Linggo, Abril 08, 2007

Pasko

Kaunti lamang ang nagsimba kagabi. Nakakapanibago. Kalimitan, puno ang simbahan ng seminaryo ng mga taong nasalubong sa muling pagkabuhay. Tuwing nadating kami, puno na ang simbahan ng mga tao. Ngunit kagabi ay kalahati lang ng simbahan ang napuno. Kaya sa homily ng pari, pinaalalahanan niya ang mga tao kung ano nga ba ang ibig sabihin ng pagdating ng Paskong ito. Kung ano ang ibig sabihin ng dilim at liwanag (ng isipian at pananampalataya), ng mga kandila (pakikibahagi ng mga tao sa liwanag ng Diyos), ng tubig at pagbabasbas (kaligtasan at binyag). Biro ng pari na marami raw siguro ang nag-beach.

Marahil ang tunay na nakapagtataka kagabi ay ang pagnanakaw at panloloob sa mga kotseng nakaparada sa seminaryo. Isa sa mga kaibigan ni Mae ang nanakawan ang kotse. Sabi niya'y tatlo raw lahat-lahat ang ninakawan. Ganoon lang talaga siguro ang buhay ngayon, walang pinipiling panahon at lugar para sa mga pangangailangan.

Isa rin nga palang helicopter ang nahulog malapit sa Mabini Ave., nahulog sa gitna ng mga tirahan. Hindi ko alam kung may nasaktan o namatay. Nang madaanan namin ang lugar na pinaghulugan ng helicopter, marami pang taong nakikiusyoso. Mukhang nadali ng paghulog ng mga kable ng elektrisidad kaya halos lahat ng hilera ng mga bahay ay walang kuryente.

Bahagi rin ng ritwal ng mga Filipino sa Pasko ng Pagkabuhay ang Salubong. Bawat bayan ay may iba't ibang ginagawa sa salubong. Sa Binangonan, mayroong pang sayaw na tinatawag na waswas. Ang mga nagsasayaw ng waswas ang nagpapahayag ng muling pagkabuhay sa mga mamamayan. Si Dad at lahat ng tiyo't tiya ko ay nagwaswas noong kabataan nila. Sabi ni Dad, inimbitahan daw akong gawin ang pagwawaswas. Syempre tumanggi ako. Hindi naman ako lumaki sa Binangonan. Ayokong gawin ang isang tradisyong hindi ko tradisyon. Sa totoo lang hindi pa ako nakapapanood ng salubong ng Binangonan. Paano ko gagawin ang isang napakahalagang bagay na hindi ko pa man nasasaksihan? Alam ko lang ito mula sa mga kuwento. At napag-usapan pa nga ito noong klase sa klase namin ni Sir Jerry noong unang semestre. At ayoko lang namang magmukhang tanga.

Walang komento: