Huwebes, Marso 15, 2007

Seremonyas, Inuman at Aklatan

1.

Pumunta ako kahapon sa LS Awards for the Arts 2007 na ginanap sa Escaler Hall. Kilala ko lahat ng mga Awardee sa Creative Writing. At natutuwa ako dahil karapat-dapat talaga sila.

Nagsimula nang mga alas singko ang seremonyas. Maraming Theater Arts awardee ngayong taon. Noong isang taon, maraming nanalong mga makata. Ngayon taon, si Twinkle lang ang makatang ginawaran. Dalawang kasama ni Twinkle dalawa pa naming kasamang kuwentista sa aming batch ng Ateneo-Heights Writers Workshop ang ginawaran ng award, sina Margie at Ino. Isang magandang araw para sa mga Mahahalay. Apat na sa amin ang LS Awardee. Nakatutuwa ring makitang parangalan sina Miyo at PH. Para na silang mga nakababatang kapatid sa Fine Arts. Marami sa Fine Arts Program ang pinarangalan, tanda na nagiging epektibo ang programa sa paghubog ng mga batang manunulat.

Sa pagitan ng pagbabasa ng mga citation, nagbasa ng mga akda nila sina Twinkle, Margie at Ino, habang nagtanghal ang mga Theater Arts ng mga dulang sinulat nina Miyo at PH. Ewan ko ba, parang masyadong "dramatic" yung isang tulang binasa ni Twinkle. Dapat ay nakakatawa ang tulang iyon, yung nanalo ng Timpalak Tula, ba't ang seryoso ng mood? Maliban doon, maganda ang pagbabasa nilang lahat.

Pero ang mga pagtatanghal ng mga Theater Arts ang naging patok sa seremonyas. Laugh trip talaga ang mga dula nina Miyo at PH. Halakhakan ang buong Escaler Hall.

Binigyan din si Dr. Leo Garcia ng Lifetime Achievement Award bilang tagapagtatag ng LS Awards, na dating Dean's Awards for the Arts noong iisang paaralan pa lamang ang Ateneo, at sa kanyang pagtatapos ng termino bilang dekano ng School of Humanities.

Isang mahalagang highlight: nang inunahan ni Ino si Fr. Ben Nebres sa kanyang trophy. Pagkatapos noon, hindi na naging palampa-lampa si Fr. Ben.

2.

Pagkatapos ng seremonyas, mayroong libreng pakain sa CTC. At pagkatapos noon, inuman. Usap-usap lang. At inom-inom. Magkakasama kami nina Em. Vittoreo, Kael, Yol, Javie, Den, Margie, Ino at Larry. Hindi nakasama si Twinkle dahil sinamahan niya ang kanyang pamilya. Miss na miss pa naman siya ni Em.

Hindi ko na dedetalyehin ang mga pinag-usapan namin. Mahalaga lang sigurong sabihin na may sablay na ginawa si Em kagabi. (Kamusta na, Em?)

Pero napunta ang pag-uusap namin sa mga citation ng LS Awards at inalala ko ang citation na binigay ni Sir Vim para sa akin. Kagaya nga ng sinabi ko kagabi, habang pinakinggan ko ang aking citation sa seremonyas noong isang taon, hindi ko iyon maintindihan. Noon lang nakuha ko ang isang written copy ng citation nang maintindihan ko ang sinabi ni Sir Vim tungkol sa aking panulat. Sa akig pagkakaunawa sa citation, na bagaman ipinapakita ko ang kaguluhan ng mundo sa aking mga kuwento, binibigyang halaga ko pa rin ang pamilya at ang tahanan. At kung iisipin ko nga, ganoon nga talaga ang pinahahalagahan ko. Happy ending sa akin ang makauwi ang mga tauhan ko sa kuwento. Trahedya kung hindi sila makauwi o wala silang mauwian. At kung aalalahanin ko ang lahat ng mga kuwento, ganito nga siguro ang pagtingin ko sa mundo. Hindi ka masaya kapag wala kang tahanan. Maligalig ka, hindi makatahan, kung wala kang mauuwian. Kahit nga ang mga bago kong sulat na kuwento'y nasunod sa ganitong pananaw. Sabi ni Em, nakaugat siguro ito sa aking pagiging probinsiyanong nasa lungsod. Na mayroon akong ideya ng mauuwian dahil sa karanasang ito. Pinansin pa nga niya ang sanaysay na sinulat ko para sa Seniors' Folio na namin, na binigyang pansin ko doon ang "pag-ampon." Siguro, bagaman may mga postmoderno akong mga hangarin sa mga sinusulat ko, tradisyunal pa rin ang tingin ko sa mundo. Na sa likod ng kaguluhan, ligalig at katarantaduhang nangyayari, mayroon pa rin tayong mauuwian. At isang tunay na nakatatakot na mundo ang ating haharapin kung wala.

Alas dos na kami natapos. Habang hinahatid ako, kinulit ako nina Em. Hindi daw kasi ako nagdadrama tungkol sa pag-ibig. At nangako silang lalasingin ako para magsiwalat ng aking damdamin. Sa birthday ko daw. At Umoo ako. Tanga. Palagi ko pa na namang tinutupad ang mga pangako ko. :D

3.

Kanina, puno ang Kagawaran ng mga mag-aaral na angpapakunsulta sa kanilang mga panapos na papel. Kaya medyo maingay ang kagawaran. Kaya nagpalipas na lamang ako ng oras sa lib. Nagphotocopy ng mga kuwento. Ganoon pagminsan ang pahid ko. Para akong nagha-hunting. Tinitingnan ko ang bawat koleksiyon at antolohiya ng mga kuwento at kinopya ang mga kuwentong mukhang interesante. Ang nerdy, di ba?

Walang komento: