Huling klase para sa Drama Seminar kanina. Ang saya. Nagtanghal kami ng aming mga monologo. Ang mga mono ay "site specific." Ibig sabihin, nababagay dapat sa isang lugar sa loob ng Ateneo ang monologo. Ang akin ay tinanghal sa may Meron Pond/Lagoon. Pawang ang aking monologo, ang kay Cerz, kay Jomike at ang kay Saul ay hindi tungkol sa isang mag-aaral. Nakakatuwa.
Nakakapagod ang klase kanina. Palakad-lakad kami. Nagsimula kami sa Dance Studio para sa monologo ni Jomike. Tungkol sa isang amang namatayan ng anak. Ok din. Medyo mahina nga lang ang pagsasalita ni Jomike kaya hindi ko masyadong narinig.
Sumunod ay nasa loob kami ng CR ng mga babae para sa monologo ni Monet. Nagdalawang isip ang ilan na pumasok, lalo na ang mga lalaki. Sinabi lang ni Sir Miroy na pareho rin lang naman iyon sa lalaki. Kaya pumasok na rin kami. Tungkol ang monologo ni Monet sa isang dalagang kakatapos lang mag-pregnancy test sa loob ng CR. Nakakatuwa ang mga komento ng tauhan tungkol sa pagiging anak ng OB-GYNE. Wala lang.
Sunod na pinuntahan namin ay ang Caf. Doon ay nagmonologo si Abi tungkol sa isang mapag-isang estudyante. Medyo maingay sa Caf kaya mahirap pakinggan.
Sunod naman ay yung kay Jollo sa Chapel. Tungkol sa isang problemadong mag-aaral. Nakakapang-ilang lang kasi sagradong lugar.
Sunod naman ay sa Edsa Walk para sa monologo ni Jihan. Tungkol sa isang mag-aaral na nahuhuli sa klase, wala pang ID kaya nagtatago sa sikyo. Bigla na lang napunta sa pag-ibig at buhay ang pinag-uusapan ng tauhan. Wala lang. Medyo nabigla ako sa pagbabago ng topic.
Malapit lang tinatawag na conyo bench kaya sinunod namin ang monologo ni Denise. Isang nakakatuwang monologo tungkol sa isang conyo.
Sunod ay ang monologo ni Cerz. Nakakatuwa nga kasi hindi niya binasa ang kanya kumpara sa amin, may virus kasi ang diskette niya. Tungkol iyong kanya sa isang katulong na nagpapanggap o nagpapaka-feeling na isang studyante ng Ateneo. Nakakatuwa.
Pumunta naman kami sa Xavier para sa monologo ni Jillian. Tungkol sa isang mag-aaral na natingin sa isang listahan sa Xavier. Hindi ko tanda kung tungkol saan yung listahan. Pasensiya.
Tawid ng kalsada ay pumunta kami sa hintayan sa kanto ng University Road. Tungkol naman sa isang nagmamadaling mag-aaral ang monologo ni Jace. Mas maganda nga sana kung naglakad si Jace. Wala lang.
Dumeretso naman kami sa Bellarmine para sa monologo ni Liana. Tungkol naman sa isang mag-aaral na kita ang kanyang iniibig. Madaming pag-iilusyon. Nakakatuwa.
Pumunta naman kami sa Quad III, yung nasa pagitan ng gusali ng Soc Sci at gusali ng De La Costa. Hindi ko tanda kung tungkol saan ang monologo. Tungkol ba sa isang lesbian na guro? Hindi ko tanda. Masyado akong naging abala kasi ako na iyong susunod. Sa Meron Pond yung akin e.
Sumunod sa akin ay si Saul, sa may mapunong lugar, malapit sa Baseball Feild. Tungkol sa isang tulisan na hinababol ng mga awtoridad. Medyo social at political ang tema.
Huli ay yung kay Hanniel. Nakatuwa. Bigay na bigay sa kanyang pagtatanghal. Para talagang isang paranoid na mag-aaral si Hanniel. Ok din. At doon ay nagtapos ang aming Drama Seminar. Sa isang malakas na sigaw.