Ang dami kong ginawa kahapon. Tinapos ko ang aking huling papel para sa Hi165. Nakakatuwa. Ang dami kong natutunan mula sa pagbabasa ng mga sulat at liham nina Rizal at Blumentritt. Ang tinding manglait ni Rizal. Napagdiskitahan niya at ni Blumentritt yung isang Barrantes at kung anu-anong insulto ang pinagsasabi. Tapos naging obsessed si Rizal sa pag-aaral niya ng mga wika ng Pilipinas kagaya ng Tagalog at Bisaya. Inambisyon pa nga niya na maayos ang mga pagkakaiba ng mga wika para makagawa ng iisang Pilipinong wika. Gusto niyang paghalu-haluin ang mga wika. Hindi lamang yung ginawa noong panahon ng Amerikano na pinili lang nila ang Tagalog bilang basehan ng wikang Pilipino. Ginusto ni Rizal ng isang malawakang paghahalo at pagpapalitan. Ang galing talaga ni Rizal. Pinasa ko din yung dalawa kong maikling kuwento para sa Fil 119.2.
10:37 ng kagabi ay lumindol. Nakakatuwa. Naglilipat ng ako ng channel sa TV at napadpad ako sa Discovery Channel. Tungkol sa lindol ang palabas. Pinapaliwanag ng tagapagsalaysay kung paano at bakit gumuho ang mga gusali sa Turkey noong lumindol doon nang biglang maramdaman ko na gumagalaw ang paligid. Una, kaunti lang na paggalaw tapos ay lumakas. Kumalampag ang mga gamit panluto. Gumalaw ang tubig sa loob ng water dispenser. Umuga ang pinto. Astig. Nanonood sina Mama, Daddy, at Ninang Lily sa konserto nina Rico J. Puno at Basil Valdez sa Araneta. Nakanta si Rico noong lumindol. Tinanong niya ang mga manonood kung bakit sila nakatingin sa itaas. Sabi ng mga tao, "Lumindol." "A. Akala koo ay nasa motel ako," sabi naman ni Rico.
Pagkatapos manood ng konserto ay sinundo nila ako sa condo at umuwi ako sa San Pablo. Kararating lang ni Dad mula sa Amerika. Tinulungang maglipat ng bahay sina Kuya Romy at Ate Rowena. May pasalubong ako! Yehey!
Nakakain din ako ng isang tunay na agahan. Tapsilog ang kinain ko. Matagal-tagal na ding hindi nakakakain ng agahan. Nasa honor roll ang mga kapatid kong naiwan dito sa San Pablo. Nakakatuwa. Hindi ako honor noong nasa mababa at mataas na paaralan ako. Kaya ko pero tinatamad. Pinapakita lang na mas masipag ang mga kapatid ko kaysa sa akin. Isa lang ang hindi nagbabago dito sa bahay na ito. Ang gulo pa rin ng tulugan ng mga kapatid ko.
May nanliligaw kay Tetel. Madami daw sabi ni Mama. Isa daw ay yung kapatid ni Bianca, dati kong kaklase sa mataas na paaralan, si Dustin. Totoo nga ang sinabi ni Arthur kay Carla na sinabi sa akin ni Carla. Nakakainggit. Bakit walang nanliligaw sa akin. (Ang bading ng dating na noon ah. hahaha.) Joke lang. Ewan ko kung on sila. Ok lang sa akin. Basta hindi nag-iisip at gagawa ng kung anong masama ang dalawa. Aral muna.
Dumaan nga daw yung klase nina Tetel sa Ateneo. Nagpapabili naman sa akin ng jacket mula sa tindahan. Aba, mukhang nagustuhan ang Ateneo at mas maka-Ateneo pa sila kaysa sa akin. Wala lang.
Sige. Pahinga lang ako bago mag-aral para sa susunod na Patapusang Linggo.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
3 komento:
sino si tetel? hehe.
Kapatid ko. Pangatlo sa aming apat.
ahhh... naka naman. hehe.. so, ano masasabi mo at ang kapatid mong babae ay nagdadalaga na? hehe
Mag-post ng isang Komento