Napanood ko ang "The Godfather" kagabi sa Cinemax. Maganda nga siya. Pero meron akong mga kaunting personal na problema sa kanya.
Tungkol ang pelikula sa pamilya Corleone, isang malakas na sangay ng mafia. Umiikot ang pelikula sa pakikipaglaban at pamumuhay ng mga miyembro ng pamilya Corleone sa gitna ng isang digmaan sa pagitan ng mga pamilya at ang pag-angat ni Micheal, na ginampanan ni Al Pacino, upang mapalitan si Don Vito, na gimapanan ni Marlon Brando.
Malawak ang sakop ng banghay, mga sampung taon. Ngunit walang pagbabalik-tanaw na ginagawa dahil sa komplikadong banghay at madaming tauhan. Malaepiko ang dating ng kuwento. Isang pagbabangga ng mga malalakas na mga tauhan. Naging problema ko lang ay napakadaming mga nangyari sa pelikula at kay haba nito, nakalimutan ko ang ilang mga pangyayari. Nababaon ka sa isang eksena kaya nakakalimutan mo ang ilang nakalipas na detalye. Siguro nangyari iyon dahil inaantok na ako pero sa isang napakadetalyadong pelikula na kagaya nito, hindi ka dapat nakakalimot.
Magaling ang mga nagsipagganap, mula sa mga bidang sina Marlon Brando at Al Pacino hanggang sa mga mas mababang supporting actors. Nakakapagtaka nga lang at palaging galit ang tauhan na si Micheal.
Maganda ang pagkakasulat ng pelikula pero, kagaya ng sinabi ko kanina, madaming mga detalye ang binabato sa mga mga manonood na mahirap makuha agad-agad. Maganda ang mga diyalogo at palitan sa pagitan ng mga tauhan.
Magaling ang costume at paghahagilap ng mga tagpuan para sa pelikula. Mararamdaman mo ang kabilang mundo ng New York dahil sa mga tagpuan na hindi marahil makikita ng isang pangkaraniwang tao.
Madami pang maganda sa pelikulang ito. Hindi ko masabi lahat dahil malaki at immersive ang epikong ito. Panoorin na lang ito para maintindihan ang galing ng mga gumawa nito.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento