Miyerkules, Disyembre 30, 2009

Mini-rebyu: Parang

Pinagmumunihan ng kalipunang "Parang" ni Mesandel Arguelles ang hangganan at kawalang-hanggan. Pinaglalaruan ng kalipunan ang salitang "parang" na maaaring tinutukoy ang isang malawak na lupain o kaya'y ang "parang" bilang pagtutulad sa isang bagay ngunit hindi tulad na tulad ng isang bagay, isang paghahambing na alangan. Sa unang pakahulugan ng "parang," umuulit ang imaheng ito sa kabuuan ng kalipunan, isang lupaing tila walang hanggan at tanging ang langit lamang ang sumasaklob. Sa mga sandaling ito sa kalipunan, maigting ang karanasan ng kaliitan ng sarili na humaharap sa kawalang-hanggan ng parang. Sa ikalawang pakahulugan naman ng salitang "parang," makikita't mararanasan ito sa paglalaro't pagsasaayos ng mg salita't taludtod ng mga tula. Walang mga kudlit at tuldok ang buong kalipunan kaya't tumatawid ang kahulugan mula sa pagitan ng mga salita, kataga't taludtod. Tila nababanaagan ang isang kahulugan o kataga ngunit hindi eksakto dahil sa pagpasok ng susunod na mga salita't taludtod. Palaging inilalagay sa isang kakaibang kalagayan ng mga tula ang mambabasa. Nang binabasa ko ito, tila naliligaw ako sa malabnaw na daloy ng mga kahulugan. Ngunit iyon naman talaga ang karanasan ng isang taong humaharap sa isang misteryo. At sa mga huling tula ng kalipunan, kinakaharap naman ang misteryo ng kamatayan.

Walang komento: