Biyernes, Setyembre 12, 2008

Excerpt 2

Hindi naman talaga ito excerpt dahil hindi ko naman talaga natapos ito. At hindi ko naman talaga alam kung matatapos ito. At hindi ko rin alam kung kuwento pa nga ba ito o isang sanaysay. Siguro nagpapaka-pretentious lang ako. O baka kailangan ko itong gawing metafiction. Balak ko sanang pamagat dito ay "Kasaysayan, Heograpiya at Talambuhay". (Ito nga pala ang 500th post ko sa Blogger)

***

Nalikha ang lawa sa panahon ng matinding pag-aalma sa mundo. Sa panahong ito, nalikha rin ang libo-libong mga bulkan, marahil kasama ang Banahaw at ang Makiling at maging ang buong kapuluan ng Pilipinas. At dito sa amin ay nalikha ang isang bulkang namatay at nakalikha ng butas, mga banging napakatarik, na kinalauna’y naging lawa.

Ngunit kung magliliwaliw kami sa mga bambang nito’y hindi ito ang aming magugunita bilang pinanggalingan ng lawa. Maaalala namin ang alamat kung saan may isang matandang dumating sa isang tahanang pagmamay-ari ng isang mag-asawa at ang lupaing pumapalibot sa tahanang ito’y punong-puno ng mga puno ng sampalok at dahil may sipon ay kinatok ng matanda ang bahay ng mag-asawa at humingi ng bunga ng sampalok para maibsan ang kanyang sakit ngunit tumanggi ang mag-asawa at sa pagtangging ito’y nagalit ang matanda at nagpakilala bilang diwata at pinarusahan niya ang mag-asawa sa kanilang karamutan sa pagbaha sa kanilang lupain at lumindol at bumuhos ang langit at nalunod ang buong lupain ng mag-asawa.

Noong bata ako, palaging inuulit ang alamat na ito sa paaralan. At napaisip ako, kung totoo nangyari nga itong alamat na ito ay may mga puno ng sampalok sa pusod ng lawa. Kaya’t kapag tititigan ko ang tubig ng lawa, ang nakalubog na gubat ng sampalok ang aasahan kong makita at hindi ang lalamunan ng isang patay na bulkan. At ganito rin marahil ang iba sa mga kababayan ko.

Marahil nakakatwang isiping naniniwala kami sa isang alamat na nagsasabing tao, na katulad namin, ang dahilan ng pagkalikha ng lawa. Hindi ito isang pagyayabang kundi isang pag-asam, na bahagi kami ng tadhana ng lawa at ang lawa ang aming tadhana.
Gayundin, wala rin naman talagang nakasaksi sa mga sandaling iyon ng pagsilang ng aming lawa. Alin nga ba ang higit na paniniwalaan, ang haka-haka ng mga siyentipiko o ang haka-haka ng mga ninuno? Sapat na, sa ngayon, ang malamang may simula, na may pinagmulan ang lahat. Kung ano man iyon..

+++

Ito ang suliranin ng isang kasaysayang higit na matanda pa sa mga nakakaalala: ang nalilikhang mga guwang. Naroon na ang lawa bago pa dumating ang mga ninuno at mananatili ito sa aming paglipas. Napakalaking guwang ang malilikha mula sa pagkasilang nito hanggang sa pagdating ng mga unang tao sa mga bambang nito.

Walang tala ng digmaan sa mga unang panahon ng aming lawa at bayan. Maaaring masabing nang dumating ang unang mga ninuno, naakit na sila sa lawa kagaya ng pagkakaakit ng ibang mga tao sa tabing-ilog at dalampasigan. Bagmaan kapanatagan ang kanilang natagpuan sa lawa di tulad ng mabangis na pagragasa ng tubig-ilog.

At marami na ring tao ang dumagdag pa, at naakit, mula sa mga unang dumating. Mga Espanyol na naghanap ng kadakilaan, mga Tsinong naghanap ng panibagong buhay, mga ibang Filipinong naghanap ng ibang matatahanan. At pala-palaging naging maluwag ang mga bambang ng aming lawa para kanino man.

Kagaya nang unang dumating ang mga Espanyol sa aming bayang nakahimlay sa bambang ng lawa. Malugod silang tinanggap ng mga ninuno. Isang kataka-takang pangyayari para sa mga Espanyol ang pagtanggap sa kanila nang ganoong kalugod dahil saan man sila nagpunta’y, kung hindi pagdududa, karahasan ang sumasalubong sa kanila. Subalit nauunawaan ng mga ninuno ang pagkapagal ng paglalakbay at hirap ng masusukal na gubat at nauunawaan nila ang galak na naranasan nang madatnan ang lawa.

Kaya’t hanggang ngayo’y maraming nadayo sa aming lungsod na nakahimlay sa bambang ng lawa. Maging ang aking mga lolo’t lola sa panig ng aking ina’y galing sa isang karatig na bayan. Ang aking ama naman ay tubo sa ibang lalawigan. Marahil lumipat sila sa aming bayan upang magsimulang muli. Iyon naman ang palaging pangako ng tubig. Ang tanong: mananatili ba ito sa darating na mga siglo?

+++

Kasali ako noon sa isang photojournalism contest at ginala ko ang bayan para maghanap ng mga makukuhang larawan. Wala akong nakuhang mainam na larawan. Walang larawan sa riles, sa mga barongbarong doon. Walang larawan sa gasolinahan, sa mga kotseng dumadaan doon para magpagasolina at sa mga attendant na naglalagay ng gasolina sa mga tangke. Walang larawan sa mga tindahan at mga restawran, sa mga taong labas-masok para magpalipas ng gutom sa mga tapsilogan, mamian, lugawan atbp. sa mga taong naghahanap ng mabibili para matuwa kahit sandali lang. Walang larawan sa mga sanglaan at bangko, sa mga taong nais mangutang at magkapera, para sa mga pangarap, o sa kinabukasan, o para sa mga problema sa ngayon. Marahil kumuha ako ng larawan sa tabing-lawa. Marahil kumuha ako ng larawan sa palengke, sa mga taong nagsisiksikan at mga panindang nagpapalitan ng kamay. Dalawang lamang na larawan ang naaalala kong kinuha noon. Isa ay larawan ng isang asong nakatihaya sa tapat ng istasyon ng bumbero. Yung isa naman ay larawan ng isang tandang, marahil ipangsasabong, na inaalagaan sa bangketa ng tindero ng isaw. Dapat sana’y naghanap pa ako ng mas maraming larawan.

+++

Umaawit ako noon para sa anticipated mass tuwing Sabado nang maging miyembro ako ng koro ng paaralan. Tuwing alas singko ng hapon ang misa. Ang paburitong kong bahagi ng misa ay ang simula dahil sa simula inaawit ang “Papuri”. Ang “Papuri” ang pinakagusto kong awitin sa misa. Hindi ko alam kung bakit. Marahil dahil kailangan kong ibigay ang aking buong sarili para sa awiting ito. Kailangang maging handa sa bawat pagbabago ng ritmo at ng himig. Dalawang beses inaawit ang buong “Papuri”. Sa una’y aawitin ito nang buong galak, sa mabilis na ritmo, na tila ba nagpupugay. Sa pangalawa’y magiging mabagal na naman ito, na tila ba mas seryoso ka na sa pagkakataong ito, na para bang biro ang naunang bahagi. Pagminsa’y nakakalimutan kong bahagi ako ng isang koro’t nakikisabay lamang ako sa pangkalahatang pagpuri sa Panginoon. Tuwing magsisimba ako, palagi akong natutuksong umawit.

+++

At nasasangkot paminsan-minsan ang aming bayan at lawa nang hindi inaasahan sa mga pangyayari bumabalot sa buong bansa. Dumating sa amin ang mga rebolusyon at digmaan bagaman hindi rin napapaaga. Ayon sa mga talambuhay ng mga sundalo noong panahon ng rebolusyon, maraming beses pinaglabanan ang aming bayan ng mga Espanyol at ng mga Rebolusyunaryo. Kapag nilalakad ko ang mga kalye sa bayan namin, hindi ko nakikita kung bakit napakahalaga ng bayan namin.

Walang komento: