang magpasyang lumaban sa amin. Kukulangin kami ng mga sundalo’t mandirigmang maaari lumaban kung kailanganin namin sila. Wala pong kaduda-duda at walang kaparis, sa aking pananaw, ang mga kakayahan ni Kapitan Sevilla pagdating sa sining ng pakikipagdigma.

At kung ano man po ang mga pagkawasak na nangyari sa Maitacai ay amin nang muling naitayo sa Catalina. At ngayon po, tulad ng ginagawa namin sa Fuerza de San Miguel Arcangel, inilalatag na po namin ang pundasyon ng isang batong pader na magtatanggol sa Catalina sakaling hindi maging sapat ang San Miguel bilang isang tanggulan. Gayundin, patuloy ang paglaki’t pagdami ng mga mamamayan ng Catalina sa patuloy na paglaganap ng inyong pamamahala at ang pagkalat ng Salita ng Diyos. Patuloy rin po ang pagdami ng mga mangangalakal galing sa iba’t ibang lugar, lalo na po mula Tsina, na dumadaong sa daungan ng Catalina. Sa katunayan nga po’y nag-uumapaw na po ang mga tao at hindi na sila magkasya sa loob ng mga pader ng Catalina. At malinaw po na patuloy ang paglago ng bago’t muling binuhay na bayan na ito at nawa’y sa ilalim ng inyong masusing pamumuno, patuloy itong lalago’t maging tanda ng Kadakilaan ng ating Kaharian sa ilalim ng inyong pamamahala.

----------

[1] [Tala ng tagapagsalin] Isinalin ko ang relaciones na ito noong taong 2009 upang higit na makilala ng mga Filipino ang kasaysayan ng Republika ng San Gabriel. Na sana’y maging tulay ang saling ito sa higit na pagkakaunawan ng San Gabriel at Pilipinas. Gayundin, makita sana ang malalim na pagkakaugnay ng dalawang bansa sa ilalim ng mga Kastila. Nagpapasalamat ako sa San Gabriel Ministry of Foreign Affairs para sa grant na ibinigay nila para sa pagsasalin ng dokumentong ito. Gayundin, salamat sa Translation Desk ng Ateneo Institute of Literary Arts and Practices. Sana’y hindi na manatili sa laylayan ang ating mga kasaysayan.

[2] Isinaayos ni Gobernador-Heneral Dominico Pablo de Muñoz (1560-1621) ang kanyang mga tala tungkol sa iba't ibang mahahalagang lugar sa isang alpabetikong pagkakasunod-sunod. Ngunit kung babasahin sa ganoong pagkakaayos, tila ang mga mahahalagang mga pangyayaring kanyang isinasalaysay ay nawawalan ng kaayusan. Kaya't upang makatulong sa mambabasa, lalo na sa mga mag-aaral ng kasaysayan, na maunawaan nang mabuti ang mga bahagi tungkol sa mga mahahalagang pangyayari sa mga unang taon ng pananakop ng San Gabriel, itatala ko ang isang kronolohikal na pagkakaayos ng mga tala: (1) Dalampasigan ng San Gabriel, (2) Ilog San Gabriel, (3) Fuerza de San Miguel Arcangel, (4) Lumang Bayan ng Maitacai, (5) Bagong Bayan ng Catalina, (6) Bundok San Pedro, (7) Gubat Maikauaian, (8) Lawa Imaculada Concepcion at Bundok San Jose. Bagaman hindi sakto ang pagsasaayos na ito, sana’y makatulong ito sa mambabasa.

[3] Antonio Bernardo de Sevilla y Borja (1549-1599) Tinutukoy ni Gobernador-Heneral Dominico Pablo de Muñoz ang sulat ng naunang Gobernador-Heneral Gregorio de Villafuerte (1543-1605) kung saan hindi naging maganda ang pagsasalaysay at paglalarawan sa nangyaring pananakop na pinamunuan ni Kapitan Sevilla.

[4] Datu Tanaw (1574?-1633). Siya ang ninuno ng makapangyarihang pamilya Tanaw dito sa San Gabriel.

[5] Datu Salam (?-1596): Pinaniniwalaang pinakaimpluwensiyal na datu sa buong San Gabriel sunod sa ama ni Datu Tanaw.

[6] Ayon sa mga dokumentong lumabas, isang paraan upang mabawasan ang mga sundalong nakabantay sa Maitacai laban sa mga mandirigma ni Datu Salam ay pagpupugot ng ulo ng mga labi ng mga mandirigma ni Datu Salam na napatay sa labanan at tutuhugin sa mga patpat na kawayan. Itutuhog naman sa palibot ng Maitacai ang mga patpat na may ulo bilang panakot sa mga kalaban at maging sa mga taong nag-iisip na mag-aklas.

[7] Noong taong 1660 nang matuloy ang planong gawing bato ang Simbahan ni San Juan Bautista. Naisagawa ito dahil noong 1659, nasunog ang lumang simbahang gawa sa kahoy. Pinamunuan ang pagtatayo ng simbahang bato sa ilalim ni Alfredo Tanaw III, apo sa tuhod ni Datu Tanaw. Ngunit mawawasak ang simbahang itong ginawa ni Alfredo Tanaw dahil sa isang lindol noong 1721 at sa taong din iyon itinayo ang Katedral ni San Juan Bautista na nakatayo pa rin hanggang ngayon.

[8] Pinaniniwalaang higit sa isang libo ang namatay kasama ang mga babae, matanda’t kabataang naipit sa labanan. Bagaman isa lamang itong hinuhang bilang na batay sa tinatantiyang laki ng Maitacai noong mga panahong iyon. Noong 1988, isang libingan na kinalalagyan ng mga buto’t labi na pinaniniwalaang nanggaling sa dalawandaang katao ang natagpuan nang simula ang pagtatayo ng isang fly-over sa lumang bahagi ng Lungsod ng Catalina.

Sabado, Agosto 22, 2009

Dahil kailangang magparamdam sa mundo...

1.

Madaming ginawa sa nakalipas na mga linggo kaya hindi masyadong nakapag-update ng blog. Una, Buwan ng Wika at Kultura sa Ateneo. Pumunta ako sa talk na inihanda ng Kagawaran ng Filipino at ng Pilosopiya noong Agosto 12 sa Leong Hall. Na-upload ko na sa aking Multiply ang mga audio files ng panayam na ito. Noong Agosto 17 naman, nagbigay ng panayam si Ricky Lee tungkol sa kanyang pagsusulat partikular ang kanyang unang nobelang "Para kay B". Ibibigay ko pa sa Heights ang kopya ko ng audio file at mga litrato. Noong Agosto 20 naman, idinaos ang Sagala ng mga Sikat. Sa susunod na lang ang mga picture. Sa susunod na Linggo, nakasalang ang "Kasarisarian" at "Bigkasaysayan" na mga panayam na inihanda ng Heights katuwang ang Kagawaran ng Filipino. Gayundin, sa Miyerkules na rin ang KA Poetry Jamming. Pararangalan doon ang mga nagwagi sa Sagala ng mga Sikat at sa ibang mga patimpalak ng Kagawaran. May performance din ako doon (maliit lang) bilang pagtulong sa kabuuang performance ni G. Yol Jamendang. Tapos ko na nga rin palang magpasa ng advisory mark at tsekan ang mahabang pagsusulit ng mga estudyante.

Noong nakaraang Sabado, nag-overnight kaming magkakaibigan sa high school sa bahay nina Krisette sa San Pablo. Kainan, inuman, pelikula at Wii ang buong gabi. Medyo ramdam ko pa ang kakulangan ng tulog hanggang ngayon. (Medyo nabawi-bawi ko na nitong nakalipas na mga holiday). Babalik na ngayong araw si Krisette patungong Hawaii. Maging ligtas at mabuti sana ang paglalakbay niya.

2. Public Enemies

Matagal na ito pero ngayon ko lang mapag-uusapan. Umiikot ang pelikula kay John Dillinger (na ginampanan ni Johnny Depp) noong Depression Era sa Amerika. Mala-Robin Hood ang pagkakalarawan kay Dillinger. Ang pangunahing tensiyon na nakikita ko ay ang pag-usbong ng FBI upang labanan ang mga gang na kinabibilangan ni Dillinger. At si Melvin Purvis (na ginampanan ni Christian Bale) ang naatasan upang hulihin ang mga "public enemies" na ito.

Para sa akin, hindi ito sobrang gandang pelikula. Okey lang ito na pelikula. Pero magagaling ang mga performance nina Johnny Depp at Christian Bale. Ramdam ko ang trauma sa mukha ni Bale kapag may namamatay siyang kasamang pulis (pero pagminsan medyo natatagalan ako sa mga sandaling iyon). Kakaiba rin ang camera-work dahil na rin siguro na hi-def digital ang ginagamit na teknolohiya. Mahirap ihanay ito sa pelikulang tulad ng "The Goodfellas" pero nahuli naman ata nito ang timpla ng panahon na tinatangka nitong hulihin.

3. Up

Pinanood ko ang "Up" ng Pixar kahapon. Masaya itong pelikula na may madamdaming kabig. Umiikot ang kuwento kay Carl, isang retirado, na nagluluksa pa rin pagkatapos mamatay ng kanyang asawa. Bilang pagtupad ng kanyang pangako, tinangka niyang dalhin sa South America ang kanilang tahanan gamit ang daan-daang lobo. Kasama sa kanyang paglalakbay si Russell, isang scout na naghahanap ng matutulungang matanda para sa kanyang badge, si Kevin, isang higanteng ibon, at si Dug, isang asong naghahanap ng pagmamahal. Pambata man ang pelikula, matinding lungkot at pangungulila ang nararanasan ng mga tauhan partikular sina Carl at Russell. At ito ang nag-uudyok sa kanilang paglalakbay.

Biyernes, Agosto 14, 2009

UBOD New Authors Series deadline of submission is extended to Aug. 30, 2009!

Deadline for the submission of manuscripts for UBOD New Authors Series 2009 is extended to August 30, 2009

***

UBOD Writers Series 2009 Announces Call for Submissions

The National Commission on Culture and the Arts (NCCA), the National Committee on Literary Arts (NCLA) and the Ateneo Institute of Literary Arts and Practice (AILAP) are now accepting manuscripts for the UBOD series 2009. 12 writers who have not released book-length titles will be given a chance to have their first book published under UBOD New Authors Series.

The qualified languages are: Luzon (Tagalog, Bikolano, Ilokano,Kapampangan, Pangasinense), Visayas (Cebuano, Waray. Kinaray-a, Hiligaynon) and Mindanao (Maranao, Tausug, Magindanaon, Chavacano). The manuscript should be 40-60 pages in chapbook length. 20-40 poems or 5-10 short fiction. The most exceptional pieces in their manuscript shall be translated into Filipino or English.

Send two copies of the manuscript to the Ateneo Institute of Literary Arts and Practice (AILAP) c/o The Department of Filipino, 3rd Floor Dela Costa Bldg., School of Humanities, Ateneo de Manila University, Loyola Heights, Quezon City 1108. Include a CD of the manuscript and one page curriculum vitae with the author’s name, contact number and e-mail address and 1X1 picture.

Deadline will be on Aug. 30, 2009.

For inquiries, please e-mail ailap@admu.edu.ph or call 426-6001 loc. 5320-5321

Sabado, Agosto 08, 2009

Parang Ang Daming Gustong Sabihin

1. Thesis

Nakipagkonsulta na ako kay Sir Vim Yapan tungkol sa thesis. Nagbigay na ako ng mga kuwento sa kanya at malinaw ang kanyang evaluation: not good enough. Masyado daw safe. Wala daw "libog". (Love that term.) Siguro, masyado lang talaga akong nako-conscious at nape-pressure sa mga bagay-bagay. Mukhang nagkakawala ng loob pero, sa totoo lang, nabuhayan ako. Dahil sa dulo ng konsultasyon, hinamon ako ni Sir Vim (mas assignment talaga pero kinukuha kong hamon) na sa susunod na magpapakonsulta ako, magbibigay ako ng isang akda na nagpapakita talaga ng "the best" ko, yung tipo ng pagsulat na masasabi kong gusto kong tunguhin. Kasama na rin doon ang mga awtor na gusto kong gayahin o nag-i-inspire sa akin sa ngayon.

Sa mga oras pagkatapos noon, medyo nabalisa ako. Paano na? Halos simula sa zero ang naging dating. Pagkauwi ko, balisa pa rin ako pero bago matulog, naliwanagan ako. Naalala ko ang isang ideya para sa kuwento na isinantabi ko at hindi ko talaga isinama sa thesis kasi masyadong mahirap. At naisip kong baka iyon ang kailangan kong gawin, iyong pahirapan ang sarili ko sa mga mahihirap na proyekto. Dahil ang mga nakalipas na mga kuwentong naisulat ko, kahit mukhang interesante, hindi naman talaga pinahirapan o hindi ko pinaghirapan. Kaya nga siguro nawalan ng libog ang mga kuwento. Walang paghihirap sa aking parte. Kaya noong ala-una ng umaga, binalikan ko ang MS Word file na sa laptop ko at inisip nang mabuti kung ano nga ba ang gusto kong gawin sa kuwentong iyon. At nagsimula akong magsulat ng isa't kalahating oras. Natulog ako nang mga alas-dos y medya at nagising noong alas-otso y medya. Miyerkules iyon kaya habang nagsusulat, nanonood ako ng paglalakbay ng labi ni Pres. Cory Aquino mula Manila Cathedral hanggang Manila Memorial. Sa pagsapit ng gabi, naka-tatlong pahina ako, single spaced. Pagod pa rin ako hanggang ngayon sa pagsusulat pero hindi na ako makapaghintay na tapusin ang kuwento. At mukhang nagiging gabay ang pagsusulat ng kuwentong ito ang gusto kong gawin para sa thesis ko. At may ideya na rin ako kung sinong mga manunulat ang gusto kong itanghal na gusto kong gayahin o maging inspirasyon. Sa ngayon, focus ko muna ay tapusin ang kuwento at makipagkosulta agad kay Sir Vim.

2. Thesis Writing Mantra

Kaya heto, nakapag-iisip din ako ng Thesis Writing Mantra para sa akin, mga gabay upang hindi ako mawala sa focus. Ipino-post ko ito sa Facebook. Heto ang mga naisip ko sa ngayon:

#1:Huwag basta-basta magkukuwento. Magkuwento dahil masarap magkuwento.
#2: Iyong masarap ikuwento ay yung mga kuwentong hindi ka sigurado kung epic win o epic fail. Pero kahit na hindi ka sigurado, masarap pa ring isulat. Kung sigurado kang hindi epic fail ang sinusulat mo, siguradong may problema. Kung sigurado kang epic win ang sinusulat mo, may problema din.
#3: Ang thesis adviser lamang ang makapagsasabi kung ang iyong kuwento ay epic win.
#4: Huwag kakalimutang kumain at matulog. Walang halaga ang kuwento kung wala kang lakas at huwisyo para isulat ito.
#5: Huwag din nga palang makalimutang maligo.
#6: Ang isang kuwento, kahit na seryoso ang tono, ay isang malaking joke. Kaya huwag mahihiyang kung nakangiti ka habang nagsusulat. (Halaw kay Kundera)

3. National Artist Awards

Marami na'ng nasabi tungkol dito ngunit malinaw ang hinanakit ng maraming manunulat, pintor at artista. Na ang ginawa ng Malakanyang ay isang pambabastos at pang-aabuso sa kapangyarihan na nasa kamay ng Pangulo. Hindi isyu ang "kalidad" o "kwalipikasyon". Ang isyu ay ang proseso. Bakit pa ba nagpapakahirap ang mga tao sa pagpili ng mga nominado kung babaliwalain lamang ito? Gayundin, anong karapatan ng "honors committee" ng Malakanyang na iisantabi ang listahan na ibinigay ng NCCA at CCP at baliwalain ang opinyon ng mga eksperto? Sino ba sila? Ang paggagawad ng mga Parangal, sa sining o kahit na saang larangan, ay salamin ng mga kahalagahan (values) na pinahahalagahan ng naggagawad. Kung ang sistema ng paggagawad ay aabusuhin, abusado ang naggagawad. Kung bastos ang ginawaran, bastos ang nanggagawad.

4.

Natapos kanina ang pinakaunang AILAP Strategic Planning. Naliwanagan ang ako sa maraming mga bagay tungkol sa AILAP at nakakatuwang makita ang mga plano at proyekto. Aliw talaga kahit nakakapagod.

5.

Sulat muna ng kuwento ha. At gawa na rin ng long test.

Sabado, Agosto 01, 2009

Excerpt 2.1

Binalikan ko ang isang proyektong pansamantala kong inabandona dahil umaalagwa ako't kung saan-saang pumupunta ang akda. Heto ang resulta sa ngayon. Ewan ko kung isasama ko ito sa thesis o may tsansa ba talaga itong malathala sa isang journal kasi sobrang eksperimental ito. Bukas na forma. Pero tinangka kong magtimpi. Para hindi umalagwa tulad ng dati. Mukhang mabagal na sulatan ito.

Gusto kong magsulat ng isang makabuluhang kasaysayan ng aming bayan. Pero parang sobra-sobra ata iyon. “Makabuluhang kasaysayan.” Marahil sapat na sabihin na lang na gusto kong magsulat ng kasaysayan ng aming bayan. Hindi para magyabang ng aking malawak na kaalaman. Aaminin ko, kulang na kulang ang aking kaalaman tungkol sa aking bayan. Ngunit isang pagdiskubre ang pagsulat, di ba? Marahil sa pagsulat ng isang kasaysayan, may madiskubre akong bago hindi lamang tungkol sa aming bayan kundi pati na rin sa akin at maging sa iba pang mga bagay-bagay.

***

Ngunit paano magsisimula? Marahil mas mabuting magsimula sa lawa dahil mahirap pag-usapan ang aming bayan kung hindi pag-uusapan ang aming lawa.

***

May lawak na 104 na hektarya at lalim na 27 metro, naglalaman ang aming lawa ng humigit-kumulang na 270,000 m3 na tubig. Nalikha ang lawa sa panahon ng matinding pag-aalma sa mundo. Sa panahong ito, nalikha rin ang libo-libong mga bulkan, marahil kasama ang Banahaw at ang Makiling at maging ang buong kapuluan ng Pilipinas. At dito sa amin ay nalikha ang isang bulkang namatay at nakalikha ng butas, mga banging napakatarik, na kinalauna’y naging lawa.

Ngunit kung magliliwaliw kami sa mga bambang nito’y hindi ito ang aming magugunita bilang pinanggalingan ng lawa. Maaalala namin ang alamat kung saan may isang matandang dumating sa isang tahanang pagmamay-ari ng isang mag-asawa at ang lupaing pumapalibot sa tahanang ito’y punong-puno ng mga puno ng sampalok at dahil may sakit siya, maaaring trangkaso o sipon, basta may sakit siya at dahil mainam na gamot ang bunga ng sampalok sa sakit niya, kinatok ng matanda ang bahay ng mag-asawa at humingi ng bunga ng sampalok para maibsan ang kanyang sakit ngunit tumanggi ang mag-asawa at sa pagtangging ito’y nagalit ang matanda at nagpakilala bilang diwata at pinarusahan niya ang mag-asawa sa kanilang karamutan sa pagbaha sa kanilang lupain at lumindol at bumuhos ang langit at nalunod ang buong lupain ng mag-asawa.

Naaalala ko, noong bata ako, palaging inuulit ang alamat na ito sa paaralan. O baka inuulit ko lang sa isip ko. Pero napaisip ako noon, kung totoo nangyari nga itong alamat na ito ay may mga puno ng sampalok sa pusod ng lawa. Kaya’t kapag tititigan ko ang tubig ng lawa, ang nakalubog na gubat ng sampalok ang aasahan kong makita at hindi ang lalamunan ng isang patay na bulkan. At ganito rin marahil ang iba sa mga kababayan ko.

Marahil nakakatwang isiping naniniwala kami sa isang alamat na nagsasabing tao, na katulad namin, ang dahilan ng pagkalikha ng lawa. Sa tingin ko, hindi naman ito isang pagyayabang kundi isang pag-asam, na bahagi kami ng tadhana ng lawa at ang lawa ang aming tadhana.

Gayundin, wala rin naman talagang nakasaksi sa mga sandaling iyon ng pagsilang ng aming lawa. Alin nga ba ang higit na paniniwalaan, ang haka-haka ng mga siyentipiko o ang haka-haka ng mga ninuno? Sapat na, sa ngayon, ang malamang may simula, na may pinagmulan ang lahat. Kung ano man iyon.

***

Ganyang lang talaga ang suliranin ng isang kasaysayang higit na matanda pa sa mga nakaaalala: ang nalilikhang mga guwang, mga patlang. Naroon na ang lawa bago pa dumating ang mga ninuno at mananatili ito sa aming paglipas. Napakalaking guwang ang malilikha mula sa pagkasilang nito hanggang sa pagdating ng mga unang tao sa mga bambang nito. Kaya marahil kailangang lumikha ng mga alamat.

***

Mula sa mga Espanyol ang pinakaunang tala tungkol sa aming lawa at sa aming bayan. Nang dumating daw sila, hindi lumaban ang mga ninuno ng bayan namin. Hindi dumanak ang dugo, hindi dakilang pagharap at pagtatanggol sa lupang tinubuan laban sa mga mananakop. Malugod silang tinanggap ng mga ninuno. Isang kataka-takang pangyayari para sa mga Espanyol ang pagtanggap sa kanila nang ganoong kalugod dahil saan man sila nagpunta’y, kung hindi pagdududa, karahasan ang sumasalubong sa kanila. Baka nauunawaan ng mga ninuno ang pagkapagal ng paglalakbay, ng pag-akyat ng mga bundok. Baka nauunawaan ng mga ninuno ang paghihirap na naranasan ng mga Espanyol upang harapin ang masusukal na gubat. Baka nauunawaan ng mga ninuno ang galak na naranasan ng mga Espanyol nang marating ang lawa.

Baka.

Ang sigurado lamang ako, nang dumating ang mga Espanyol, may lubos ang pagtanggap sa pagdating ng mga dayuhan habang mayroon ding nagduda. Kaya't nahati ang bayan dahil sa mga dayuhan. Ganoon ba talaga ang nangyayari sa lahat ng mga bayang nasakop?

***

Dapat ba itong ikahiya, itong di paglaban ng mga ninuno ng aming bayan? Ayokong manghusga.

***

Dati'y iisa lamang ang pangalan ng aming lawa at ng aming bayan. Pero pinalitan ang pangalan ng bayan. Binago ito ng mga Espanyol pagkatapos maging lubos ang pagtanggap ng mga ninuno ng Simbahan at Kapangyarihan ng Hari ng Espanya. Pero hindi nila inaasahan ang pagpapalit ng pangalan ng bayan. At maraming nagtanong sa kura paroko kung bakit pinalitan ang pangalan ng aming bayan at ano nga ba ang ibig sabihin ng pangalang iyon.

Ipinangalan ang bayan namin sa isang santo. Ayon sa mga kuwento, tumakas ang santong ito tungo sa mga bundok at disyerto ng Tebes sa Ehipto para makatakas mula sa paniniil laban sa mga sinaunang Kristiyano. Mula noon, sa bundok at disyerto na siya nanirahan at nabuhay sa tubig-batis at sa pagkain ng mga dahon at bunga ng puno. Ngunit dinalhan din siya ng mga piraso ng tinapay ng isang uwak at doon siya nabuhay hanggang mamatay siya at sinasabing umabot siya sa edad na 113. Nang mamatay siya, pinagtulungan ng mga leon na hukayin ang kanyang lilibingan.

At hindi naunawaan ng mga ninuno ng bayan namin kung ano ang kinalaman ng santong iyon sa bayan namin. Tulad ba ang bayan namin sa mga bundok at disyerto ng Tebes? Hindi ko alam. Pero tulad ng maraming pangalan, nasanay na rin ang mga ninuno ng bayan namin sa bagong pangalang iyon. Pero paano kaya ang mga unang panahong iyong kapapalit pa lamang ang pangalan ng aming bayan? Di kaya maraming naligaw? Di kaya maraming nalito? Pero baka mga dayo lamang iyon sa aming bayan ang nalito't naligaw. At mahirap maligaw sa sariling bayan. Kaya baka naging ganoon pa rin ang takbo ng kanilang buhay, gumising pa rin sila sa umaga, nagdasal, naligo, kumain ng agahan, nagtrabaho, nagtanghalian, nagtrabaho, umuwi, kumain ng hapunan, natulog. Dahil hindi naman nagbabago ang pagkakakilala mo sa sarili mong bayan kahit na magbago ito ng pangalan. Pareho pa rin naman ito, kahit papaano.

***

Aaminin ko, hindi ko alam ang lahat ng pangalan ng bawat kalye o lugar sa bayan namin. Kagaya nga ng sinabi ko, mahirap maligaw sa sariling bayan. Kahit na hindi mo alam ang pangalan ng mga daan, alam mo ang daan patungo sa nais mong puntahan. Hindi mo kailangang malaman ang pangalan ng mga kalye para makapunta ng palengke, makapunta ng simbahan, makapunta sa bahay ng kaibigan mo.

Syempre, kailangan mo ng pangalan ng isang lugar kapag sasakay ka sa traysikel. Pero kalimitan ay sapat na'ng ibigay ang pangalan ng isang barangay. At kapag malapit ka na sa gusto mong puntahan, kailangan mo lang ituro ang daan.

***

Hindi lamang ang pangalan ng bayan ang pinalitan. Pati ang mga pangalan ng mga barangay at mga sityo'y pinalitan. Pero nanatili ang mga lumang pangalan sa kamalayan namin hanggang ngayon. Atisan. Malamig. Wawa. Bulaho. Butocon. Macampong. Banlagin. Boe. Tikew. Imok. Banlagin. Balanga. Sapa. Tiim. Malinaw. Liptong. Tabaw. Sandig. Bunot. Ilog. Kaya halos kalahati ng bayan ay may opisyal at may lumang pangalan. May mga bagay talagang hindi malimot-limot.