Nanood ako kahapon ng "Rotonda," ang pagpapalabas ng mga maiikling dula ng mga magtatapos na mag-aaral ng Fine Arts. Mayroon silang pitong dulang ipinalabas sa loob ng dalawang gabi. Hinati ang pagpapalabas ng mga dula, tatlo noong Miyerkules at apat kahapon ng Huwebes. Hindi ko napanood ang unang tatlong dula pero pinanood ko ang huling apat.
Pare-pareho lang halos ang set design ng mga dula. Maiintindihan iyon dahil iisa lang naman ang tanghalan. Maliban sa nagbabago-bagong mga props para sa tig-isang dula, pare-pareho lang ang background, puti.
Dahil sa lugar, Colayco Pavillion, nahirapan marahil ang mga mag-aaral na makagawa ng isang tunay na magandang sistema ng ilaw. Nagiging madilim ang tanghalan kapag gumagamit sila ng kulay kumpara kung simpelng puti lamang ang gamitin. At dahil bukas at hindi isang saradong silid ang tanghalan, hindi nagiging lubusang madilim ang tanghalan. Mapapatawad ang mga problemang ito dahil nga sa mga limitasyon ng tanghalan, lampas na sa kayang gawin ng mga nagsipagtanghal.
Ang unang dula ay pinamagatang "Something Borrowed." Isang kuwento ng magkaiba ngunit malapit na magkaibigan nagiging magkaribal sa pag-ibig. Problema ko lang sa dula ay hindi nailahad agad kung tungkol saan nga ba tagala ang dula. May tensiyon ang dalawang pangunahing mga tauhan ngunit hindi ko agad nalaman kung saan nanggagaling iyon. Pero nahuhuli naman nito ang atensiyon ng mga manonood. Sa huli na lang maiintindihan ang dula.
Ang ikalawang dula ay "Dinuguan." Umiikot ang kuwento sa mag-asawang mayroong magkasalungat na mga kagustahan ngunit pinagbubuklod ng pagmamahal. Seryoso ang dula at nakakalungkot ang kuwento na mayroong mga maiinit na eksena. Nakakapagtaka lang at may mga nakakatuwang mga sinabi at diyalogo ang mga tauhan na taliwas sa seryosong tono. Marahil kailangan lang iyon dahil maging sobrang seryoso naman ang dula at consistent naman siya.
Ang sumunod na dula ay ang "Noche Buena." Mahirap ang banghay nito dahil madaming paggamit ng mga pagbabalik tanaw. Pumapalibot sa tatlong magkakapatid na babae na nagnanais makawala sa patriyarkal na pangingibabaw ng kanilang ama. Kakaiba ang dula dahil walang direktang labanan sa pagitan ng mga tauhan maliban sa pamamaraan nila ng pagrerebelde. Pawang ang ama nila, na sa dula ay naging paralitiko, ang pawang nagbibigay direksiyon ng kanilang mga gawa. Maganda siyang dula ngunit nakakalito dahil sa di tuwirang banghay. Dito nga pala acting debut ni Yumi. (Support!)
Ang huling dula noong gabing iyon ay "The Golden Fish." Isang itong pantastiko at mala-fabulang dula ng dalawang gintong isda o goldfish. Nakakatawa at payak, mayroon siyang mga pilosopikal na mensahe. Isang maganda at simbolikong pagtingin sa buhay at pakikisama.
Sa kabuuan, maganda ang pagtatanghal ng mga dula. Sana magawa namin ng mas maganda ang susunod na FA Festival.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento