Sabado, Pebrero 05, 2005

Isang Puna sa Pagbaybay sa Pilipino

Imbes na magklase kami kanina para sa Fil104, pumunta ang klase sa University of Santo Tomas (UST) para sa isang panayam mula kay Ginoong Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining at tagapagtatag ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA). Inorganisa ng LIRA, sa tulong ng Center for Creative Writing ng UST.

Marami-rami rin ang pumunta sa panayam ni G. Almario. Mayroon pa ngang mga galing Bacoor. Nakakain pa kami pagkatapos ng kanyang panayam.

Tungkol ang panayam sa mga pagtatama at pagpuna sa pagbabaybay sa Pilipino. Ayon kay G. Almario, nagkakaroon ng mga pagkakamali at mga problema sa pagbabaybay dahil sa mga pagbabago ng isang buhay at aktibong wika na kagaya ng Pilipino. Maraming mga pagpuna si G. Almario ngunit pito lamang ang kanyang ipinakita at pinag-usapan sa panayam. Gumamit siya ng mga halimbawa upang ipakita ang kabuuan ng mga pagkakamali at problema.

1. Natutunan o Natutuhan?

Isa itong halimbawa ng "nakasanayan na ngunit mali." Marami marahil sa atin ang gumagamit ng unang salita, sa pagbanggit at pagsulat, imbes sa huli. Ngunit, sa katotohanan ay "natutuhan" ang tamang pagbanggit at pagsulat dahil, bilang panlapi, "-han" ang tama habang wala naman talagang "-nan" bilang isang panlapi. Ang naaayon lamang na huling panlapi o hulapi ay "-hin," "-han," "-an," at "-in."

Para patunayan ang puntong ito, nagbigay ng mga halimbawa si G. Almario ng mga salita na parang may "-nan" na hulapi. Ilan dito ay ang mga salitang katotohanan at hagdanan. Kung puputulin ang mga salita sa kanilang mga panlapi at saliatang ugat, ito ang mangyayari:

katotohanan => ka + totoo + han + an
hagdanan => hagdan + an

Kita rito na isa lamang ilusyon ng pagbigkas ang "-nan" na hulapi.

2. Ala-ala o Alaala?

Ayon kay G. Almario, nagkakaroon daw ng pagkakamali sa paggamit ng gitling (-) dahil sa pagkalito at pagiging ignorante. Para sa halimbawang ito, ginagamit ang gitling (-), sa pag-uulit ng mga salitang ugat. Ilang halimbawa ng tamang paggamit ng gitling (-) ay :

sari = sari-sari
samot = samot-samot
ilog = ilog-ilugan

Mali ang unang pagbaybay na "Ala-ala" dahil wala namang salitang ugat na "ala" sa wikang Pilipino.

3. Salo-salo o Salusalo?

Tungkol ulit ito sa paggamit ng gitling (-) sa mga nag-uulit na mga salita. Pero imbes na may mali, parehong tama pareho ngunit may kaibahan, lalo na sa ibig-sabihin. Ang una, salo-salo, ay ang pagtawag o pagsamo sa mga kasama na makisama sa pagkain. hal. Magsalo-salo tayo mamayang hapunan. Ang huli naman, salusalo, ay patungkol sa isang handaan o party. hal. May salusalo para sa kaarawan ko.

Ayon kay G. Almario, ang gitling (-) ay hindi lamang isang punctuation kundi isa ring simbolo, simbolo ng paghihiwalay. Isa pang halimbawa na kagaya ng salo-salo at salusalo:

halo-halo = mga iba't ibang bagay na pinagsama-sama
haluhalo = ang paburitong palamig ng Pilipino (Mukhang mali ata ang pagbaybay sa Chowking)

Hindi lamang sa mga pag-uulit ng salita nagkakaroon ng pagbabago sa ibig-sabihin sa paggamit ng gitling (-) dahil nangyayari rin ito sa mga pinagsamang salita. Halimbawa ay ang dalagang-bukid at dalagambukid. Dahil sa pagkakahiwalay na ginagawa ng gitling (-) sa dalagang-bukid, ay nagbibigay ng katangian sa isang dalagang lumaki sa kabukiran. Ang huli naman ay isang pangalan ng isang isda. Makikita sa mga halimbawa na mahalagang simbolo na ginagawa ng gitling (-) upang magbigay ng ibig-sabihin at laman ng salita.

4. Kayat o Kaya't?

Isa itong problema na nagdudulot na mismo sa madaming pagbabago sa wikang Pilipino. Binigyang paliwanag ito ni G. Almario sa pagbibigay kasaysayan sa mga pagbabagong nangyari sa ating wika. Ngunit isa munang diagram:

baki at => baki't => bakit
nguni at => nguni't => ngunit
datapwa at => datapwa't => datapwat
subali at => subali't => subalit
kaya at => kaya't => kayat ????

Sa kaliwa ay ang sinaunang Tagalog. Makikitang hiwalay ang salitang baki, nguni, datapwa, at subali na pawang ginagamit na mag-isa. Paglipas ng panahon, umikli ang pagbangkit sa mga salita pagdating sa ika-18 siglo hanggang gitna ng ika-19 na siglo. Pinagsama ang dalawang salita gamit ng kuwit. Lalo pang pinaikli ang mga salita ni Alejandro Abadilla sa pagtanggal ng mga kuwit. Kaya naging bakit, ngunit, datapwat at subalit na lamang ang pagbaybay natin. Noong tanungin ni G. Almario si G. Abadilla kung bakit tinanggal ang mga kuwit, idinahilan ni G. Abadilla na wala na naman sa ating gumagamit ng mga salitang baki, ngunit at iba pa. Ang sagot sa tanong ng kayat o kaya't? Mas tama ang huli dahil ginagamit pa rin ngayon ang salitang "kaya" hiwalay sa "at." Ganoon din sa pagbaybay sa "bagama't" dahil ginagamit pa rin natin ang salitang "bagaman" bilang hiwalay na salita.

5. Aspeto o Aspekto?

Nagkaroon ng problema sa salitang ito dahil sa maling paghihiram ng mga salitang mula sa wikang Espanyol. Linipat mula Ingles sa Espanyol ang ilang Ingles na salita para ibagay sa wikang Pilipino. Ang problema, ang ilang mga salitang Espanyol ay hindi kagaya ng ibang mga salita. Hindi "aspeto" ang Espanyol ng "aspect" kundi "aspecto." Kaya ang dapat pagbaybay ay "aspekto" sa Pilipino.

6. Taks o Tax?

Isa pa itong problema ng paghihiram. Ang una ay isang pag-aangkin ng salita ngunit mas tama ang huli dahil isinama na sa ating alpabeto ang titik x, kasama na ang mga titik c, f, j, q, v, z, at ñ. At bakit pa ba naman kailan na manghiram kung naan diyan din naman ang salitang "buwis?" Kinakailangan na madami ka talagang alam na salitang Pilipino. Pero kung manghihiram , mas mabuti na hindi muna angkinin o i-convert ang salita hanggang maging tanggap ang pag-aangking baybay. Kagaya naman ng sinabi ni G. Almario, walang batas laban sa paggamit ng Ingles na salita.

7. Bisyon o Visyon?

Isa naman itong pagpuna ni G. Almario sa ginawang bagong palatuntunin ng Komisyon ng Wikang Pilipino. Itinataguyod ng Komisyon sa pagbabalik ng orihinal na baybay ang mga hiram na salita. Hindi ito itinataguyod ni G. Almario dahil imbes na umusad, naurong ang paglago ng wikang Pilipino.

Mayroon akong hindi naisama dito dahil sinulat ko lamang ito mula sa aking alaala. Marami akong natutunan, este natutuhan.

4 (na) komento:

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

excuse me WIKANG FILIPINO po hindi WIKANG PIlIPINO

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

hahahaha...Filipino!!!....d Pilipino!!....akala ko pa nmn magaling ka!!!hahaha...peace!!'_'V

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

pareho naman tama iyan. noo ang wika na ginamit ay tagalog, pinalitan ng pilipino noong 1959, pinalitan ulit ng constitusyon noong 1973 ng filipino. http://en.wikipedia.org/wiki/Filipino_language

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

Tama. Hanga ako sa sumulat nito. :)