Miyerkules, Disyembre 30, 2009

Mini-rebyu: Parang

Pinagmumunihan ng kalipunang "Parang" ni Mesandel Arguelles ang hangganan at kawalang-hanggan. Pinaglalaruan ng kalipunan ang salitang "parang" na maaaring tinutukoy ang isang malawak na lupain o kaya'y ang "parang" bilang pagtutulad sa isang bagay ngunit hindi tulad na tulad ng isang bagay, isang paghahambing na alangan. Sa unang pakahulugan ng "parang," umuulit ang imaheng ito sa kabuuan ng kalipunan, isang lupaing tila walang hanggan at tanging ang langit lamang ang sumasaklob. Sa mga sandaling ito sa kalipunan, maigting ang karanasan ng kaliitan ng sarili na humaharap sa kawalang-hanggan ng parang. Sa ikalawang pakahulugan naman ng salitang "parang," makikita't mararanasan ito sa paglalaro't pagsasaayos ng mg salita't taludtod ng mga tula. Walang mga kudlit at tuldok ang buong kalipunan kaya't tumatawid ang kahulugan mula sa pagitan ng mga salita, kataga't taludtod. Tila nababanaagan ang isang kahulugan o kataga ngunit hindi eksakto dahil sa pagpasok ng susunod na mga salita't taludtod. Palaging inilalagay sa isang kakaibang kalagayan ng mga tula ang mambabasa. Nang binabasa ko ito, tila naliligaw ako sa malabnaw na daloy ng mga kahulugan. Ngunit iyon naman talaga ang karanasan ng isang taong humaharap sa isang misteryo. At sa mga huling tula ng kalipunan, kinakaharap naman ang misteryo ng kamatayan.

Biyernes, Disyembre 18, 2009

Encyclopedia

Hindi nobela o maging mga librong pampanitikan ang una o pangunahin kong binasa noong bata ako. Kung sa oras na ginugol ang tatanungin, ang encyclopedia ang madalas kong binasa noong bata ako. Naaalala ko ang araw nang bilhin ni Dad ang isang buong set ng Grolier World Encyclopedia. Umuwi siyang may dala-dalang isang malaking kahong puno ng mga mga malalaki't mabibigat na mga aklat na matigas at kulay bughaw na pabalat. Kinailangan pang magpagawa ng isang bagong kabinet para sa mabibigat na tomo ng encyclopedia. Madalas ko iyong basahin kapag brown out o kaya may bagyo't walang kuryente. O madalas kapag wala lang talagang mapanood sa TV. At ang pinakapaborito kong tomo ang tomong naglalaman ng mga entry tungkol sa World War I at World War II. Basta naging interesado lang talaga ako sa World War. Syempre, hindi ko naman talaga binasa ang encyclopedia mula sa A hanggang Z. May mga piling artikulo lang talaga ang tinitigilan ko't binabasa. At depende lang talaga kung ano'ng makita ko at matripan. Madalas, kukuha lang ako ng isang random na tomo at magbabasa. Minsa'y ginagawa ko itong laro at magtatalon-talon ako sa mga tomo at hanapin ang mga artikulong nakapaloob sa isang tema.

At ito ang anyo ng encyclopedia, na bagaman nakaayos nang alpabetiko mula A hanggang Z, hindi naman talaga ito binabasa batay sa pagkakalatag at pagkakasunod-sunod ng mga artikulo. Isang bukas na akda ang isang encyclopedia, maaaring pasukin sa isa bahagi at matapos sa isa pa. Nagagawa ito ng encyclopedia dahil hindi natin hinahanapan ng isang malawakang naratibo ang nilalaman ng encyclopedia. Hindi lubhang natataranta ang batang isip ko noon na may kulang sa aking binasa. Hindi binabasa ang isang encyclopedia upang mabasa ang kabuuan nito kundi mabasa ang isang bahaging sa tingin mo'y mahalaga para sa iyo. Maaaring umiral nang mag-isa ang bawat artikulo ng isang encyclopedia. Kung may dagdag na impormasyon, may mga arikulong suhestiyon sa dulo ng mga artikulo. O kung may mga tao, lugar, bagay, pangyayari atbp. ang binabanggit sa isang artikulo, maaari iyong hanapin sa encyclopedia at basahin sa ibang pagkakataon. Gayundin, magkakasama sa loob ng encyclopedia ang iba't ibang larangan ng kaalaman, mula agham, matematika, kasaysayan, sining atbp. Walang nakatataas na larangan sa loob ng encyclopedia.

Kung tutuusin, isang kabalintunaan ang isang encyclopedia. Nagbibigay ito ng ilusyong nasa loob ng mga pahina nito ang kabuuang kaalaman ng sangkatauhan ngunit hindi naman talaga. Kung hahanapin ang mga partikular na artikulo tungkol sa mga tao sa kasaysayan ng Pilipinas, halimbawa, kulang na kulang ang Grolier World Encyclopedia namin sa bahay. At maging ang malawakang ginagamit na encyclopedia sa Internet, ang Wikipedia, ay kulang at maraming bunging pahina. Maraming mga pulang hyperlink ang ilang mga ilang mga artikulo na nangangahulugang wala pang impormasyong nakasulat tungkol sa paksang iyon. Kaya't isang ilusyon na pantay-pantay ang lahat ng bagay loob ng sistema ng encyclopedia. Kung wala ka sa loob nito, ibig sabihin lamang nito na hindi ka mahalaga o hindi ka pa mahalaga. Gayundin, masusukat din ang halaga ng isang paksa sa haba ng artikulo at detalyeng nakapaloob dito. At dito lumalabas ang politika ng isang encyclopedia, sa pamantayang ng isang partikular na grupo nakabatay ang pagpili ng mga paksang nakapaloob sa encyclopedia. Sa pamatayan ng editor at mga manunulat ang pagpili ng mga paksang isasama sa encyclopedia. Ngunit walang hanggan ang kaalaman at magiging walang hanggan ang trabaho ng isang editor at manunulat ng isang encyclopedia (kaya't idealistiko ang isang proyektong tulad ng Wikipedia) kaya't para maglabas ng isang edisyon, kailangang pumili lamang ang mga editor at manunulat ng mga partikular na paksa na sa tingin nila'y mahalaga. Gayundin, napapagaan ang trabaho sa paggawa ng isang encyclopedia dahil nariyan na ang mga naunang edisyon ng para dagdagan at repasuhin. Ngunit iyon lamang ang kayang gawin ng isang editor at manunulat ng encyclopedia, ang magsimula o kaya't magdagdag at magrepaso, hinding-hindi niya kayang buuin nang may katapusan ang encyclopedia dahil pala-palaging kulang ang ito. Hindi niya kayang sabihing "Tapos na" dahil walang katapusan ang kaalaman.

Ngunit nakakatakas ang encyclopedia sa kabalintunaang ito dahil sa kapangyarihan ng pagbubuod. Ibinubuod sa isang artikulo't sanaysay ang mga paksang pinag-ukulan ng mga libro ng mga eksperto. Sapat na ang buod upang ibahagi ang mga "mahahalagang" detalye nang walang nawawala sa pagiging "mahalaga" ng paksa. Hindi mo naman kailangang malaman ang paboritong pagkain ni Cleopatra o Andres Bonifacio pero mahalagang malaman na namatay sila sa mga panahon ng malaking pagbabago mga lipuna't bayan. Tulad ng pagpili ng paksa, isang politikal na desisyon ang pagbubuod ng mga paksa, kung ano'ng isasama o iisantabi sa artikulo.

Mahalaga para sa akin ang encyclopedia dahil, sa paglipas ng mga taon at unti-unti kong binubuo ang aking personal na estetika, tila bumabalik ako sa karanasang ito ng pagbabasa ng encyclopedia. Sa aking tinatapos na thesis tungkol sa kasaysayan ng isang fictional na bansa, malinaw sa akin ang tensiyong ito ng nakaraan, kasalukuyan at hinaharap ng aking mga kuwento. Na kahit sabihing may "katapusan" ang isang kuwento, nariyan ang katotohanang maraming mga bagay na hindi binaggit at hindi isinama sa loob ng naratibo. Kailangang tanggapin na maaaring isang pagbubuod ang bawat kuwento, ang bawat nobela at maging ang bawat tula sa harap ng kawalang hanggan ng kaalaman at karanasan. Ngunit tulad ng personal kong pinaniniwalaan tungkol sa karanasan ng panitikan (at maging ng sining), personal kong iniiwasan ang pagbubuod. At marahil nasa kalagayang iyon ng pagharap sa walang hanggan (Diyos?) nakikipagbuno ang isang manunulat sa paglikha ng kanyang mga akda. Na sa pagsusulat ng mga akda, partikular na ang mga kuwento, may pagsasaayos na ginagawa sa mga bagay-bagay na kung tutuusi'y mga bukas na mga paksa at may posibilidad ng kawalang-hanggan. At narito ba ang matatagpuan ang karanasan sa sining? Isa lamang ba itong personal na pagsasaayos? Hindi ko alam at marahil matatagalan pa ba ko malaman. Pero malay ako na ang bawat pagsusulat ay isang sandali ng pakikipagtunggalian sa alam natin at di natin alam, sa nasusukat at di nasusukat. Para sa akin, hindi na mahalaga kung palagi tayong nagsisimula o nagdaragdag lamang. Ang mahalaga, hindi natin nakakaligtaang abutin iyong walang hanggan, kung ano man iyon dahil sa pag-abot sa walang hanggan nasusukat ang kabuuan ng sangkatauhan.

Sabado, Disyembre 12, 2009

Promis, hindi na ako gagastos hangga't hindi ko natatapos ang aking thesis

Dahil sale sa mga press ngayon, nakabili ako ng maraming libro. Masyadong marami nga ata. At dahil may thesis ako, ewan ko lang kung mababasa ko nga ang mga iyon agad. Hay, tambak na naman.

Anyway, heto ang bili ko sa Ateneo, UP (kahapon bago mag-UP Writers' Night) at Anvil (kanina at natutuwang alam na ang daan papuntang Anvil nang nagko-commute lamang) nitong mga nakalipas na mga araw. Pinakapanalo ang Anvil sale dahil nakabili ako ng 26 na libro sa halagang 570.

Anvil Sale

Congressman Kalog - Larry Alcala
The Calling - Tony Perez
An Author's Notebook - Tony Perez
Mga Panibagong Kulam sa Pag-ibig - Tony Perez
Mga Panibagong Kulam - Tony Perez
Mga Panibagong Tawas - Tony Perez
Stories of the Moon - Tony Perez
Witch's Dance - Marra PL. Lanot
Black Silk Pajamas - Danton Remoto
Pulotgata - Danton Remoto
Sari-sari - Rio Alma
Sentimental - Rio Alma
Estremellenggoles - Rio Alma
Beyond Life Senteces - Eileen Tabios
Mga Tula sa Pag-ibig - Teo T. Antonio
Reading Korea
Sarilaysay
Ladlad 1 & 2
Conversion and Other Fictions - Charlson Ong
Love, Sex and the Filipino Communist - Patricio Abinales
Herstory - Rosario Cruz Lucero
Daisy Nueve - Menchu Aquino Sarmineto
Porn Again - Jose Javier Reyes
Latitude: Writing from the Philippines and Scotland
Apat na Screenplay

Ateneo

Pahiwatig - Melba Maggay
Theater in Society, Society in Theater - Resil Mojares

UP

A History of the Philippines - Samuel K. Tan
On Cursed Ground and Other Stories - Vicente Garcia Groyon III
Pook at Paninindigan - Ramon Guillermo
Alternative Histories - Ruth Pison

Hay, balik na pagsulat at pagbabasa.

Martes, Disyembre 08, 2009

High Chair 12 Call For Contributions

High Chair 12 is a special issue devoted to the Maguindanao Massacre.

We are inviting poets and artists everywhere to submit responses to the following questions:

1. What did you feel upon hearing about the Maguindanao Massacre?
2. How could poetry be written/art be made so that it has value to the event?

We are in search of poems (whether old or new, unpublished or previously published) that offer ways of thinking about terror, horror, and other pertinent ideas/terms.

We are in search of essays and reviews that examine the role and state of Philippine poetry and art in the context of the Maguindanao Massacre.

We recognize the need to confront the Maguindanao Massacre immediately and to ensure, through an ongoing discussion, that it maintains its status as a current event. Thus, High Chair 12 will take on the format of a work in progress, with content uploaded by installment from mid-December to mid-February.

The deadlines for submission for possible inclusion in the four installments of High Chair 12 are: December 10, 2009, December 26, 2009, January 15, 2010, and January 30, 2010.

We welcome submissions in Filipino and English. Please visit our site to get a more comprehensive idea as regards the work we do and the poetry and essays we publish. Please send no more than five pages of poetry. There is no page limit for essay contributions.

Please email your submissions or enquiries to highchair@gmail.com (subject heading: High Chair Issue 12). Feel free to circulate this call for submissions to other interested parties. Thank you.

Conchitina Cruz and Adam David (Issue Editors)

Mga Tanong at Mga Tanung-tanungan

1. Mga Tanong, Retorikal at Totoo

Rebelyon nga ba talaga ang nangyayari sa Maguindanao? Kapag hindi na kakampi ang isang "warlord" kuno, rebelde na siya? Sino ba ang nag-armas sa kanila? Nasaan ang mga "private armies" na iyan? Bakit wala pang malawakang labanan? Bakit hindi na lang state of emergency? Dahil ba Mindanao/Maguindanao kaya okey lang na Martial Law doon? Bakit ba tabingi ang logic ninyo?

2. PEN Conference

Pumunta ako sa Philippine PEN Conference noong Sabado sa CCP. Wala lang. Nag-feeling writer. May ilan din naman kasing kakilala na pumunta doon, bilang audience o panel kaya pumunta ako. Nakinig lang ako. Kahit na tempting na magsalita sa Q&A portion, pinigil ko ang sarili ko. Ayokong magmukhang knowitall. Kapag nagtanong na lang sa akin. "New Writing in the Philippines" ang paksa ng conference. Interesante ang mga binasang maiikling papel ng mga panelist pero masyado lang talagang maikli ang panahon na inilaan para sa kanila. Narito ang link ng ilan sa mga papel na binasa doon: "CNF at ang AKA-Fan Attitude" ni Vlad Gonzales at "Ang Panitikan Mula sa Peninsulang Bikol at ang mga Peninsula ng aking Panulat" ni Kristian Cordero. Orihinal paksa sana ng conference, ayon nga kay Jun Cruz Reyes, ang "Young Writing" at syempre nagtampo naman ang mga uhm higit na mature na miyembro ng PEN Board. Na ageist daw ang paksa. Pero interesante pa rin iyon at mayroon higit na fokus ang paksa. Maganda nga sana na higit na maraming mga batang manunulat ang kanilang inimbita upang magsalita at naging tagasagot/reactor na lamang ang mga higit "established" na mga manunulat sa mga punto ng mga batang manunulat. Sa gayon, mayroon malinaw na dialogo sa pagitan ng mga nakababata at nakatatandang henerasyon. Pero kung ano man, enjoy ap rin ang PEN Conference. Kalimitan, sa ganitong mga event, bagot na bagot na ako sa dulo, pagod na pagod at inaantok. Pero hindi iyon nangyari at imbes e nabuhayan ako kaya kahit na ginabi kami nina Kristian, Jason at ang kaibigan niyang si Nick sa Mogwai, nakapagsulat pa rin ako ng pagkauwi ko nang mga ala-11 ng gabi. Mayroon din nga pala ngayong kumakalat na teksto sa Internet na nagpaparatang at inaaway ang mga inlatag ni Kristian na ideya tungkol sa ugnayan ng rehiyon/sentro. Masyado kasing maikli ang panahon kaya hindi nabasa ni Kristian ang buo niyang papel at hindi naipaliwanag nang mabuti ang kanyang mga ideya. Sana maliwanagan tayong lahat at umalagwa sa nakasayan nang mga pananaw sa mundo. Dahil iyon naman ang hamon sa mga batang manunulat di ba? Ang wasakin ang mga hangganan--ang mga dingding, kisame't bubungan--upang makapasok ang hangin at maliwanagan ang lahat.

Huwebes, Nobyembre 19, 2009

Pagtakas sa Isang Lumulubog na Bangka

Napanood ko kanina sa ANC ang konperensiya ng LAKAS-KAMPI-CMD. Punong-puno ang dating PICC. Engrande ang entablado--malalaki't maliliwanag na video screen ang telon na gumagalaw pa. Sa mga naroon, nagkalat ang mga lobo at plakard. Estilo talagang Democratic o Republican Convention sa Amerika. Pero isa lang itong walang katuturang pag-iingay at wala naman talagang kapangyarihan ang LAKAS-KAMPI-CMD pagdating sa pambansang antas. (Sa tingin ko mananatili pa ring makapangyarihan ang LAKAS-KAMPI sa lokal na antas maliban na lang kung maging matalino ang mga botante at tanggalin ang lahat ng mga bumoto para sa HR 1109.) Walang-wala halos si Gibo Teodoro. 4% pagdating sa SWS survey. 4%! May margin of error pa sila ng 2.5%. Parang hindi ka umiiral noon. Mas mataas pa ang ranggo ni Erap. At may masamang kasaysayan na si Erap noon. Kagaya nga ng sinabi ni MLQIII sa kolum niya, isa itong laban sa pagitan ni Manny Villar at Noynoy Aquino para sa pagkapangulo. Bukod pa diyan, marami ang nag-aaklasan mula sa LAKAS-KAMPI tungo sa ibang mga partido tulad ng Nacionalista at Liberal. Ewan ko ba pero pakiramdam ko, habang pinapanood ang konperensiya ng LAKAS-KAMPI-CMD, parang nag-aaksaya lang ako ng oras.

Lunes, Nobyembre 16, 2009

Mga Sandali ng Apokalipsis

1. Kawalan ng Langis

Tinanggal na ang price ceiling para sa mga produkto ngayong araw ngunit naging interesante ang pagbabanta ng mga korporasyon ng mga langis ng kakulangan sa langis dulot ng price ceiling na ipinataw ng pagkatapos ng Ondoy at Peping. May mga balita na may mga istasyon ng gasolina sa Metro Manila hanggang sa mga lalawigan ang nauubusan ng gasolina’t napipilitang magrasyon at magsarado. At naging tensiyunado ang buong bansa. Mahirap linawin kung gaano naging kalala ang problema (may tendensiya kasi na maging eksahirado ang balita sa TV).

Nakakatawa lang talaga ang lohika ng korporasyon ng “kita muna”. Naging dating talaga sa akin ay black mail ang nangyari. Kung hindi rin nga naman sila kikita e di huwag na lang. Hindi naman sa sinusuportahan ko ang price control at ang EO 839 pero naging malinaw lang kung kaninong kapakanan ba talaga ang binabantayan at sinusubaybayan ng mga korporasyon. (Hindi naman sa sobrang galing ng track record ng Administrasyong Arroyo sa kung ano-ano.) At interesante nga na ang BSP mismo’y nagsasabi na hindi pa naman kailangan ng price increase sa petrolyo. Ewan ko ba kung ginagago lang talaga nila tayo o krisis na nga ba talaga.

2. Lindol

Ako lang ba o parang ang dami ng mga lindol akong nakikita sa balita dito sa Pilipinas? Sa nakalipas na dalawang buwan, marami-raming magnitude 5 pataas na lindol ang naganap sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Pero kung titingnan nga ang website ng PHIVOLCS, parang normal lang naman talaga ang isang magnitude 5. Kaya baka epekto naman ng panonood ng TV ito. Pero pagkatapos ng mga lindol sa Indonesia, hindi rin naman kataka-taka na maging sensitibo sa mga balitang tulad nito.

3. 2012

Ewan ko kung bakit may mga kaso na naniniwala ang mga tao na matatapos ang mundo sa 2012 (Disyembre 21 to be exact) pagkatapos mapanood ang pelikulang “2012”. Napanood ko na ang pelikula at malinaw na kalokohan ang pseudo-science na nililikha ng pelikula bilang dahilan ng pagtatapos ng mundo. At, ano ba, ang pangit-pangit ng pelikula para paniwalaan.

Miyerkules, Nobyembre 11, 2009

ANI 35 Press Release

CCP launches 35th issue of Ani publication

11 November 2009, Pasay City – The Cultural Center of the Philippines (CCP) Literary Arts Division will launch Ani 35, The Pinoy as Asian issue, on November 26, 2009, 6:00 p.m., at the CCP Ramp with some of the featured authors reading from their works.

“Ani 35 is devoted to writings by Filipinos on their interaction with other Asian peoples and cultures. This may be interpreted as a response to the call of Dr. Bienvenido Lumbera, National Artist, on the need to reconnect with Southeast Asian literary tradition if we are to survive in this age of globalization,” Herminio S. Beltran, Jr., Literary Arts Division chief and editor of the publication, wrote in the Introduction. “We hope this will inspire the birthing of mechanisms and eventually practices in the Philippine literary/publishing world that will start off a more dynamic interaction among Filipino writers and their counterparts in the Asian continent,” Beltran continued.

Ani 35 features 54 authors who contributed for three sections: poetry; prose (essay and fiction) based on the The Pinoy as Asian theme and; Malayang Haraya for poetry and prose contributions outside the theme.

The 54 authors included in Ani 35 are Mark Angeles, Lilia F. Antonio, G. Mae Aquino, Genevieve L. Asenjo, Abdon M. Balde, Jr., Janet Tauro Batuigas, Gil Beltran, Herminio S. Beltran, Jr., Kristoffer Berse, Jaime Jesus Borlagdan, Raymond Calbay, Catherine Candano, Nonon V. Carandang, Christoffer Mitch Cerda, Joey Stephanie Chua, Kristian S. Cordero, Genaro R. Gojo Cruz, Carlomar Arcangel Daoana, Arvin Tiong Ello, Dennis Espada, Rogerick Fontanilla Fernandez, Reparado Galos III, Dr. Luis Gatmaitan, Joscephine Gomez, Malou Jacob, Ferdinand Pisigan Jarin, Karla Javier, Phillip Kimpo, Jr., Ed Nelson R. Labao, Gexter Ocampo Lacambra, Erwin C. Lareza, Jeffrey A. Lubang, Glenn Sevilla Mas, Perry C. Mangilaya, Noahlyn Maranan, Francisco Arias Monteseña, Ruth V. Mostrales, Victor Emmanuel Nadera, Jose Velando Ogatis-I, Wilhelmina S. Orozco, H. Francisco V. Peñones, Jr., Scott Magkachi Sabóy, Judith Balares Salamat, Edgar Calabia Samar, Louie Jon A. Sanchez, Soliman Agulto Santos, Dinah Roma-Sianturi, Rakki E. Sison-Buban, Jason Tabinas, Vincent Lester G. Tan, Dolores R. Taylan, Rosario Torres-Yu, Betty Uy-Regala, and Camilo M. Villanueva, Jr.

For issues of Ani, please contact the CCP Marketing Department at 551-7930 or 832-11-25 locals 1800 to 1808. For authors who want to contribute for the next issue of Ani, please contact the CCP Literary Arts Division at 832-11-25 locals 1706 and 1707, or email aniyearbook@yahoo.com.

Miyerkules, Oktubre 28, 2009

Rebyu Edition: Sembreak (Ingat: May Spoilers)

1. Virgintarian at Iba Pang Kuwento

Tinitipon sa aklat na ito ang mga kuwento ni Mayette Bayuga. Sa introduksiyon ng aklat, ginugrupo ni Rosario Cruz Lucero sa tatlong hanay. Una, mga kuwentong inisasyon o coming-of-age. Pangalawa, mga kuwentong may maigting na paglalahad ng sexual politics lalo ng feminismo. Pangatlo, mga kuwento ng pagiging "iba" ng babae, wika nga ni Lucero. Interesante ang mga kuwentong nasa unang hanay dahil sa sensitibidad at pinong paghawak ni Bayuga ng kanyang materyal. Bagaman hindi na bago ang mga ganoong uri ng kuwento, sa kamay ni Bayuga, umaangat sa ibang antas ang mga kuwento. Halimbawa na lang ang "Unang Baytang." Bagaman walang banghay at tungkol lamang sa unang araw sa eskwela ni Sarah. Ngunit puno ng tensiyon ang kanyang unang araw dahil ipinamamalas ang kawalang-inosente ng mga bata. Na sa mga murang edad, puno na sila ng mga prehuwisyo. Nakakaasiwa naman ang mga kuwento sa pangalawang hanay at sa tingin ko, iyon naman talaga ang gustong gawin ni Bayuga. Napakatindi ng kuwento sa paglalarawan ng pagkaapi ng kababaihan sa mga relasyon sa mga lalaki. May tendensiyang maging istereotipikal ang paglalarawan ng mga lalaki sa hanay ng mga kuwentong ito ngunit nauunawaan ko naman iyon dahil nga dinadala sa sukdulan ng mga kuwento ang pang-aapi sa mga babae. Na ang mga lalaki'y mga representasyon ng patriarkiya at hindi lamang mga a**hole na nang-aapi ng kanilang mga asawa/kinakasama. Kaya nga kapag itinuturo ko ang "Ang Baliw," palagi kong sinasabi sa mga lalaki kong estudyante na hindi nila kailangang maging masyadong mailang o malungkot kasi ganoon lang talaga. Sa huling hanay ng mga kuwento lumalabas ang eksperimentasyong ambag ni Bayuga sa pagkukuwento. Karamihan sa mga kuwentong nasa hanay na ito'y patungkol sa natatangi ngunit marginal na kalagayan ng mga babae partikular ang babae bilang babaylan. Lahat ng mga kuwento sa kalipunan ay may dating at salimuot na maaaring pag-isipan.

2. Shame

Tungkol at di-tungkol sa Pakistan ang nobelang ito. Malinaw itong sinabi ng tagapagsalaysay sa loob ng nobela. Puno ng mga tauhang batay sa mga tunay na tao habang naghahalo sa mga kathang nilalang. Bagaman may pangunahing tauhan, si Omar Khayyam Shakil, na itinatanghal ang tagapagsalaysay, hindi naman talaga siya ang pangunahing paksa at pakay ng nobela. Sa pamagat pa lang, itinatanghal na ang pangunahing tema ng nobela: shame o hiya. Nagsisimula ang nobela sa kawalanghiya at nagtatapos sa panunubos ng kawalanghiyaang namamayani sa kabuuan ng nobela. At pangunahin nang pinagkakaabalahan ng mga tauhan ang hiya o kawalan ng hiyang kanilang nararamdaman. Para kay Omar Khayyam, ang kawalanghiyaang nararamdaman niya sa kanyang pinagmulan at sa kawalanghiyaang damdamin ng kanyang mga ina. Para kay Raza Hyder, ang nanggagaling ang hiya sa kanyang kakulangan bilang sundalo at bilang lalaki. Para kay Bilquis, asawa ni Raza, resulta ang kanyang hiya ng terorismong kanyang naranasan noong dalaga siya't iniligtas siya ni Raza. At ang lahat ng kawalanghiya at hiyang nararanasan nila'y ipinamamalas nang literal ni Sufiya Zinobia, anak nina Raza't Bilquis. At ito nga ang pangunahing nagpapatakbo hindi lamang sa buhay nila kundi sa buong bansang maaaring hindi Pakistan. At matatapos ang lahat sa literal na pagkasawi ng mga tauhan dahil sa kanilang hiya't kawalanghiya.

Sabado, Oktubre 10, 2009

Rebyu Edition: Pelikula (May Spoilers)

1. In My Life

Pinanood ko ito kasama ang pamilya tatlong linggo na ang nakakaraan. May mga sandaling nakakaaliw ang pelikula pero all in all, pangit ito. Isang nakakainis na tauhan ang ginagampanan ni Vilma Santos, isang talakerang maraming isyu sa buhay, mula sa pagtanda, pagkakawatak-watak ng kanyang pamilya at sa pagiging bading ng kanyang kaisa-isang lalaking anak. At dahil napakadaming isyu ang tinatangkang harapin ng pelikula tungkol sa pangunahin nitong tauhan, nagiging sabog tuloy ang kabuuang daloy ng lahat. At parang napakadaling resolbahin ang bawat problema at isyu nang ganun na lang. Interesante ang isyu ng migrasyon at gay relationships pero hindi lubusang natatalakay nang maayos ng pelikula dahil nga nasasapawan ng tauhan ni Vilma Santos ang mga isyu na ito. Kaya pagkatapos manood e napagod din lang ako imbes na gumaan ang pakiramdam dahil sa catharsis.

2. Blow Up

Dinerehe ni Michelangelo Antonioni at batay sa isang maikling kuwento ni Julio Cortazar, umiikot ang pelikula sa isang photographer na nagngangalang Thomas, na ginampan ni David Hemmings. Malaking bahagi ng mga unang kalahating oras ng pelikula ay walang banghay o plot. Sinusubaybayan lamang ang mga gawain ni Thomas bilang isang photographer. Kung saan-saan siya pumunta at maliban sa kanyang trabaho bilang isang photographer, tila walang direksiyon ang kanyang buhay. Ginagawa lang niya ang gusto niyang gawin sa sandaling iyon at kapag may nakita siyang interesante, kinukunan niya ng litrato. Ang pinakamahalagang sandali sa pelikula ang pagkuha ni Thomas ng mga litrato ng dalawang mangingibig sa isang park. Kakaiba ang reaksiyon ng babae, na ginampan ni Vanessa Redgrave, sa kanyang pagkuha ng litrato. Sinundan siya ng babae sa kanyang apartment at tinangkang kunin mula sa kanya ang mga negatibo ng kanyang litrato. Sa pag-develop niya sa mga litrato, doon niya natagpuan na posibleng naging saksi siya sa isang krimen at ang kanyang mga nakuhang litrato ang tanging ebidensiya sa nangyaring krimen.

Decadent ngunit nabubulok ang kabuuang kaligiran na ginagalawan ni Thomas. Isang 60's London na tila catatonic at manhid sa maraming mga bagay. May isang eksena sa pelikula sa isang club at umaawit ang isang rock band ngunit walang ekspresyon ang mukha ng mga tagapakinig. Interesado si Thomas sa mundong ito at siya na nga ang isa sa mga pinakabuhay sa London. Ngunit interesado sa mundo bilang isang photographer at hindi bilang isang tao. Interesado siya sa mundo bilang sining. Kaya't nang mamalayan niya ang krimen na nangyari, hinanap niya ang katotohanan. Bilang photographer, mga representasyon at imahen ang kanyang pangunahing katuwang. At kung tutuusi'y gamit ng kamera lamang niya natantong may krimen palang nangyari sa park. Isa itong kabalintunaan dahil matalas ang kanyang mata bilang photographer. Gayudin, nang mawala ang mga negatibo niya dahil nilooban ang kanyang bahay, nawala na rin ang ebidensiya. At bagaman nakita niya ang bangkay, nawala rin ito at sino ang makapagsasabi na nangyari nga ang krimen kung wala na ang ebidensiya? At dahil hindi naman talaga niya nakita nang tuwiran ang krimen, dahil sa mga larawan lamang niya iyon nahinuha, kaduda-duda rin ang kanyang magiging testimonya. At sa mundo ng puno ng pagwawalang-bahala, bakit pa nga ba niya kailangang mabahala?

3. Infernal Affairs

Umiikot sa isang mole ng triad na nasa loob ng Hong Kong Police at ng isang undercover na pulis na nasa loob ng triad, puno ng paliko-liko ang pelikula dahil sa bawat sandali'y may bagong development. Nang hindi naging matagumpay ang isang sting operation ng pulisya laban sa triad, naging malinaw na may mga traydor sa loob bawat organisasyon. Puno ng pagpapanggap ang bawat tauhan at tila nagkakahalo na nga ang mga identidad. At iyon ang interesante para sa pelikulang ito, na hindi lamang ito labanan sa pagitan ng mabuti at ng masama. Paano nga ba huhusgahan ang kabutihan ng isang tao? Buong buhay ba niya bilang krimenal ang pagbabatayan o ang isang sandali ng pagwawasto? Lubhang etikal ang pelikula at hindi basta-bastang moralistiko.

Miyerkules, Setyembre 30, 2009

Post-Apocalyptic Commentary

1.

Kahapon, ginawang relief center ang Malakanyang. Kaya hindi kataka-takang marami ang pumuntang mga tao sa Malankang para humingi ng tulong. Pero kataka-taka ang anunsiyong ginawa ni Esperon sa mga taong nandoon. Huwag na raw silang pumunta sa Malakanyang dahil ang pagkain at mga kagamitang ipinapake doon ay para sa mga higit na nangangailangan sa mga bayan ng Cainta, Pasig at Marikina. Marahil kaugnay ito ng napansin ni Sir Roland Tolentino sa kanyang column sa Pinoy Weekly. Mga kakatwang anunsiyong puno ng kabalintunaan. Kasi nga bakit pupunta sa Malakanyang ang mga taong iyon kung hindi sila nangangailangan? Hindi ba halos buong Metro Manila, lalong-lalo na ang mga malalapit sa mga ilog at mga mababang lugar ang tinamaan ng baha? Hindi ba malapit ang Malakanyang sa mga barangay na binaha rin ng umapaw na ilog? Ewan ko, parang napaka-insensitive lang ng anunsiyo ni Esperon.

2. Anunsiyo mula sa Pangalawang Pangulo ng mga Paaralang Loyola

30 September 2009

MEMO TO: The Loyola Schools Community
FROM : Ma. Assunta C. Cuyegkeng
Vice President for the Loyola Schools

SUBJECT: After Ondoy

For the past days, we have been hearing stories of loss and devastation experienced by many members of our community. We share in their grief and hope to share, too, in the rebuilding. This aftermath of Ondoy challenges the University's traditional learning environment; however, it allows us to learn and grow in different ways. Thus, the Deans, Associate Deans, representatives of various sectors, and I have agreed on the following:

1. Unless otherwise announced by CHED, Malacañan, or the Quezon City government, classes will continue until 21 October 2009, but there will be no final exams.

a.The basis of the final grade will be the current class standing of the student.
b.If a student wishes to raise his/her grade, s/he will have the option of taking the final exam or fulfilling an equivalent requirement. The deadline for completing INC or NE may be extended.

2.Classes can be used to deal with the aftermath of Ondoy, e.g., apply knowledge, skill sets, and values to understanding and managing disaster, rebuilding and rehabilitation of communities, or organizing and implementing support systems.

3.We are encouraging everyone to assist affected members of our community by volunteering and assisting in any of the following activities:

a.Collection and distribution of relief goods (c/o Ms. Mary Ann P. Manapat, Director of the Office for Social Concern and Involvement, loc. 5090, 5091, direct line: 426-1017, mmanapat@ateneo.edu)

b.Debriefing and counseling assistance (c/o Dr. Edna C. Franco, Chair of the Department of Psychology, loc. 5260, 5262, efranco@ateneo.edu)

c.Accommodation or service assistance to affected members of the LS community (e.g., community/house clean-up, food preparation, laundry, repairs, transport, babysitting, sharing IT and learning resources, etc.) (c/o Ms. Marie Joy R. Salita, Director of the Office of Administrative Services, loc. 5100-5103, msalita@ateneo.edu)

d.Medical and health assistance (c/o Dr. Raymundo S. Baquiran, Director of the Office of Health Services, loc. 5110, 5106, lshealth@admu.edu.ph)

4.We would like to get updates on members of our community who have not been accounted for. You may contact Sanggu (0928 348 1686), Office of the ADSA (0920 914 2372), or Office of the VPLS (0928 503 1248).

I wish to thank all those who have given time, resources and service to our relief operations and look forward to your involvement in the difficult period of rehabilitation.

Lunes, Setyembre 28, 2009

Post-Apocalypse

1.

Tinulugan ko lang ang bagyo noong Sabado. Oo, tinulugan ko lang. Nagsusulat kasi ako ng unang draft ng thesis proposal at nagpupuyat noong mga nakalipas na mga gabi. Gumising ako nang mga alas nuwebe at tumanaw mula sa bintana at wala ako halos makita sa tanawin. Ganoong kalakas ang ulan, hindi ko makita ang ibang mga bahay mula sa mataas-taas na palapag ng condominium. Kumain ako ng agahan at pagkatapos e natulog na ulit. (Natulog ampota!) Hapon na nang magising ulit ako. Bumili ako ng tinapay (kahit na umuulan pa rin) para sa hapunan. Nakakuha ako ng tawag mula sa mga magulang ko nang mga 9:30 at nakibalita mula sa kanila at sa nangyari sa mga kapatid na nasa Taft. Alas dos na ako nakatulog kasi nabasa pa ako't nagbalot ng libro. (Nagbasa at nagbalot ampota!)

Kahapon nagkita-kita kami ng pamilya sa Glorietta. (Nagmall ampota!) Sumakay lang ako ng LRT2 at MRT3. Doon ko napansin ang pagkasalanta ng ilang mga lugar. At napansin ko din na may putik ang mga binti't paa ng ilang mga kasabay sa tren. Kaya tinext ko lahat ng mga kakilala: "Happy post-apocalyptic Sunday sa inyong lahat! Sana manatiling ligtas kayong lahat." (Nag-joke ampota!)

Pagkauwi, pagkatapos makakuha ng text mula kay Sir Je, doon ko namalayan ang bigat ng lahat at ni-raid ko ang aking pantry. Kinuha't inilagay sa plastic bag ang ilang mga bagay na nakita doon na hindi ko naman makakain kaagad kasi medyo puno pa ang ref ko.

Kanina, pumunta ako ng Ateneo. Hapon na noon. Inaantok pa rin e kaya ganoon. Una akong pumunta sa De La Costa pero walang tao sa Kagawaran. Kaya, dala-dala ang bag ko ng pagkain, dumiretso na ako ng Cov Courts. Papunta doon nakapagtatakang makakita ng mga taong walang dalang payong na naglalakad sa Ateneo. Pero nakakatuwang makakita ng maraming tao doon sa Cov Courts. Parang iyong isang maayos na kaguluhan. Iniwan ko na lang aking plastic bag ng kung ano-ano at umalis na rin. Kahit na patulog-tulog ako nitong mga nakalipas na mga araw, wala talaga akong stamina para sa mga ganoong bagay. Nakakuha din ako ng balita mula kay Sir Je na okey na raw ang karamihan ng mga taong hindi namin makontak sa Marikina. kaya umuwi na lang ako, umidlip at nagbasa. (Umidlip at nagbasa ampota!)

2. Mga link

Tungkol sa Bagyong Ondoy. Mula sa NY Times. Mula sa BBC News. Mula sa CNN. Mula sa The Age. Mula sa The Guardian.

Isang listahan ng mga relief centers sa Pilipinas.

Kung bakit hindi masayang makipag-usap sa mga manunulat.

Sabado, Setyembre 19, 2009

Dahil kailangang ipagmayabang ang nabili sa Book Fair...

1.

Langya, masakit pa rin ang paa't binti. Pero heto na:

1. "El Indio," Francisco Coching, Vibal Publishing, 2009
2. "The Kite of Stars and Other Stories," Dean Francis Alfar, Anvil Publishing, 2007
3. "The Revolution According to Raymundo Mata," Gina Apostol, Anvil Publishing, 2009
4. "Eros, Thanatos, Cubao," Tony Perez, Cacho Publishing, 1994
5. "Beyond Paris: Contemporary French Stories," Cacho Publishing, 1998
6. "Religion of the Katipunan," Isabelo de los Reyes, National Historical Institute, 2009
7. "Speeches, Articles and Letters," Graciano Lopez Jaena, National Historical Institute, 1994
8. "Sawikaan 2007," UP Press, 2008
9. "Pag-aklas/Pagbaklas/Pagbagtas," Rolando Tolentino, UP Press, 2009
10. "Globalization and Becoming-Nation," Elmo Gonzaga, UP Press, 2009
11. "The Birthing of Hannibal Valdez," Afrredo Navarro Salanga, New Day Publishing, 1984
12. "Fortess in the Plaza," Linda Ty-Casper, New Day Publishing, 1985
13. "Parang," Mesandel Virtusio Arguelles, High Chair, 2008
14. "Samsara," Allan Popa, High Chair & AVHRC, 2002
15. "Alunsina's Wrist," Kristine Domingo, High Chair, 2004
16. "You Are Here," Mabi David, High Chair, 2009

Iyon lang.

2.

Book launch nga pala kahapon ng unang isyu ng Heights para sa taong pampaaralan na ito. Hindi maganda ang isyu kasi wala ako. (Egotistic much?) Pero seryoso, kumuha kayo ng kopya hangga't meron pa.

Lunes, Setyembre 07, 2009

Maikli lang...

1.

Naging nakakapagod ang nakalipas na linggo dahil sa pagsasaayos ng mga application at entry para sa UBOD at Ateneo National. Mga hapon na sorting at filing, sorting at filing. Kaya madalas akong nakakatulog pagkauwi noong isang linggo. Nakapatong pa diyan ang sakit ko. (Kaunting ubo lang naman at sakit ng katawan at lagnat.) Hindi naman sa nagrereklamo ako. Ganoon lang talaga ang nangyari. Isang interesanteng pangyayari nga lang e mukhang coordinator ako para sa workshop dahil ginawang direktor ng workshop si Yol, ang coordinator ng nakalipas na mga taon. Si Egay dapat ang direktor, tulad ng nakalipas na mga taon, pero nagpaliban siya dahil sa kanyang compre para sa Ph.D. Kaya iyon, mukha mas malaki nang kaunti ang role ko para sa workshop ngayong taon.

(Oy, tsismis, may mga napili na kaming ilang fellows. Hintayin lang ang kabuuang listahan sa susunod na linggo. Tease, hahaha)

2.

Birthday ni Dad kahapon. Nag-hotel siya at ang mga kapatid ko. Hindi na sumama. May sakit e. Sumama lang ako sa hapunan noong Sabado. Iyon lang naman talaga ang ginawa ko nitong long weekend. Nagpahinga. Dahil siguradong tambak na naman para sa paghahanda sa ANWW.

3.

Binigyan ako ni Mama ng mas matapang na antibiotics. Mukhang gumagana naman.

4.

Shit, bumabagal ang paggawa ng thesis. May malinaw na naman akong gustong gawin. Malinaw na ang statement of the problem. Malinaw na kung ano ang gagawin ko para sa kabuuan ng thesis. Medyo tuliro lang siguro at out of focus.

Biyernes, Setyembre 04, 2009

Paglulunsad ng "The Highest Hiding Place" ni Sir Larry Ypil

You are warmly invited!

Palanca and Free Press winner Lawrence Lacambra Ypil's first book of poems, The Highest Hiding Place, will be launched on Monday, September 7, from 6.30 pm, at Mag:net (in front of Miriam College), Katipunan Ave., Quezon City. The event will feature readings and performances by Ypil's mentors, colleagues, friends, and fellow poets.

Highest Hiding Place gathers Ypil's award-winning works and other pieces, and charts his more than a decade's exploration of the intersections of desire, displacement and voice. In the book's foreword, Simeon Dumdum Jr., finds that "[m]ost of these poems have to do with the house in which the poet grew up and which he now sees from his imaginary loft--the area by the screen door, under the old clocks, beside the vases, the lemon tree in the yard around which his father cut away for more air and sun. Which brings us to the man, a doctor, whom the poet sees tenderly attending to his patients." And to his mother, whose "Garden" is a quiet poem of order and love and time and death. Adds Dumdum, "In and through these the poet sees his own life."

Much of this life Ypil has spent in Cebu, where he was born and raised. He studied medicine before deciding to teach poetry and creative writing at the Ateneo de Manila University. His bimonthly column comes out in Sun Star Weekend. As a biology major at the Ateneo, Ypil received the Dean's Award for Creative Writing: Poetry, and the Mulry Award for Literary Excellence.

Highest Hiding Place is available at the Ateneo Press bookshop, the Loyola Schools bookstore (426-6001 loc. 5184), Popular (372-2162), Solidaridad (523-0870), and soon in other good bookstores. (Mag:net 929-3191; Press bookshop 426-5984; unipress@admu.edu.ph,
www.ateneopress.org)

Thank you, we hope to see you!

Martes, Setyembre 01, 2009

23

1.

Kahapon, nagkasakit ako. Kaya imbes na ayusin ang thesis proposal, o kaya manood ng "District 9", nakahilata lang ako nang buong araw. Isang nakatutuwang birthday gift.

2.

Buong buwan ng Agosto ay Buwan ng Wika at Kultura sa Ateneo. Nagbukas ang mga aktibidad ng Buwan ng Wika sa pagbubukas ng eksibit at pagpaparangal kay Fr. Roque Ferriols para sa kanyang ambag sa pagtuturo ng pilosopiya sa wikang Filipino. Sunod na malaking gawain ay isang panayam na ginanap sa Leong Hall noong ika-12 ng Agosto. May pamagat na "Pagmamakata sa Filipino, Pagmamakata at Pilosopiya," naging tagapagsalita sina Sir Mike Coroza at Dr. Jean Page-Tan. Nakalagay sa aking Multiply ang mga audio file ng panayam. Tatlo namang panayam ang inihanda ng Heights at Kagawaran ng Filipino: "May quota ang pag-ibig: ang panulat ni Ricky Lee", "Kasarisarian" at "Bigkasaysayan". Sayang at hindi ko nai-record ang "Kasarisarian" dahil interesante ang naging talakayan tungkol doon sa pagitan nina Yol Jamendang, Ma'am Beni Santos at Larry Ypil. Nakakatuwang malaman ang creative process ni Ricky Lee bagaman nagtapos ang panayam sa isang segment ng "Dr. Love". "Is love worth it" amputa. Nagsilbi ang "Bigkasaysayan" bilang isang performance night ng iba't ibang anyo. Mga tradisyunal na musika, dagli at protest/indie songs care of Jess Santiago. Naging maganda naman ang pagdaraos ng Sagala ng mga Sikat. Hindi umulan at maagang natapos. At nagtapos ang lahat sa KA, kung saan pinarangalan ang lahat ng mga nagwagi sa iba't ibang mga timpalak at sa mga nagwagi sa Sagala ng mga Sikat.

Dahil kaya sa Buwan ng Wika kaya ako nagkasakit?

3.

Binabasa ko ngayon ang "Collected Fictions" ni Jorge Luis Borges na hiram ko mula kay Egay dahil, ayon na nga kay Sir Vim, baka makatulong sa thesis. Mukhang may pagkakahawig nga ang ginagawa ko ngayon sa thesis sa mga temang ginawa na noon ni Borges. Akala ko baliw na ako sa ginagawa kong proyekto, mas baliw talaga si Borges.

4. links

Paano lalabanan ng mga British ang mga asteroids.

Picture ng isang molecule.

Biyernes, Agosto 28, 2009

Ilang tala tungo sa isang thesis proposal

Noong high school, naaalala kong nakatambay lang kaming magkaklase. Hindi ko tanda kung bakasyon noon o tanghalian lamang ng isang school day o kung ano. Basta ang naaalala ko’y nakatambay lang kami. Dahil mga nerd kami, pinag-usapan namin ang mga paborito naming mga klase. Siguro mga 4th year na kami noon at nagpapaka-nostalgia dahil malapit na kaming magtapos. Pinag-usapan namin kung gaano namin kagusto ang Algebra at gaano kahirap ang Physics. Naaalala kong sinabi kong ayoko sa Philippine History dahil palaging talo ang mga Filipino. Walang pag-aalsa ang lubusang nagtagumpay. Ano’ng nanyari kay Diego Silang? Pinatay. Ano’ng nangyari kay Rizal? Binaril. Ano’ng nangyari kay Bonifacio? Pinatay ng mga kapwa niya rebolusyunaryo. At hindi lang kay Bonifacio nangyari iyon, kay Antonio Luna din. Si Aguinaldo? Hayun, nahuli’t kinailangang maging tuta ng mga Kano. Si Macario Sakay? Binitay. Kaawa-awa ang kasaysayan ng Pilipinas. Puros pagkasawi at pagkatalo. Kaya hindi kataka-taka na naghahanap tayo ng mga bayani kahit sa man lang larangan ng boksing.

Kung paghahambingin ang kasaysayan ng Pilipinas sa Kasaysayan ng Mundo, parang napakaikli ng sa atin. Dulot na rin siguro ito ng kolonyal nating karanasan. Palaging nagsisimula sa pagdating ni Magellan. May mga teorya, halimbawa, tungkol sa pagdating ng mga unang tao sa Pilipinas, kung aling Imperyong Asyano ang nagkaroon ng impluwensiya dito sa Pilipinas. Ngunit walang kuwento o naratibo ang malilikha hanggang sa dumating si Magellan.

At marahil doon magsisimula ang kuwento ng pagkasawi ng Pilipinas. Dahil nagsimula ang kuwento hindi sa simulang gusto natin kundi sa simulang gusto ng iba. Kaya’t kahit namatay si Magellan sa Mactan, natalo ang Pilipinas dahil sa kanyang pagkamatay sinisimulan ang lahat.

***

Unang-una, ano nga ba ang Kasaysayan? Sa pinakabuod nito at pinakatradisyunal nitong anyo, isa itong naratibo. Paglalatag ito ng mga mahahalagang pangyayari na kinasangkutan ng mahahalagang tao sa mga mahahalagang sandali’t lugar. At dahil naratibo, malaki ang impluwensiya nito sa kamalayan. Tulad ng paghubog na ginagawa ng mga kuwentong nasa puso’t isipan ng isang tao sa kanyang kamalayan, hinuhubog din ng Kasaysayan ang kamalayan ng tao. Dinidikta ng Kasaysayan na alam mo ang iyong pananaw sa mundo.

Kaya’t napakahalaga ng Kasaysayan. Ito ang isa sa mga maraming bagay na humuhubog sa isang tao. Ngunit isang aspekto lamang ng Kasaysayan ang nailalarawan ko. Hindi lamang natin nakakaharap ang Kasaysayan bilang naratibo. Nararanasan din natin ang Kasaysayan sa pang-araw-araw na buhay. Araw-araw tayong nakikibahagi sa Kasaysayan. Ang araw-araw ay palaging lumilipas at nagiging bahagi ng Kasaysayan. Palaging may personal na aspekto ang Kasaysayan.

Kaya mapapatanong ako, iniisip ba ng ordinaryong tao ang kasaysayan sa pang-araw-araw niyang buhay? Marahil hindi. Hindi niya iniisip kung ano ang hitsura ng kanyang pinagtatrabahuhan dati 50 o 60 taon na ang nakararaan maliban na lang kung ganoon katanda ang gusaling pinagtatrabahuhan niya. Kalimita’y nakatuon ang ordinaryong mamamayan sa kanyang ngayon, sa kanyang kailangang gawin ngayon. Hindi sa nakaraan. Sa mga holiday lamang tumatatak sa utak ng ordinaryong tao ang kasaysayan at hindi pa nga tungkol sa halaga ng araw na iyon sa ating Kasaysayan kundi dahil may bakasyon. Kung gayon, may bigat nga ba ang Kasaysayan para sa atin?

Kaya’t medyo nakalulungkot ito dahil, para sa akin, napakahalaga ng Kasaysayan. Popular na kasabihan na ang nakaraan ang nagtatakda ng ating kasalukuyan at ng hinaharap. Kaya’t para sa mga kuwentong ito, gusto kong pansinin hindi lamang ang mga mahahalagang pangyayari sa nakaraan kundi kung paano natin dinadanas ang Kasaysayan. Hindi ang pagtatanghal sa “Nakaraan” o “Kasaysayan” ang gagawin ko.

***

Maraming mga historyador ang malay sa isang pagtatangkang “bawiin” ang kasaysayan ng Pilipinas mula sa isang “banyagang” pananaw. Maraming pagtatangka na gumawa ng “people’s history” o kaya’y “history from below”. Kasaysayan natin para sa atin na gawa natin. Interesante itong pananaw dahil matindi ang umiiral na politika sa loob ng Kasaysayan at malay ang mga historyador tungkol dito. Kaya ang tingin sa Kasaysayan ay hindi obhektibong pagtatala ng mga pangyayari. Ang Kasaysayan, partikular na ang Kasaysayan natin, ay mayroon nang pagkiling na kailangang itama.

Pero paano mo itatama ang Kasaysayang alam mo nang tagilid o kaya’y puno ng mali? Hindi ba’t may panganib na maging tagilid din ang Kasaysayang isusulat? Paano kung walang Kasaysayang lubos na tama o tunay? Nagiging malinaw na ang Kasaysayan ay isang likha na representatibo ng isang politikal na tunguhin. Gayundin, parang kaduda-duda palagi ang Kasaysayan. Na para bang palaging may hidden agenda ang mga historyador. Kaya’t parang isang napakalaking black hole ang Kasaysayan. Kahit na anong gawin mong pagpupuno, hindi ito napupuno. Walang nakakawala sa Kasaysayan ngunit parang ang hirap sukatin ng halaga ng Kasaysayan para sa atin.

Kaya’t sa proyekto kong ito, isa nga bang “pagbawi” ang gagawin ko? Paano kung tuluyan nang naglaho ang gustong bawiin? May mga bagay mula sa nakaraan ang nananatili pero nabahiran na ito. Hindi na ito puro kung magpapaka-nativist tayo. Kailangang maging malay na lumilikha ako, lumilikha tayo, ng Kasaysayan.

Hindi na mababawi ang nakaraan. Nakaraan na ito. Ang maaari lamang mabawi ay ang kakayahang isalaysay ang sariling Kasaysayan. Babalikan ko ang talinghaga ng blackhole. Mukhang negatibo ito ngunit positibo din ito. Makapangyarihan ito at kung wala ito, wala rin ang isang galaxy. Kung walang Kasaysayan, wala tayong sentrong mapag-iikutan.

***

Ayokong masyadong seryosohin ang Kasaysayan. “Kasaysayan.” Parang napakaseryoso nang paksa, seseryosohin ko pa nang sobra-sobra sa loob ng mga kuwento ko. Gayundin, hindi naman talaga isang kasaysayan ang isinusulat ko kundi mga kuwento. Kaya gusto kong paglaruan ang Kasaysayan. Maglaro sa forma. Maglaro sa nilalaman. Mag-pastiche. Hubugin ito ayon sa kagustuhan ko o sa pangangailangan ng proyekto ng partikular na kuwento.

Kailangang linawin, di ibig sabihing gusto kong maglaro ay gusto ko nang bastusin ang Kasaysayan. Bagaman nakakaaliw, may seryosong tunguhin ang mga laro. Sa tradisyonal na panulaan, tinatangka ng laro ng bugtong na hasain ang isip ng tagapakinig ng bugtong at palawigin ang kanyang imahenasyon. Isang pakikipagtunggalian ang laro sa pagitan ng mga kalahok tungo sa pangkalahatang ikabubuti nila. Ngunit napakamakapangyarihan ng Kasaysayan. Mahirap makipaglaro sa isang katunggaling napakalakas. Kung babalikan ang talinghaga ng blackhole, maaari akong mahigop tungo sa kawalan. Ngunit kapana-panabik ang mga larong alam mong dehado ka. Bagaman malaki ang tsansang matalo ka, kapag nanalo ka naman, parang napakasarap ng pakiramdam.

Gayundin, kapag sinabing pastiche, parang napakanegatibo din nito. Isang panggagaya. Nililinaw ni Fredric Jameson ang pagkakaiba ng parody at pastiche. Halos pareho lang ang ginagawa ng dalawa, isang panggagaya. Ngunit may bahid ng katatawanan ang parody dahil pinagtatawanan nito ang orihinal. Sa pastiche, walang ganitong tawa. Pero hindi dahil walang tawa, seryoso na agad. Hindi dahil walang tawa, wala nang laro.

Hindi lamang mga forma, mga dokumento’t mga talang ikinakabit natin at nagiging mahalaga sa pag-unawa at pagdanas natin sa Kasaysayan, ang gusto kong i-pastiche. Gusto ko ring i-pastiche at mahuli ang kapangyarihan ng Kasaysayan. Gusto kong bigyan ng enerhiya’t kapangyarihan ang mga akda ko ng tulad sa pagbasa natin sa mga pangunahing tekstong pangkasaysayan. Ulit, malaki ang galang ko sa Kasaysayan. Isa itong malaking blackhole at kailangang pag-ingatin ang pakikitungo dito. Ngunit sa aking paglalaro at pakikipaglaro sa Kasaysayan, gusto kong busisiin ang kaibuturan ng kapangyarihan ng Kasaysayan. Paano nga ba gumagana ang Kasaysayan? Ano ba ang pinagkaiba nito sa ibang kuwento, ibang naratibo?

Kaya ayokong magsulat lamang ng “historical fiction”. Ayon kay Virgilio Almario, maraming mga kathang historikal ang napapasailalim sa mistipikasyon ng kasaysayan. Nakukulong ang mga akda sa di-mabaling “tadhana” na inilalatag ng Kasaysayan. Gusto kong lagpasan ang tadhana ng Kasaysayan. At sa tingin ko, sa paglalaro ko lamang ito magagawa.

***

Interesante para sa akin ang isang episode ng Crossroads sa ANC kung kailan pinag-usapan nila ang konsepto ng “kabayanihan” at kaugnay nito ang Kasaysayan. Pangunahing panauhin sina Jonathan Balsamo, tagapagsalita ng Philippine Historical Association at si Rep. Liwayway Vinzons-Chato. Tinatangka ni Rep. Vinzons-Chato na isabatas ang pagiging bayani ni Presidente Cory Aquino at kasabay noon ay formal na ilatag ang isang malinaw na proseso ng pagpaparangal sa mga bayani. Marami ang mga isyu na ang naungkat tungkol sa tamang sandali ng pagtatanghal ng isang bayani. Dapat lang bang parangalan ang isang tao bilang bayani habang buhay siya? Dapat bang parangalan siya pagkatapos na pagkatapos niyang mamatay? Kailangan bang maghintay lumipas ang isa o dalawang henerasyon bago natin sila parangalan?

Kakatwa ang diskusyon dahil lumalabas ang isyu ng panahon. Pabor si Rep. Vinzons-Chato sa agarang pagpaparangal sa isang tao dahil baka malimutan ang kanyang kabayanihan. Hindi naman lumalayo si Jonathan Balsamo sa nakagawiang paghihintay dahil sa paghihintay doon nahahasa’t nasusuri kung tunay nga bang mahalaga sa kamalayan ng sambayanan ang kabayanihan ng isang bayani. Lumalabas sa diskusyon ang isyu ng kamalayan at, sa isang banda, ng imahenasyon ng sambayanan. Kailangang magmalay ang mga mamamayan sa partikular na kuwento ng isang bayani upang tanggapin siya bilang bayani. Ngunit saan ba nagsisimula ang pagkukuwento ng kuwento ng isang bayani? Mula ba sa mga historyador na luklukan ng opisyal na kasaysayan o sa imahenasyon at karanasan ng sambayanan na dapat sana'y nakararanas ng kontribusyon ng mga bayani?

***

Ano nga ba ang relasyon ng Kasaysayan at Panitikan? Ayon kay Caroline Hau, kakaiba ang relasyong ito para sa Pilipinas. Nang tanghalin ang mga akda ni Jose Rizal bilang pangunahing teksto sa pagsasabansa, malalim na ang ugnayan ng Panitikan at Kasaysayan sa Pilipinas. Tinitingnan ang Panitikan bilang sisidlan ng kamalayang makabayan. Sa madaling salita, nagiging kasangkapan ang Panitikan ng Kasaysayan, ng pagsasabansa ng Pilipinas. Bakit nagkaganito? Dahil pala-palaging tinitingnan ang mga akdang pampanitikan, partikular ang mga kuwento’t nobela, bilang mga testamento ng partikular na sandali ng Kasaysayan. Samakatuwid, ang mga akdang pampanitikan ay lumilipas, tulad ng Kasaysayan. Pero paano kung baligtarin ko at gawin kong kasangkapan ng Panitikan ang Kasaysayan? Maaari bang mapako ang isang akdang historikal katulad ng pagpapakong ginagawa sa isang akdang pampanitikan bilang salamin ng isang partikular na sandali ng panahon? Noli at Fili sa panahon ng pagtatapos ng Kolonyalismong Espanyol. Banaag at Sikat at Pinaglahuan para sa mga unang taon ng Kolonyalismong Amerikano. Sa mga Kuko ng Liwanag para sa dekada 60. Kaya ba ng kathang historikal na lumutang mula sa isang partikular na sandaling pangkasaysayan habang sabay na nakikipaglaro sa Kasaysayan?

***

Isang komento ni Dave Lozada, naging guro sa Western History noong undergrad, tungkol sa henerasyon naming namulat pagkatapos ng People Power: na sa batang edad namin, malalim at marami nang mga politikal na pangyayari ang aming pinagdaanan. Ilang presidente, eleksiyon, kudeta, kontrobersiya at iba pa ang napagdaanan namin at marami sa amin ay hindi pa pwedeng bumuto noong sinabi niya iyon. Pero kung titingnan ko ang sarili ko at ng mga kahenerasyon ko, parang hindi naman talaga ganoon kahalaga ang mga karanasang ito. Nasaan na nga ba ang Kasaysayan sa aming buhay?

Huwebes, Agosto 27, 2009

Excerpt 3

Sipi mula sa isang kuwento para sa thesis. (May talababa ang kuwentong ito)

Relacion de las Islas de San Gabriel[1]

Isang taos-pusong pagbati sa inyo, Felipe III, Dakilang Hari ng Castilla at Leon, Aragon, Sicilia at Granada at Matapat na Alagad ng Simbahang Katoliko. Sumusulat ako sa inyo upang ilarawan nang higit na malalim ang mga lupaing napapasailalim na sa inyong pamamahala ayon sa dakilang gawain na iniatas ninyo sa amin na sakupin ang mga lupaing ito sa ngalan ng inyong Korona at sa Ngalan at Kadakilaan ng ating Panginoong Jesucristo, sa Nag-iisa at Walang-hanggang Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo na Lumikha sa Lahat at sa Simbahan Niyang itinatag dito sa Lupa at sa Kaluwalhatian ng Birheng Maria. Nais ko pong ipakita't ilarawan ang lupaing ito, kasama na rin ng mga munting kasaysayan kung paano ito nasakop, upang sa gayo'y inyong higit na mapangasiwaan ang malayong lupaing ito nang may karampatang kaalaman sa pinagdaanan at pangangailangan nito.[2] Maging gabay po sana ang sulat na ito tungo sa ikauunlad ng bagong Kolonyang inyong pinaghaharian, sa tulong ng Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo. Bukod pa po rito, nais ko ring ibahagi ang mahahalagang pangyayari sa lupaing itong aking inilalarawan nang sa gayo’y magkaroon kayo ng isang matapat at tunay na salaysay tungkol sa nangyari dito at hindi sumalalay sa mga kasinungalingang maaaring naging malaganap diyan, lalo na tungkol kay Kapitan Sevilla, ang yumao’t dakilang conquistador ng lupaing ito at matapat na alagad ng Korona’t Krus.[3] Naniniwala po akong, bagaman Diyos lamang ang Punong Tagapaghatol, hindi mababang gawain ang pagtatanghal sa Katotohanan na pala-palaging pinapanigan ng Diyos.

***

Bagong Bayan ng Catalina

Mula sa mga abo ng Maitacai, pinasimulan ni Kapitan Sevilla, na tinatapos ko ngayon, at sa tulong ni Datu Tanaw,[4] ang pagtatayo ng Bagong Bayan ng Catalina. Sa pagsang-ayon ni Datu Tanaw, pinalitan namin ang pangalan ng Maitacai upang ipahiwatig ang malaking pagbabagong kakaharapin ng bayan, na sa muli naming pagtatayo’t pagpapaunlad ng bayan, hindi lamang ang dating kadakilaan nito ang aming aabutin ngunit higit-higit pa doon.

Naging mabagal sa simula ang pagkukumpuni at pagtatayo ng bagong mga gusali dahil nagbabadya pa rin ang paglusob ni Datu Salam[5] sa amin. Kailangang hatiin sa iba’t ibang trabaho ang aming mga sundalo’t mandirigma. May mga inatasang magkumpuni ng iba’t ibang mga kailangang kumpunihin. May mga inatasang panatilihin ang kaayusan sa loob ng bayan. May inatasan namang magbantay sa mga kalabang nagbabanta mula sa mga kakahuyan. Minabuti na lamang namin ang pagbabalanse ng mga tauhan at sundalo upang hindi lubos na mapagod ang lahat.[6]

Pinakauna naming inayos ang nawasak na pader na pumapalibot sa bayan. Nagkaroon ng mga siwang sa pader na kinailangan naming punuan. Nang maayos na namin ito’y unti-unti naming itinayo ang mga bahay at gusaling nawasak. Ngunit imbes na panatilihin ang pabilog na kaayusan ng bayan, ipinataw ni Kapitan Sevilla ang isang kuwadradong paglalatag ng mga kalye at bahay. At sa gitna ng bayan namin itinayo ang bagong plasa at Simbahan ni San Juan Bautista. Mahalaga na maglaan ng ilang mga pangungusap tungkol sa simbahang ito dahil ito ang pinakamalaki at pangunahin sa mga simbahang itinayo namin dito. Unang-una, si Datu Tanaw, ang dating pinuno ng Bayan ng Maitacai at ngayo’y isa nang cabeza sa ating pamahalaan, ang nagmistulang patron ng pagpapatayo ng Simbahan ni San Juan Bautista. Gamit ang kanyang pera’t impluwensiya, mabilis ang pagpapatayo ng simbahan. At bagaman gawa lamang sa kahoy, mahirap mailarawan ang kakaibang ganda ng simbahang ito. Ngunit hindi doon nagtatapos ang kagila-gilalas na pananampalatayang ipinamamalas ni Datu Tanaw. Binanggit niya sa akin kamakailan ang mga plano niya upang muling itayo at gawin mula sa bato ang Simbahan ni San Juan Bautista. At buong puso kong hinikayat ang kanyang mga plano bagaman ipinaliwanag ko sa kanya na, sa ngayon, malayo sa mga plano ng ating pamahalaan ang mga planong ganoon.[7] Huli naming muling itayo ang daungan. Lalo naming pinalaki ang daungan upang tumanggap ng higit na maraming mga bangka at makadaong ang ating galleon.

Kaya’t hindi po naging mabilis ang pagtatayo ng Bagong Bayan ng Catalina ngunit naging biglaan para sa amin ang pagkasira ng Lumang Bayan ng Maitacai. Dahil tila po napakabilis ng mga pangyayaring kinasangkutan namin. Isang linggo pagkatapos magpabinyag ni Datu Tanaw, bigla siyang nagpakita sa amin sa Fuerza de San Miguel Arcangel nang madaling araw kasama ang dalawandaang mandirigma, nakasakay silang lahat sa mga bangka. Inakala naming pumunta siya upang atakihin ang aming kuta ngunit, pagkatapos makipagpulong kay Kapitan Sevilla, nalaman kong humihingi siya ng tulong mula sa amin. Pinatalsik siya, kasama ang pamilya ng mga madirigmang tapat na sumusunod sa kanya, mula sa Maitacai. Lumala ang tensiyong namagitan sa kanila ni Datu Salam at sa iba pang mga datu ng Maitacai. Higit na marami ang kumampi kay Datu Salam sa hanay ng mga datu at napatalsik si Datu Tanaw bilang pangunahing datu ng Maitacai. Agad na inihanda ni Kapitan Sevilla ang aming mga sundalo para sa isang labanan. Isinama din niya ang aming galleong Hilario upang magamit namin ang aming mga kanyon na pandagdag na lakas laban kay Datu Salam.

Sakay ng Hilario at kasama ang sandaan at limampung sundalo namin at ng dalawandaang mandirigma ni Datu Tanaw, agad kaming nagtungo sa Maitacai. Sa kabilang pampang kami nagtayo ng kampo at naghanda para sa laban. Nagpadala ng mga tagapagsalita sina Kapitan Sevilla at Datu Salam sa Maitacai at hiniling nilang sumuko si Datu Salam at ibalik ang Maitacai sa pamamahala ni Datu Tanaw. Naging matagal ang usapan at negosasyon ngunit naging matigas si Datu Salam, na hiniling ang pag-alis namin at hindi na magbalik sa San Gabriel. Ngunit naging malinaw ang huling salita ni Kapitan Sevilla, kapag hindi pa rin sila sumuko pagdating ng tanghaling-tapat, sisimulan na namin ang pagpapaputok at paglusob sa Maitacai. At dumating nga’t lumipas ang tanghaling-tapat ngunit hindi pa rin sumuko si Datu Salam kaya’t walang nagawa si Kapitan Sevilla kundi utusan ang Hilario na paputukan ang Maitacai. At kung gaano katagal ang pakikipag-usap at negosasyon noong umaga’y naging mabilis pagkatalo ni Datu Salam. Walang nagawa ang mga pader na kahoy ng Maitacai sa sunod-sunod na pagputok ng kanyon. Kaya’t naging madali ang pagbawi namin sa Maitacai. Wala sa mga sundalo namin ang namatay habang iilan lamang ang namatay o nasugatan sa hanay ng mga mandirigma ni Datu Tanaw. Sa hanay naman ng mga mandirigma ni Datu Salam, limampu mula sa kabuuang tatlondaan ang namatay sa mga kanyon o kaya’y sa kamay ng mga sundalo’t mandirigma sa aming panig. Hindi nagtagal ng kalahating minuto ang labanan. Ngunit sa kasamaang palad, nakatakas si Datu Salam at marami pa sa kanyang mga mandirigma. Nagtungo sila sa kasukalan ng gubat na hindi malayo sa bayan.

Marami ang bumabatikos kay Kapitan Sevilla sa kanyang mga pamamaraan at desisyon upang mabawi ang Maitacai. Na marami ang nasawi bukod pa sa mga mandirigma ni Datu Salam nang paputikan namin ang Maitacai gamit ng mga kanyon.[8] Na halos nawasak ang buong bayan dahil sa mga kanyon. Na sa gitna ng kaguluhan, kasiraan at kasawian, hindi man lamang namin napatay o nahuli si Datu Salam. Ngunit hindi nauunawaan ng mga bumabatikos na iniisip rin lamang ni Kapitan Sevilla ang higit na mahabang plano’t gawain namin sa lupaing ito. Hindi uhaw sa dugo si Kapitan Sevilla at kung maaari’t iiwasan niya ang isang laban. Iang tahimik at maunawaing tao ang pagkakakilala ko kay Kapitan Sevilla. Ngunit kung hindi namin agad nabawi ang Maitacai, hindi magiging maganda ang pagtingin ni Datu Tanaw sa amin at mawawalan siya ng pagtitiwala, hindi lamang kay Kapitan Sevilla kundi pati na rin sa Kapangyarihan ninyo. Kung hindi namin ginamit ang mga kanyon at pinalibutan lamang ang bayan at hintaying magutom at mauhaw si Datu Salam at ang kanyang mga mandirigma, baka mainip si Datu Tanaw. Kung hindi namin ginamit ang mga kanyon at agad na lusubin ang bayan gamit ang aming mga sundalo at mandirigma ni Datu Tanaw, baka marami sa aming hanay ang mamatay. Hindi iyon magandang makita ni Datu Tanaw at hindi rin iyon maganda kung sakaling hindi lamang si Datu Salam ang magpasyang lumaban sa amin. Kukulangin kami ng mga sundalo’t mandirigmang maaari lumaban kung kailanganin namin sila. Wala pong kaduda-duda at walang kaparis, sa aking pananaw, ang mga kakayahan ni Kapitan Sevilla pagdating sa sining ng pakikipagdigma.

At kung ano man po ang mga pagkawasak na nangyari sa Maitacai ay amin nang muling naitayo sa Catalina. At ngayon po, tulad ng ginagawa namin sa Fuerza de San Miguel Arcangel, inilalatag na po namin ang pundasyon ng isang batong pader na magtatanggol sa Catalina sakaling hindi maging sapat ang San Miguel bilang isang tanggulan. Gayundin, patuloy ang paglaki’t pagdami ng mga mamamayan ng Catalina sa patuloy na paglaganap ng inyong pamamahala at ang pagkalat ng Salita ng Diyos. Patuloy rin po ang pagdami ng mga mangangalakal galing sa iba’t ibang lugar, lalo na po mula Tsina, na dumadaong sa daungan ng Catalina. Sa katunayan nga po’y nag-uumapaw na po ang mga tao at hindi na sila magkasya sa loob ng mga pader ng Catalina. At malinaw po na patuloy ang paglago ng bago’t muling binuhay na bayan na ito at nawa’y sa ilalim ng inyong masusing pamumuno, patuloy itong lalago’t maging tanda ng Kadakilaan ng ating Kaharian sa ilalim ng inyong pamamahala.

----------

[1] [Tala ng tagapagsalin] Isinalin ko ang relaciones na ito noong taong 2009 upang higit na makilala ng mga Filipino ang kasaysayan ng Republika ng San Gabriel. Na sana’y maging tulay ang saling ito sa higit na pagkakaunawan ng San Gabriel at Pilipinas. Gayundin, makita sana ang malalim na pagkakaugnay ng dalawang bansa sa ilalim ng mga Kastila. Nagpapasalamat ako sa San Gabriel Ministry of Foreign Affairs para sa grant na ibinigay nila para sa pagsasalin ng dokumentong ito. Gayundin, salamat sa Translation Desk ng Ateneo Institute of Literary Arts and Practices. Sana’y hindi na manatili sa laylayan ang ating mga kasaysayan.

[2] Isinaayos ni Gobernador-Heneral Dominico Pablo de Muñoz (1560-1621) ang kanyang mga tala tungkol sa iba't ibang mahahalagang lugar sa isang alpabetikong pagkakasunod-sunod. Ngunit kung babasahin sa ganoong pagkakaayos, tila ang mga mahahalagang mga pangyayaring kanyang isinasalaysay ay nawawalan ng kaayusan. Kaya't upang makatulong sa mambabasa, lalo na sa mga mag-aaral ng kasaysayan, na maunawaan nang mabuti ang mga bahagi tungkol sa mga mahahalagang pangyayari sa mga unang taon ng pananakop ng San Gabriel, itatala ko ang isang kronolohikal na pagkakaayos ng mga tala: (1) Dalampasigan ng San Gabriel, (2) Ilog San Gabriel, (3) Fuerza de San Miguel Arcangel, (4) Lumang Bayan ng Maitacai, (5) Bagong Bayan ng Catalina, (6) Bundok San Pedro, (7) Gubat Maikauaian, (8) Lawa Imaculada Concepcion at Bundok San Jose. Bagaman hindi sakto ang pagsasaayos na ito, sana’y makatulong ito sa mambabasa.

[3] Antonio Bernardo de Sevilla y Borja (1549-1599) Tinutukoy ni Gobernador-Heneral Dominico Pablo de Muñoz ang sulat ng naunang Gobernador-Heneral Gregorio de Villafuerte (1543-1605) kung saan hindi naging maganda ang pagsasalaysay at paglalarawan sa nangyaring pananakop na pinamunuan ni Kapitan Sevilla.

[4] Datu Tanaw (1574?-1633). Siya ang ninuno ng makapangyarihang pamilya Tanaw dito sa San Gabriel.

[5] Datu Salam (?-1596): Pinaniniwalaang pinakaimpluwensiyal na datu sa buong San Gabriel sunod sa ama ni Datu Tanaw.

[6] Ayon sa mga dokumentong lumabas, isang paraan upang mabawasan ang mga sundalong nakabantay sa Maitacai laban sa mga mandirigma ni Datu Salam ay pagpupugot ng ulo ng mga labi ng mga mandirigma ni Datu Salam na napatay sa labanan at tutuhugin sa mga patpat na kawayan. Itutuhog naman sa palibot ng Maitacai ang mga patpat na may ulo bilang panakot sa mga kalaban at maging sa mga taong nag-iisip na mag-aklas.

[7] Noong taong 1660 nang matuloy ang planong gawing bato ang Simbahan ni San Juan Bautista. Naisagawa ito dahil noong 1659, nasunog ang lumang simbahang gawa sa kahoy. Pinamunuan ang pagtatayo ng simbahang bato sa ilalim ni Alfredo Tanaw III, apo sa tuhod ni Datu Tanaw. Ngunit mawawasak ang simbahang itong ginawa ni Alfredo Tanaw dahil sa isang lindol noong 1721 at sa taong din iyon itinayo ang Katedral ni San Juan Bautista na nakatayo pa rin hanggang ngayon.

[8] Pinaniniwalaang higit sa isang libo ang namatay kasama ang mga babae, matanda’t kabataang naipit sa labanan. Bagaman isa lamang itong hinuhang bilang na batay sa tinatantiyang laki ng Maitacai noong mga panahong iyon. Noong 1988, isang libingan na kinalalagyan ng mga buto’t labi na pinaniniwalaang nanggaling sa dalawandaang katao ang natagpuan nang simula ang pagtatayo ng isang fly-over sa lumang bahagi ng Lungsod ng Catalina.

Sabado, Agosto 22, 2009

Dahil kailangang magparamdam sa mundo...

1.

Madaming ginawa sa nakalipas na mga linggo kaya hindi masyadong nakapag-update ng blog. Una, Buwan ng Wika at Kultura sa Ateneo. Pumunta ako sa talk na inihanda ng Kagawaran ng Filipino at ng Pilosopiya noong Agosto 12 sa Leong Hall. Na-upload ko na sa aking Multiply ang mga audio files ng panayam na ito. Noong Agosto 17 naman, nagbigay ng panayam si Ricky Lee tungkol sa kanyang pagsusulat partikular ang kanyang unang nobelang "Para kay B". Ibibigay ko pa sa Heights ang kopya ko ng audio file at mga litrato. Noong Agosto 20 naman, idinaos ang Sagala ng mga Sikat. Sa susunod na lang ang mga picture. Sa susunod na Linggo, nakasalang ang "Kasarisarian" at "Bigkasaysayan" na mga panayam na inihanda ng Heights katuwang ang Kagawaran ng Filipino. Gayundin, sa Miyerkules na rin ang KA Poetry Jamming. Pararangalan doon ang mga nagwagi sa Sagala ng mga Sikat at sa ibang mga patimpalak ng Kagawaran. May performance din ako doon (maliit lang) bilang pagtulong sa kabuuang performance ni G. Yol Jamendang. Tapos ko na nga rin palang magpasa ng advisory mark at tsekan ang mahabang pagsusulit ng mga estudyante.

Noong nakaraang Sabado, nag-overnight kaming magkakaibigan sa high school sa bahay nina Krisette sa San Pablo. Kainan, inuman, pelikula at Wii ang buong gabi. Medyo ramdam ko pa ang kakulangan ng tulog hanggang ngayon. (Medyo nabawi-bawi ko na nitong nakalipas na mga holiday). Babalik na ngayong araw si Krisette patungong Hawaii. Maging ligtas at mabuti sana ang paglalakbay niya.

2. Public Enemies

Matagal na ito pero ngayon ko lang mapag-uusapan. Umiikot ang pelikula kay John Dillinger (na ginampanan ni Johnny Depp) noong Depression Era sa Amerika. Mala-Robin Hood ang pagkakalarawan kay Dillinger. Ang pangunahing tensiyon na nakikita ko ay ang pag-usbong ng FBI upang labanan ang mga gang na kinabibilangan ni Dillinger. At si Melvin Purvis (na ginampanan ni Christian Bale) ang naatasan upang hulihin ang mga "public enemies" na ito.

Para sa akin, hindi ito sobrang gandang pelikula. Okey lang ito na pelikula. Pero magagaling ang mga performance nina Johnny Depp at Christian Bale. Ramdam ko ang trauma sa mukha ni Bale kapag may namamatay siyang kasamang pulis (pero pagminsan medyo natatagalan ako sa mga sandaling iyon). Kakaiba rin ang camera-work dahil na rin siguro na hi-def digital ang ginagamit na teknolohiya. Mahirap ihanay ito sa pelikulang tulad ng "The Goodfellas" pero nahuli naman ata nito ang timpla ng panahon na tinatangka nitong hulihin.

3. Up

Pinanood ko ang "Up" ng Pixar kahapon. Masaya itong pelikula na may madamdaming kabig. Umiikot ang kuwento kay Carl, isang retirado, na nagluluksa pa rin pagkatapos mamatay ng kanyang asawa. Bilang pagtupad ng kanyang pangako, tinangka niyang dalhin sa South America ang kanilang tahanan gamit ang daan-daang lobo. Kasama sa kanyang paglalakbay si Russell, isang scout na naghahanap ng matutulungang matanda para sa kanyang badge, si Kevin, isang higanteng ibon, at si Dug, isang asong naghahanap ng pagmamahal. Pambata man ang pelikula, matinding lungkot at pangungulila ang nararanasan ng mga tauhan partikular sina Carl at Russell. At ito ang nag-uudyok sa kanilang paglalakbay.

Biyernes, Agosto 14, 2009

UBOD New Authors Series deadline of submission is extended to Aug. 30, 2009!

Deadline for the submission of manuscripts for UBOD New Authors Series 2009 is extended to August 30, 2009

***

UBOD Writers Series 2009 Announces Call for Submissions

The National Commission on Culture and the Arts (NCCA), the National Committee on Literary Arts (NCLA) and the Ateneo Institute of Literary Arts and Practice (AILAP) are now accepting manuscripts for the UBOD series 2009. 12 writers who have not released book-length titles will be given a chance to have their first book published under UBOD New Authors Series.

The qualified languages are: Luzon (Tagalog, Bikolano, Ilokano,Kapampangan, Pangasinense), Visayas (Cebuano, Waray. Kinaray-a, Hiligaynon) and Mindanao (Maranao, Tausug, Magindanaon, Chavacano). The manuscript should be 40-60 pages in chapbook length. 20-40 poems or 5-10 short fiction. The most exceptional pieces in their manuscript shall be translated into Filipino or English.

Send two copies of the manuscript to the Ateneo Institute of Literary Arts and Practice (AILAP) c/o The Department of Filipino, 3rd Floor Dela Costa Bldg., School of Humanities, Ateneo de Manila University, Loyola Heights, Quezon City 1108. Include a CD of the manuscript and one page curriculum vitae with the author’s name, contact number and e-mail address and 1X1 picture.

Deadline will be on Aug. 30, 2009.

For inquiries, please e-mail ailap@admu.edu.ph or call 426-6001 loc. 5320-5321

Sabado, Agosto 08, 2009

Parang Ang Daming Gustong Sabihin

1. Thesis

Nakipagkonsulta na ako kay Sir Vim Yapan tungkol sa thesis. Nagbigay na ako ng mga kuwento sa kanya at malinaw ang kanyang evaluation: not good enough. Masyado daw safe. Wala daw "libog". (Love that term.) Siguro, masyado lang talaga akong nako-conscious at nape-pressure sa mga bagay-bagay. Mukhang nagkakawala ng loob pero, sa totoo lang, nabuhayan ako. Dahil sa dulo ng konsultasyon, hinamon ako ni Sir Vim (mas assignment talaga pero kinukuha kong hamon) na sa susunod na magpapakonsulta ako, magbibigay ako ng isang akda na nagpapakita talaga ng "the best" ko, yung tipo ng pagsulat na masasabi kong gusto kong tunguhin. Kasama na rin doon ang mga awtor na gusto kong gayahin o nag-i-inspire sa akin sa ngayon.

Sa mga oras pagkatapos noon, medyo nabalisa ako. Paano na? Halos simula sa zero ang naging dating. Pagkauwi ko, balisa pa rin ako pero bago matulog, naliwanagan ako. Naalala ko ang isang ideya para sa kuwento na isinantabi ko at hindi ko talaga isinama sa thesis kasi masyadong mahirap. At naisip kong baka iyon ang kailangan kong gawin, iyong pahirapan ang sarili ko sa mga mahihirap na proyekto. Dahil ang mga nakalipas na mga kuwentong naisulat ko, kahit mukhang interesante, hindi naman talaga pinahirapan o hindi ko pinaghirapan. Kaya nga siguro nawalan ng libog ang mga kuwento. Walang paghihirap sa aking parte. Kaya noong ala-una ng umaga, binalikan ko ang MS Word file na sa laptop ko at inisip nang mabuti kung ano nga ba ang gusto kong gawin sa kuwentong iyon. At nagsimula akong magsulat ng isa't kalahating oras. Natulog ako nang mga alas-dos y medya at nagising noong alas-otso y medya. Miyerkules iyon kaya habang nagsusulat, nanonood ako ng paglalakbay ng labi ni Pres. Cory Aquino mula Manila Cathedral hanggang Manila Memorial. Sa pagsapit ng gabi, naka-tatlong pahina ako, single spaced. Pagod pa rin ako hanggang ngayon sa pagsusulat pero hindi na ako makapaghintay na tapusin ang kuwento. At mukhang nagiging gabay ang pagsusulat ng kuwentong ito ang gusto kong gawin para sa thesis ko. At may ideya na rin ako kung sinong mga manunulat ang gusto kong itanghal na gusto kong gayahin o maging inspirasyon. Sa ngayon, focus ko muna ay tapusin ang kuwento at makipagkosulta agad kay Sir Vim.

2. Thesis Writing Mantra

Kaya heto, nakapag-iisip din ako ng Thesis Writing Mantra para sa akin, mga gabay upang hindi ako mawala sa focus. Ipino-post ko ito sa Facebook. Heto ang mga naisip ko sa ngayon:

#1:Huwag basta-basta magkukuwento. Magkuwento dahil masarap magkuwento.
#2: Iyong masarap ikuwento ay yung mga kuwentong hindi ka sigurado kung epic win o epic fail. Pero kahit na hindi ka sigurado, masarap pa ring isulat. Kung sigurado kang hindi epic fail ang sinusulat mo, siguradong may problema. Kung sigurado kang epic win ang sinusulat mo, may problema din.
#3: Ang thesis adviser lamang ang makapagsasabi kung ang iyong kuwento ay epic win.
#4: Huwag kakalimutang kumain at matulog. Walang halaga ang kuwento kung wala kang lakas at huwisyo para isulat ito.
#5: Huwag din nga palang makalimutang maligo.
#6: Ang isang kuwento, kahit na seryoso ang tono, ay isang malaking joke. Kaya huwag mahihiyang kung nakangiti ka habang nagsusulat. (Halaw kay Kundera)

3. National Artist Awards

Marami na'ng nasabi tungkol dito ngunit malinaw ang hinanakit ng maraming manunulat, pintor at artista. Na ang ginawa ng Malakanyang ay isang pambabastos at pang-aabuso sa kapangyarihan na nasa kamay ng Pangulo. Hindi isyu ang "kalidad" o "kwalipikasyon". Ang isyu ay ang proseso. Bakit pa ba nagpapakahirap ang mga tao sa pagpili ng mga nominado kung babaliwalain lamang ito? Gayundin, anong karapatan ng "honors committee" ng Malakanyang na iisantabi ang listahan na ibinigay ng NCCA at CCP at baliwalain ang opinyon ng mga eksperto? Sino ba sila? Ang paggagawad ng mga Parangal, sa sining o kahit na saang larangan, ay salamin ng mga kahalagahan (values) na pinahahalagahan ng naggagawad. Kung ang sistema ng paggagawad ay aabusuhin, abusado ang naggagawad. Kung bastos ang ginawaran, bastos ang nanggagawad.

4.

Natapos kanina ang pinakaunang AILAP Strategic Planning. Naliwanagan ang ako sa maraming mga bagay tungkol sa AILAP at nakakatuwang makita ang mga plano at proyekto. Aliw talaga kahit nakakapagod.

5.

Sulat muna ng kuwento ha. At gawa na rin ng long test.

Sabado, Agosto 01, 2009

Excerpt 2.1

Binalikan ko ang isang proyektong pansamantala kong inabandona dahil umaalagwa ako't kung saan-saang pumupunta ang akda. Heto ang resulta sa ngayon. Ewan ko kung isasama ko ito sa thesis o may tsansa ba talaga itong malathala sa isang journal kasi sobrang eksperimental ito. Bukas na forma. Pero tinangka kong magtimpi. Para hindi umalagwa tulad ng dati. Mukhang mabagal na sulatan ito.

Gusto kong magsulat ng isang makabuluhang kasaysayan ng aming bayan. Pero parang sobra-sobra ata iyon. “Makabuluhang kasaysayan.” Marahil sapat na sabihin na lang na gusto kong magsulat ng kasaysayan ng aming bayan. Hindi para magyabang ng aking malawak na kaalaman. Aaminin ko, kulang na kulang ang aking kaalaman tungkol sa aking bayan. Ngunit isang pagdiskubre ang pagsulat, di ba? Marahil sa pagsulat ng isang kasaysayan, may madiskubre akong bago hindi lamang tungkol sa aming bayan kundi pati na rin sa akin at maging sa iba pang mga bagay-bagay.

***

Ngunit paano magsisimula? Marahil mas mabuting magsimula sa lawa dahil mahirap pag-usapan ang aming bayan kung hindi pag-uusapan ang aming lawa.

***

May lawak na 104 na hektarya at lalim na 27 metro, naglalaman ang aming lawa ng humigit-kumulang na 270,000 m3 na tubig. Nalikha ang lawa sa panahon ng matinding pag-aalma sa mundo. Sa panahong ito, nalikha rin ang libo-libong mga bulkan, marahil kasama ang Banahaw at ang Makiling at maging ang buong kapuluan ng Pilipinas. At dito sa amin ay nalikha ang isang bulkang namatay at nakalikha ng butas, mga banging napakatarik, na kinalauna’y naging lawa.

Ngunit kung magliliwaliw kami sa mga bambang nito’y hindi ito ang aming magugunita bilang pinanggalingan ng lawa. Maaalala namin ang alamat kung saan may isang matandang dumating sa isang tahanang pagmamay-ari ng isang mag-asawa at ang lupaing pumapalibot sa tahanang ito’y punong-puno ng mga puno ng sampalok at dahil may sakit siya, maaaring trangkaso o sipon, basta may sakit siya at dahil mainam na gamot ang bunga ng sampalok sa sakit niya, kinatok ng matanda ang bahay ng mag-asawa at humingi ng bunga ng sampalok para maibsan ang kanyang sakit ngunit tumanggi ang mag-asawa at sa pagtangging ito’y nagalit ang matanda at nagpakilala bilang diwata at pinarusahan niya ang mag-asawa sa kanilang karamutan sa pagbaha sa kanilang lupain at lumindol at bumuhos ang langit at nalunod ang buong lupain ng mag-asawa.

Naaalala ko, noong bata ako, palaging inuulit ang alamat na ito sa paaralan. O baka inuulit ko lang sa isip ko. Pero napaisip ako noon, kung totoo nangyari nga itong alamat na ito ay may mga puno ng sampalok sa pusod ng lawa. Kaya’t kapag tititigan ko ang tubig ng lawa, ang nakalubog na gubat ng sampalok ang aasahan kong makita at hindi ang lalamunan ng isang patay na bulkan. At ganito rin marahil ang iba sa mga kababayan ko.

Marahil nakakatwang isiping naniniwala kami sa isang alamat na nagsasabing tao, na katulad namin, ang dahilan ng pagkalikha ng lawa. Sa tingin ko, hindi naman ito isang pagyayabang kundi isang pag-asam, na bahagi kami ng tadhana ng lawa at ang lawa ang aming tadhana.

Gayundin, wala rin naman talagang nakasaksi sa mga sandaling iyon ng pagsilang ng aming lawa. Alin nga ba ang higit na paniniwalaan, ang haka-haka ng mga siyentipiko o ang haka-haka ng mga ninuno? Sapat na, sa ngayon, ang malamang may simula, na may pinagmulan ang lahat. Kung ano man iyon.

***

Ganyang lang talaga ang suliranin ng isang kasaysayang higit na matanda pa sa mga nakaaalala: ang nalilikhang mga guwang, mga patlang. Naroon na ang lawa bago pa dumating ang mga ninuno at mananatili ito sa aming paglipas. Napakalaking guwang ang malilikha mula sa pagkasilang nito hanggang sa pagdating ng mga unang tao sa mga bambang nito. Kaya marahil kailangang lumikha ng mga alamat.

***

Mula sa mga Espanyol ang pinakaunang tala tungkol sa aming lawa at sa aming bayan. Nang dumating daw sila, hindi lumaban ang mga ninuno ng bayan namin. Hindi dumanak ang dugo, hindi dakilang pagharap at pagtatanggol sa lupang tinubuan laban sa mga mananakop. Malugod silang tinanggap ng mga ninuno. Isang kataka-takang pangyayari para sa mga Espanyol ang pagtanggap sa kanila nang ganoong kalugod dahil saan man sila nagpunta’y, kung hindi pagdududa, karahasan ang sumasalubong sa kanila. Baka nauunawaan ng mga ninuno ang pagkapagal ng paglalakbay, ng pag-akyat ng mga bundok. Baka nauunawaan ng mga ninuno ang paghihirap na naranasan ng mga Espanyol upang harapin ang masusukal na gubat. Baka nauunawaan ng mga ninuno ang galak na naranasan ng mga Espanyol nang marating ang lawa.

Baka.

Ang sigurado lamang ako, nang dumating ang mga Espanyol, may lubos ang pagtanggap sa pagdating ng mga dayuhan habang mayroon ding nagduda. Kaya't nahati ang bayan dahil sa mga dayuhan. Ganoon ba talaga ang nangyayari sa lahat ng mga bayang nasakop?

***

Dapat ba itong ikahiya, itong di paglaban ng mga ninuno ng aming bayan? Ayokong manghusga.

***

Dati'y iisa lamang ang pangalan ng aming lawa at ng aming bayan. Pero pinalitan ang pangalan ng bayan. Binago ito ng mga Espanyol pagkatapos maging lubos ang pagtanggap ng mga ninuno ng Simbahan at Kapangyarihan ng Hari ng Espanya. Pero hindi nila inaasahan ang pagpapalit ng pangalan ng bayan. At maraming nagtanong sa kura paroko kung bakit pinalitan ang pangalan ng aming bayan at ano nga ba ang ibig sabihin ng pangalang iyon.

Ipinangalan ang bayan namin sa isang santo. Ayon sa mga kuwento, tumakas ang santong ito tungo sa mga bundok at disyerto ng Tebes sa Ehipto para makatakas mula sa paniniil laban sa mga sinaunang Kristiyano. Mula noon, sa bundok at disyerto na siya nanirahan at nabuhay sa tubig-batis at sa pagkain ng mga dahon at bunga ng puno. Ngunit dinalhan din siya ng mga piraso ng tinapay ng isang uwak at doon siya nabuhay hanggang mamatay siya at sinasabing umabot siya sa edad na 113. Nang mamatay siya, pinagtulungan ng mga leon na hukayin ang kanyang lilibingan.

At hindi naunawaan ng mga ninuno ng bayan namin kung ano ang kinalaman ng santong iyon sa bayan namin. Tulad ba ang bayan namin sa mga bundok at disyerto ng Tebes? Hindi ko alam. Pero tulad ng maraming pangalan, nasanay na rin ang mga ninuno ng bayan namin sa bagong pangalang iyon. Pero paano kaya ang mga unang panahong iyong kapapalit pa lamang ang pangalan ng aming bayan? Di kaya maraming naligaw? Di kaya maraming nalito? Pero baka mga dayo lamang iyon sa aming bayan ang nalito't naligaw. At mahirap maligaw sa sariling bayan. Kaya baka naging ganoon pa rin ang takbo ng kanilang buhay, gumising pa rin sila sa umaga, nagdasal, naligo, kumain ng agahan, nagtrabaho, nagtanghalian, nagtrabaho, umuwi, kumain ng hapunan, natulog. Dahil hindi naman nagbabago ang pagkakakilala mo sa sarili mong bayan kahit na magbago ito ng pangalan. Pareho pa rin naman ito, kahit papaano.

***

Aaminin ko, hindi ko alam ang lahat ng pangalan ng bawat kalye o lugar sa bayan namin. Kagaya nga ng sinabi ko, mahirap maligaw sa sariling bayan. Kahit na hindi mo alam ang pangalan ng mga daan, alam mo ang daan patungo sa nais mong puntahan. Hindi mo kailangang malaman ang pangalan ng mga kalye para makapunta ng palengke, makapunta ng simbahan, makapunta sa bahay ng kaibigan mo.

Syempre, kailangan mo ng pangalan ng isang lugar kapag sasakay ka sa traysikel. Pero kalimitan ay sapat na'ng ibigay ang pangalan ng isang barangay. At kapag malapit ka na sa gusto mong puntahan, kailangan mo lang ituro ang daan.

***

Hindi lamang ang pangalan ng bayan ang pinalitan. Pati ang mga pangalan ng mga barangay at mga sityo'y pinalitan. Pero nanatili ang mga lumang pangalan sa kamalayan namin hanggang ngayon. Atisan. Malamig. Wawa. Bulaho. Butocon. Macampong. Banlagin. Boe. Tikew. Imok. Banlagin. Balanga. Sapa. Tiim. Malinaw. Liptong. Tabaw. Sandig. Bunot. Ilog. Kaya halos kalahati ng bayan ay may opisyal at may lumang pangalan. May mga bagay talagang hindi malimot-limot.

Lunes, Hulyo 27, 2009

Cinemalaya Rebyu Edition Part 2 (Mag-ingat sa Spoilers)

1.

Kagabi ang Awarding Ceremony ng Cinemalaya at nakakatuwang malamang nanalo ng Special Jury Prize "Ang Panggagahasa kay Fe" at Best Actress si Ina.

2. Astig

Nahuli akong makarating ng ilang minuto sa CCP kaya hindi ko lubos na nasimulan ang "Astig" na dinerehe ni GB Sampedro. Umiikot sa iba't ibang tauhang nakatira sa Maynila/Tondo, inilalarawan ng pelikula ang iba't ibang kailangang harapin at pagdaan ng mga tauhang pinalilibutan ng kahirapan at karahan, ang kanilang kailangang gawin para mabuhay at lumigaya. Nagsasali-salikop ang mga buhay ng mga tauhang sinusubaybayan ng pelikula pero sa kalakhan, wala naman talaga silang epekto sa isa't isa maliban na lang ang mga kuwento nina Ariel, na ginampanan ni Dennis Trillo, at ni Baste, na ginampanan ni Sid Lucero.

Dahil itinatampok ang Maynila, hinanapan ko ng paraan o pagtatangka sa bahagi ng pelikula kung paano napupunta sa foreground ang Maynila bilang tagpuan imbes na backdrop lamang.Pero wala naman akong napansing kakaiba.

Ang mahalaga, para sa akin, kapag may iba't ibang hibla ng naratibo sa isang akda ay kung paano nagkakatahi-tahi ang lahat sa dulo. At wala akong nakitang malinaw na pagtatahi. Maliban na lamang sa umuulit na tema ng kasawian. Na wala nang mabuti pang mangyayari sa Maynila. At ang mga tauhang may natitira pang hibla ng pag-asa ay lumayo sa Maynila, tulad ng ginawa ng tauhang si Boy.

Final note: Bakit laging last resrt ang mga bakla pag may problema ka? Ilang ulit iyong nangyari sa pelikula e.

3. Colorum

Tungkol lang naman talaga ang "Colorum" na dinerehe ni Jon Stefan Ballesteros, sa mga mabubuting taong nais magkaroon ng magandang buhay. Malas lang talaga ang mga mabubuting taong nakukulong sa isang masamang mundo at masamang sistema. At iyon lang naman talaga ang pangunahing problema ni Simon, na ginampanan ni Alfred Vargas, at ni Pedro, na ginampanan ni Lou Veloso. Si Simon ay isang modelong pulis ngunit dahil gusto niyang makapag-ipon at bigyan ng mabuting buhay ng kanyang nobya nasa ibang bansa, nagsa-sideline din siya bilang tsuper ng ilegal na FX taxi. Si Pedro naman ay isang dating presong binigyan ng parole dahil sa katandaan at ninanais lamang makausap ang kanyang anak na hindi na niya nakakausap mula pa nang bata pa ito. Magtatagpo ang kanilang buhay nang makabangga si Simon ng isang lalaki habang sakay-sakay si Pedro. At dahil ayaw niyang masabit sa gulo, tumakas siya kasama si Pedro at para maayos ang lahat, inutusan si Simon na dalhin ang FX kasama si Pedro sa Ormoc. At sa daan, marami silang tauhang makakasalubong.

Naaliw naman ako sa pelikulang ito. Namroblema lang siguro ako sa consistency ng mga tauhan. At ganoon din, sa mga coincidences. Bakit hindi tinulungan ni Simon ang kanyang binangga kung mabuti nga siyang tao? Pero may moralismo ang pelikula na hindi in-your-face. Sa mga sandaling kapit-patalim ka, may karapatan nga ba tayong maging mabuti?

4. Ang Nerseri

Walang partikular na kuwento "Ang Nerseri" na dinerehe ni Vic Asedillo Jr. Tungkol lamang ito sa pagsunod sa buhay ni Cocoy, na ginampanan ni Timothy Mabalot, habang binabantayan niya ang mga kapatid na may sakit sa isip. Bagaman si Cocoy na ang pinakanormal sa kanilang magkakapatid, unti-unting lumalabas ang mga sintomas na maaaring siya rin ay nadadapuan na ng sakit na mayroon ang kanyang mga kapatid.

Hindi ko pa lubos na nauunawaan ang kung may metaporikal bang antas ang konsepto ng pagkabaliw sa pelikula. Sa kabuuan, mukhang hindi. Mas nakikita ko ang nerseri/pag-aalaga bilang pangunahing konsepto ng pelikula. Sa kabaliwan, nawawala ka sa sarili. Ngunit sa pag-aalaga at maging sa pagmamahal sa isa, kailangang ibigay ang sarili. At ito, sa tingin ko, ang pangunahing internal dilemma ni Cocoy. Hahayaan lamang ba niyang manalo ang napipintong pagkabaliw na nararanasan niya o harapin ito't gawin ang kailangang gawin para mabuhay.

5. Dinig Sana Kita

Umniikot sa pagkakaibigan/pag-iibigan ng isang rocker chick at ng isang binging-mananayaw, hindi kaduda-duda kung bakit nanalo ng Audience Choice Award ang "Dinig Sana Kita" ni Mike Sandejas. Puno ng mga kaantig-antig na mga sandali kasabay ng mga magagaan na mga eksena. Malinaw na hindi ito art film, na isa itong love story. Ngunit dahil isa itong love story, tadtad ang pelikula ng mga cliche na bagay o trope. Una, kailangang nanggagaling sa magkaibang mundo ang dalawang pangunahing tauhan. At ano pa nga ba ang mas polar opposite pa sa rocker chick/deaf-dancer? Gayundin, dahil middle class si rocker chick, kailangang may daddy issues siya. At siyempre, hindi ipinakikita ang mukha ni emotionally distant daddy kasi lahat ng mga emotionally distant daddy ay walang mukha. At si deaf-dancer naman ay inabandona ng kanyang mga magulang. At dahil isa itong love story na may happy ending, kailangang bigyan lahat ng closure sa huling limang minuto.

Okey, medyo sarcastic ang rebyu ko ng "Dinig Sana Kita" pero kailangang sigurong unawain na pagkatapos mapanood ang mga pelikulang tulad ng "Ang Nerseri", "Ang Panggagahasa kay Fe", "Mangatyanan" at "Engkwentro", na pinahirapan ako nang todo-todo (pero yung masarap na hirap naman ang naranasan ko [sadistic amputa]), hindi lang siguro akong handang tanggapin intelectual obviousness ng pelikulang ito. Nag-enjoy din naman ako sa pelikulang ito. Maganda ang pagganap ng mga aktor, nina Zoe Sandejas at Romalito Mallari, maging ng mga support nila. Kaya nga siguro nanalo ng Audience Choice ang pelikulang ito dahil sa kanilang pagganap. At kahit na tadtad ng cliche ang kuwento, maayos pa rin ang pagdadala ni Mike Sandejas ng kabuuang tono ng pelikula mula drama at pagpapatawa. At natuto din ako ng kaunting sign language. Pero iyon nga, pagkatapos mapanood ng isang beses, ewan ko lang kung babalik-balikan ko ang pelikulang ito o pwede ko itong pag-usapan kasama ng iba.

6.

Tingnan ko kung mapapanood ang "Last Supper No. 3" at "Sanglaan" pagdating ng Cinemalaya sa UP.