Panimula
Noong dekada 60, namukadkad ang bagong uri ng makata at kritiko. Labas sa labanan ng “tradisyunal” na panig na mga makata, binansagang “Ilaw at Panitik” at ng “rebeldeng” panig, nagkaroon sila ng pagnanasang maglatag ng mga patakaran sa panunula’t kritisismo na magagamit ng kahit sino, tradisyunal man o rebelde. Kagaya ng mga naunang mga “rebelde,” ninais nilang buwagin ang mga lumang pagkiling at magbigay ng bagong mga anggulo. Ang pinagkaiba ng mga bagong makata/kritiko sa mga naunang “rebelde,” na lumago bago ang digmaan, ay ang kanilang masinop, Kanluranin, at mala-siyantipikong pagbabasa, ang pagbabasang Bagong Kritisismo.
Kabilang sa mga bagong makata/kritiko si Virgilio S. Almario. Ang kanyang “Ang Makata sa Panahon ng Makina” ay isa sa mga pangunahing aklat na naglahad ng mga konsepto, adhikain, at pananaw ng kanilang grupo. Palaban at pagminsa’y bastos, hinawi ni Almario ang mga paniniwala at tradisyong mga nauna at kinilatis ang mga makata at tula ng nakalipas sa acid test ng mga patakaran ng Bagong Kritisismo.
Ang Bagong Kritisismo, ayon sa depinisyon ni Soledad Reyes, ay “… pinagbalingan… ang mga sumusunod na kategorya: ironiya, impersonalidad, persona, obhektibismo, paradoha, punto de bista, tono, simbolismo, alyenasyon, kaisahan, maskara, at [iba pa]” habang “… hindi binigyang halaga ang… may-akda, ang kasaysayan o konteksto, at ang mambabasa.” Sa maikling salita, hangad ng Bagong Kritisismo na pagtuunan ang teksto at teksto lamang.
Ngunit hindi binansagan ni Almario na ang kanyang panunuri ay Bagong Kritisismo sa kabuuan ng kanyang aklat. Bakit kaya? Ngunit bago ko unahan ang aking sarili, tingnan natin kung ano nga ba ang kanyang sinabi.
Buod ng “Ang Makata sa Panahon ng Makina”
Binubuo ang aklat ng 18 kabanata o artikulo. Karamihan ng mga artikulong mga ito ay nailathala na sa lathalaing “Dawn” mula 1968 hanggang 1969. Karamihan ng mga artikulo ay mga panunuri sa mga likhang tula ng iba’t ibang makata mula kay Jose Corazon de Jesus hanggang sa mga kontemporanyo ni Almario na sina Lamberto Antonio, Epifanio San Juan Jr. at Rogelio Mangahas.
Nagsisimula ang aklat sa artikulong pinamagatang “Ang Makata sa Panahon ng Makina.” Nahahati sa tatlong bahagi, umiikot ito sa mga paniniwala ni Almario ukol sa mundo ng panulaan, mula sa “dinosaur” na mga paniniwala’t makata hanggang sa mga “makabago,” at mga pangangailangan ng panulaan. Isa itong deklarasyon ng makabagong damdamin ni Almario, isang tema na mananatili sa mga susunod na artikulo.
Ang sumunod na artikulo ay ang “Si Balagtas sa Panulaang Pangkasalukuyan.” Umiikot ito sa epekto ni Balagtas sa pangkasalukuyang panulaan. Dahil nga sa “… si Balagtas ay isang elepanteng-puting naging sagrado dahil sa ating labis na pagpapahalaga…” ay napako ang mga makata at naging masamang impluwensiya si Balagtas. (1) Hindi umusad o nagbago ang panulaan. (2) Naging mali ang pagpapahalaga ng kay Balagtas at sinulat. (3) Nanatiling mala-Balagtas ang mga pagsusulat ng mga makata ngunit hindi naman malampasan si Balagtas. Binuksan ni Balagtas ang daan para sa pagbabago ngunit natakot ang mga makatang lumayo kay Balagtas kaya hindi lumago ang panulaan.
Sa ikatlong artikulo ay masinsinang binasa ni Almario ang “Isang Punong Kahoy” ni Jose Corazon de Jesus. Hindi maganda ang kanyang nakita. Puno ang tula ng nakakatuwang mga paglalarawan at labis na detalye. Binato pa ang naunang mga kritiko kung bakit hindi nila nakita ang mga depekto nito.
Sunod namang binasa ang “Three O’clock in the Morning” ni Cirio H. Panganiban. Bago pa man magsimula ang pagbabasa, tinanghal nang “primera klaseng akda” ang tula kumpara sa “Isang Punong Kahoy.” Pinatunayan niya ito sa pagpapakita ng galing sa porma, pagtitipid sa detalye, galing sa pagpili ng mga salita, simbolismo, foreshadowing, at mahinahon na pangangaral.
Sa “Kinalburong Damdamin: O Musang Pinormalin,” hindi lamang isang tula kundi isang buong aklat/katipunan ng mga tula ang pinag-usapan, ang mga tula ni Iñigo Ed. Regalado sa aklat “Damdamin.” Kaunti lang ang lubusang binasa na tula ngunit ginawa itong halimbawa ni Almario para ipakita ang kahinaan ni Regalado. Kulang daw sa pagtitimpi, bulaslas ang pagpapahayag ng damdamin. Masyadong sumalalay si Regalado sa pagpapahayag ng damdamin. Puno ng clichés ang mga tula. Pangkaraniwan ang ritmo sa likod ng tugma’t sukat. Malabo rin ang pagpapaliwanag kung saan nanggagaling ang mga damdamin na ibinubuhos sa mga tula.
Sunod ay ang “Kamanyang ng Moralismo?” na umiikot sa isa pang kalipunan ng tula, ang “Kamanyang” ni Pedro Dumaraos. Dito ay ipinagtanggol niya ang mga tula sa mga naunang pagbatikos sa moralismo nito. Para kay Almario, “Hindi kapintasan ang moralismo.” Para kay Almario ang kahinaan nito ay hindi ang tema, na kung sisipatin ay hindi gasgas at orihinal pa nga, kundi ang pamamahala at pagdadala. May mga katangiang sensasyonalismo at OA kumpara sa hinahanap na pagtitipid at hinahon.
Sunod namang binasa ang mga tula ni Amado V. Hernandez. Tinanghal ni Almario si Hernandez bilang makatang nakikisangkot. Kaya may bahid ng propaganda ang mga tula ni Hernandez. Ang ilang tula ay katangi-tangi, magaling ang paggamit ng wika at katatawanan. Ngunit, ayon kay Almario, kung titingnan bilang isang likhang sining ang mga tula, ang karamihan ay nagmumukhang pangkaraniwan.
Sa “Ang Rebelde bilang Makata” naman ay si Alejandro G. Abadilla ang binigyang pansin. Kilalang rebelde, tunay ngang rebelde rin ang mga likha ni Abadilla at inilatag ang mga bagong panuntunan sa panunula, kagaya ng malayang taludturan. Ngunit, kagaya ni Hernandez, kung lalampasan ang rebeldeng damdamin, nagmumukhang walang patutunguhan si Abadilla. Nananatiling abstrakto at di konkreto ang mga kaisipan ni Abadilla. “Hindi sapat ang malayang taludturan bilang isang kasukatan ng pagiging rebelde,” ani nga ni Almario.
Si Teo S. Baylen naman ang pinag-usapan sa “Ang Pangitain ng Darating sa mga Tula ni Baylen.” Kagaya ng mga nakalipas na dalawa makata, pinangungunahan din si Baylen ng kanyang reputasyon, bilang romantiko, relihiyoso, at iba pa. Ngunit lampas ng mga katangiang ito’y makikita ang galing niya sa dalawang piniling tula, “Takipsilim at Lumang Lambat” at “Uwak sa aking Ulunan.” Mula sa characterization, pagpili ng mga salita, buong paglalarawan, ay nahuli’t naihayag ni Baylen ang buong karanasan. Pinapatunayan ni Almario ang pagiging tulay ni Baylen mula sa makalumang “Ilaw at Panitik” sa kasalukuyang panahon.
Inilabas naman ang mga kahinaan ni Federico L. Espino Jr. sa sumunod na artikulo. Nagmukha raw pilit ang mga tula pagkarating sa paggamit ng wika at gasgas na imahen. Sobra-sobra rin daw ang kanyang pagtitimpi kaya hindi niya mailahad ang buong karanasan ng tula.
Sa “Mga Ligaw na Anino ng Diyos ni Perez,” kinilatis ang mga katangian ng mga tula ni Al Q. Perez. Kagaya ni Abadilla, may diwang mapanghimagsik at eksperimental si Perez ngunit pagminsan ay nabibitin. Ngunit may mikrobiyo ang kalipunan ni Perez ng kadakilaan na inuusig ni Almario na palaguin sa pagsusulat ni Perez.
Tinuligsa naman ang sentimentalismo ni Ruben Vega sa sumonod na artikulo. Agad-agad na binansagang melodramatiko ang kanyang mga tula. Napupuno ng mga jargon at cliché ang mga tula ni Vega at sa ilan ay nagiging makipot ang kanyang pagtalakay sa kanyang paksa dahil sa kanyang mahinang balangkas. Nagmumukha raw na ang mga tula’y tuyot sa presentasyon.
Sa “Quo Vadiz, Buhain?” naman ay binibigyang pansin ang unang aklat ng tula ni Jose M. Buhain. Agad ay hinangaan ito ni Almario ngunit inaamin na hindi ito brilyante. Hindi man daw “matulain” ay dalisay naman sa kapayakan ang aklat ni Buhain. Nagbibigay din ang mga tula ng kakaibang tinig at himig. Matimpi din si Buhain at nagpapakita ng pakikisangkot sa mga problema ng lipunan. Ngunit nangangamba si Almario dahil sa impluwensiya ni Abadilla kay Buhain, baka lumihis ito ng daan.
Sunod namang pinag-usapan ang kalipunan ni Celestino M. Vega, “Dugo ng Kalansay,” sa “Ang Paghahanap sa Sarili ni C. M. Vega.” Mahahalata ang mapaglarong katangian ni C. M. Vega sa kanyang pamagat pa lamang. Mapaglaro man siya sa salita, matapat at seryoso siya sa kanyang panunula. Naniniwala si Almario na hindi dito magtatapos si C. M. Vega.
Sa sunod namang artikulo ay ipinakilala si Lamberto E. Antonio. Mataas ang pagtingin ni Almario kay Antonio. Binansagan salamangkero ng mga salita si Antonio. Pinapatunayan ito sa kanyang pagpili ng mga salita, paglalarawan, at panghihiram. May taglay na malawak na perspektiba dahil sa paninggalingan at kinanalalagyan ni Antonio, ang lalawigan at ang lungsod. Makikita ito sa mala-bukid na tagpuan ng ilan sa kanyang mga tula. Walang makitang mali si Almario kay Antonio at hiniling na lamang niyang magpatuloy sa pagsusulat si Antonio.
Sunod naman tinutukan ay si Epifanio San Juan Jr. Inamin ni Alamrio na likas na “malabo” ang mga tula ni San Juan dahil sa kanyang unibersal na oryentasyon at pakikisangkot laban depekto ng lipunan. Kakaiba raw si San Juan dahil hindi handa ang mga mambabasang basahin ang kanyang mga likha. Pinatunayan niya ito sa madulang pagbabalangkas at masinop na paggamit ng salita. Ipinamamalas din niya ang galing sa nosyon. Binansagang masining, umaasa si Almario na magagawa ni San Juan na “binyagan ng bagong pangalan ang Panulaang Pilipino."
Huling makatang tinalakay sa aklat ay si Rogelio G. Mangahas ilan sa kanyang mga tula, pangunahin na ang “Sa Pamumulaklak ng mga Diliwariw.” Makikita ang galing ni Mangahas sa paggamit ng mga luma o nakalimutan nang mga imahen sa isang bagong gamit, kasama na dito ang mga mito at katutubong tradisyon. Ginamit ni Mangahas ang pag-eksperimento sa pantigan at ritmo upang paigtingin ang mga imahen ng kanyang tula. Hindi matulain ang tono, kombersasyonal ang kanyang taludturan na pinapaigting ang matimping daloy ng kanyang mga tula. At kagaya ng diliwariw, namumukadkad si Mangahas sa “tinatag-araw na Panulaang Pilipino.”
Magtatapos ang aklat sa “Ilang Dagdag na Nota.” Ipinagtitibay ng kabanatang ito ang mga paniniwala at katayuan ni Almario. (1) Pagkarating sa tradisyon, naniniwala siya na mabilis ang pagbabago ng panahon ngunit ang tradisyon ay “…isang bukas na yugib na may iaalay na yaman mga mapanlikha at masinop.” (2) Pagkarating sa tugmaan at sukat, na isang makitid at konserbatibong pananaw sa tulaan. (3) Pagkarating sa komersiyalismo, na isang sagabal upang makamit ng mga makata ang karurukan ng kanilang galing.
Puna
Malinaw ang hangarin ni Virgilio Almario na wasakin ang mga naunang paniniwala at ilatag ang bagong mga pananaw sa kritisismo. Sa unang kabanata pa lamang ay winawagayway na niya ang mapanghimagsik na damdamin. Ngunit sa kanyang palaban na diwa ay hindi hayagang nailatag ni Almario ang mga patakaran ng kanyang pagsusuri. Kagaya ng mga inaadhikang mga tula, nanatiling malabo ang kanyang panunuri para sa mga mambabasa, kailangan ng pangalawang tingin.
Balikan natin ang tanong kung bakit hindi tinawag ni Almario na ang kanyang panunuri ay Bagong Kritisismo. Marahil ay wala pa itong pangalan? Noon pa namayagpag ang Bagong Kritisismo sa Kanluran at ito na bansag sa pamamaraan na iyon. Balikan natin ang katangian ng Bagong Kritisismo, “… hindi binigyang halaga ang… may-akda, ang kasaysayan o konteksto, at ang mambabasa.” Hindi ito sinundan ni Almario. Imbis na basahin lamang ang teksto, hinahalungkat ni Almario ang may-akda at ang kanyang kasaysayan.
Kaya kakaiba ang pagbabasa ni Almario. Pagminsan ay hindi na lamang malapitang pagbasa. Pagkatapos kunin ang mga katangian ng mga tula gamit ang close reading, ay isinasakonteksto niya ito sa ugnayan ng makata’t tula. Hal. Ang pagbabasa sa mga gawa ni Amado V. Hernandez. Kaya masasabi kong hindi ito pakaraniwang Bagong Kritisismo.
Ngunit isa itong malay na taktika sa paglapit. Halos lahat ng kanyang pagbabasa ay ganito. Ginawa niya ito para ipakita ang kanyang “patas” na pagsusuri. Hal. Ang kanyang pagtatangol sa galing ng mga naunang sina Cirio H. Panganiban at Teo S. Baylen. Gusto niyang ipakita na magagamit ang kanyang mga pamamaraan sa kalahatan ng panulaan. Dahil nga rin sa pangkalahatang sakop na ninanais, kumaha rin ng mga katangiang panunuri mula sa ibang pamamaraan ng panunuri si Almario. Para, marahil, maintindihan ng mas madali ng mga “tradisyunal” ang kanyang pamamaraan.
Isang pagpuna ay ang kanyang pagbibigay depinisyon sa “pulitikong-makata.” Ang mga pulitikong-makata, na inaayawan ni Almario, ay “yaong ang pakikisangkot-panlipunan ay katumbas lamang ng kanilang hangaring maging idolo sa sarili…” Problimatiko ang depinisyon na ito dahil ang isang katangian, ang pakikisangkot-pangkalipunan, ay malimit gamitin lalo na kina Amado V. Hernandez at Epifanio San Juan Jr. Sila ba ay mga pulitikong-makata o nakikisangkot lamang? Ano ang pinagkaiba ng dalawa? Hindi nila iniidolo ang sarili nila? Paano ang di iniidolo? Nakakalito.
Isang batikos ko sa “Si Balagtas sa Panulaang Kasalukuyan,” nilahad ang masasamang impluwensiya ni Balagtas ngunit ano ang magandang impluwensiya niya? Ano ang mga katangian, naaayon sa panunuri ni Almario, ang masasabing maganda sa mga gawa ni Balagtas? Nagmumukha tuloy isa ring “puting-elepante” si Balagtas para sa mga makabago. Mahahakang marahil magiging palpak si Balagtas sa kanyang pamantayan. Iba kasi ang estetika ni Balagtas, at ultimo, ng mga sumaligan sa kanya. Hal. Ang mga kagaya nina Jose Corazon de Jesus at Iñigo Ed. Regalado.
Marahil ay hindi nga talagang pangkalahatan ang panunuri ni Almario. Sakupin man ang kahapon, naaayon lamang sa ngayon ang kanyang mga pamamaraan. Maihahalintulad sa pagkapako ng mga “tradisyunal” sa nakaraan.
Kaya siguro napaka-“bango” ng kanyang pagsusuri sa kanyang mga “katotong” sina Antonio, San Juan, at Mangahas. Dahil naaayon ang kanilang panunula sa mga bagong batayan, madaling sabihin ni Almario na magagaling sila. Nagmukhang “bastos” siya sa mga nauna habang may-kiling sa mga kapanahunan. Natatakpan nito ang pagnanasang maging patas.
Napansin kong madalas na gamitin ni Almario ang mga panghalip na “kami” at “namin,” para bang hindi lamang kanya ang mga sinulat niya. Masasabi siguro na kanya ang mga pagpuna ngunit sa kanyang pangkat ang mga panuntunan. Sa kanyang pagbanggit ng mga panghalip na mga ito, nagkakaroon ng ilusyon ng kalakasan at pagkakaisa, kung sino man ang mga kasama ni Almario. Mapakumbaba na may kaunting bahid ng takot ang nakikita mula sa paggamit nito. Sino nga ba naman “sila” sa panunuri? Sila, na marahil hindi perpekto ang pamamaraan, na nagpalago sa “tinatag-init na Panulaang Pilipino.”
Bibliograpiya
Reyes, Solidad S., Kritisismo: mga Teorya at Antolohiya para sa Epektibong Pagtuturo ng Panitika, (Pasig, Metro Manila, Philippines : Anvil Pub.) 1992, 340 p.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento