Martes, Setyembre 13, 2005

Pagpapalamig sa Tuyot na mga Sandali

Gustong kong magsulat. Gusto kong humawak ng papel at bolpen at makitang sumasayaw ang aking mga kamay. Gusto kong ilakad ang aking mga daliri sa ibabaw ng keyboard ng komputer at marinig ang malambot na takatak ng teklado nito habang binubuo ko ang isang likha.

Ngunit walang dumarating. Kaya siguro narito ako, pumupindot-pindot, para marinig man lamang ang mga malalambot na mga takatak. Ngunit hindi ito isang nagbabantang obra maestra. Isa lamang itong pagpapahayag ng isang saloobin dahil wala ako talagang masabi.

Pagkatapos ng natapos kong kuwento noong nakaraang linggo, nahihirapan akong isulat ang susunod kong kuwento. Nariyan na sa aking ulo ang mga ideya, ilang mga tauhan, ngunit hindi siya mabuo-buo. Siguro kailangan ko pa ng mas matagal na pahinga. Masyado ko lang sigurong pinipilit ang aking sariling magsulat. Mahirap pilitin ang pagsusulat. Ganun din, mahirap namang hintaying dumating ang inspirasyon o ang Musa.

Ganyan lang talaga. Kailangang sumakay sa daloy ngunit kailangan ring sumagwan sa dapat puntahan.

1 komento:

LadyWhiteSpirit ayon kay ...

nakaka relate ako.ganyan din ako minsan :)

blog hop .