Para sa isang sequel, ibang iba ang "The Godfather Part 2" kumpara sa una. Ibang pacing, ibang focus, ibang pagdagasa. Kung ang una ay isang maaksiyon at komplikadong higante, ang ikalawa ay isang mas personal at mas mahinahon na pelikula.
Ipinagpapatuloy ng "Part 2" ang kuwento ni Micheal Corleone, na ginampanan muli ni Al Pacino, at kung paano niya pinag-isa ang buong underground na sindekato sa ilalim ng kanyang kapangyarihan. Kagaya ng sinabi ko kanina, mas mabagal ang pacing ng "Part 2" dahil na rin siguro sa mas maikling sjuzet kumpara sa una. Maraming mga pagbabalik-tanaw tungkol sa simulain ng pamilya Corleone, ang simulain ni Vito Corleone, na ginampanan ni Robert DeNiro. Maganda ang pagkakagamit ng mga pagbabalik-tanaw bilang paghahambing sa mga nangyayari sa panahon ni Vito sa panahon ni Micheal. Isang magandang paghahambing ng mapag-isa at mapanglamon na katangian ng kapangyarihan.
Mas mahigpit ang banghay ng pelikula, hindi ganoong nakakalito o di kaya'y sobrang puno ng detalye na makakalimutan ng mga makakalimutin ang kuwento. Ngunit kailangan pa ring maging mulat at sensitibo ang mga manonood sa mga binabatong detalye ng mga tauhan, mga detalye na magbibigay linaw sa kabuuang mitolohiya ng serye.
Magagaling din ang mga aktor ng pelikula sa kanilang mga bahagi. Bigatin naman talaga ang buong cast ng mga aktor kaya maaasahan na ito. Galing ni Robert DeNiro.
Magaling ang costume pelikula. Ramdam ang panahon at istatus ng mga tauhan. Matipuno at kagalang-galang ang mga di kagalang-galang na mga tauhan. Isang magaling na pagmamaskara para sa mapagpanggap na mundo ng pelikula.
Hindi man perpekto, mabagal kasi sa ilang mga bahagi, "The Godfather Part 2" ay isang sa pinakamagandang pelikula. Isa itong magandang halimbawa ng kapangyarihan ng pelikula bilang isang magandang medium sa pagkukuwento ng mga epiko.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento