Miyerkules, Oktubre 28, 2009

Rebyu Edition: Sembreak (Ingat: May Spoilers)

1. Virgintarian at Iba Pang Kuwento

Tinitipon sa aklat na ito ang mga kuwento ni Mayette Bayuga. Sa introduksiyon ng aklat, ginugrupo ni Rosario Cruz Lucero sa tatlong hanay. Una, mga kuwentong inisasyon o coming-of-age. Pangalawa, mga kuwentong may maigting na paglalahad ng sexual politics lalo ng feminismo. Pangatlo, mga kuwento ng pagiging "iba" ng babae, wika nga ni Lucero. Interesante ang mga kuwentong nasa unang hanay dahil sa sensitibidad at pinong paghawak ni Bayuga ng kanyang materyal. Bagaman hindi na bago ang mga ganoong uri ng kuwento, sa kamay ni Bayuga, umaangat sa ibang antas ang mga kuwento. Halimbawa na lang ang "Unang Baytang." Bagaman walang banghay at tungkol lamang sa unang araw sa eskwela ni Sarah. Ngunit puno ng tensiyon ang kanyang unang araw dahil ipinamamalas ang kawalang-inosente ng mga bata. Na sa mga murang edad, puno na sila ng mga prehuwisyo. Nakakaasiwa naman ang mga kuwento sa pangalawang hanay at sa tingin ko, iyon naman talaga ang gustong gawin ni Bayuga. Napakatindi ng kuwento sa paglalarawan ng pagkaapi ng kababaihan sa mga relasyon sa mga lalaki. May tendensiyang maging istereotipikal ang paglalarawan ng mga lalaki sa hanay ng mga kuwentong ito ngunit nauunawaan ko naman iyon dahil nga dinadala sa sukdulan ng mga kuwento ang pang-aapi sa mga babae. Na ang mga lalaki'y mga representasyon ng patriarkiya at hindi lamang mga a**hole na nang-aapi ng kanilang mga asawa/kinakasama. Kaya nga kapag itinuturo ko ang "Ang Baliw," palagi kong sinasabi sa mga lalaki kong estudyante na hindi nila kailangang maging masyadong mailang o malungkot kasi ganoon lang talaga. Sa huling hanay ng mga kuwento lumalabas ang eksperimentasyong ambag ni Bayuga sa pagkukuwento. Karamihan sa mga kuwentong nasa hanay na ito'y patungkol sa natatangi ngunit marginal na kalagayan ng mga babae partikular ang babae bilang babaylan. Lahat ng mga kuwento sa kalipunan ay may dating at salimuot na maaaring pag-isipan.

2. Shame

Tungkol at di-tungkol sa Pakistan ang nobelang ito. Malinaw itong sinabi ng tagapagsalaysay sa loob ng nobela. Puno ng mga tauhang batay sa mga tunay na tao habang naghahalo sa mga kathang nilalang. Bagaman may pangunahing tauhan, si Omar Khayyam Shakil, na itinatanghal ang tagapagsalaysay, hindi naman talaga siya ang pangunahing paksa at pakay ng nobela. Sa pamagat pa lang, itinatanghal na ang pangunahing tema ng nobela: shame o hiya. Nagsisimula ang nobela sa kawalanghiya at nagtatapos sa panunubos ng kawalanghiyaang namamayani sa kabuuan ng nobela. At pangunahin nang pinagkakaabalahan ng mga tauhan ang hiya o kawalan ng hiyang kanilang nararamdaman. Para kay Omar Khayyam, ang kawalanghiyaang nararamdaman niya sa kanyang pinagmulan at sa kawalanghiyaang damdamin ng kanyang mga ina. Para kay Raza Hyder, ang nanggagaling ang hiya sa kanyang kakulangan bilang sundalo at bilang lalaki. Para kay Bilquis, asawa ni Raza, resulta ang kanyang hiya ng terorismong kanyang naranasan noong dalaga siya't iniligtas siya ni Raza. At ang lahat ng kawalanghiya at hiyang nararanasan nila'y ipinamamalas nang literal ni Sufiya Zinobia, anak nina Raza't Bilquis. At ito nga ang pangunahing nagpapatakbo hindi lamang sa buhay nila kundi sa buong bansang maaaring hindi Pakistan. At matatapos ang lahat sa literal na pagkasawi ng mga tauhan dahil sa kanilang hiya't kawalanghiya.

Walang komento: