Hindi nobela o maging mga librong pampanitikan ang una o pangunahin kong binasa noong bata ako. Kung sa oras na ginugol ang tatanungin, ang encyclopedia ang madalas kong binasa noong bata ako. Naaalala ko ang araw nang bilhin ni Dad ang isang buong set ng Grolier World Encyclopedia. Umuwi siyang may dala-dalang isang malaking kahong puno ng mga mga malalaki't mabibigat na mga aklat na matigas at kulay bughaw na pabalat. Kinailangan pang magpagawa ng isang bagong kabinet para sa mabibigat na tomo ng encyclopedia. Madalas ko iyong basahin kapag brown out o kaya may bagyo't walang kuryente. O madalas kapag wala lang talagang mapanood sa TV. At ang pinakapaborito kong tomo ang tomong naglalaman ng mga entry tungkol sa World War I at World War II. Basta naging interesado lang talaga ako sa World War. Syempre, hindi ko naman talaga binasa ang encyclopedia mula sa A hanggang Z. May mga piling artikulo lang talaga ang tinitigilan ko't binabasa. At depende lang talaga kung ano'ng makita ko at matripan. Madalas, kukuha lang ako ng isang random na tomo at magbabasa. Minsa'y ginagawa ko itong laro at magtatalon-talon ako sa mga tomo at hanapin ang mga artikulong nakapaloob sa isang tema.
At ito ang anyo ng encyclopedia, na bagaman nakaayos nang alpabetiko mula A hanggang Z, hindi naman talaga ito binabasa batay sa pagkakalatag at pagkakasunod-sunod ng mga artikulo. Isang bukas na akda ang isang encyclopedia, maaaring pasukin sa isa bahagi at matapos sa isa pa. Nagagawa ito ng encyclopedia dahil hindi natin hinahanapan ng isang malawakang naratibo ang nilalaman ng encyclopedia. Hindi lubhang natataranta ang batang isip ko noon na may kulang sa aking binasa. Hindi binabasa ang isang encyclopedia upang mabasa ang kabuuan nito kundi mabasa ang isang bahaging sa tingin mo'y mahalaga para sa iyo. Maaaring umiral nang mag-isa ang bawat artikulo ng isang encyclopedia. Kung may dagdag na impormasyon, may mga arikulong suhestiyon sa dulo ng mga artikulo. O kung may mga tao, lugar, bagay, pangyayari atbp. ang binabanggit sa isang artikulo, maaari iyong hanapin sa encyclopedia at basahin sa ibang pagkakataon. Gayundin, magkakasama sa loob ng encyclopedia ang iba't ibang larangan ng kaalaman, mula agham, matematika, kasaysayan, sining atbp. Walang nakatataas na larangan sa loob ng encyclopedia.
Kung tutuusin, isang kabalintunaan ang isang encyclopedia. Nagbibigay ito ng ilusyong nasa loob ng mga pahina nito ang kabuuang kaalaman ng sangkatauhan ngunit hindi naman talaga. Kung hahanapin ang mga partikular na artikulo tungkol sa mga tao sa kasaysayan ng Pilipinas, halimbawa, kulang na kulang ang Grolier World Encyclopedia namin sa bahay. At maging ang malawakang ginagamit na encyclopedia sa Internet, ang Wikipedia, ay kulang at maraming bunging pahina. Maraming mga pulang hyperlink ang ilang mga ilang mga artikulo na nangangahulugang wala pang impormasyong nakasulat tungkol sa paksang iyon. Kaya't isang ilusyon na pantay-pantay ang lahat ng bagay loob ng sistema ng encyclopedia. Kung wala ka sa loob nito, ibig sabihin lamang nito na hindi ka mahalaga o hindi ka pa mahalaga. Gayundin, masusukat din ang halaga ng isang paksa sa haba ng artikulo at detalyeng nakapaloob dito. At dito lumalabas ang politika ng isang encyclopedia, sa pamantayang ng isang partikular na grupo nakabatay ang pagpili ng mga paksang nakapaloob sa encyclopedia. Sa pamatayan ng editor at mga manunulat ang pagpili ng mga paksang isasama sa encyclopedia. Ngunit walang hanggan ang kaalaman at magiging walang hanggan ang trabaho ng isang editor at manunulat ng isang encyclopedia (kaya't idealistiko ang isang proyektong tulad ng Wikipedia) kaya't para maglabas ng isang edisyon, kailangang pumili lamang ang mga editor at manunulat ng mga partikular na paksa na sa tingin nila'y mahalaga. Gayundin, napapagaan ang trabaho sa paggawa ng isang encyclopedia dahil nariyan na ang mga naunang edisyon ng para dagdagan at repasuhin. Ngunit iyon lamang ang kayang gawin ng isang editor at manunulat ng encyclopedia, ang magsimula o kaya't magdagdag at magrepaso, hinding-hindi niya kayang buuin nang may katapusan ang encyclopedia dahil pala-palaging kulang ang ito. Hindi niya kayang sabihing "Tapos na" dahil walang katapusan ang kaalaman.
Ngunit nakakatakas ang encyclopedia sa kabalintunaang ito dahil sa kapangyarihan ng pagbubuod. Ibinubuod sa isang artikulo't sanaysay ang mga paksang pinag-ukulan ng mga libro ng mga eksperto. Sapat na ang buod upang ibahagi ang mga "mahahalagang" detalye nang walang nawawala sa pagiging "mahalaga" ng paksa. Hindi mo naman kailangang malaman ang paboritong pagkain ni Cleopatra o Andres Bonifacio pero mahalagang malaman na namatay sila sa mga panahon ng malaking pagbabago mga lipuna't bayan. Tulad ng pagpili ng paksa, isang politikal na desisyon ang pagbubuod ng mga paksa, kung ano'ng isasama o iisantabi sa artikulo.
Mahalaga para sa akin ang encyclopedia dahil, sa paglipas ng mga taon at unti-unti kong binubuo ang aking personal na estetika, tila bumabalik ako sa karanasang ito ng pagbabasa ng encyclopedia. Sa aking tinatapos na thesis tungkol sa kasaysayan ng isang fictional na bansa, malinaw sa akin ang tensiyong ito ng nakaraan, kasalukuyan at hinaharap ng aking mga kuwento. Na kahit sabihing may "katapusan" ang isang kuwento, nariyan ang katotohanang maraming mga bagay na hindi binaggit at hindi isinama sa loob ng naratibo. Kailangang tanggapin na maaaring isang pagbubuod ang bawat kuwento, ang bawat nobela at maging ang bawat tula sa harap ng kawalang hanggan ng kaalaman at karanasan. Ngunit tulad ng personal kong pinaniniwalaan tungkol sa karanasan ng panitikan (at maging ng sining), personal kong iniiwasan ang pagbubuod. At marahil nasa kalagayang iyon ng pagharap sa walang hanggan (Diyos?) nakikipagbuno ang isang manunulat sa paglikha ng kanyang mga akda. Na sa pagsusulat ng mga akda, partikular na ang mga kuwento, may pagsasaayos na ginagawa sa mga bagay-bagay na kung tutuusi'y mga bukas na mga paksa at may posibilidad ng kawalang-hanggan. At narito ba ang matatagpuan ang karanasan sa sining? Isa lamang ba itong personal na pagsasaayos? Hindi ko alam at marahil matatagalan pa ba ko malaman. Pero malay ako na ang bawat pagsusulat ay isang sandali ng pakikipagtunggalian sa alam natin at di natin alam, sa nasusukat at di nasusukat. Para sa akin, hindi na mahalaga kung palagi tayong nagsisimula o nagdaragdag lamang. Ang mahalaga, hindi natin nakakaligtaang abutin iyong walang hanggan, kung ano man iyon dahil sa pag-abot sa walang hanggan nasusukat ang kabuuan ng sangkatauhan.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento