Lunes, Disyembre 13, 2004

Isang Pag-unawa sa “The Tagalog Theater” ni Epifanio de los Santos

Pinagpuyatan ko ito sobra. Kritiko para sa Fil104. Natatakot lang ako na baka masyadong marami ang pinagsasabi ko na walang kabuluhan.

Panimula

Nilimbag ang sanaysay ni Epifanio de los Santos “El Teatro Tagalog” noong 1911 sa wikang Kastila bilang bahagi ng “Cultura Filipina” at nilimbag muli sa “Dictionary of Philippine Biography.” Kilala si Epifanio de los Santos bilang isang manunulat at mananaliksik ng panitikan at kasaysayan. Sa init ng himagsikan ay naging editor siya ng pahayagang “La Independecia,” isang maka-rebolusyonaryong pahayagan.

Binigyan ng panimula ni Prof. E. Arsenio Manuel ang sanaysay. Pinaalalahanan niya ang mambabasa sa ilang mga bagay tungkol sa sanaysay. 1) Halos wala sa mga mag-aaral ng panitikan ang nakakaalam sa sanaysay na ito dahil sa wika kung saan ito unang naisulat at sa kalumaan nito; 2) Hindi siya monograpik o detalyado na sanaysay; 3) Walang depinisyon ang sanaysay kung ano ang dula o teatro para kay Epifanio de los Santos. Makikita ang mas malalim na pag-uuri at pagtalakay niya sa paksang ito sa “Notas” niya sa edisyon ni W. E. Retana ng “Sucesos de las Islas Filipinas” ni Antonio de Morga.; at 4) Maraming mga nabanggit na halimbawa at teksto si de los Santos na mahirap nang makita o hindi na matatagpuan ngayon.

Pagbubuod

Nahahati sa anim na bahagi ang sanaysay ayon sa pag-uuri ni Epifanio de los Santos sa kapanahunan ng dulaang Tagalog. 1) Before the Conquest; 2) Typical Pieces of Tagalog; 3) Assimilation of Spanish Literature; 4) A New Orientation; 5) National Rebirth; at 6) That Another Much Higher Value Arises.

Kagaya ng “Ang Tatlong Panahon ng Tulang Tagalog” ni Julian Balmaseda, wala pa ring ideya ng isang wikang Pilipino sa loob ng sanaysay. Pero hindi wika ang tinatalakay ng sanaysay. Sa kabuuan, tinatalakay nito ang mga katangian ng dula at ang kasaysayan nito.

Before the Conquest

Ayon kay de los Santos, ang dulang Tagalog sa panahong ito ay binubuo ng mga sayaw na sinasamahan ng mga awit at tula. Pumapalibot naman ang banghay ng mga dula sa pag-ibig.

Sa pananakop ng mga Kastila, iniwan na ng mga katutubo ang mga tradisyon nila at tinanggap ang mga gawain ng mga mananakop. Pero nanatili ang katutubong dulaan kasabay ng dulaan na nabahiran ng mga katangiang banyaga. Sa simula ay malinaw na makikita ang pinagkaiba ng dalawa ngunit di nagtagal ay naging imposible nang makita ang pinagkaiba ng dalawang uri.

Typical Pieces of Tagalog

Hinati ni de los Santos ang mga pankaraniwang gawang Tagalog sa dalawa: 1) ang mga duplo at karagatan, at 2) ang mga corrido at awit.

Duplo. Ang duplo ay isang halong uri na farsiko o kaya ay dramatiko, depende sa okasyon ng pagtatanghal. Ang duplo ay magiging isang tunggalian ng mga akusado at tagapagtanggol upang mapagbigyang linaw ang isang paksang panlipunan gaya ng pagnanakaw. Ang mga kilalang duplero ay mga aral at kalimitang mayroong sariling aklatan.

Karagatan. Ang karagatan ay hango sa uri ng duplo pero medyo erotiko na kalimitang nagtatapos sa pagpapakasal ng mga pangunahing tauhan. Naging popular ang mga karagatan noong ika-17 at ika-18 siglo kaya noong 1741 ay pinigilan ng Arsobispo ang patatanghal ng mga karagatan ng walang pahintulot.

Awit at Corrido. Hindi malalim at lubusan ang pagtalakay ni de los Santos tungkol sa mga uring ito pero binigyan niya ito ng anyo. Ito ay, datirati, anim na baybay na naging labing dalawang baybay na hinati sa anim dahil kay Balagtas.

Assimilation of Spanish Literature

Nagsimula ang paghahalo ng panitikang Kastila sa katutubo nang simulang isalin ang mga Kastilang komedya. Ang naging resulta ng paghahalo ay ang moro-moro na, kalimitan, ay ang paksa ng tagumpay ng relihiyong Katoliko sa Islam. Puno ng makasaysayan, heograpiko, at estetikang kamalayan pati na rin mga katutubong halaman at hayop ay matatagpuan sa mga komedyang ito. Puno rin daw ito ng mayayabang na galaw pati na rin ang walang pakakialam sa gawa ng tanghalan, ang basta-bastang pagpili ng mga aktor. Para kay de los Santos, nararapat na tawaging halimaw ang mga moro-moro.

Sa kabuuan, ang mga gawang Tagalog ay kinabubuuan lamang ng mga halos isang dosenang orihinal na komedya, ilang pag-aayos ng Pasyon, at ilang mga awit at corridong binagay sa dulaan. Ang Pasyon, Ang San Alejo, at Florante’t Laura ay hindi sinulat para sa dulaan kundi awitin.

Malay ang pagtuligsa si de los Santos sa moro-moro. Pero sa likod ng mga di kaaya-ayang mga katangian ng moro-moro ay may mga biyayang kailangang makita kagaya ng magagandang gawa na tulang Tagalog at ang mga naligtas na sayaw pandigma mula pa sa mga panahong nakalipas. Mga bahagi ng panitikan at sining na Tagalog na nagpapakita ng kagandahan ng kulturang Pilipino.

A New Orientation

Ito ang panahon ng pagbabago, ayon kay de los Santos, ng patutunguhan ng dulaan. Mula sa relihiyoso at walang kaayus-ayos na pagtatanghal, nagkaroon ng bagong oryentasyon ang mga manunulat patungo sa makabago, maka-Pilipino, makabayan, at nasyonalistikong mga sulat. Halimbawa nito ay ang El Rezaga, El Amor de Una Mestiza, at Jose el Carpintero ni Juan Zulueta de los Angeles.

National Rebirth

Ito ng panahon ng pag-uusig patungo sa pagsasabansa dulot ng himagsikan at digmaan na pinaglaban ng mamamayang Pilipino. Binigyang halaga ni de los Santos ang pagbabago ng oryentasyon at ng paksa ng mga dula upang itaguyod ang bagong bansang Pilipino. Nararapat lang na isang-tabi na ng mga Pilipino ang romansa at paghahanap ng himala para sa lumago ang isang modernong bansa.

That Another Much Higher Value Arise

Dito ay nagbibigay ang sanaysay ng mga halimbawa ng mga makabagong dula. Ang mga dulang Amor Patrio ni Pascual Poblete at Con la Cruz y Espada ni Manuel Xerex Burgos sa wikang Kastila at Mga Karaniwang Ugali ni Ambrosio de Guzman, Sinukuan ni Aurelio Tolentino at Sampaguita at Debi ni Patricio Mariano. Ngunit bukod-tangi ang pagpuri ni de los Santos sa mga gawa ni Severino Reyes. Binanggit niya ang R.I.P., ang simbolikong paglibing ni Severino Reyes sa makalumang moro-moro, at Ang Kalupi, isang dula na tinitingnan ang mga nakakatwang gawing Filipino. Para kay de los Santos, sa Ang Kalupi ay nakamit ni Severino Reyes ang tinatamasang pagbibigay ng galak na hindi gumagamit labanan ng mga sandata. Pero ang Walang Sugat ang lubos na binigyang tuon. Inaamin niya na isa itong politikal na reaksiyon mula sa nakaraang himagsikan kaya ito naging popular at tinangkilik. Ngunit kapag nawala na ang mga maigting na damdamin ng mga mamamayan, ayon kay de los Santos, makikita ang kagalingan ng dulang ito. 1) Ang kapayakan ng buhay ng mga tauhan; 2) ang magaling na pagbibigay buhay sa mga tauhan na para bang makakasalamuha ng mga manonood ang mga tauhang ito sa tunay na buhay; at 3) Ang masigla at ganap na pagsasakatao ng mga tauhan bilang mga tunay na Pilipino.

Nagtatapos si Epifanio de los Santos sa “patay o himala kung hindi umirog.” Isang tahakang pagsabi sa kanyang nararamdamang paghanga sa dula at, lalo na, sa mga tauhan nito.

Pagpuna

Ang paksa ng sanaysay ay ang dulang Tagalog at ito ay isang pagtingin sa katangian ng dula ayon sa panahon. Tinitingnan nito ang mga pagbabago sa paglipas ng panahon ayon 1) sa porma at 2) sa nilalaman. At naging tuluy-tuloy naman ang panayam ni Epifanio de los Santos mula simula hanggang katapusan.

Inamin ni de los Santos, sa simula, ang paghahalo ng banyaga sa katutubo at mahirap nang tukuyin kung alin sa mga katangian ng sining ang katutubo o banyaga. Pero naandoon pa rin ang pag-asa, sa kanyang tono, na maaari pang makita ang katutubo kahit na napakaliit lamang pagkakataong ito.

Sa ikalawang bahagi, Typical Pieces of Tagalog, tinalakay ni de los Santos ang porma at paksa ng mga gawang Tagalog. Pero hindi niya ito nilalagay sa pedestal ang mga gawang Tagalog. Inulit niya ang sinabi ni Rizal, “The early songs, the early sainetes, the first drama, that I saw in my childhood years and which lasted three nights, leaving in my soul an indelible memory, in spite of their crudeness or ineptitude, were in Tagalog. It is like an intimate family feast, of a poor family.” Samakatuwid, mahalaga ang mga gawang Tagalog dahil, mismo, gawa ito ng Pilipino at bahagi ito ng nakagisnan na. Ngunit may mga katangian itong di-pormal at pangmasa. Si Epifanio de los Santos ay isang ilustrado, bahagi ng mataas na uri. Dahil dito, mayroong kaunting paglayo si de los Santos sa mga gawang Tagalog dahil sa pagiging pangmasa nito.

Kaya, sa kalagitnaan ng sanaysay, mas ispesipiko ay sa Assimilation of Spanish Literature, ay nagsisimula nang lumabas ang pagkiling ni de los Santos. Unti-unting umaapoy ang kanyang makabayan at nasyonalistang damdamin mula sa bahaging hanggang sa katapusan nito.

May bahid ng pagtuligsa ang kanyang pananaw tungkol sa mga gawa sa panahong ito, lalo na ang mga moro-moro. Para kay de los Santos, hindi maganda ang mga pagtatanghal ng mga moro-moro dahil sa 1) puno ito ng yabang; 2) walang pakialam sa magandang paggawa ng tanghalan; at 3) hindi propesyonal na pagpili ng mga aktor. Nagiging magulo ang proseso at pagtatanghal ng mga moro-moro. At mga lehitimo itong mga problema lalo na para sa isang kagaya ni Epifanio de los Santos na isang manunulat at kritiko na palaging naghahanap ng patunay sa kalidad ng ating sining. At, marahil, medyo masakit na makita ang basta-bastang pagtatanghal ng mga moro-moro.

At may pang-apat pang dahilan, kung sisipatin ang kanyang mga sinabi sa mga susunod na bahagi, kung bakit hindi lubusang tinataguyod ni de los Santos ang moro-moro. Iyon ay ang mala-pantasya at di-Pilipinong mga tauhan na may banyagang kaugalian. Upang makamit ang bagong lipunan na kailangan para sa bansang Pilipino, kailangang iisang-tabi ang mga romantikong mga paniniwala at palitan ng makabayan at makabagong pag-iisip.

Pero hindi puro pagtanggi sa moro-moro ang ginawa ni Epifanio de los Santos sa sanaysay. Inamin naman niya na may magandang naitulong ang mga moro-moro at iyon ay ang pagligtas sa mga magagandang tulang Tagalog at mga sayaw pandigma. Kilala ang mga moro-moro sa mga sayaw nito gamit ng tunay na sandata. Sinasabi din na sa tulong mga moro-moro ay nakaligtas ang pandigmang sining na arnis sa Pilipinas.

Pinagtitibay naman ng ika-apat na bahagi, A New Orientation, ang pagbabago sa lipunan ng Pilipino. Ito, ayon kay de los Santos, ang panahon ng pagbabago sa sining ng dula dahil mismo sa pagbabago ng mga paniniwala at panahunan. Nagsisimula nang maging kritikal ang mga Pilipino, lalo na ang mga repormista, sa mga kakulangan sa lipunan. Halimbawa nito ay ang El Rezaga ni Juan Zulueta (1878) na pinapakita ang kakulangan ng pamahalaan. Ginagamit na sa panahong ito ng mga may-kaya ang lahat ng pamamaraan upang ipakita ang mga problema ng lipunan, para maudyok ang mga tao patungo sa pagbabago ng lipunan. Dito rin sa panahong ito nagsimulang gumawa ng mga dulang “ayon sa saligan.” Kung ano man ang mga saligang iyon ay hindi lubusang napag-usapan sa sanaysay. Sa puntong ito, naging malabo na kung ano ang katangian ng porma ng mga dula ngunit lubasang pinag-usapan ang nilalaman (o dapat nilalaman, kung pakikinggan ng mabuti ang tono ni de los Santos) ng mga dula.

Sa ika-limang bahagi, National Rebirth, lubusan nang bumuhos ang damdamin at pagkiling ni Epifanio de los Santos. Kitang-kita dito sa bahaging ito ang kanyang pagka-repormista at, sa huli, ang kanyang nasyonalismo sa Bansang Pilipinas. Isa itong pagpapatuloy ng ikaapat na bahagi. Ngunit ngayon, dahil sa himagsikan at digmaan, ang mga ideya at pagbabago, na nasimulan sa ika-apat na bahagi ngunit hindi napansin sa panahong ding iyon, ay tuluyan nang kakapit at magbubunga sa dulaan. Gamit ng sining ay mabubuo ang isang ganap na lipunang Pilipino, edukado at may-alam, na magiging pundasyon ng Republikang Pilipinas. Ito ay isang damdamin na mainit noon at pinaglaban sa himagsikan at digmaan bago sumapit ang ika-20 siglo.

At, ultimo, ang damdaming makabayan na ito ay magpapatuloy sa huling bahagi, That Another Much Higher Value Arises. Para kay de los Santos, maganda ang kanyang kasalukuyang panahon dahil unti-unti nang nawawala ang mga bisyo ng nakaraan lalo na sa pagkagawa ng sining. Dito sa panahong itong umusbong at dumami ang mga dulang patungkol sa pag-uugali ng mga Pilipino, isa tinatamasang kritikal na pagtingin sa lipunan. At may galak na sinabi ni de los Santos, ang pagtangkiling sa mga mamamayan sa mga ganitong uri ng dula. Bukod-tanging binibigyang puri naman ang dulang Walang Sugat ni Severino Reyes. Nakakatuwang makita ang pagtatama na ginawa ni de los Santos sa kanyang damdamin. Inaamin ni de los Santos na isang reaksiyong politikal ang dula kaya ito naging popular sa kanyang panahon. Pero pinagtanggol naman niya na may mga magagandang katangian ang dula lampas sa politikal na mensahe nito. Kagaya ng nabanggit sa pagbubuod: 1) Ang kapayakan ng buhay ng mga tauhan; 2) ang magaling na pagbibigay buhay sa mga tauhan na hango sa mga tunay na katangian ng pangkaraniwang tao; at 3) Ang masigla at ganap na pagsasakatao ng mga tauhan bilang mga tunay na Pilipino.

Magtatapos si Epifanio de los Santos sa kanyang sanaysay na pinagtitibay ang kanyang mga paniniwala, repormista at makabayan. Binigay niya ang kanyang lubos na suporta at pagtangkilik sa mga dula ng kanyang kapanahunan sa paghambing niya sa kanyang sarili kay Aladin na umibig kay Flerida dahil mayroon siyang likas na ganda na isang lamang matigas ang puso o isang sira ang ulo ang hindi mapapaibig.

Pagwawakas

Sa isang mas malalim na pagbabasa, hindi lang pala isang pagtingin sa katangian ng dula, mga pagbabago nito at kasaysayan ang sanaysay na ito. Isang itong pagsasabi at pagtuturo na maganda ang dulang Pilipino. Mula sa mga gawang Tagalog, kahit na hindi pino, patungo sa mga moro-moro, na tinunuligsa ni de los Santos, hanggang sa mga makabagong dula pagkatapos ng digmaan, mahalaga ang lahat ng mga bahaging ito dahil nagpapakita sila ng katangiang Pilipino. At para doon, huwag natin sana silang baliwalaan, ano man ang pagkiling natin, gaya ng ginawa dito ni Epifanio de los Santos.

4 (na) komento:

Hindi-nagpakilala ayon kay ...
Naalis ng isang administrator ng blog ang komentong ito.
Kate ayon kay ...

Maraming salamat sa impormasyon :)

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

you emphasize some good points!!

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

Darkness "Real J". No Comment. (",)