Binalikan ko ang isang proyektong pansamantala kong inabandona dahil umaalagwa ako't kung saan-saang pumupunta ang akda. Heto ang resulta sa ngayon. Ewan ko kung isasama ko ito sa thesis o may tsansa ba talaga itong malathala sa isang journal kasi sobrang eksperimental ito. Bukas na forma. Pero tinangka kong magtimpi. Para hindi umalagwa tulad ng dati. Mukhang mabagal na sulatan ito.
Gusto kong magsulat ng isang makabuluhang kasaysayan ng aming bayan. Pero parang sobra-sobra ata iyon. “Makabuluhang kasaysayan.” Marahil sapat na sabihin na lang na gusto kong magsulat ng kasaysayan ng aming bayan. Hindi para magyabang ng aking malawak na kaalaman. Aaminin ko, kulang na kulang ang aking kaalaman tungkol sa aking bayan. Ngunit isang pagdiskubre ang pagsulat, di ba? Marahil sa pagsulat ng isang kasaysayan, may madiskubre akong bago hindi lamang tungkol sa aming bayan kundi pati na rin sa akin at maging sa iba pang mga bagay-bagay.
***
Ngunit paano magsisimula? Marahil mas mabuting magsimula sa lawa dahil mahirap pag-usapan ang aming bayan kung hindi pag-uusapan ang aming lawa.
***
May lawak na 104 na hektarya at lalim na 27 metro, naglalaman ang aming lawa ng humigit-kumulang na 270,000 m3 na tubig. Nalikha ang lawa sa panahon ng matinding pag-aalma sa mundo. Sa panahong ito, nalikha rin ang libo-libong mga bulkan, marahil kasama ang Banahaw at ang Makiling at maging ang buong kapuluan ng Pilipinas. At dito sa amin ay nalikha ang isang bulkang namatay at nakalikha ng butas, mga banging napakatarik, na kinalauna’y naging lawa.
Ngunit kung magliliwaliw kami sa mga bambang nito’y hindi ito ang aming magugunita bilang pinanggalingan ng lawa. Maaalala namin ang alamat kung saan may isang matandang dumating sa isang tahanang pagmamay-ari ng isang mag-asawa at ang lupaing pumapalibot sa tahanang ito’y punong-puno ng mga puno ng sampalok at dahil may sakit siya, maaaring trangkaso o sipon, basta may sakit siya at dahil mainam na gamot ang bunga ng sampalok sa sakit niya, kinatok ng matanda ang bahay ng mag-asawa at humingi ng bunga ng sampalok para maibsan ang kanyang sakit ngunit tumanggi ang mag-asawa at sa pagtangging ito’y nagalit ang matanda at nagpakilala bilang diwata at pinarusahan niya ang mag-asawa sa kanilang karamutan sa pagbaha sa kanilang lupain at lumindol at bumuhos ang langit at nalunod ang buong lupain ng mag-asawa.
Naaalala ko, noong bata ako, palaging inuulit ang alamat na ito sa paaralan. O baka inuulit ko lang sa isip ko. Pero napaisip ako noon, kung totoo nangyari nga itong alamat na ito ay may mga puno ng sampalok sa pusod ng lawa. Kaya’t kapag tititigan ko ang tubig ng lawa, ang nakalubog na gubat ng sampalok ang aasahan kong makita at hindi ang lalamunan ng isang patay na bulkan. At ganito rin marahil ang iba sa mga kababayan ko.
Marahil nakakatwang isiping naniniwala kami sa isang alamat na nagsasabing tao, na katulad namin, ang dahilan ng pagkalikha ng lawa. Sa tingin ko, hindi naman ito isang pagyayabang kundi isang pag-asam, na bahagi kami ng tadhana ng lawa at ang lawa ang aming tadhana.
Gayundin, wala rin naman talagang nakasaksi sa mga sandaling iyon ng pagsilang ng aming lawa. Alin nga ba ang higit na paniniwalaan, ang haka-haka ng mga siyentipiko o ang haka-haka ng mga ninuno? Sapat na, sa ngayon, ang malamang may simula, na may pinagmulan ang lahat. Kung ano man iyon.
***
Ganyang lang talaga ang suliranin ng isang kasaysayang higit na matanda pa sa mga nakaaalala: ang nalilikhang mga guwang, mga patlang. Naroon na ang lawa bago pa dumating ang mga ninuno at mananatili ito sa aming paglipas. Napakalaking guwang ang malilikha mula sa pagkasilang nito hanggang sa pagdating ng mga unang tao sa mga bambang nito. Kaya marahil kailangang lumikha ng mga alamat.
***
Mula sa mga Espanyol ang pinakaunang tala tungkol sa aming lawa at sa aming bayan. Nang dumating daw sila, hindi lumaban ang mga ninuno ng bayan namin. Hindi dumanak ang dugo, hindi dakilang pagharap at pagtatanggol sa lupang tinubuan laban sa mga mananakop. Malugod silang tinanggap ng mga ninuno. Isang kataka-takang pangyayari para sa mga Espanyol ang pagtanggap sa kanila nang ganoong kalugod dahil saan man sila nagpunta’y, kung hindi pagdududa, karahasan ang sumasalubong sa kanila. Baka nauunawaan ng mga ninuno ang pagkapagal ng paglalakbay, ng pag-akyat ng mga bundok. Baka nauunawaan ng mga ninuno ang paghihirap na naranasan ng mga Espanyol upang harapin ang masusukal na gubat. Baka nauunawaan ng mga ninuno ang galak na naranasan ng mga Espanyol nang marating ang lawa.
Baka.
Ang sigurado lamang ako, nang dumating ang mga Espanyol, may lubos ang pagtanggap sa pagdating ng mga dayuhan habang mayroon ding nagduda. Kaya't nahati ang bayan dahil sa mga dayuhan. Ganoon ba talaga ang nangyayari sa lahat ng mga bayang nasakop?
***
Dapat ba itong ikahiya, itong di paglaban ng mga ninuno ng aming bayan? Ayokong manghusga.
***
Dati'y iisa lamang ang pangalan ng aming lawa at ng aming bayan. Pero pinalitan ang pangalan ng bayan. Binago ito ng mga Espanyol pagkatapos maging lubos ang pagtanggap ng mga ninuno ng Simbahan at Kapangyarihan ng Hari ng Espanya. Pero hindi nila inaasahan ang pagpapalit ng pangalan ng bayan. At maraming nagtanong sa kura paroko kung bakit pinalitan ang pangalan ng aming bayan at ano nga ba ang ibig sabihin ng pangalang iyon.
Ipinangalan ang bayan namin sa isang santo. Ayon sa mga kuwento, tumakas ang santong ito tungo sa mga bundok at disyerto ng Tebes sa Ehipto para makatakas mula sa paniniil laban sa mga sinaunang Kristiyano. Mula noon, sa bundok at disyerto na siya nanirahan at nabuhay sa tubig-batis at sa pagkain ng mga dahon at bunga ng puno. Ngunit dinalhan din siya ng mga piraso ng tinapay ng isang uwak at doon siya nabuhay hanggang mamatay siya at sinasabing umabot siya sa edad na 113. Nang mamatay siya, pinagtulungan ng mga leon na hukayin ang kanyang lilibingan.
At hindi naunawaan ng mga ninuno ng bayan namin kung ano ang kinalaman ng santong iyon sa bayan namin. Tulad ba ang bayan namin sa mga bundok at disyerto ng Tebes? Hindi ko alam. Pero tulad ng maraming pangalan, nasanay na rin ang mga ninuno ng bayan namin sa bagong pangalang iyon. Pero paano kaya ang mga unang panahong iyong kapapalit pa lamang ang pangalan ng aming bayan? Di kaya maraming naligaw? Di kaya maraming nalito? Pero baka mga dayo lamang iyon sa aming bayan ang nalito't naligaw. At mahirap maligaw sa sariling bayan. Kaya baka naging ganoon pa rin ang takbo ng kanilang buhay, gumising pa rin sila sa umaga, nagdasal, naligo, kumain ng agahan, nagtrabaho, nagtanghalian, nagtrabaho, umuwi, kumain ng hapunan, natulog. Dahil hindi naman nagbabago ang pagkakakilala mo sa sarili mong bayan kahit na magbago ito ng pangalan. Pareho pa rin naman ito, kahit papaano.
***
Aaminin ko, hindi ko alam ang lahat ng pangalan ng bawat kalye o lugar sa bayan namin. Kagaya nga ng sinabi ko, mahirap maligaw sa sariling bayan. Kahit na hindi mo alam ang pangalan ng mga daan, alam mo ang daan patungo sa nais mong puntahan. Hindi mo kailangang malaman ang pangalan ng mga kalye para makapunta ng palengke, makapunta ng simbahan, makapunta sa bahay ng kaibigan mo.
Syempre, kailangan mo ng pangalan ng isang lugar kapag sasakay ka sa traysikel. Pero kalimitan ay sapat na'ng ibigay ang pangalan ng isang barangay. At kapag malapit ka na sa gusto mong puntahan, kailangan mo lang ituro ang daan.
***
Hindi lamang ang pangalan ng bayan ang pinalitan. Pati ang mga pangalan ng mga barangay at mga sityo'y pinalitan. Pero nanatili ang mga lumang pangalan sa kamalayan namin hanggang ngayon. Atisan. Malamig. Wawa. Bulaho. Butocon. Macampong. Banlagin. Boe. Tikew. Imok. Banlagin. Balanga. Sapa. Tiim. Malinaw. Liptong. Tabaw. Sandig. Bunot. Ilog. Kaya halos kalahati ng bayan ay may opisyal at may lumang pangalan. May mga bagay talagang hindi malimot-limot.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento