Sabado, Hunyo 05, 2004

Sama-sama at Registration

Masaya yung pagkikita namin ng mga dati kong kaklase noong Huwebes. Hindi natuloy yung pagpunta kina Krisette kaya nagpunta na lamang kami sa bahay ko. Nagkita-kita kami sa McDo sa palengke ng mga alas diyes ng umaga. Tapos ay tumuloy sa bahay ko. Naglaro lang kami ng Gamecube habang nagkukwentuhan tungkol sa mga nakalipas na bakasyon. Pumunta sina Gino, Paolo, Antonette, Mara, at Aina tapos ay sumunod na lamang si Carla. Nakaka-miss ding makasama ang mga iyon. Para kaming mga bata. Tawanan ng tawanan. Pinahatid ko na lang sila sa mga pupuntahan nila ng mga alas sais kay Kuya Joel kasi na ulan noon ng malakas.

Kinabukas ng registration, maaga akong umalis kasama sina Kuya Ariel at Buknoy. Nagbiyahe kami papuntang Maynila ng mga alas singko y medya ng umaga. Nakarating ako ng mga alas siyete ng umaga sa Ateneo. Dinaanan ko ang Fine Arts Office pero nasa online enlistment pala si Xander kaya dumeretso na ako sa CTC. Malayo pa ang number ko, 157, kaya naghintay na lamang ako sa may bukana ng mga makakasama. Ang unang dumating ay si Yumi, tapos si Edlyn at Cerz. Nagdedebatihan ng mga klase at guro ng kukunin pero alam ko na mawawalan ako ng pagpipilian pagkarating sa akin. Umaasa na lamang ako na makukuha ko ang mga pinili kong mga klase (na panay na puno na rin pagkarating ko sa online enlistment). Pinoproblema ko naman ay yung mga kukunin kong mga FA elective kasi wala yung fiction seminar na dapat ay kukunin ko. Kaya ang kinuha ko na lamang ay yung fil119.2 (Malikhaing Pagsulat: Maikling Kuwento) at fa109 (Writing Seminar: Drama). Yung drama ay gagawin ko na lamang Major Elective. Yung ibang mga subject? Bahala na. Basta nakuha ko sila. Hindi na importante yung guro. Ang panget lang ay isa lang ang klase ko para sa MWF tapos tatlo ang sa TTH at may klase pa ako tuwing sabado. Pero ok lang, basta makakapag-aral ako. Pagkatapos ng enlistment, kailangan ko na lang magbayad gamit ng tseke. Ang problema, nagkamali ako sa nasulat ko sa tseke kaya kinailangan ko pang hintayin si Dad para sa bagong tseke.

Pagkatapos mag-register ay dumiretso kami sa Binangonan para sunduin ang mga pinsan ko. Malas lang at natrapik kami. Natrapik kami sa may Fort Bonifacio kasi may na-aksidente tapos ang daming kotseng paalis gamit ng makipot na rampa ng Skyway. Pagkatapos noon ay ok na.

Walang komento: