Sabado, Marso 05, 2011

Rebyu: Senior Year

Senior Year
Direksiyon at Panulat ni Jerrold Tarrog

Kailangan ng isang munting pasintabi: napanood ko ito nang libre noong ika-2 ng Marso sa SM Megamall, matapos magyaya si Camille, co-fellow ko noong 6th ANWW, na manood kami kasi nakakuha siya ng libreng mga ticket. At hiling din lang daw para sa kapalit na libreng ticket ay i-blog ang pelikula. Bahagi na rin ito marahil ng promotion ng pelikula sa napipinto nitong pagpapalabas simula sa ika-9 ng Marso.

Isa itong pelikula tungkol sa huling taon ng isang batch ng St. Fredrick's Academy. At bilang isang pelikula tungkol sa high school, nariyan na ang ilang mga inaasahang tema: INTRAMS, college entrance tests, pagkakaibigan, pag-iibigan, isyung pangkasarian, problema sa pamilya, "ano na pagkatapos ng high school?". Maraming mga tauhan, sampung estudyanteng tauhan kasama na ang ilang mga guro, kaya't pagminsa'y parang ang bilis ng daloy ng mga pangyayari dahil kailangang bigyang-tuon ang bawat grupo ng mga magkakaibigan. Hindi rin maiwasan pag minsan na sumalalay ang pelikula sa ilang mga stock o isteryotipong tauhan. Ngunit lampas sa mga ito, hindi ko maikakaila ang dating at appeal ng pelikula. Mainam ang balanse nito ng pagpapatawa at pagbibigay ng drama sa buhay ng tauhan at sigurado akong matutuwa ang mga manonood sa pelikula dahil, bagaman may mga cliche at isteryotipo, sasabihin nilang, "Oo, ganoon nga ang high school."

May dalawang malinaw na target audience para sa pelikula: ang mga kasalukuyang mag-aaral sa high school at ang mga nagtapos na't isang alaala na lamang ang high school. Maraming eksena sa pelikula ang umikot sa matatandang bersiyon ng mga tauhang nasa high school. Muli silang nagkita-kita dahil sa kanilang reunion. Dito ako marahil tunay na nasasayangan sa pelikula dahil hindi lubos na nagamit ang pagmumuni ng mga tauhang tumanda upang suriin ang nakaraan. Hindi sila naging lubos na foil para sa kanilang mas batang sarili. Pagminsan nga'y nagiging dating sa akin ng mga eksenang ito'y mga transitional device lang ang mga ito para magkaroon ng "flashback" o di kaya'y para ipaalam sa manonood kung ano na nga ba ang nangyari sa kanila tulad ng isang "flashforward". O baka naman sobra-sobra nang hilingin ang napakaradikal na pamamaraan ng pagsasalaysay sa isang pelikula na gusto lang naman talagang ilahad ang isang sandali sa buhay ng isang grupo ng mga tauhan. Na ang pamagat naman talaga ng pelikula ay "Senoir Year" at hindi "Reunion".

Sa lahat-lahat, isa itong pelikulang magugustuhan ng maraming mag-aaral ngunit marahil ay ikababagot ng ilang ng nagtapos na dahil hindi sila mag-ugnay sa isang pelikulang hindi naman talaga ginawa para sa kanila.

Walang komento: