1.
Pinanood ko noong isang linggo ang "Huling Balyan ng Buhi" ni Sherad Santos. Pinalabas iyon ng Loyola Film Circle bilang bahagi ng mga selebrasyon ng Buwan ng Wika.
Sinusundan ng pelikula ang nagsasali-salikop na buhay ng isang babaylan na mayroong stigmata, ng magkapatid na naglalaro sa loob ng gubat, ng isang sundalo, at ng isang grupo ng mga rebeldeng NPA sa Cotabato. Isang pagsusuri ang pelikula sa karahasang nangyayari sa lipunan lalo na sa kasaysayan at konteksto ng Mindanao at ng mga lumad. Maraming mga magagandang kuha ang pelikula, mga anggulong nahuhuli ang kagandahan ng kalikasan ng Cotabato.
2.
Matunog ngayon ang nangyayaring digmaan sa Mindanao laban sa mga rebelde. Malinaw itong pagpapakita ng lakas ng ating pamahalaan. Ngunit digmang kumbensiyunal nga ba ang solusyon sa pagkitil sa isang kalabang malinaw na hindi gumagamit ng kumbensiyunal na taktika? Kaduda-duda. Naaalala kaya ng ating pamahalaan ang nangyari noong panahon ni Erap nang mag-all-out din siya. Alam ko lang na maraming namatay, maraming nakidnap, at walang pinatunguhan ang labanan. Hindi matatapos ang pagdanak ng dugo.
3.
Napanood ko sa Cinemax ang isang serye ng dalawang pelikulang pinamagatang "Eagle One". Natuwa ako dahil gumamit sila ng mga Filipinong aktor. Karamihan sa kanila'y gumanap sila mga terorista. (Ang saya, di ba? Nang-e-export na pala tayo ng mga kontrabida.) May mga gumanap na sundalong Filipino din pero, maliban kay Alonzo, yung dating Mayor ng Caloocan, karamihan sa kanila'y namatay sa katapusan ng pelikula lalo na sa pangalawang pelikula.
Halata ang ideolohiyang pinapakalat ng pelikulang kagaya ng "Eagle One". Na karahasan lamang ang tanging solusyon laban sa terorismo. At bagaman malinaw na sa Filipinas ang tagpuan ng mga karahasang ito, Amerika ang pangunahing kalaban ng mga terorista. Proxy lamang tayo.
Hindi rin maganda ang paglalarawan sa mga sundalong Filipino. Tatanga-tanga at pang-comic-relief lamang sila, lalo na ang mga heneral, habang ang tunay na lumalaban sa terorismo ang mga Amerikano.
Ito rin kaya ang nangyayari sa digma natin sa Mindanao? Huwag naman sana.
4.
Nakakuha ako ng invite mula kay K para sumali sa Shelfari, isang online site na tumutulong sa pagsasaayos at pagka-catalogue ng koleksiyon mo ng mga aklat. Natuwa naman ako kaya kinakarer ko siya ngayon.
5.
Paano ko ipinagdiwang aking kaarawan ngayon? Wala. Nagsimba lang ako sa chapel. Baka nga hindi ako nakapagsimba kung hindi ako pinaalalahanan ni Mama noong tumawag siya sa akin para batiin ako. Pagkatapos ng misa, may nagnakaw ng aking payong mula sa umbrella rack SA TAPAT NG CHAPEL. Kung sino ka mang kumuha ng payong ko, kaawaan ka ng Diyos. Birthday ko naman kaya pagbibigyan kita. Mabuti na lang at tumila na ang ulan noon. Salamat sa mga bumati!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento