Kakaibang nobela itong "Antyng-antyng" ni Uro Q. dela Cruz. Walang mga pangunahing tauhan ang nobela. Ang pinakamalapit na sa pangunahin ay ang magkababatang doktor at albularyo at dahil sila ang pinakamatatandang mga miyembro ng bayan ng Corazon de Jesus. Dalawa lamang sila sa mga dose-dosenang mga tauhang binigyang pansin ng nobela. Masasabing ang tunay na pangunahing tauhan ay ang tagpuan, ang bayan ng Corazon de Jesus.
Kalakhan ng nobela'y nangyari sa mga araw sa pagdating ng kwadrisentenyal ng bayan ng Corazon de Jesus. Binabagtas ng nobela ang kasaysayan ng bayan mula sa mga karansan ng iba't ibang tauhan sa iba't ibang panahon. Mula sa mumunti nilang mga kuwento at buhay ay hinahabi ang kasaysayan. Masasabing binubuo ang kasaysayan ng bayan hindi gamit ang mga pangunahing mga tao kundi sa mga karanasan ng mga pangkaraniwang mamamayan. Walang mga bayani sa nobelang ito. Lahat ng tauha'y hindi dakila sa pagkakaunawa natin sa salitang "dakila" lalong-lalo na kung gagamitin ang sa kasaysayan.
Maraming mga teknik ang ginamit ni dela Cruz sa kalakhan ng nobela: sulat, sipi sa talambuhay, mga alamat at interior monologue. Kahanga-hanga ang paggamit ng interior monologue upang itanghal ang mga saloobin ng mga tauhan lalo na ang mumunting tauhan. Patalon-talon ang tagapagsalaysay sa iba't ibang mga kamalayan upang habiin ang iba't ibang mga pananaw at karanasan ng mga tao sa mga pangyayari sa bayan ng Corazon de Jesus.
Nagustuhan ko ang nobela. Karapat-dapat na gawaran ng karangalang banggit sa Palanca kung di man manalo na nang tuwiran. Marahil hindi ito ginawaran ng unang gantimpala dahil lubhang napakaeksperimental ng nobela at hindi tradisyunal di kagaya ng ibang mga nobela nauna dito. Isa itong mahalagang nobelang dinadala ang nobelang Filipino sa bagong mga direksiyon.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento