Nakakatuwa ang ang bago naming pagsasanay sa FA 109 kanina. Kinailangan naming lumabas at magmasid ng mga tao at kumuha ng mga type mula sa mga pinagmasdan namin. Ayos din. Medyo nasobrahan nga lang sa pagmamasid. Haha
Kanina, sa pilosopiya, ay nagkaroon ng diskurso tungkol sa PDA at pre-marital sex. Kakaiba kung pag-iisipan kasi hindi ito yung mga bagay na pag-uusapan sa pilosopiya. Pero may praktikal na aspekto ang usapan. Gustong malaman ni Ginoong Capili kung katanggap-tanggap nga ba ang dalawang ito sa amin. Karamihan ng mga sagot ng mga kaklase ko ay puro "Oo" o "Ok lang, basta hindi nakakasama o nakakasakit o nakakaapekto sa iba." Hindi ako sumasang-ayon dito kasi mahirap gumawa ng mga aksyon na hindi na kakaapekto sa iba. Masyadong makasarili na isipin natin na, "Eh hindi naman nakakaapekto sa iba ang ginagawa ko." Pero iyon na nga ang mali doon. Mahirap gumawa ng mga bagay na hindi nakakaapekto sa iba. Kahit na anong gawin natin ay may-epekto ito sa iba. Kahit nga wala tayong gawin ay nakakaapekto sa iba. Masyadong makasarili ang tayo ngayon. Huwag sana nating isipin na hindi mahalaga ang gagawin natin, gaano man ito kaliit, para sa iba. Sa ating mga karanasan, mahirap hindi makabangga o makihalubilo sa iba na hindi makakaabala o makakabuti sa iba o sa atin.
Sa punto ng pre-marital sex, ang opinyon ng iba ay "basta alam nila ang ginawa nila, ang mga consequence nito sa kanila. ayos lang ito." Ang paniniwala ko dito, oo nga, alam nila kung ano ang ginagawa nila pero handa ba sila sa mga maaaring mangyaring hindi sila handa sa kanilang gagawin. Madaling sabihin na, "Alam ko ang ginagawa ko" kaysa "Handa ako sa mangyayari." O masyado lang ba akong konserbatibo? Ewan.
Maganda ang pag-uusap na iyon kanina dahil, ayon sa gusto ipakita ni G. Capili, ang mga opinyon na iyon ay hindi lamang nanggagaling sa amin kung hindi ito ay namana at mayroong pinanggalingan sa ating kasaysayan. Na mayroong mga kaalaman at paniniwala na mananatili sa lipunan o mga bagay at tao na nagdala at binago ang daloy na kasaysayan at nasa amin, o ilan sa amin, ang maaaring makapagbago ng kasaysayan.
Mapagbiro ang ulan ng Pilipinas, kagaya ng sinasabi ko noon pa. Binibiro ka, tinutukso ka. Aambon ng kaunti. Tapos hindi. Tapos aambon. Tapos, ayan na, umuulan na. Parang hindi mapakali. Pabago-bago. Kaya siguro, pagminsan, ay sana na ang Pilipino sa pagbabago kung ano man ito. Mga nakakaaliw na banda o sayaw ay tinatanggap agad natin. At kung namalayan nating hindi pala ito ganoon kaayaaya ay isinasaisang natin. Parang ulan. Katanggap-tanggap lang na mabasa dahil "ganyan lang talaga."
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
2 komento:
Mag-post ng isang Komento