Sipi mula sa isang kuwento para sa thesis. (May talababa ang kuwentong ito)
Relacion de las Islas de San Gabriel[1]
Isang taos-pusong pagbati sa inyo, Felipe III, Dakilang Hari ng Castilla at Leon, Aragon, Sicilia at Granada at Matapat na Alagad ng Simbahang Katoliko. Sumusulat ako sa inyo upang ilarawan nang higit na malalim ang mga lupaing napapasailalim na sa inyong pamamahala ayon sa dakilang gawain na iniatas ninyo sa amin na sakupin ang mga lupaing ito sa ngalan ng inyong Korona at sa Ngalan at Kadakilaan ng ating Panginoong Jesucristo, sa Nag-iisa at Walang-hanggang Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo na Lumikha sa Lahat at sa Simbahan Niyang itinatag dito sa Lupa at sa Kaluwalhatian ng Birheng Maria. Nais ko pong ipakita't ilarawan ang lupaing ito, kasama na rin ng mga munting kasaysayan kung paano ito nasakop, upang sa gayo'y inyong higit na mapangasiwaan ang malayong lupaing ito nang may karampatang kaalaman sa pinagdaanan at pangangailangan nito.[2] Maging gabay po sana ang sulat na ito tungo sa ikauunlad ng bagong Kolonyang inyong pinaghaharian, sa tulong ng Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo. Bukod pa po rito, nais ko ring ibahagi ang mahahalagang pangyayari sa lupaing itong aking inilalarawan nang sa gayo’y magkaroon kayo ng isang matapat at tunay na salaysay tungkol sa nangyari dito at hindi sumalalay sa mga kasinungalingang maaaring naging malaganap diyan, lalo na tungkol kay Kapitan Sevilla, ang yumao’t dakilang conquistador ng lupaing ito at matapat na alagad ng Korona’t Krus.[3] Naniniwala po akong, bagaman Diyos lamang ang Punong Tagapaghatol, hindi mababang gawain ang pagtatanghal sa Katotohanan na pala-palaging pinapanigan ng Diyos.
***
Bagong Bayan ng Catalina
Mula sa mga abo ng Maitacai, pinasimulan ni Kapitan Sevilla, na tinatapos ko ngayon, at sa tulong ni Datu Tanaw,[4] ang pagtatayo ng Bagong Bayan ng Catalina. Sa pagsang-ayon ni Datu Tanaw, pinalitan namin ang pangalan ng Maitacai upang ipahiwatig ang malaking pagbabagong kakaharapin ng bayan, na sa muli naming pagtatayo’t pagpapaunlad ng bayan, hindi lamang ang dating kadakilaan nito ang aming aabutin ngunit higit-higit pa doon.
Naging mabagal sa simula ang pagkukumpuni at pagtatayo ng bagong mga gusali dahil nagbabadya pa rin ang paglusob ni Datu Salam[5] sa amin. Kailangang hatiin sa iba’t ibang trabaho ang aming mga sundalo’t mandirigma. May mga inatasang magkumpuni ng iba’t ibang mga kailangang kumpunihin. May mga inatasang panatilihin ang kaayusan sa loob ng bayan. May inatasan namang magbantay sa mga kalabang nagbabanta mula sa mga kakahuyan. Minabuti na lamang namin ang pagbabalanse ng mga tauhan at sundalo upang hindi lubos na mapagod ang lahat.[6]
Pinakauna naming inayos ang nawasak na pader na pumapalibot sa bayan. Nagkaroon ng mga siwang sa pader na kinailangan naming punuan. Nang maayos na namin ito’y unti-unti naming itinayo ang mga bahay at gusaling nawasak. Ngunit imbes na panatilihin ang pabilog na kaayusan ng bayan, ipinataw ni Kapitan Sevilla ang isang kuwadradong paglalatag ng mga kalye at bahay. At sa gitna ng bayan namin itinayo ang bagong plasa at Simbahan ni San Juan Bautista. Mahalaga na maglaan ng ilang mga pangungusap tungkol sa simbahang ito dahil ito ang pinakamalaki at pangunahin sa mga simbahang itinayo namin dito. Unang-una, si Datu Tanaw, ang dating pinuno ng Bayan ng Maitacai at ngayo’y isa nang cabeza sa ating pamahalaan, ang nagmistulang patron ng pagpapatayo ng Simbahan ni San Juan Bautista. Gamit ang kanyang pera’t impluwensiya, mabilis ang pagpapatayo ng simbahan. At bagaman gawa lamang sa kahoy, mahirap mailarawan ang kakaibang ganda ng simbahang ito. Ngunit hindi doon nagtatapos ang kagila-gilalas na pananampalatayang ipinamamalas ni Datu Tanaw. Binanggit niya sa akin kamakailan ang mga plano niya upang muling itayo at gawin mula sa bato ang Simbahan ni San Juan Bautista. At buong puso kong hinikayat ang kanyang mga plano bagaman ipinaliwanag ko sa kanya na, sa ngayon, malayo sa mga plano ng ating pamahalaan ang mga planong ganoon.[7] Huli naming muling itayo ang daungan. Lalo naming pinalaki ang daungan upang tumanggap ng higit na maraming mga bangka at makadaong ang ating galleon.
Kaya’t hindi po naging mabilis ang pagtatayo ng Bagong Bayan ng Catalina ngunit naging biglaan para sa amin ang pagkasira ng Lumang Bayan ng Maitacai. Dahil tila po napakabilis ng mga pangyayaring kinasangkutan namin. Isang linggo pagkatapos magpabinyag ni Datu Tanaw, bigla siyang nagpakita sa amin sa Fuerza de San Miguel Arcangel nang madaling araw kasama ang dalawandaang mandirigma, nakasakay silang lahat sa mga bangka. Inakala naming pumunta siya upang atakihin ang aming kuta ngunit, pagkatapos makipagpulong kay Kapitan Sevilla, nalaman kong humihingi siya ng tulong mula sa amin. Pinatalsik siya, kasama ang pamilya ng mga madirigmang tapat na sumusunod sa kanya, mula sa Maitacai. Lumala ang tensiyong namagitan sa kanila ni Datu Salam at sa iba pang mga datu ng Maitacai. Higit na marami ang kumampi kay Datu Salam sa hanay ng mga datu at napatalsik si Datu Tanaw bilang pangunahing datu ng Maitacai. Agad na inihanda ni Kapitan Sevilla ang aming mga sundalo para sa isang labanan. Isinama din niya ang aming galleong Hilario upang magamit namin ang aming mga kanyon na pandagdag na lakas laban kay Datu Salam.
Sakay ng Hilario at kasama ang sandaan at limampung sundalo namin at ng dalawandaang mandirigma ni Datu Tanaw, agad kaming nagtungo sa Maitacai. Sa kabilang pampang kami nagtayo ng kampo at naghanda para sa laban. Nagpadala ng mga tagapagsalita sina Kapitan Sevilla at Datu Salam sa Maitacai at hiniling nilang sumuko si Datu Salam at ibalik ang Maitacai sa pamamahala ni Datu Tanaw. Naging matagal ang usapan at negosasyon ngunit naging matigas si Datu Salam, na hiniling ang pag-alis namin at hindi na magbalik sa San Gabriel. Ngunit naging malinaw ang huling salita ni Kapitan Sevilla, kapag hindi pa rin sila sumuko pagdating ng tanghaling-tapat, sisimulan na namin ang pagpapaputok at paglusob sa Maitacai. At dumating nga’t lumipas ang tanghaling-tapat ngunit hindi pa rin sumuko si Datu Salam kaya’t walang nagawa si Kapitan Sevilla kundi utusan ang Hilario na paputukan ang Maitacai. At kung gaano katagal ang pakikipag-usap at negosasyon noong umaga’y naging mabilis pagkatalo ni Datu Salam. Walang nagawa ang mga pader na kahoy ng Maitacai sa sunod-sunod na pagputok ng kanyon. Kaya’t naging madali ang pagbawi namin sa Maitacai. Wala sa mga sundalo namin ang namatay habang iilan lamang ang namatay o nasugatan sa hanay ng mga mandirigma ni Datu Tanaw. Sa hanay naman ng mga mandirigma ni Datu Salam, limampu mula sa kabuuang tatlondaan ang namatay sa mga kanyon o kaya’y sa kamay ng mga sundalo’t mandirigma sa aming panig. Hindi nagtagal ng kalahating minuto ang labanan. Ngunit sa kasamaang palad, nakatakas si Datu Salam at marami pa sa kanyang mga mandirigma. Nagtungo sila sa kasukalan ng gubat na hindi malayo sa bayan.
Marami ang bumabatikos kay Kapitan Sevilla sa kanyang mga pamamaraan at desisyon upang mabawi ang Maitacai. Na marami ang nasawi bukod pa sa mga mandirigma ni Datu Salam nang paputikan namin ang Maitacai gamit ng mga kanyon.[8] Na halos nawasak ang buong bayan dahil sa mga kanyon. Na sa gitna ng kaguluhan, kasiraan at kasawian, hindi man lamang namin napatay o nahuli si Datu Salam. Ngunit hindi nauunawaan ng mga bumabatikos na iniisip rin lamang ni Kapitan Sevilla ang higit na mahabang plano’t gawain namin sa lupaing ito. Hindi uhaw sa dugo si Kapitan Sevilla at kung maaari’t iiwasan niya ang isang laban. Iang tahimik at maunawaing tao ang pagkakakilala ko kay Kapitan Sevilla. Ngunit kung hindi namin agad nabawi ang Maitacai, hindi magiging maganda ang pagtingin ni Datu Tanaw sa amin at mawawalan siya ng pagtitiwala, hindi lamang kay Kapitan Sevilla kundi pati na rin sa Kapangyarihan ninyo. Kung hindi namin ginamit ang mga kanyon at pinalibutan lamang ang bayan at hintaying magutom at mauhaw si Datu Salam at ang kanyang mga mandirigma, baka mainip si Datu Tanaw. Kung hindi namin ginamit ang mga kanyon at agad na lusubin ang bayan gamit ang aming mga sundalo at mandirigma ni Datu Tanaw, baka marami sa aming hanay ang mamatay. Hindi iyon magandang makita ni Datu Tanaw at hindi rin iyon maganda kung sakaling hindi lamang si Datu Salam ang magpasyang lumaban sa amin. Kukulangin kami ng mga sundalo’t mandirigmang maaari lumaban kung kailanganin namin sila. Wala pong kaduda-duda at walang kaparis, sa aking pananaw, ang mga kakayahan ni Kapitan Sevilla pagdating sa sining ng pakikipagdigma.
At kung ano man po ang mga pagkawasak na nangyari sa Maitacai ay amin nang muling naitayo sa Catalina. At ngayon po, tulad ng ginagawa namin sa Fuerza de San Miguel Arcangel, inilalatag na po namin ang pundasyon ng isang batong pader na magtatanggol sa Catalina sakaling hindi maging sapat ang San Miguel bilang isang tanggulan. Gayundin, patuloy ang paglaki’t pagdami ng mga mamamayan ng Catalina sa patuloy na paglaganap ng inyong pamamahala at ang pagkalat ng Salita ng Diyos. Patuloy rin po ang pagdami ng mga mangangalakal galing sa iba’t ibang lugar, lalo na po mula Tsina, na dumadaong sa daungan ng Catalina. Sa katunayan nga po’y nag-uumapaw na po ang mga tao at hindi na sila magkasya sa loob ng mga pader ng Catalina. At malinaw po na patuloy ang paglago ng bago’t muling binuhay na bayan na ito at nawa’y sa ilalim ng inyong masusing pamumuno, patuloy itong lalago’t maging tanda ng Kadakilaan ng ating Kaharian sa ilalim ng inyong pamamahala.
----------
[1] [Tala ng tagapagsalin] Isinalin ko ang relaciones na ito noong taong 2009 upang higit na makilala ng mga Filipino ang kasaysayan ng Republika ng San Gabriel. Na sana’y maging tulay ang saling ito sa higit na pagkakaunawan ng San Gabriel at Pilipinas. Gayundin, makita sana ang malalim na pagkakaugnay ng dalawang bansa sa ilalim ng mga Kastila. Nagpapasalamat ako sa San Gabriel Ministry of Foreign Affairs para sa grant na ibinigay nila para sa pagsasalin ng dokumentong ito. Gayundin, salamat sa Translation Desk ng Ateneo Institute of Literary Arts and Practices. Sana’y hindi na manatili sa laylayan ang ating mga kasaysayan.
[2] Isinaayos ni Gobernador-Heneral Dominico Pablo de Muñoz (1560-1621) ang kanyang mga tala tungkol sa iba't ibang mahahalagang lugar sa isang alpabetikong pagkakasunod-sunod. Ngunit kung babasahin sa ganoong pagkakaayos, tila ang mga mahahalagang mga pangyayaring kanyang isinasalaysay ay nawawalan ng kaayusan. Kaya't upang makatulong sa mambabasa, lalo na sa mga mag-aaral ng kasaysayan, na maunawaan nang mabuti ang mga bahagi tungkol sa mga mahahalagang pangyayari sa mga unang taon ng pananakop ng San Gabriel, itatala ko ang isang kronolohikal na pagkakaayos ng mga tala: (1) Dalampasigan ng San Gabriel, (2) Ilog San Gabriel, (3) Fuerza de San Miguel Arcangel, (4) Lumang Bayan ng Maitacai, (5) Bagong Bayan ng Catalina, (6) Bundok San Pedro, (7) Gubat Maikauaian, (8) Lawa Imaculada Concepcion at Bundok San Jose. Bagaman hindi sakto ang pagsasaayos na ito, sana’y makatulong ito sa mambabasa.
[3] Antonio Bernardo de Sevilla y Borja (1549-1599) Tinutukoy ni Gobernador-Heneral Dominico Pablo de Muñoz ang sulat ng naunang Gobernador-Heneral Gregorio de Villafuerte (1543-1605) kung saan hindi naging maganda ang pagsasalaysay at paglalarawan sa nangyaring pananakop na pinamunuan ni Kapitan Sevilla.
[4] Datu Tanaw (1574?-1633). Siya ang ninuno ng makapangyarihang pamilya Tanaw dito sa San Gabriel.
[5] Datu Salam (?-1596): Pinaniniwalaang pinakaimpluwensiyal na datu sa buong San Gabriel sunod sa ama ni Datu Tanaw.
[6] Ayon sa mga dokumentong lumabas, isang paraan upang mabawasan ang mga sundalong nakabantay sa Maitacai laban sa mga mandirigma ni Datu Salam ay pagpupugot ng ulo ng mga labi ng mga mandirigma ni Datu Salam na napatay sa labanan at tutuhugin sa mga patpat na kawayan. Itutuhog naman sa palibot ng Maitacai ang mga patpat na may ulo bilang panakot sa mga kalaban at maging sa mga taong nag-iisip na mag-aklas.
[7] Noong taong 1660 nang matuloy ang planong gawing bato ang Simbahan ni San Juan Bautista. Naisagawa ito dahil noong 1659, nasunog ang lumang simbahang gawa sa kahoy. Pinamunuan ang pagtatayo ng simbahang bato sa ilalim ni Alfredo Tanaw III, apo sa tuhod ni Datu Tanaw. Ngunit mawawasak ang simbahang itong ginawa ni Alfredo Tanaw dahil sa isang lindol noong 1721 at sa taong din iyon itinayo ang Katedral ni San Juan Bautista na nakatayo pa rin hanggang ngayon.
[8] Pinaniniwalaang higit sa isang libo ang namatay kasama ang mga babae, matanda’t kabataang naipit sa labanan. Bagaman isa lamang itong hinuhang bilang na batay sa tinatantiyang laki ng Maitacai noong mga panahong iyon. Noong 1988, isang libingan na kinalalagyan ng mga buto’t labi na pinaniniwalaang nanggaling sa dalawandaang katao ang natagpuan nang simula ang pagtatayo ng isang fly-over sa lumang bahagi ng Lungsod ng Catalina.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento