Lunes, Pebrero 20, 2006

Panimula ko para sa aking Portfolio

Panimula

May pinanggagalingan ang lahat ng mga bagay. Ika nga ni Santo Tomas, “Now whatever is in motion is put into motion by another...” At ganoon ang isang teksto. Gumagalaw ito sa panahon at may sariling buhay pagkatapos mailatag sa papel. Ngunit hindi maikakailang nanggaling mula sa akin ang lahat ng mga nakasulat sa portfolio na ito. Bagaman, hindi kagaya ng Diyos, hindi naman babalik sa akin ang lahat ng sinulat ko. Kaya maraming pagbasang maaaring makuha mula sa mga likha ko. (Kagaya ng mga pagbasang inihain ng mga panelist noong nakaraang Ateneo-Heights Writer’s Workshop. Hindi pa rin ako makapaniwala sa mga interpretasyong malayong-malayo mula sa una kong intensiyon.)

Kaya bakit ko pa ba susulatin ang malikhaing proseso ko? Hindi rin naman ito sasanggunian o papansinin. Bukod sa pagiging requirement, yabang marahil ang magbubugso sa akin na mag-iwan ng tanda. “Akin ka, akin ka, akin ka. At ganito kung paano ka ginawa.” Ito marahil ang magiging layon. Pero kalimitan, ika nga ni Aristoteles, may mga mas matatataas na layon ang ating mga ginagawa, hindi lang tayo malay sa mga ito.

Mga Pinanggagalingan

Nahahati sa dalawa ang portfolio na ito, ang bahaging non-fiction at ang bahaging fiction. Personal na mga sanaysay ang kalakip sa bahaging non-fiction. Kaya hindi masalimuot ang pagsusulat sa mga ito. Isinulat ko lamang ang mga alaala at gunita ng aking buhay. Marahil mas makikilala ako kung babasahin ang mga sanaysay na mga ito kumpara sa mga kuwento ko. Isang lang na paglalahad ng aking personal na kasaysayan ang kabuuang layon ng mga sanaysay na ito.

Iba naman kabuuang proseso ng aking paglikha ng mga kuwento. Kumpara sa non-fiction, na nanggagaling sa bodega ng alaala, parang namimingwit sa malaking dagat, o pagminsin sa hangin, ang pagsusulat ng isang kuwento. Nag-iiwan ka ng pain ngunit, kadalasan, walang nahuhuling may halaga. May mahigit 70 simulain ng mga kuwento sa aking folder sa computer. Isang pangungusap o isang talata lamang ang karamihan sa mga simulain na ito. Ngunit may ibang mga simulain na isa o dalawang pahina ang haba na hindi ko na matuloy-tuloy dahil nawalan ako ng gana sa kanina. Bagaman magaganda ang mga ideya na nasa likod ng mga kuwento, kalimitan walang kuwentong nabubuhay pagkatapos ng isang pahina ng mga titik, salita, at talata.

Mahaba ang pinagdaanan ng mga kuwento sa portfolio na ito. Maraming oras ang ginugol ko sa pagsusulat at pagrerepaso at maaaring oras pa ang gugugulin ko sa mga kuwentong ito sa darating na panahon.

Ang Kuwento ng Bawat Kuwento

Kalakip sa portfolio na ito ang 13 sanaysay at 12 maikling kuwento. Kagaya ng sinabi ko, may iisang pinanggaling ang mga sanaysay at hindi masalimuot ang buong proseso ng pagsusulat ng mga sanaysay kung ikukumpara sa mga kuwento.May sariling kuwento ang bawat kuwento sa portfolio na ito. Kaya naisip kong mas mabuting bigyang pansin ang proseso ng bawat kuwento upang mas malinaw na mapansin ang pagkakapareho ng pagbuo ng bawat kuwento.

Ang Mahiwagang Baha ng Bundok Banahaw

Nasulat ko ang kuwentong “Ang Mahiwagang Baha ng Bundok Banahaw” noong Setyembre 2004 para sa klaseng Fil 119.2 (Malikhaing Pagsulat: Maikling Kuwento) kung saan naging guro ko si G. Alvin Yapan. Pauwi ako galing klase, katatapos lang ituro sa klase ni G. Yapan ang magic realism, at tinamaan ako ng inspirasyon. Sumagi sa isipan ko ang tsismis na sinabi ni Mom sa akin dati (hindi ko na maalala ang kung kailan) na sa dami raw ng mga itinatayong subdibisyon sa San Pablo, matatabunan ang mga bukal ng Bundok Banahaw at sasabog ito. At noong hapong iyon, napaisip ako, paano nga kaya kung mangyari ‘yon? Ngunit alam kong mahirap pagkatiwalaan ang inspirasyon. Napagdesisyonan kong umidlip muna bago ko sundin ang inspirasyon. Ngunit ayaw akong patulugin ng kuwento. Sinimulan ko agad ang pagsusulat at natapos ang kuwento sa loob ng siyam na araw. Naipasa ko ang unang draft para sa klase ilang araw bago ang deadline.

Ngunit maraming mga repaso ang pinagdaanan ng kuwentong mula sa unang draft hanggang sa publikasyon nito sa “Salamin.” May mga binago sa simula at katapusan. May mga bahagi akong tinanggal at dinagdag. Sa kabuuan, hindi ko alam kung ano nga ba talaga ang gusto kong sabihin sa kuwentong ito. Isang itong kuwento na masarap sulatin. Walang inhibisyon akong naramdaman. Hindi ko na inisip ang “realismo” at naglaro na lamang ako. Marahil mahalaga ang ganoong atitud para sa akin. Isang malaking paglalaro ang pagsusulat ng mga kuwento.

Pagdadalang-tao ng Isang Ama

Nasulat ko ang kuwentong ito noong Abril 2005 at naging isa sa tatlong kuwentong ipinasa para sa klaseng FA 106 (Writing Seminar: Fiction) noong tag-araw kung saan naging guro ko si G. Edgar Samar. Sinimulan ko ang pagsusulat ng kuwentong ito pagkatapos ng Ikalawang Semestre ng Taong Pampaaralang 2004-2005. Si Dad naman ang naging ispirasyon ko sa pagsusulat ng kuwentong ito. Naalala ko ang kuwento sa akin ni Dad tungkol pagbubuntis ni Mom sa akin. Kuwento niya, isang gabi, may narinig daw siyang tiktik sa labas ng bahay. Kumuha siya ng itak at lumabas ng bahay para harapin ang parating na aswang. Ang nakakayamot sa kuwentong ito ni Dad, hindi niya sinabi kung may nakita nga ba siyang aswang o kung ano man. Nangati ang imahinasyon ko. Kaya naging isang fill-in-the-blanks ang pagsusulat sa kuwentong ito. Pinaglaruan ko na lang ang ibinigay na alaala sa akin ni Dad. Kaya naging matagal ang pagsusulat ko ng kuwentong ito. Halos tatlong buwan. Mahirap marahil magsulat sa isang karanasang hindi ko nararanasan, kagaya ng pagiging ama.

Ang Panata sa Pagbuhat ng Patay na Kristo

Nasulat ko ang kuwentong ito noong Mayo 2005 bilang panghuling kuwentong pinasa ko para sa FA 106. Batay ang kuwentong ito mula sa aking mga karanasan sa mga Mahal na Araw na dinalo ko sa Bayan ng Binangonan, Rizal. Taga-Binangonan kasi si Dad bago niya napakasalan si Mom. Manipis talaga ang banghay ng kuwento. Ngunit mas gusto kong tingnan ang kuwento bilang isang kuwento ng mga pandama. Amoy ang palagi kong naaalala sa mga Prusisyon at Gewang-gewang ng Binangonan. Ito ang nagmistulang motif ko sa kabuuan ng kuwento. Nasulat ko siya sa loob lamang ng tatlong araw.

Ang Kakaibang mga Larawan ng Channel 98

Naisulat ko ang kuwentong ito noong Hunyo-Hulyo 2005 at ito ang isa sa dalawang kuwentong ipinasa ko para sa ika-11 Ateneo-Heights Writers’ Workshop na ginanap noong Hulyo 29-31, 2005. Masasabi kong mula ang kuwentong ito sa aking personal na pagkahumaling sa TV. Masalimuot ang aking pagsusulat ng kuwentong ito. Maraming mga planong hindi natuloy at mga tauhang pinutol, kagaya ng mga karakter na tinanggal at mga plot twist na hindi natuloy. Kaya siguro nabansagang “hilaw” ang kuwentong ito ng Panel noong Workshop. Ngunit kinuha ko ang kanilang mga payo pinag-igi ang kuwentong ito upang “huminog” naman, kahit kaunti.

Huli’t Unang Gawa ng Pag-ibig

Sinulat ko ang kuwentong ito sa pagitan ng pagsusulat ko ng mga kuwentong bahagi ng kalipunan para Practicum. Inspirasyon ko ang isang balita noong Disyembre tungkol sa isang taong iniwan ang isang singsing. Nakakakungkot ang kuwento at, sana, nahuli ko, kahit kaunti, ang kalungkutan na iyon.

Tuwa

Sinulat ko rin ang kuwentong ito sa pagitan ng pagsusulat ng kuwento para sa Practicum. Masasabi kong isa itong pagra-rant dahil wala naman talaga akong gustong gawin. Naglalabas lang ako ng “frustration” mula sa pagsusulat para sa Practicum. Kaya napaka-morbid. Medyo stressed.

Cleaning A House After Thousands of Frogs Explode

Naisulat ko ang kuwentong ito noong Setyembre 2005 para sa FA 111.3 (Writing Workshop: Fiction) kung saan naging guro ko si G. BJ Patiño. Isa itong halimbawa ng flash fiction. Batay ang kuwentong mula sa mga pangyayaring nabasa ko sa isang pond sa Germany kung saan hindi maipaliwanag na nagputukan ang mga palaka doon.

Mala-news article ang unang draft ko nito. Dahil nga siguro galing ito mula sa isang balita. Ngunit pinagpasyahan kong gawin itong tunay na kuwentong mas “dynamic.” Medyo static kasi ang isang news article kumpara sa isang karaniwang kuwento. Mahirap makita ang sikilohiya ng mga tauhan sa balita. Puros impormasyon lang siya, walang katauhan.

Paglalayag habang Naggagala ang Hilaga

Naisulat ko ang kuwentong ito noong Abril-Mayo 2005. Ito ang pangalawa sa tatlong kuwentong ipinasa ko, ulit, para sa FA 106. Ito rin ang isa sa dalawang kuwentong ipinasa ko para sa Ateneo-Heights Writers’ Workshop. Ito ring kuwentong ito ang isa sa limang kuwentong bahagi ng aking panapos na kalipunan bilang isang magtatapos sa Creative Writing. Noong Oktubre ng taong 2004, nakapanood ako ng isang dokumentaryo sa Discovery Channel patungkol sa paghina ng magnetic field ng mundo. Natuwa ako sa mundong ipinakita ng dokumentaryo.

Ngunit ramdam kong hindi pa ako handang isulat ang kuwento. Kaya noong nakaraang tag-araw ko lang naisulat ang kuwento. Maraming mga ideya mula sa ibang naudlot na mga proyekto ang nagsama-sama para sa kuwentong ito, ang ideya ng kawalan ng teknolohiya, ang karansang Diaspora ng Filipinas, at ang karanasan ng paglalakbay sa mundong walang kasiguraduhang hilaga.
Isa rin itong paglalaro sa forma ng maikling kuwento. Ginusto kong mahuli ng forma, isang naggagalang istilong kagaya ng sa isang pakikipag-usap, ang pakiramdam ng paggagala. Hindi lang sana tungkol sa paggagala ang kuwentong ito kundi paramdaman rin ng mga mambabasa ang karanasan ng paggagala, at ganun din, ang karanasan ng pagkatagpo.

Pagkatapos ng Paglalayag

Ito ang “sequel” ng “Paglalayag habang Naggagala ang Hilaga.” Nahihiya akong isama sito sa portfolio na ito. Hindi ko talaga gustong sulatin ito. Ngunit napilitan ako dahil hindi maganda ang naging bunga ng isa sa limang mga kuwentong pinlano ko para sa Praticum. Nagmumukha ang kuwentong ito na isa lamang mumurahing kopya. At ayaw ko na talagang galawin ang kuwentong nilalaman ng “Paglalayag...” dahil mas maganda itong palawakin bilang isang nobela. Ngunit, sa hinuha ko, hindi ko pa kayang magsaulat ng nobela dahil hindi pa buo ang aking disiplina.

Mga Bagay sa Loob ng Silid ng Nakaraan

Nasulat ko ang kuwentong ito noong Setyembre 2005 at bahagi ng kalipunan ko para sa aking pagtatapos. Iisa lang ang mundo ng kuwentong ito at ng kuwentong “Paglalayag habang Naggagala ang Hilaga.” Hindi mahalaga kung hindi pa nababasa ng mambabasa ang “Paglalayag…” dahil tinangka kong tumayo nang mag-isa ang kuwentong ito. Isa itong kuwento ng salimasim sa mga mga bagay na naririto pa rin. Kaya nahirapan akong isulat ang kuwentong ito. Nahapit ang aking kakayahang magkuwento. Dumaan sa rebisyon ang halos kalahiti ng unang draft. Nahirapan ako nang lubos sa kuwentong ito.

Exodo

Tatlong buwan rin ang ginugol ko sa kuwentong ito. Mula Octubre hanggang Disyembre. Matagal ang buong proseso dahil sa matinding mga damdamin ng kuwento na pilit kong inilahad nang hindi puno ng sentimentalidad. Medyo komplikado rin kasi ang pangunahing tauhan kaya nahirapan ako. Marami rin kasi akong nasasaging mga ideya, mula sa relihiyon at pilosopiya, na mahirap naman talagang pagsulatan ng isang kuwento. At hindi rin kai ako nakapaglaro. Nawala ang ganoong atitud. Dahil siguro “required” siya. Pero ginawa ko ang lahat ng makakaya ko at alam ko sa pagsusulat ng kuwentong ito.

Isang Sulat ng Pag-Asa

Ito ang huli kong kuwento para sa Practicum. Natapos noong Enero. Batay ito sa isa sa nabanggit na bagay sa “Paglalayag habang Naggagala ang Hilaga.” Aaminin kong piga na ako ng mga panahong ito kaya ganito lang kahaba ang kuwento. Mahirap ngang sabihing kuwento ito. Mas magandang sabihing isa na lamang itong ehersisyo.

Mga Mababatid sa Kasaysayan ng Aking Pagsusulat

Ang isang paulit-ulit na tema na sa aking mga kuwento ay ang karanasan ng pagkawala o pagkakaroon at kung paano makikiayon ang mga tauhan sa mga pagbabagong dulot ng pagkawala at pagkakaroon. Makikita ito sa lahat ng mga kuwento ko. Parang nagsisilbing catalyst ang karanasan ng pagkawala o pagkakaroon sa aking pagkauna sa kalikasan ng tao. Mahirap lubusang maunawaan ang isang tao kung nasa isang “pangkaraniwang” sitwasyon. Kailangan silang pagalawin ng pagkawala o pagkakaroon.

Isa pang mahalagang aspeto na nagkakapareho ang mga kuwento ay sa forma ng mga ito. Mahilig ako sa mga pag-uulit-ulit at kalimitang “fragmented” ang mga kuwento. Mahilig rin akong pagbigay ng pagtatambal sa loob ng mga kuwento ko, pagtatambal ng nakaraan sa kasalukuyan, ng mga katangian, ng mga tauhan, ng mga gawa.

Kadalasan din, nanggagaling sa mga balita o tsismis o sabi-sabi ang inspirasyon ng mga kuwento ko. Ngunit hinahanapan ko ang mga ito ng mga pamamaraan upang mapaglaruan ang mga pinagbabasihan kong mga kuwento. Kaya mahalaga sa akin ang paglalaro sa forma. Hinahanapan ko ng akmang forma ang mga kuwento ko at doon nagsisimula ang paglalaro.

Panapos

Sinabi dati ni Sir Yapan sa klase namin sa Fil 119.2 na “fifty-fifty” ang pagsusulat ng kuwento. Limampung pursyento ay intensiyonal, hindi naman sa isa pang limampu. Kaya mahirap sabihing buo ang ibinahagi ko sa sanaysay na ito. At sa kabuuan ng teksto, isa lamang na perspektiba ang ibinibigay ko mula sa milyon-milyon pang iba, kahit na sabihin kong akin ang mga likhang ito.

Walang komento: