Biyernes, Agosto 28, 2009

Ilang tala tungo sa isang thesis proposal

Noong high school, naaalala kong nakatambay lang kaming magkaklase. Hindi ko tanda kung bakasyon noon o tanghalian lamang ng isang school day o kung ano. Basta ang naaalala ko’y nakatambay lang kami. Dahil mga nerd kami, pinag-usapan namin ang mga paborito naming mga klase. Siguro mga 4th year na kami noon at nagpapaka-nostalgia dahil malapit na kaming magtapos. Pinag-usapan namin kung gaano namin kagusto ang Algebra at gaano kahirap ang Physics. Naaalala kong sinabi kong ayoko sa Philippine History dahil palaging talo ang mga Filipino. Walang pag-aalsa ang lubusang nagtagumpay. Ano’ng nanyari kay Diego Silang? Pinatay. Ano’ng nangyari kay Rizal? Binaril. Ano’ng nangyari kay Bonifacio? Pinatay ng mga kapwa niya rebolusyunaryo. At hindi lang kay Bonifacio nangyari iyon, kay Antonio Luna din. Si Aguinaldo? Hayun, nahuli’t kinailangang maging tuta ng mga Kano. Si Macario Sakay? Binitay. Kaawa-awa ang kasaysayan ng Pilipinas. Puros pagkasawi at pagkatalo. Kaya hindi kataka-taka na naghahanap tayo ng mga bayani kahit sa man lang larangan ng boksing.

Kung paghahambingin ang kasaysayan ng Pilipinas sa Kasaysayan ng Mundo, parang napakaikli ng sa atin. Dulot na rin siguro ito ng kolonyal nating karanasan. Palaging nagsisimula sa pagdating ni Magellan. May mga teorya, halimbawa, tungkol sa pagdating ng mga unang tao sa Pilipinas, kung aling Imperyong Asyano ang nagkaroon ng impluwensiya dito sa Pilipinas. Ngunit walang kuwento o naratibo ang malilikha hanggang sa dumating si Magellan.

At marahil doon magsisimula ang kuwento ng pagkasawi ng Pilipinas. Dahil nagsimula ang kuwento hindi sa simulang gusto natin kundi sa simulang gusto ng iba. Kaya’t kahit namatay si Magellan sa Mactan, natalo ang Pilipinas dahil sa kanyang pagkamatay sinisimulan ang lahat.

***

Unang-una, ano nga ba ang Kasaysayan? Sa pinakabuod nito at pinakatradisyunal nitong anyo, isa itong naratibo. Paglalatag ito ng mga mahahalagang pangyayari na kinasangkutan ng mahahalagang tao sa mga mahahalagang sandali’t lugar. At dahil naratibo, malaki ang impluwensiya nito sa kamalayan. Tulad ng paghubog na ginagawa ng mga kuwentong nasa puso’t isipan ng isang tao sa kanyang kamalayan, hinuhubog din ng Kasaysayan ang kamalayan ng tao. Dinidikta ng Kasaysayan na alam mo ang iyong pananaw sa mundo.

Kaya’t napakahalaga ng Kasaysayan. Ito ang isa sa mga maraming bagay na humuhubog sa isang tao. Ngunit isang aspekto lamang ng Kasaysayan ang nailalarawan ko. Hindi lamang natin nakakaharap ang Kasaysayan bilang naratibo. Nararanasan din natin ang Kasaysayan sa pang-araw-araw na buhay. Araw-araw tayong nakikibahagi sa Kasaysayan. Ang araw-araw ay palaging lumilipas at nagiging bahagi ng Kasaysayan. Palaging may personal na aspekto ang Kasaysayan.

Kaya mapapatanong ako, iniisip ba ng ordinaryong tao ang kasaysayan sa pang-araw-araw niyang buhay? Marahil hindi. Hindi niya iniisip kung ano ang hitsura ng kanyang pinagtatrabahuhan dati 50 o 60 taon na ang nakararaan maliban na lang kung ganoon katanda ang gusaling pinagtatrabahuhan niya. Kalimita’y nakatuon ang ordinaryong mamamayan sa kanyang ngayon, sa kanyang kailangang gawin ngayon. Hindi sa nakaraan. Sa mga holiday lamang tumatatak sa utak ng ordinaryong tao ang kasaysayan at hindi pa nga tungkol sa halaga ng araw na iyon sa ating Kasaysayan kundi dahil may bakasyon. Kung gayon, may bigat nga ba ang Kasaysayan para sa atin?

Kaya’t medyo nakalulungkot ito dahil, para sa akin, napakahalaga ng Kasaysayan. Popular na kasabihan na ang nakaraan ang nagtatakda ng ating kasalukuyan at ng hinaharap. Kaya’t para sa mga kuwentong ito, gusto kong pansinin hindi lamang ang mga mahahalagang pangyayari sa nakaraan kundi kung paano natin dinadanas ang Kasaysayan. Hindi ang pagtatanghal sa “Nakaraan” o “Kasaysayan” ang gagawin ko.

***

Maraming mga historyador ang malay sa isang pagtatangkang “bawiin” ang kasaysayan ng Pilipinas mula sa isang “banyagang” pananaw. Maraming pagtatangka na gumawa ng “people’s history” o kaya’y “history from below”. Kasaysayan natin para sa atin na gawa natin. Interesante itong pananaw dahil matindi ang umiiral na politika sa loob ng Kasaysayan at malay ang mga historyador tungkol dito. Kaya ang tingin sa Kasaysayan ay hindi obhektibong pagtatala ng mga pangyayari. Ang Kasaysayan, partikular na ang Kasaysayan natin, ay mayroon nang pagkiling na kailangang itama.

Pero paano mo itatama ang Kasaysayang alam mo nang tagilid o kaya’y puno ng mali? Hindi ba’t may panganib na maging tagilid din ang Kasaysayang isusulat? Paano kung walang Kasaysayang lubos na tama o tunay? Nagiging malinaw na ang Kasaysayan ay isang likha na representatibo ng isang politikal na tunguhin. Gayundin, parang kaduda-duda palagi ang Kasaysayan. Na para bang palaging may hidden agenda ang mga historyador. Kaya’t parang isang napakalaking black hole ang Kasaysayan. Kahit na anong gawin mong pagpupuno, hindi ito napupuno. Walang nakakawala sa Kasaysayan ngunit parang ang hirap sukatin ng halaga ng Kasaysayan para sa atin.

Kaya’t sa proyekto kong ito, isa nga bang “pagbawi” ang gagawin ko? Paano kung tuluyan nang naglaho ang gustong bawiin? May mga bagay mula sa nakaraan ang nananatili pero nabahiran na ito. Hindi na ito puro kung magpapaka-nativist tayo. Kailangang maging malay na lumilikha ako, lumilikha tayo, ng Kasaysayan.

Hindi na mababawi ang nakaraan. Nakaraan na ito. Ang maaari lamang mabawi ay ang kakayahang isalaysay ang sariling Kasaysayan. Babalikan ko ang talinghaga ng blackhole. Mukhang negatibo ito ngunit positibo din ito. Makapangyarihan ito at kung wala ito, wala rin ang isang galaxy. Kung walang Kasaysayan, wala tayong sentrong mapag-iikutan.

***

Ayokong masyadong seryosohin ang Kasaysayan. “Kasaysayan.” Parang napakaseryoso nang paksa, seseryosohin ko pa nang sobra-sobra sa loob ng mga kuwento ko. Gayundin, hindi naman talaga isang kasaysayan ang isinusulat ko kundi mga kuwento. Kaya gusto kong paglaruan ang Kasaysayan. Maglaro sa forma. Maglaro sa nilalaman. Mag-pastiche. Hubugin ito ayon sa kagustuhan ko o sa pangangailangan ng proyekto ng partikular na kuwento.

Kailangang linawin, di ibig sabihing gusto kong maglaro ay gusto ko nang bastusin ang Kasaysayan. Bagaman nakakaaliw, may seryosong tunguhin ang mga laro. Sa tradisyonal na panulaan, tinatangka ng laro ng bugtong na hasain ang isip ng tagapakinig ng bugtong at palawigin ang kanyang imahenasyon. Isang pakikipagtunggalian ang laro sa pagitan ng mga kalahok tungo sa pangkalahatang ikabubuti nila. Ngunit napakamakapangyarihan ng Kasaysayan. Mahirap makipaglaro sa isang katunggaling napakalakas. Kung babalikan ang talinghaga ng blackhole, maaari akong mahigop tungo sa kawalan. Ngunit kapana-panabik ang mga larong alam mong dehado ka. Bagaman malaki ang tsansang matalo ka, kapag nanalo ka naman, parang napakasarap ng pakiramdam.

Gayundin, kapag sinabing pastiche, parang napakanegatibo din nito. Isang panggagaya. Nililinaw ni Fredric Jameson ang pagkakaiba ng parody at pastiche. Halos pareho lang ang ginagawa ng dalawa, isang panggagaya. Ngunit may bahid ng katatawanan ang parody dahil pinagtatawanan nito ang orihinal. Sa pastiche, walang ganitong tawa. Pero hindi dahil walang tawa, seryoso na agad. Hindi dahil walang tawa, wala nang laro.

Hindi lamang mga forma, mga dokumento’t mga talang ikinakabit natin at nagiging mahalaga sa pag-unawa at pagdanas natin sa Kasaysayan, ang gusto kong i-pastiche. Gusto ko ring i-pastiche at mahuli ang kapangyarihan ng Kasaysayan. Gusto kong bigyan ng enerhiya’t kapangyarihan ang mga akda ko ng tulad sa pagbasa natin sa mga pangunahing tekstong pangkasaysayan. Ulit, malaki ang galang ko sa Kasaysayan. Isa itong malaking blackhole at kailangang pag-ingatin ang pakikitungo dito. Ngunit sa aking paglalaro at pakikipaglaro sa Kasaysayan, gusto kong busisiin ang kaibuturan ng kapangyarihan ng Kasaysayan. Paano nga ba gumagana ang Kasaysayan? Ano ba ang pinagkaiba nito sa ibang kuwento, ibang naratibo?

Kaya ayokong magsulat lamang ng “historical fiction”. Ayon kay Virgilio Almario, maraming mga kathang historikal ang napapasailalim sa mistipikasyon ng kasaysayan. Nakukulong ang mga akda sa di-mabaling “tadhana” na inilalatag ng Kasaysayan. Gusto kong lagpasan ang tadhana ng Kasaysayan. At sa tingin ko, sa paglalaro ko lamang ito magagawa.

***

Interesante para sa akin ang isang episode ng Crossroads sa ANC kung kailan pinag-usapan nila ang konsepto ng “kabayanihan” at kaugnay nito ang Kasaysayan. Pangunahing panauhin sina Jonathan Balsamo, tagapagsalita ng Philippine Historical Association at si Rep. Liwayway Vinzons-Chato. Tinatangka ni Rep. Vinzons-Chato na isabatas ang pagiging bayani ni Presidente Cory Aquino at kasabay noon ay formal na ilatag ang isang malinaw na proseso ng pagpaparangal sa mga bayani. Marami ang mga isyu na ang naungkat tungkol sa tamang sandali ng pagtatanghal ng isang bayani. Dapat lang bang parangalan ang isang tao bilang bayani habang buhay siya? Dapat bang parangalan siya pagkatapos na pagkatapos niyang mamatay? Kailangan bang maghintay lumipas ang isa o dalawang henerasyon bago natin sila parangalan?

Kakatwa ang diskusyon dahil lumalabas ang isyu ng panahon. Pabor si Rep. Vinzons-Chato sa agarang pagpaparangal sa isang tao dahil baka malimutan ang kanyang kabayanihan. Hindi naman lumalayo si Jonathan Balsamo sa nakagawiang paghihintay dahil sa paghihintay doon nahahasa’t nasusuri kung tunay nga bang mahalaga sa kamalayan ng sambayanan ang kabayanihan ng isang bayani. Lumalabas sa diskusyon ang isyu ng kamalayan at, sa isang banda, ng imahenasyon ng sambayanan. Kailangang magmalay ang mga mamamayan sa partikular na kuwento ng isang bayani upang tanggapin siya bilang bayani. Ngunit saan ba nagsisimula ang pagkukuwento ng kuwento ng isang bayani? Mula ba sa mga historyador na luklukan ng opisyal na kasaysayan o sa imahenasyon at karanasan ng sambayanan na dapat sana'y nakararanas ng kontribusyon ng mga bayani?

***

Ano nga ba ang relasyon ng Kasaysayan at Panitikan? Ayon kay Caroline Hau, kakaiba ang relasyong ito para sa Pilipinas. Nang tanghalin ang mga akda ni Jose Rizal bilang pangunahing teksto sa pagsasabansa, malalim na ang ugnayan ng Panitikan at Kasaysayan sa Pilipinas. Tinitingnan ang Panitikan bilang sisidlan ng kamalayang makabayan. Sa madaling salita, nagiging kasangkapan ang Panitikan ng Kasaysayan, ng pagsasabansa ng Pilipinas. Bakit nagkaganito? Dahil pala-palaging tinitingnan ang mga akdang pampanitikan, partikular ang mga kuwento’t nobela, bilang mga testamento ng partikular na sandali ng Kasaysayan. Samakatuwid, ang mga akdang pampanitikan ay lumilipas, tulad ng Kasaysayan. Pero paano kung baligtarin ko at gawin kong kasangkapan ng Panitikan ang Kasaysayan? Maaari bang mapako ang isang akdang historikal katulad ng pagpapakong ginagawa sa isang akdang pampanitikan bilang salamin ng isang partikular na sandali ng panahon? Noli at Fili sa panahon ng pagtatapos ng Kolonyalismong Espanyol. Banaag at Sikat at Pinaglahuan para sa mga unang taon ng Kolonyalismong Amerikano. Sa mga Kuko ng Liwanag para sa dekada 60. Kaya ba ng kathang historikal na lumutang mula sa isang partikular na sandaling pangkasaysayan habang sabay na nakikipaglaro sa Kasaysayan?

***

Isang komento ni Dave Lozada, naging guro sa Western History noong undergrad, tungkol sa henerasyon naming namulat pagkatapos ng People Power: na sa batang edad namin, malalim at marami nang mga politikal na pangyayari ang aming pinagdaanan. Ilang presidente, eleksiyon, kudeta, kontrobersiya at iba pa ang napagdaanan namin at marami sa amin ay hindi pa pwedeng bumuto noong sinabi niya iyon. Pero kung titingnan ko ang sarili ko at ng mga kahenerasyon ko, parang hindi naman talaga ganoon kahalaga ang mga karanasang ito. Nasaan na nga ba ang Kasaysayan sa aming buhay?

Walang komento: