Biyernes, Pebrero 11, 2005

Marxist Study Group at Tapon! Tapon!

Maligayang kaarawan kay Elmer!

***

Nakakatuwa at inimbitahan kami nina Jethro at Armand sa isang Marxist study group. Ewan ko. Hindi ko nakikita ang sarili ko bilang isang Marxista o Komunista. Pinag-usapan namin ang Communist Manifesto. Sumasang-ayon ako na maraming mga sinasabi ito na totoo hanggang ngayon habang ang ilan namang sinasabi ay hindi nagkatotoo o hindi na totoo. Marami nang nagbago sa lipunan. At sa laban ng produksiyon, katangi-tangi ang lamang ng kapitalismo.

Pagkatapos ng study group, dumiretso ako sa Gonzaga para panoorin ang palabas ng Entablado na pinamagatang "Tapon! Tapon!" Itinanghal nila ang mga dulang "Tatalon" ni Rogelio Sicat at "Ang Sistema ni Propesor Tuko" ni Al Santos.

Unang tinanghal ang "Tatalon." Isa itong mahabang monologo. Ikinukuwento ng isang tsuper ng dyip ang kuwento ng nagpakamatay na lalaki sa Tatalon. Isa siyang seryosong pagtingin sa mga problema ng isang tao, kahit sinong tao kung mahaharap sa mga problema. Pinag-uusapan din niya ang tanong ng pagpapakamatay. Hindi nito sinasabi na tama iyon o mali, tinatanong lang ng dula kung bakit nagpapakamatay ang mga tao at bakit hindi.

Ang ikalawang itinanghal ay ang "Ang Sistema ni Propesor Tuko." Isa itong satirikong pagtingin sa lipunan sa pamamagitan isang tagpuan sa paaralan. Madami siyang katatawanan, katatawanang tinitira ang mga mali at problematiko sa ating lipunan. Marami siyang mga exageration lalo na sa tauhan. Ngunit maganda ang mga tauhan dahil mayroon silang mga kalidad na nagustuhan ko. Medyo mahina nga lang ang pagtatapos at litaw ang nasyonalismo nito.

Walang komento: