Bihira akong mahumaling nang lubusan sa isang akda. Isa dito ang "Snow Country," "One Hundred Years of Solitude" at "Midnight's children". Ngayon ay maisasama ko na ang "As I Lay Dying" ni William Faulkner sa mga nobelang hinahangaan ko.
Tungkol ang nobela sa pagkamatay ni Addie Bundren at ang pagpapalibing ng kanyang pamilya sa kanya. Hiniling ni Addie na ilibing siya sa bayan ng Jefferson, malayo sa tinitirhan niyang bahay kasama ang kanyang pamilya. Sa pagnanasa't kahilingang ito umiikot ang mga pahirap na dumaan sa pamilyang Bundren.
Walang iisang tagapagsalaysay ang nobela. Ginagamit ni Faulkner ang mga kamalayan ng labing-limang tauhan sa loob ng limapu't siyam na kabanata. Lahat ay pawang mga internal monologue. Nilalahad ang mga pangyayari sa iba't ibang mga pananaw. Subalit di kagaya ng ginawa ni Akutagawa sa kanyang "In the Grove" na lituhin ang mambabasa sa mga balintuna't kontradiksiyong nalikha dahil iba't ibang bersiyon ng iisang pangyayari, ginagamit ang iba't ibang pananaw ng mga tauhan upang lumikha ng isang malawak na larawan at karanasan ng mga pangyayari. Nasisilip ng mga mambabasa ang iba't ibang pamamaraan ng mga anak, kapamilya at kakilala ni Addie na tanggapin ang kanyang pagkamatay. Binibigyan din ng mga pagpapalit ng pananaw na ito ng pagkakataong makita at mapansin ang mga bagay na maaaring hindi naging malinaw kung iisa lamang na tauhan ang naging tagapagsalaysay.
Bagaman madaming mga tagapagsalaysay, tuluyan ang daloy ng naratibo ng nobela. Hindi nakalilito kung kailan nangyayari ang isinasalaysay dahil malinaw na sinundan o halos sabay lamang ng naunang kabanata. Sinalaysay ang buong nobela sa present tense, na parang nasa loob ang mambasa sa kamalayan ng tauhan sa gitna ng mga pangyayari. Kaya't nagiging matalik ang isang mambabasa sa mga tauhan. Kina Darl, Jewel, Cash, Dewey Dell, Vardaman, na mga ni Addie, at Anse Bundren, ang asawa ni Addie. Kahit na makikita ang kamalian at kasamaan nila, mahirap husgahan ang kanilang mga ginawa at iniisip dahil mauunawaan mo sila.
Ang nagiging mahirap lamang ay ang pagbabago ng wika partikular sa bawat tauhan. Iba't iba ang diksyon ng bawat tauhan. Kailangan lamang sanayin ang sarili na sa bawat kabanata'y may ibang kamalayang kailangang pasukin. Lumimikha ang pagbabagong ito ng wika ng versimilitude kung paano nga ba mag-isip o magsalita ang isang indibidwal.
Bagaman napakapangkaraniwan ng pagkamatay. (Lahat naman tayo'y namatayan na ng kapamilya't kakilala, di ba?) Inilalarawan ng nobela ang mga personal na hinanakit ng bawat tao sa karanasang ito. Mula sa partikularidad na ito ng karanasan ng mga tauhan ng nobela, natutuhog ng nobela ang pangkalahatang karanasan.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento