Pinanood ko kahapon sa VCD ang pelikulang Platoon ni Oliver Stone. Tungkol ang pelikula sa karanasan ni Chris Taylor, na ginampanan ni Charlie Sheen, sa digmaan sa Vietnam.
Sa totoo lang, ang pelikula ay hindi lamang pumapalibot kay Chris kundi pati na rin sa mga sarhento niyang sina Sgt. Elias, na ginampanan ni William Dafoe, at Sgt. Barnes, na ginampanan ni Tom Berenger. Maganda ang pagpapakita ng alitan o tambalan sa pagitan ng dalawang sarhento. Dahil sa kanilang kaibahan ay nahahati ang kumpanya na kinabibilangan ni Chris sa pagitan ng dalawa. Kaya imbes na awayin ang kalabang sundalo ng Hilagang Vietnam ay nag-aaway din ang mga taga-sunod ng dalawang sarhento.
Realistiko ang pelikula. Hindi lamang puro labanan at patayan ang pelikula. Ipinapakita din ang mga karanasan nila sa mga kampo kung wala sila sa gubat. Ipinapakita kung paano naglilibang ang mga sundalo sa kanilang libreng oras, uminom man ng alak o kaya ay humithit ng marijuana.
Maganda ang pag-arte nina Dafoe at Berenger. Mukha talagang palaging bangag si Dafoe at mukhang siga si Berenger. Maganda rin ang mga sumusuportang tauhan at aktor ng pelikula. Hindi agad napansin pero kasama pala si Jhonny Depp sa pelikulang ito. Pakiramdam ko naman ay parang hindi bagay si Charlie Sheen bilang sundalo, pero ganoon lang talaga ata ang kailangan para maipakita din na hindi bagay ang tauhang si Chris doon sa digmaan.
Magandang pelikula. Nararapat na makakamit ng Acadamy Award.
Kanina naman ay nagkunsulta ako kay Fr. Dacanay para sa aking mahabang pagsusulit, hindi kasi maganda ang naging resulta. Pinaalalahanan lang naman niya ako na hindi ko na mababago ang resulta at kailangan kong galingan sa susunod. Ok lang naman. Walang problema sa akin iyon.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento