Pagkatapos ng ilang araw, lumitaw din ang araw at buwan sa bayan. Salamat naman. Hindi ko lang alam kung anong mangyayari sa mga darating na linggo pero sana naman ay manatiling maganda ang panahon.
Kakaiba sa workshop kanina para sa Fil 119.2. Ako at si Gizmo, kaklase ko sa nabanggit na klase, ang palaging nagbibigay ng mga kumento sa mga kuwento ng iba. Parang walang hilig ang iba. Parang ako lang ang nagsasaya sa klase. (Ang sama ko talaga.)
Pinanood ko kanina ang dulang Ang Romansa ni Magno Rubio sa CCP. Mahaba ang biyahe, kaya umalis ako pagkatapos na pagkatapos ng klase para sa Fil 119.2. Pero nakarating ako ng maaga sa CCP kaya inikot ko muna ang labas ng CCP para makita ko kung ano nga ba ang hitsura nito. Maraming mga kurba ang gusali at tunay naman na kaakit-akit ito, kahit na medyo luma na nga siya.
Umiikot ang dulang Ang Romansa ni Magno Rubio sa buhay ng limang manggagawa sa isang plantasyon sa California noong 1920's - 1930's. Isa sa kanila ay si Magno Rubio, isang tapat na tao, na umiibig sa isang Clarabelle, kanyang pen pal, na mula sa Arkansas. Lahat ay ginagawa ni Magno para lamang mapaakit sa kanya si Clarabelle. Itong si Clarabelle naman ay akalang isang taga-Timog Amerika si Magno. Nag-iipon si Magno ng pera para makapagbigay ng mga magagarang regalo sa kanyang nililigawan. Ang mga kasama naman niya ay tumutulong o kaya ay humahadlang sa mga ginagawa ni Magno.
Maganda ang dula. Ipinapakita ang paghihirap ng mga naunang Pilipino sa Amerika upang makakuha ng magandang buhay. Ganoon din ang natural na katangian ng mga Pilipino na maging puno ng pag-asa at kaligayahan, isang katangian na makikita kay Magno at sa iba pa. Mayroon ding komentaryong kolonyal laban sa Amerika at kung paano naabuso ang mga manggagawa. Mga palaging madungis ang mga manggagawa at pagod mula sa trabaho.
Mahusay ang set design. Parang mga nakakulong ang mga aktor sa likod ng mga wires na nangunguna sa kanila. Hindi pantay ang background para maipakita ang squatter na pamumuhay ng mga tauhan.
Magaling ang pag-arte ng mga aktor. Ramdam mo ang mga tauhan mula sa kanila. Problema lang ay ang mabilis na pagsasalita ng mga aktor. Kung naayos kaagad iyon, sana mas naging katuwa-tuwa ang dula.
Maraming mga nakakatwang mga eksena sa dula. Mga green jokes at matalinong mga pasalita. Nakakatwa ang mga sagot ni Clarabelle kay Magno. At ang mga pagpapanggap ng mga tauhan na maging Amerikano parang katulad ng ibang mga Pilipino diyan na kalabaw ang Ingles. Pinagsasama ng dula ang mga nakakatwang katangian ng mga Pilipino at Amerika. Problema lang ay may mga panahon ng pagbagal dula o kaya ay kawalan ng paghahanda para sa susunod na eksena. Marahil, galing kasi ang dula mula sa maikling kuwento kaya hindi nito makuhang magkaroon ng banayad na pacing.
Epektibo naman ang ilaw at tunog. Ang mga kanta naman ng dula ay acapella at ang ilaw nagbibigay ng mga magagandang mga anino.
Nakakaengganyo ang dula. May puso. May diwa. May pag-asa. Iyon ang Romansa ni Magno Rubio.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento